Kabanata 15
Ang Banal na Priesthood
“Mahal ko ang priesthood ng Simbahang ito. Ito ay isang mahalaga at buhay na bagay. Ito ang pinakadiwa at lakas ng gawaing ito. Ito ang kapangyarihan at awtoridad na ginagamit ng ating Diyos Amang Walang Hanggan upang isakatuparan ang Kanyang gawain sa lupa.”
Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley
Noong 1980, nakibahagi si Elder Gordon B. Hinckley at ang kanyang asawang si Marjorie sa tatlong-linggong paglibot sa Asia, at nagsalita sa mga area conference at nakibahagi sa paglalaan ng Tokyo Japan Temple. Bago umuwi, naglakbay sila patungong Japan Sendai Mission, kung saan nangulo si Elder Hinckley sa paglikha ng unang stake sa mission. Bago nakipagpulong sa bagong stake presidency, kinausap ni Elder Hinckley ang mission president na si Kiyoshi Sakai. “Tinanong niya ang nagulat na si President Sakai kung mayroon itong inilaang langis at idinagdag na, ‘Pagod na pagod ako; puwede mo ba akong basbasan?’ Nagunita ni President Sakai, ‘Takot na takot ako at nadamang napakahina ko para basbasan ang isang Apostol ng Panginoon. Sinabi ko sa kanya na hindi ko siya mababasbasan sa Ingles. Sinabi ni Elder Hinckley na ayos lang ang wikang Japanese. Kaya nagpatuloy kami ni Elder Hitoshi Kashikura, ang Regional Representative.’ Matapos bigkasin ang pagbabasbas, nagsabi lang si Elder Hinckley ng, ‘Salamat, salamat. Makakauwi na ako bukas.’
“Kinaumagahan ay mukhang malakas at malusog na si Elder Hinckley, at nang tanungin siya ni Pangulong Sakai kung ano ang pakiramdam niya ay sumagot siya ng, ‘Dai Jobu, mas mabuti na ang pakiramdam ko. Magaling na ako.’ Pagkaraan ng ilang araw tumanggap ng liham ng pasasalamat si President Sakai mula kay Elder Hinckley, na nagsabing: ‘… Maraming salamat sa basbas na ibinigay ninyo sa akin. Agad gumanda ang pakiramdam ko pagkatapos niyon. Mabilis at lubos akong gumaling. Labis kaming nagpapasalamat ni Sister Hinckley sa pribilehiyong manatili sa inyong mission home.’”1
Madalas patotohanan ni Pangulong Hinckley ang mga pagpapala ng priesthood, mula sa mahimala ngunit pansamantalang mga pagpapala ng pisikal na paggaling hanggang sa walang hanggan at nagbibigkis na mga pagpapala sa pamamagitan ng mga ordenansa sa templo. Ipinahayag niya, “Naniniwala ako na nasa Kanyang priesthood ang banal na awtoridad—ang kapangyarihang magbasbas, kapangyarihang magpagaling, kapangyarihang mamahala sa mga gawain ng Diyos sa lupa, kapangyarihang ibuklod sa kalangitan yaong ibinuklod sa lupa.”2
Mga Turo ni Gordon B. Hinckley
1
Ipinanumbalik na ng Diyos ang priesthood at ang mga susi ng kaharian ng langit.
Ang kapangyarihan at awtoridad ng priesthood [ay] ibinigay sa mga kalalakihan noong una. Ang mas mababang awtoridad ay ibinigay sa mga anak ni Aaron para mangasiwa sa temporal na mga bagay gayundin sa ilang sagradong eklesiastikong ordenansa. Ang mas nakatataas na priesthood ay ibinigay ng Panginoon sa Kanyang mga Apostol, ayon sa Kanyang pahayag kay Pedro: “Ibibigay ko sa iyo ang mga susi ng kaharian ng langit: at anomang iyong talian sa lupa ay tatalian sa langit; at anomang iyong kalagan sa lupa ay kakalagan sa langit” (Mateo 16:19).
Kabilang sa ganap na panunumbalik ng priesthood ang pagdating ni Juan Bautista … at nina Pedro, Santiago, at Juan. … Dumating din sina Moises, Elias, at Elijah, bawat isa ay nagkaloob ng mga susi ng priesthood para makumpleto ang gawain ng pagpapanumbalik ng lahat ng mga gawa at ordenansa ng mga naunang dispensasyon dito, sa dakila at huling dispensasyon ng kaganapan ng mga panahon.
Narito ang priesthood. … Alam natin, dahil nakita natin, ang kapangyarihan ng priesthood. Nakita nating gumaling ang mga maysakit, na nakalakad ang mga lumpo, at ang pagdating ng liwanag at kaalaman at pang-unawa sa mga dating nasa kadiliman.3
Minsa’y inilarawan ni Propetang Joseph Smith [ang priesthood] sa mga salitang ito: “Ang Priesthood ay isang walang-hanggang alituntunin, at umiral na kasabay ng Diyos mula sa kawalang-hanggan, at [iiral] hanggang sa kawalang-hanggan, na walang simula ng mga araw o katapusan ng mga taon.” (History of the Church, 3:386.)
Ito ay tunay na kapangyarihan ng Diyos na ibinigay sa tao upang kumilos sa Kanyang pangalan at bilang kinatawan Niya. Ito ay pagkakaloob ng banal na awtoridad, na naiiba sa lahat ng iba pang kapangyarihan at awtoridad sa balat ng lupa. Hindi nakapagtatakang ipinanumbalik ito sa tao ng mga nabuhay na mag-uling nilalang na mayhawak nito noong unang panahon, upang walang mag-alinlangan sa awtoridad at katotohanan nito. Kung wala ito, pangalan lang ang dala ng simbahan, at wala itong awtoridad na mangasiwa sa mga bagay na ukol sa Diyos. Sa pamamagitan nito, walang imposible sa pagsusulong ng gawain ng kaharian ng Diyos. Likas ang kabanalan nito. Kapwa temporal at walang hanggan ang awtoridad nito. Ito lang ang kapangyarihan sa mundo na umaabot hanggang sa kabilang-buhay.4
2
Ang priesthood ay ang kapangyarihan at awtoridad na ginagamit ng Diyos upang isakatuparan ang Kanyang gawain.
Mahal ko ang priesthood ng Simbahang ito. Ito ay mahalaga at buhay. Ito ang pinakadiwa at lakas ng gawaing ito. Ito ang kapangyarihan at awtoridad na ginagamit ng ating Diyos Amang Walang Hanggan upang isakatuparan ang Kanyang gawain sa mundo.5
Ang banal na priesthood ay may awtoridad na pamahalaan ang mga gawain ng kaharian ng Diyos sa lupa. Sa ilalim ng mga paghahayag ng Panginoon, ang Simbahan ay dapat pamunuan ng tatlong namumunong high priest. Tutulungan sila ng isang konseho ng Labindalawang Apostol, na tutulungan naman ng … Pitumpu. Isang Presiding Bishopric na may tatlong miyembro ang responsable sa mga gawaing temporal sa ilalim ng pamamahala ng Panguluhan. Lahat ng ito ay mga opisyal ng priesthood. Ang kapangyarihang iyon na bigay ng langit ang awtoridad na gamit nila sa pamamahala. Gayon din sa mga stake at ward na may mga panguluhan at bishopric. Gayon din sa mga korum. Ginagawa ng mga namumuno sa auxiliary ang kanilang gawain sa ilalim ng pamamahala at pag-aatas ng priesthood. Kung walang priesthood maaaring tawaging simbahan ito, pero wala itong tunay na kahalagahan. Ito ang simbahan ni Jesucristo, at pinamamahalaan ito ng awtoridad na iyon na “alinsunod sa Orden ng Anak ng Diyos.” (D at T 107:3.)6
3
Ang mga pagpapala ng priesthood ay dapat matamasa ng lahat.
[Ang priesthood] … ay bahagi ng plano ng ating Diyos Amang Walang Hanggan upang pagpalain ang buhay ng Kanyang mga anak na lalaki at babae sa lahat ng henerasyon.7
Kabilang sa banal na priesthood ang kapangyarihang magbasbas. Para sa mga may Aaronic Priesthood, kaakibat nito ang awtoridad na ibigay sa kongregasyon ang mga sagisag ng laman at dugo ng Panginoon, na nagbuwis ng Kanyang buhay bilang sakripisyo para sa lahat. Ang sakramento at ang pakikibahagi sa mga sagisag na ito ang pinakadiwa ng ating pagsamba sa araw ng sabbath. Kabilang dito ang pagpapanibago ng mga tipan sa Diyos. May pangako ito na sasamahan tayo ng Kanyang Banal na Espiritu. Ito ay isang pagpapalang walang katulad na dapat matamasa ng lahat at ginawang posible ng awtoridad na ibinigay sa karapat-dapat na mga kabataang lalaki. …
Ang Melchizedek Priesthood ay may awtoridad na magkaloob ng Espiritu Santo. Napakalaking pagpapala ang maimpluwensyahan ng paglilingkod ng isang miyembro ng Panguluhang Diyos, matapos matanggap ang kaloob na iyon sa mga kamay ng mga taong kumikilos nang may banal na awtoridad. Kung patuloy tayong magpapakabanal, maaari nating matamasa ang katuparan ng pangakong ginawa ng Panginoon nang sabihin Niyang: “Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan; at ang iyong pamamahala ay magiging walang hanggang pamamahala, at sa walang sapilitang pamamaraan ito ay dadaloy sa iyo magpakailanman at walang katapusan.” (D at T 121:46.)
Kabilang sa priesthood ang kapangyarihang magbasbas sa maysakit. May nakikinig ba sa akin dito na hindi pa nakagamit o nakadama ng banal na kapangyarihang iyon? Mayroon ba sa atin na nag-aalinlangan sa bisa nito? Maikukuwento natin ang mga himala, na sagrado at kahanga-hanga, na nasaksihan natin sa ating sariling karanasan. …
Ang banal na Melchizedek Priesthood na ito ay may kapangyarihang magbasbas nang may propesiya, na nagbibigay ng kapanatagan, suporta, patnubay. May mga patriarch tayo sa ating kalipunan na, sa ilalim ng awtoridad na hawak nila, ay nagpapahayag ng lipi natin at bumibigkas ng mga basbas na gagabay sa atin. Ang mga basbas na ito ay maaaring maging tulad sa isang angkla na makakapitan natin para manatiling matatag sa mga unos ng buhay.
Sa pinakamagandang pagpapahayag nito ang banal na priesthood ay may awtoridad na magbuklod sa lupa at gawing mabisa ang pagbubuklod na iyon sa kalangitan. Ito ay kakaiba at kamangha-mangha. Ito ang awtoridad na ginagamit sa mga templo ng Diyos. Para ito sa mga buhay at sa mga patay. Ito ang pinakadiwa ng kawalang-hanggan. Ito ay banal na kapangyarihang ipinagkaloob ng Maykapal bilang bahagi ng Kanyang dakilang plano para sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao.
Napakahalaga ng kaloob na ito ng Diyos sa atin.8
4
Ang mga anak ng Diyos na mayhawak ng Kanyang banal na awtoridad ay dapat maging tapat sa abot ng kanilang makakaya.
Bawat karapat-dapat na lalaki, anuman ang kanyang nasyonalidad, katutubong pinanggalingan, o anupamang dahilan, ay maaaring tumanggap ng priesthood. Ang kanyang pagsunod sa mga kautusan ng Diyos ang magpapasiya kung karapat-dapat siyang tumanggap nito. Ang paggawad nito ay nakabatay lamang sa pagiging karapat-dapat sa harap ng Panginoon. …
Gayon ang kagandahan ng priesthood na ito. Ang yaman ay hindi batayan. Ang edukasyon ay hindi batayan. Ang mga parangal ng tao ay hindi batayan. Ang pinakamahalagang batayan ay ang pagiging katanggap-tanggap sa Panginoon.9
Dumating na ang panahon para sa lahat sa atin na naorden sa Aaronic o sa Melchizedek Priesthood, at sa anuman sa mga katungkulang bahagi nito, na pagnilayan ang ating buhay, suriin ang ating mga pagkukulang, at pagsisihan ang mga pag-uugaling hindi angkop sa mataas at banal na utos na natanggap natin. …
Walang sinumang lalaki, bata man o matanda, … na … naorden, ang maaaring balewalain ang kapangyarihang taglay niya. Siya ay katuwang ng Diyos at may tunay at sagradong obligasyong mamuhay ayon sa paraan na siya ay magiging karapat-dapat magsalita at kumilos sa pangalan ng Diyos bilang nararapat niyang kinatawan.10
Kahit ipatong ng mga may awtoridad ang kanilang mga kamay sa ating ulo at iorden tayo, maaaring mawalan ng bisa at kabuluhan ang anumang karapatang gamitin ang banal na awtoridad na ito dahil sa pag-uugali natin.
… “Walang kapangyarihan o impluwensiya na maaari o nararapat na panatilihin sa pamamagitan ng kabanalan ng pagkasaserdote, tanging sa pamamagitan lamang ng paghihikayat, ng mahabang pagtitiis, ng kahinahunan at kaamuan, at ng hindi pakunwaring pag-ibig;
“Sa pamamagitan ng kabaitan, at dalisay na kaalaman, na siyang lubos na magpapalaki ng kaluluwa nang walang pagkukunwari, at walang pandaraya” (D at T 121:41–42).
Ngayon, mga kapatid, iyon ang mga hangganang dapat gamitin ng priesthood na ito. Hindi ito tulad ng isang balabal na isinusuot natin at huhubarin kung kailan natin gusto. Ito, kapag ginamit sa kabutihan, tulad ng mismong himaymay ng ating katawan, ay bahagi natin sa lahat ng oras at pagkakataon.11
Dapat tayong maging tapat sa kahusayang taglay natin. Tayo’y mga anak ng Diyos na ikinararangal na taglayin ang Kanyang banal na awtoridad. Ngunit naliligiran tayo ng kasamaan. Lagi nang may kapangyarihang humihila sa atin pababa, na binubuyo tayong gawin ang mga bagay na hindi akma sa banal na priesthood na taglay natin. …
Sa inyong mga kalalakihan narito ang hamon. Layuan ang agos ng kahinaang dadaig sa inyo. Takasan ang mga kasamaan ng mundo. Maging tapat sa mas mabuti ninyong pagkatao. Maging tapat sa kahusayang taglay ninyo. Maging tapat at totoo sa mga tipang kaugnay ng priesthood ng Diyos.12
Sa bawat namumuno, sa bawat guro sa Simbahang ito na may katungkulan sa priesthood, sagradong responsibilidad ninyong gampanang mabuti ang tungkuling iyon sa priesthood. Responsibilidad ng bawat isa sa atin ang kapakanan at pagsulong at pag-unlad ng iba. Hindi tayo nabubuhay para lamang sa ating sarili. Kung gagampanan nating mabuti ang ating tungkulin, hindi tayo dapat mabuhay para lamang sa ating sarili.13
Maraming kalalakihan ang tila nag-iisip na dahil sila ay naorden, kanila na ang priesthood habambuhay para gamitin kapag gusto nila. Pakiramdam nila’y maaari nilang labagin ang isang tipan at isang kautusan paminsan-minsan, at magkasala sa ganito o ganoong paraan, ngunit sa kabila niyon ay mayroon pa rin silang kapangyarihan ng priesthood at na pagtitibayin ng Diyos ang sinasabi nila sa Kanyang banal na pangalan at sa pangalan ng Manunubos. Ito ay isang pangungutya, at naniniwala ako na sa paggawa niyon, ginagamit nila ang pangalan ng Diyos sa walang kabuluhan. Nilalapastangan nila ang pangalan ng Kanyang Pinakamamahal na Anak. Dinudungisan nila ang sagradong kaloob na dumating sa pamamagitan ng pag-oorden, at ang awtoridad na nawala sa kanila dahil sa paglabag. …
… Binabalaan ko ang lahat, bata at matanda, na talikuran ang kasalanan. Ang paglabag ay salungat sa banal na awtoridad. Iwasan ang pornograpiya na tulad ng pag-iwas ninyo sa salot. Iwasan ang anumang kasalanang seksuwal. Iwasang magsinungaling at manlinlang. Isinasamo ko sa inyo na pigilan ang anumang pagmamataas o walang-kabuluhang ambisyon. Hinihiling ko na suriin ninyo ang inyong sarili upang tiyakin na hindi ninyo nagagawang dominahin o puwersahin ang inyong asawa o mga anak. …
… Alam ko na hindi natutuwa ang ating Ama sa Langit sa sinumang matanda o batang lalaki na tumatanggap ng pag-oorden at pagkatapos ay nagpapasasa sa kasamaan. Sa pagtanggap mismo ng pag-oorden pumapasok siya sa isang sumpa at tipan sa pagitan niya at ng kanyang Diyos.14
Walang sinumang lalaki, kabataan man o nakatatanda, ang namumuhay ayon sa mga pamantayan ng priesthood na humahamak o nagpapawalang-halaga sa kababaihan, na hindi nagpapakita ng paggalang sa mga anak na babae ng Diyos na siyang gusto ng ating Ama sa Langit na gawin nila.15
Maging mabuti tayong asawa at ama. Sinumang lalaking malupit sa kanyang pamilya ay hindi karapat-dapat sa priesthood. Hindi siya nararapat maging kasangkapan sa kamay ng Panginoon kung hindi siya gumagalang at mabait at mapagmahal sa pinili niyang makasama sa buhay. Gayon din, ang sinumang lalaki na hindi mabuting halimbawa sa kanyang mga anak, na madaling magalit, o sangkot sa kasinungalingan o kahalayan ay mawawalan ng bisa ang kanyang priesthood.16
Ang kabiyak na inyong pipiliin ay magiging kapantay ninyo. … Ang babae ay di ninyo alipin, pag-aari, o anumang katulad nito. Nakalulunos at kamuhi-muhi ang pang-aabuso sa asawa. Sinumang lalaki sa Simbahang ito na umaabuso sa kanyang asawa, nagmamalupit sa kanya, nang-iinsulto, o di-makatwiran ang pakikisama sa kanya ay di karapat-dapat na magtaglay ng priesthood. Bagama’t maaaring naordenan siya, ang kalangitan ay lalayo, ang Espiritu ng Panginoon ay magdadalamhati, at ito na ang wakas ng kapangyarihan ng priesthood ng taong iyon. Sinumang lalaking gagawa nito ay di-nararapat humawak ng temple recommend. …
… Kung mayroon mang … gumagawa ng gayon, magsisi na kayo. Lumuhod kayo at hilingin sa Panginoon na patawarin kayo. Idalangin sa Kanya na bigyan kayo ng kapangyarihang pigilin ang inyong dila at ang bigat ng inyong kamay. Humingi ng tawad sa inyong asawa at mga anak. …
Nakatitiyak ako na kapag humarap tayo sa hukuman ng Diyos, halos hindi babanggitin kung gaano tayo kariwasa sa buhay o kung may karangalan tayong nakamtan. Ngunit may mga tanong hinggil sa pagtrato natin sa ating pamilya. At naniniwala ako na tanging ang mga namuhay lang nang may pagmamahal at paggalang at pagpapahalaga sa kanilang kabiyak at mga anak ang tatanggap mula sa ating walang hanggang hukom ng mga salitang, “Mabuting gawa, mabuti at tapat na alipin: … pumasok ka sa kagalakan ng iyong panginoon” (Mat. 25:21).17
5
Ang korum ng priesthood ay maaaring maging angkla ng lakas para sa mga miyembro nito.
Nakatitiyak ako na nilayon ng Panginoon na ang korum ng priesthood ay dapat maging higit pa sa isang klase sa teolohiya tuwing Linggo ng umaga. Mangyari pa, ang pagkakaroon ng espirituwalidad at pagpapalakas ng patotoo sa pamamagitan ng epektibong pagtuturo ng ebanghelyo ay isang mahalagang responsibilidad ng priesthood. Ngunit isang yugto lamang ito ng tungkulin ng korum. Bawat korum ay dapat maging isang kapatirang nagtutulungan para sa bawat miyembro kung gusto nilang matupad ang layunin nito. …
… Ang korum ng priesthood ay ang organisasyon ng Panginoon para sa kalalakihan ng Simbahan, tulad ng Relief Society na organisasyon ng Panginoon para sa kababaihan ng Simbahan. May responsibilidad ang bawat isa, na mahalaga sa dahilan ng pagkakabuo nito, na tumulong sa mga nangangailangan.
Sinabi ni Propetang Joseph tungkol sa kababaihan ng Samahang ito nang maorganisa ang Relief Society: “Matutugunan nila ang pangangailangan ng mga dayuhan; bubuhusan nila ng langis at alak ang sugatang puso ng naghihinagpis; papahirin nila ang mga luha ng mga ulila at pasasayahin ang puso ng balo” (Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith [2007], 530). Umaasa ako na ganito rin ang masasabi tungkol sa kalalakihan ng priesthood.
Magiging napakagandang araw nito … kapag ang ating mga priesthood quorum ay magiging angkla ng lakas ng bawat lalaki na kabilang dito, kapag nasabi ng mga lalaking ito na, “Ako ay miyembro ng priesthood quorum ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Handa akong tulungan ang aking mga kapatid sa lahat ng kanilang pangangailangan, at tiwala akong handa rin sila na tulungan ako. Sa pagtutulungan, uunlad kami sa espirituwal bilang mga pinagtipanang anak na lalaki ng Diyos. Sa pagtutulungan, mananaig kami, nang walang pagkapahiya at walang takot, laban sa maaaring paghagupit ng kalaban o kahirapan, maging ito man ay sa ekonomiya, panlipunan, o espirituwal.”18
6
Sa mga tahanan at sa Simbahan, nagtutulungan ang kalalakihan at kababaihan para isulong ang kaharian ng Panginoon.
Oo, taglay ng kalalakihan ang priesthood. Ngunit katuwang ko ang aking asawa. Sa Simbahang ito ang lalaki ay hindi lumalakad nang nauuna o nahuhuli sa kanyang asawa kundi sa tabi niya. Pantay ang pananagutan nila sa buhay na ito sa isang dakilang gawain.19
Malakas at malaki ang kakayahan ng kababaihan ng Simbahang ito. May pamumuno at patutunguhan, isang tiyak na diwa ng kasarinlan, gayunman may malaking kasiyahan sa pagiging bahagi ng kahariang ito ng Panginoon, at sa pakikipagtulungan sa [mga mayhawak ng] priesthood upang maisulong ito.20
Pinasasalamatan ko ang aking Amang Walang Hanggan para sa panunumbalik ng banal na priesthood, na “makapangusap ang bawat tao sa pangalan ng Diyos, ang Panginoon, maging ang Tagapagligtas ng sanlibutan” (D at T 1:20). Nakita ko ang ganda at himala ng priesthood na iyon sa pamamahala ng kahanga-hangang simbahang ito. Nadama ko ang kapangyarihan nito sa pamamagitan ko sa pagbasbas at pagpapagaling ng maysakit. Nakita ko ang pagpapadakila nito sa mga lalaking mapagpakumbaba na tinawag sa dakila at mabigat na responsibilidad. Nakita ko ito nang magsalita sila nang may kapangyarihan at awtoridad mula sa langit na para bang ang tinig ng Diyos ay nagsasalita sa pamamagitan nila.
Pinasasalamatan ko ang Panginoon para sa patotoong ibinigay niya sa akin tungkol sa kabuuan ng ebanghelyo, sa lawak at abot at lalim nito. Dinisenyo ito upang mapagpala ang mga anak na lalaki at anak na babae sa lahat ng mga henerasyon ng panahon—kapwa ang buhay at ang patay.21
Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo
Mga Tanong
-
Rebyuhin ang mga turo ni Pangulong Hinckley sa bahagi 1 tungkol sa panunumbalik ng priesthood. Anong mga karanasan ang nakatulong sa inyo para magtamo ng patotoo tungkol sa mga katotohanang ito?
-
Itinuro ni Pangulong Hinckley, “Ang banal na priesthood ay may awtoridad na pamahalaan ang mga gawain ng kaharian ng Diyos sa lupa” (bahagi 2). Paano naaangkop ang katotohanang ito sa mga stake at ward? sa mga korum? sa Relief Society? Paano pinalalakas ng awtoridad ng priesthood ang inyong paglilingkod sa kaharian ng Diyos?
-
Sa bahagi 3, pag-aralan muli ang mga pagpapalang matatanggap nating lahat sa pamamagitan ng priesthood. Sa anong mga paraan ninyo nadama ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood?
-
Ano ang matututuhan natin mula sa mga turo ni Pangulong Hinckley tungkol sa pagkakaiba ng awtoridad ng priesthood sa kapangyarihan ng priesthood? (Tingnan sa bahagi 4.) Ano sa palagay ninyo ang ibig sabihin ng “maging tapat sa abot ng makakaya [niya]” ang isang maytaglay ng priesthood? Bakit “hindi dapat mabuhay para lamang sa [kanilang] sarili” ang mga maytaglay ng priesthood?
-
Sa bahagi 5, ano ang hinahangaan ninyo tungkol sa mga paglalarawan ni Pangulong Hinckley sa mga korum ng priesthood at Relief Society? Ano ang magagawa natin sa ating ward o branch para masunod ang payo niya?
-
Bakit kailangang magtulungan ang kalalakihan at kababaihan nang may “pantay na pananagutan” upang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon? (Tingnan sa bahagi 6.)
Mga Kaugnay na mga Banal na Kasulatan
Sa Mga Hebreo 5:1–4; 1 Nephi 14:12–14; Alma 13:1–9; D at T 84:33–44; 88:133; 112:30–32
Tulong sa Pagtuturo
“Magtanong ng mga katanungan na humihingi sa mga mag-aaral na hanapin ang mga kasagutan sa mga banal na kasulatan at sa mga turo ng mga propeta sa mga huling araw” (Pagtuturo, Walang Higit na Dakilang Tungkulin [2000], 76).