Mga Turo ng mga Pangulo
Kabanata 22: Pagtulong nang May Pagmamahal sa mga Bagong Convert at Di-Gaanong Aktibong Miyembro


Kabanata 22

Pagtulong nang May Pagmamahal sa mga Bagong Convert at Di-Gaanong Aktibong Miyembro

“Kailangan nating [ma]isaisip palagi ang napakalaking obligasyon na pakisamahan … ang mga convert sa Simbahan, at na tulungan nang may pagmamahal yaong mga … di-gaanong aktibo.”

Mula sa Buhay ni Gordon B. Hinckley

Ang isang temang binigyang-diin ni Pangulong Hinckley sa buong paglilingkod niya bilang Pangulo ng Simbahan ay ang kahalagahan ng pagtulong sa mga bagong convert at sa mga di-gaanong aktibo sa Simbahan. Nagbahagi siya ng maraming halimbawa ng kanyang mga personal na pagsisikap sa bagay na ito, na ang isa ay malungkot niyang inilarawan na “isa sa mga pagkukulang ko.” Ipinaliwanag niya:

“Habang naglilingkod bilang missionary sa British Isles, tinuruan namin ng kompanyon ko ang isang binata, at ikinagalak naming mabinyagan siya. Napakaedukado niya. Pino siyang kumilos. Masipag siyang mag-aral. Ipinagmalaki ko ang matalinong binatang ito na sumapi sa Simbahan. Pakiramdam ko nasa kanya na ang lahat ng katangiang maging lider ng ating mga miyembro balang-araw.

“Nag-a-adjust pa siya noon sa malaking pagbabago mula sa pagiging convert tungo sa pagiging miyembro. Bago natapos ang misyon ko, nagkaroon ako ng pagkakataong maging kaibigan niya. Pagkatapos ay na-release na ako para makauwi. Binigyan siya ng maliit na responsibilidad sa branch sa London. Wala siyang kaalam-alam kung ano ang inaasahan sa kanya. Nagkamali siya. Ang pinuno ng organisasyong pinaglingkuran niya ay isang taong masasabi kong hindi marunong magmahal at mahilig mamintas. Walang-awang kinastigo niya ang kaibigan kong nakagawa ng simpleng pagkakamali.

“Nilisan ng binata ang inuupahan naming gusali noong gabing iyon na balisa at masama ang loob. … Sinabi niya sa kanyang sarili, ‘Kung ganyang klaseng mga tao sila, hindi na ako babalik.’

“Hindi na siya nagsimba. Lumipas ang mga taon. … Noong nasa England ako [ulit], pinilit ko siyang hanapin. … Umuwi ako at sa wakas, matapos ang mahabang paghahanap, natagpuan ko siya.

“Sinulatan ko siya. Sumagot siya ngunit hindi niya binanggit ang ebanghelyo.

“Noong nasa London naman ako, hinanap ko siyang muli. Sa araw ng pag-alis ko, natagpuan ko siya. Tinawagan ko siya, at nagkita kami sa underground station. Niyakap niya ako at niyakap ko rin siya. Ilang minuto na lang at sasakay na ako ng eroplano, ngunit nag-usap kami sandali at nadama ko ang tunay na pagpapahalaga namin sa isa’t isa. Muli niya akong niyakap bago ako umalis. Ipinasiya ko na hinding-hindi na dapat mawala ang koneksyon ko sa kanya. …

“Lumipas ang mga taon. Tumanda na akong tulad niya. Nagretiro siya sa kanyang trabaho at lumipat sa Switzerland. Sa isang pagkakataon noong nasa Switzerland ako, pinuntahan ko ang nayon kung saan siya nakatira. Halos buong araw kaming magkakasama—siya, ang kanyang asawa, ang asawa ko, at ako. Napakasaya namin, ngunit malinaw na matagal na siyang nawalan ng pananampalataya. Ginawa ko ang lahat ng alam ko, ngunit hindi ko malaman kung paano iyon muling pag-aalabin. Patuloy ko siyang sinulatan. Pinadalhan ko siya ng mga aklat, magasin, recording ng Tabernacle Choir, at iba pang mga bagay na lubos niyang pinasalamatan.

“Namatay siya ilang buwan na ang nakararaan. Sumulat sa akin ang asawa niya para ipaalam ito sa akin. Sabi niya, ‘Ikaw ang pinakamatalik niyang kaibigan.’

“Dumaloy ang luha sa aking mga pisngi nang mabasa ko ang sulat na iyon. Alam kong nagkulang ako. Marahil kung natulungan ko siya noong unang sumama ang loob niya, maaaring naiba ang takbo ng buhay niya. Sa palagay ko matutulungan ko siya noon. Sa palagay ko magagamot ko ang sakit na nadama niya. Isa lang ang nakaginhawa sa akin: nagsikap ako. Isa lang ang ikinalungkot ko: nagkulang ako.

“Mas malaki ang hamon ngayon kaysa noon dahil mas marami nang convert kaysa noon. … Bawat convert ay mahalaga. Bawat convert ay anak ng Diyos. Bawat convert ay isang malaki at mabigat na responsibilidad.”1

Ang pagmamalasakit ni Pangulong Hinckley sa mga bagong convert at di-gaanong aktibong miyembro ay bunga ng kanyang karanasang makita kung paano pinagpapala ng ebanghelyo ang buhay ng mga tao. Minsa’y tinanong siya ng isang mamamahayag, “Ano ang pinaka-nakasisiya sa iyo kapag nakikita mo ang gawain ng Simbahan ngayon?” Sumagot si Pangulong Hinckley:

“Ang pinaka-nakasisiyang karanasan ko ay ang makita ang ginagawa ng ebanghelyong ito para sa mga tao. Binibigyan sila nito ng bagong pananaw sa buhay. Binibigyan sila nito ng isang pananaw na hindi pa nila nadama kahit kailan. Tinutulungan sila nitong hangarin ang mga bagay na marangal at banal. May nangyayari sa kanila na mahimalang pagmasdan. Umaasa sila kay Cristo at sumisigla.”2

Christ with lamb

“Iniwan ng Panginoon ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang nawawalang tupa.”

Mga Turo ni Gordon B. Hinckley

1

Malaki ang responsibilidad natin na maglingkod sa tao.

[Pangalagaan] natin ang bawat tao. Laging binabanggit ni Cristo ang mga tao. Isa-isa Niyang pinagaling ang mga maysakit. Binanggit Niya ang mga tao sa Kanyang mga talinghaga. Mga tao ang inaalala ng Simbahang ito, gaano man tayo karami. Kahit 6 o 10 o 12 o 50 milyon man, hindi natin dapat kaligtaan ang katotohanan na ang tao ang mahalaga.3

Tayo ay nagiging isang malaking pandaigdigang samahan. Ngunit ang ating interes at malasakit ay kailangang palaging nakatuon sa tao. Bawat miyembro ng simbahang ito ay isang lalaki o babae, bata man o matanda. Ang malaking responsibilidad natin ay tiyakin na bawat isa ay “maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos” (Moro. 6:4), na bawat isa ay magkaroon ng pagkakataong umunlad at makapag-ambag at makabahagi sa gawain at mga paraan ng Panginoon, na hindi nagkukulang ang sinuman sa mga pangangailangan sa buhay, na natutugunan ang mga pangangailangan ng mga maralita, na bawat miyembro ay mabigyan ng lakas ng loob, training, at pagkakataong sumulong sa landas tungo sa kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan. …

Ang gawaing ito ay may kinalaman sa mga tao, sa bawat anak ng Diyos. Sa paglalarawan ng ating mga tagumpay nagsasalita tayo ayon sa dami ng mga miyembro, ngunit lahat ng pagsisikap natin ay kailangang ilaan sa pag-unlad ng bawat tao.4

Nais kong bigyang-diin na may napakapositibo at magandang pag-unlad sa Simbahan. … Maraming dahilan para tayo sumigla. Ngunit sinumang convert na nawalan ng pananampalataya ay nakapanlulumo. Sinumang miyembrong hindi na magsimba ay isang malaking problema. Iniwan ng Panginoon ang siyamnapu’t siyam upang hanapin ang nawawalang tupa. Napakatindi ng pag-aalala Niya para sa [isa] kaya ginawa Niya itong tema ng isa sa Kanyang mga dakilang turo [tingnan sa Lucas 15:1–7]. Hindi tayo maaaring magpabaya. Kailangan nating ipaalala palagi sa mga opisyal at miyembro ng Simbahan na isaisip ang napakalaking obligasyon na pakisamahan nang tapat at magiliw at mabuti yaong mga convert sa Simbahan, at na tulungan nang may pagmamahal yaong mga sa anumang kadahilanan ay naging di-gaanong aktibo.“Kailangan nating [ma]isaisip palagi ang napakalaking obligasyon na pakisamahan … ang mga convert sa Simbahan, at na tulungan nang may pagmamahal yaong mga … di-gaanong aktibo.” Sapat ang katibayan na magagawa ito kung nanaisin.5

2

Bawat convert ay mahalaga at isang malaki at mabigat na responsibilidad.

Nadama ko na ang pinakamatinding trahedya sa Simbahan ay ang pagkawala ng mga taong sumapi sa Simbahan at pagkatapos ay nawala. Maliban sa iilang eksepsyon hindi kailangang mangyari ito. Kumbinsido ako na halos lahat ng bininyagan ng mga missionary sa iba’t ibang dako ng mundo ay naturuan nang sapat upang tumanggap ng kaalaman at patotoo para mabinyagan sila. Ngunit hindi madaling gumawa ng pagbabagong kaugnay ng pagsapi sa Simbahang ito. Nangangahulugan ito ng pagputol sa mga dating kaugnayan. Nangangahulugan ito ng pag-iwan sa mga kaibigan. Maaari itong mangahulugan ng pagtalikod sa itinatanging mga paniniwala. Maaari itong mangailangan ng pagbabago ng mga gawi at pagpipigil ng mga pagnanasa. Sa maraming pagkakataon nangangahulugan ito ng kalungkutan at maging ng takot sa mga bagay na hindi natin alam. Kailangan ay may pag-aaruga at pagpapalakas sa mahirap na panahong ito ng buhay ng isang convert. Napakalaki ng naging kapalit ng pagdalo niya sa Simbahan. Ang mahabang pagsisikap ng mga missionary at ang halaga ng kanilang paglilingkod, ang paglayo sa dating mga kaibigan at ang sakit na idinulot ng lahat ng ito ang mga dahilan para ang mahahalagang kaluluwang ito ay malugod na tanggapin, bigyang-katiyakan, tulungan sa mga panahon ng kahinaan, bigyan ng responsibilidad kung saan sila titibay, at hikayatin at pasalamatan sa lahat ng kanilang ginagawa.6

men working on motorcycle

“Inaanyayahan ko ang bawat miyembro na kaibiganin at mahalin ang mga convert sa Simbahan.”

Hindi makatuturang gumawa ng gawaing misyonero kung hindi natin mapapanatiling aktibo sa Simbahan ang mga convert na iyon. Hindi dapat magkahiwalay ang dalawang ito. Mahalaga ang mga convert na ito. … Bawat convert ay isang malaki at mabigat na responsibilidad. Talagang kailangan nating pangalagaan yaong mga naging miyembro ng ating Simbahan. …

“Nakatanggap ako noong isang araw ng isang magandang sulat. Isinulat ito ng isang babaeng sumapi sa Simbahan noong isang taon. Sabi niya:

“Kakaiba at puno ng hamon ang pagsapi ko sa Simbahan . Itong nakalipas na taon ang pinakamahirap na taon sa buong buhay ko. Ito rin ang pinakamakabuluhan. Bilang isang bagong miyembro, patuloy akong nagkakaroon ng hamon araw-araw.” …

Sinabi niya na “hindi alam ng mga miyembro ng Simbahan kung ano ang pakiramdam ng maging bagong miyembro ng Simbahan. Kaya halos imposibleng malaman nila kung paano kami susuportahan.”

Hinihikayat ko kayo, mga kapatid, na kung hindi ninyo alam ang pakiramdam nito, subukan ninyong isipin kung ano ang pakiramdam nito. Maaaring napakalungkot nito. Maaaring nakakapanghina ito ng loob. Maaaring nakakatakot ito. Malaki ang kaibahan nating mga miyembro ng Simbahan na ito sa daigdig kaysa sa inaakala natin. Sabi pa ng babaeng ito:

“Kapag kaming mga investigator ay naging miyembro ng Simbahan, nagugulat kaming matuklasan na pumasok kami sa isang lubos na kakaibang mundo, isang mundo na may sariling mga tradisyon, kultura, at wika. Natutuklasan namin na walang tao o lugar kaming malalapitan para gabayan kami sa aming paglalakbay sa bagong mundong ito. Sa una ay nakakatuwa ang paglalakbay, nakakatawa pa nga ang aming mga pagkakamali, pagkatapos ay nakakayamot na ito at kalaunan, ang pagkayamot ay nauuwi sa galit. At sa mga sandaling ito ng pagkayamot at galit kami umaalis. Bumabalik kami sa mundong pinanggalingan namin, kung saan alam namin kung sino kami, kung saan kami makakatulong, at kung saan nauunawaan namin ang wika.”7

Ang ilang tao ay nabinyagan lang, hindi sila kinaibigan, at umaalis pagkaraan ng dalawa o tatlong buwan. Napakahalaga, mga kapatid, na tiyaking nagbalik-loob [ang mga bagong binyag], na naniniwala sila sa kanilang puso hinggil sa dakilang gawaing ito. Hindi lang [ito kailangang maunawaan sa] isipan. [Kailangan ding itong maunawaan sa] puso at inaantig [ito] ng Banal na Espiritu hanggang sa mabatid nilang totoo ang gawaing ito, na si Joseph Smith ay tunay na propeta ng Diyos, na ang Diyos at si Jesucristo ay buhay at sila ay nagpakita sa batang si Joseph Smith, na ang Aklat ni Mormon ay totoo, na narito ang priesthood taglay ang lahat ng kaloob at biyaya nito. Hindi ko talaga alam kung paano ko ito mabibigyang-diin.8

3

Bawat convert ay nangangailangan ng kaibigan, isang responsibilidad, at pangangalaga ng salita ng Diyos.

Dahil dumarami ang bilang ng mga bagong miyembro, kailangan pa nating pag-ibayuhin ang pagsisikap na tulungan sila sa pagtahak sa tamang landas. Bawat isa sa kanila ay nangangailangan ng tatlong bagay: isang kaibigan, isang responsibilidad, at pangangalaga ng “mabuting salita ng Diyos” (Moroni 6:4). Responsibilidad at pagkakataon nating ibigay ang mga bagay na ito.9

Pagkakaibigan

[Ang mga convert] ay dumarating sa Simbahan nang may sigla sa mga bagay na nalaman nila. Agad nating patatagin ang kasiglahang iyan. … Pakinggan sila, gabayan sila, sagutin ang mga tanong nila, at tulungan sila sa lahat ng sitwasyon at sa lahat ng kalagayan. … Inaanyayahan ko ang bawat miyembro na kaibiganin at mahalin ang mga convert sa Simbahan.10

Iyan ang obligasyon natin sa mga nabinyagan sa Simbahan. Hindi natin sila maaaring kaligtaan. Hindi natin sila maaaring iwanang mag-isa. Kailangan nila ng tulong habang nagsasanay sila sa mga paraan at kultura ng Simbahang ito. At malaking pagpapala at oportunidad para sa atin ang tumulong. … Ang isang matamis na ngiti, isang magiliw na pakikipagkamay, isang nagpapasiglang salita ay gagawa ng mga himala.11

Tumulong tayo sa mga taong ito! Kaibiganin natin sila! Maging mabait tayo sa kanila! Pasiglahin natin sila! Magdagdag tayo sa kanilang pananampalataya at kaalaman tungkol dito, ang gawain ng Panginoon.12

Isinasamo ko sa inyo … na magiliw na akbayan ang mga sumasapi sa Simbahan at kaibiganin sila at ipadama sa kanila na malugod silang tinatanggap at aliwin sila at makikita natin ang magagandang bunga nito. Pagpapalain kayo ng Panginoon para makatulong sa pagpapanatili sa mga convert.13

Responsibilidad

May inaasahan ang Simbahang ito sa mga tao. [Ang Simbahan ay] may mataas na mga pamantayan. Makapangyarihan ang doktrina nito. Malaki ang pag-asa nitong maglilingkod ang mga tao. Hindi lang sila basta sunod nang sunod. Inaasahan natin silang magtrabaho. Tumutugon dito ang mga tao. Tanggap nila ang pagkakataong maglingkod, at sa paggawa nila nito, nadaragdagan ang kanilang kakayahan, pang-unawa, at mga katangian upang gawin nang mahusay ang mga ito.14

Bigyan [ang mga bagong miyembro] ng gagawin. Hindi lalakas ang kanilang pananampalataya kung hindi nila ito gagamitin. Ang pananampalataya at patotoo ay parang mga kalamnan ng braso ko. Kung gagamitin ko ang mga kalamnang ito at pangangalagaan ito, mas lalakas ang mga ito. Kung ilalagay ko ang braso ko sa isang sakbat at hahayaan ito roon, magiging mahina ito at walang silbi, at gayon din ang mga patotoo.

Ngayon, sinasabi ng ilan sa inyo na hindi pa sila handang tumanggap ng responsibilidad. Ngunit wala ni isa man sa atin ang handa nang dumating ang tawag. Masasabi ko iyan tungkol sa sarili ko. Sa palagay ba ninyo handa ako para sa dakila at sagradong tungkuling ito? Natigilan ako. Nadama ko na kulang ang kakayahan ko. Hanggang ngayon natitigilan pa rin ako. Nadarama ko pa rin na kulang ang kakayahan ko. Ngunit sinisikap kong sumulong, at hinihiling ko sa Panginoon na pagpalain ako at sinisikap kong gawin ang Kanyang kalooban at umaasa at nagdarasal ako na maging katanggap-tanggap sa Kanya ang paglilingkod ko. Ang unang responsibilidad ko sa Simbahang ito ay bilang tagapayo sa deacons quorum president noong labindalawang taong gulang ako. Hindi ko nadama na may kakayahan ako. Natigilan ako. Ngunit nagsikap ako, katulad ninyo, at nasundan iyon ng iba pang mga responsibilidad. Hindi ko nadama kailanman na may kakayahan ako, ngunit lagi akong nagpapasalamat at nakahandang magsikap.15

Bawat convert na dumarating sa Simbahang ito ay dapat magkaroon kaagad ng isang responsibilidad. Maaaring napakaliit nito, ngunit gagawa ito ng kaibhan sa kanyang buhay.16

Mangyari pa hindi alam ng bagong convert ang lahat ng bagay. Malamang ay makakagawa siya ng ilang pagkakamali. E ano ngayon? Lahat naman tayo ay nagkakamali. Ang mahalaga ay ang pag-unlad na darating dahil sa pagiging aktibo.17

women in class

Itinuro ni Pangulong Hinckley na kailangang magkaroon ng mga pagkakataon ang mga bagong convert na makapaglingkod sa Simbahan.

Pangangalaga ng mabuting salita ng Diyos

Naniniwala ako … na ang mga bagong convert na ito ay may patotoo sa ebanghelyo. Naniniwala ako na may pananampalataya sila sa Panginoong Jesucristo at alam nila ang katotohanan ng Kanyang kabanalan. Naniniwala ako na talagang pinagsisihan nila ang kanilang mga kasalanan at determinado silang paglingkuran ang Panginoon.

[Sinabi ni] Moroni tungkol sa kanila matapos silang mabinyagan: “At matapos na sila ay matanggap sa pagbibinyag, at nahikayat at nalinis ng kapangyarihan ng Espiritu Santo, sila ay napabilang sa mga tao ng simbahan ni Cristo; at ang kanilang mga pangalan ay kinuha, upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan, upang patuloy silang mapanatili sa mataimtim na panalangin, umaasa lamang sa mga gantimpala ni Cristo, na siyang may akda at tagatapos ng kanilang pananampalataya” (Moro. 6:4).

Sa panahong ito tulad noong mga panahong iyon, ang mga convert ay “napabilang sa mga tao ng simbahan … upang sila ay maalaala at mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos, upang mapanatili sila sa tamang daan, upang patuloy silang mapanatili sa mataimtim na panalangin.” … Tulungan natin sila sa mga una nilang hakbang bilang mga miyembro.18

Kinakailangan na [bawat bagong convert] ay maging bahagi ng isang korum ng priesthood o ng Relief Society, ng Young Women, ng Young Men, ng Sunday School, o ng Primary. Kailangan siyang hikayating dumalo sa sacrament meeting upang makibahagi ng sakramento, upang magpanibago ng mga tipang ginawa sa binyag.19

4

Maraming mapapakinabangan at walang mawawala sa pagbalik sa pagiging aktibo sa Simbahan.

Libu-libong tao sa iba’t ibang panig ng mundo … na mga miyembro ng Simbahan sa pangalan, ngunit umalis, at ngayon sa puso nila ay gustong bumalik, ngunit hindi alam kung paano at nahihiyang bumalik. …

Sa inyo, mga kapatid, na kinuha ang inyong espirituwal na mana at lumisan, at ngayon ay nakadarama ng kahungkagan sa inyong buhay, bukas ang daan para sa inyong pagbabalik. … Kung gagawin ninyo ang unang hakbang pabalik, makikita ninyo na malugod kayong sasalubungin at tatanggapin ng magigiliw na kaibigan.

Sa palagay ko alam ko kung bakit kayo umalis. Sumama ang loob ninyo sa isang walang-pakundangang tao, at inakala ninyo na gayon ang lahat ng miyembro ng Simbahan. O maaaring lumipat na kayo mula sa isang lugar kung saan kayo kilala papunta sa isang lugar na wala kayong kakilala, at doon kayo lumaki na kakaunti lamang ang kaalaman tungkol sa Simbahan.

O maaaring napasama kayo sa isang grupo o sa mga gawi na sa inyong palagay ay hindi angkop sa Simbahan. O maaaring nadama ninyo na mas mahusay kayo sa karunungan ng mundo kaysa mga kasamahan ninyo sa Simbahan, at dahil inisip ninyong mas magaling kayo sa kanila, inilayo ninyo ang inyong sarili sa kanila.

Hindi ako naparito para pag-usapan ang mga dahilan. Sana’y kayo rin. Kalimutan na ninyo ang nakaraan. … Maraming mapapakinabangan at walang mawawala. Magbalik kayo, mga kaibigan. Higit ang kapayapaang matatagpuan sa Simbahan kaysa nalalaman ninyo sa matagal na panahon. Marami kayong magiging kaibigan na ikasisiya ninyo.20

Mahal kong mga kapatid na maaaring … nalihis ng landas, kailangan kayo ng Simbahan, at kailangan ninyo ang Simbahan. Makikita ninyo na maraming makikinig sa inyo na nakakaunawa. Maraming taong tutulong sa inyo na mahanap ang daan pabalik. Maraming puso ang magpapadama sa inyo ng pagmamahal. Magkakaroon ng mga luha, hindi ng kalungkutan, kundi ng kagalakan.21

5

Para sa mga Banal sa mga Huling Araw na nagbalik sa pagkaaktibo sa Simbahan, maganda sa pakiramdam ang makauwing muli.

Isang araw ng Linggo napunta ako sa isang lungsod sa California para sa isang stake conference. Nasa lokal na pahayagan ang pangalan at larawan ko. Tumunog ang telepono sa stake center pagpasok namin ng stake president sa gusali nang umagang iyon. Ang tawag ay para sa akin, at nagpakilala ang tumawag. Nais niyang makipagkita sa akin. Nagpaalam ako sa pulong na idaraos ko sa umagang iyon at sinabi ko sa stake president na ituloy iyon. May gagawin akong mas mahalaga.

Dumating siya, ang kaibigan kong ito, na nahihiya at medyo takot. Matagal siyang nawala sa Simbahan. Nagyakap kami bilang magkapatid na matagal na nagkawalay. Noong una naging asiwa ang pag-uusap namin, ngunit hindi nagtagal ay sumaya ito nang pag-usapan namin ang mga araw na magkasama kami sa England maraming taon na ang nakararaan. May mga luha sa mga mata ng matatag na lalaking ito nang banggitin niya ang Simbahang minsa’y kinabilangan niya, at pagkatapos ay ikinuwento niya ang mahaba at hungkag na mga taon na sumunod. Inilahad niya ito na tulad ng isang taong nagkukuwento ng mga bangungot. Nang ilarawan niya ang nasayang na mga taon na iyon, pinag-usapan namin ang kanyang pagbalik. Naisip niya na magiging mahirap iyon, na nakakahiya, ngunit pumayag siyang subukan iyon.

[Nakatanggap ako] ng liham mula sa kanya kamakailan lang. Sabi niya, “Nakabalik na ako. Nakabalik na ako, at napakasayang makauwing muli.”

At gayon din sa inyo, mga kaibigan, na sabik nang bumalik, na katulad niya, ngunit atubiling gawin ang unang hakbang, ang subukan ito. Hayaan ninyong salubungin namin kayo kung saan kayo naroon ngayon, at hawakan namin ang inyong kamay at tulungan kayo. Ipinapangako ko sa inyo na gaganda ang pakiramdam ninyo na makauwing muli.22

Mga Mungkahi sa Pag-aaral at Pagtuturo

Mga Tanong

  • Bakit kailangang ang “ating interes at malasakit ay … palaging nakatuon sa tao,” kahit sa isang pandaigdigang simbahan? (Tingnan sa bahagi 1.) Kailan kayo napagpala ng isang tao na nagpakita ng personal na interes sa inyo? Ano ang ilang paraan na maaaring maging mas sensitibo tayo sa pag-aalaga sa bawat indibiduwal?

  • Ano ang matututuhan at maipapamuhay natin mula sa liham na ibinahagi ni Pangulong Hinckley sa bahagi 2? Pagbulayan kung ano ang magagawa ninyo para palakasin yaong mga nagsisikap na patatagin ang kanilang pananampalataya.

  • Bakit kailangan ng bawat bagong convert ang kaibigan, responsibilidad, at pangangalaga ng salita ng Diyos? (Tingnan sa bahagi 3.) Ano ang ilang paraan na maaari naging kaibiganin ang mga bagong convert? Paano natin masusuportahan ang mga bagong convert sa mga responsibilidad nila sa Simbahan? Paano natin matutulungan ang mga bagong convert na “mapangalagaan ng mabuting salita ng Diyos”?

  • Bakit kung minsan ay mahirap para sa mga miyembro na maging aktibong muli sa Simbahan? (Tingnan sa bahagi 4.) Paano natin matutulungan ang mga tao na makabalik? Kailan ninyo naranasan o nasaksihan ang kagalakang kaakibat ng muling pagbalik sa pagiging aktibo sa Simbahan?

  • Ano ang natutuhan ninyo sa ikinuwento ni Pangulong Hinckley sa bahagi 5? Pag-isipan kung paano ninyo matutulungan ang isang tao na hindi aktibo sa Simbahan na “makauwing muli.”

Kaugnay na mga Banal na Kasulatan

Lucas 15; Juan 10:1–16, 26–28; 13:34–35; Mosias 18:8–10; Helaman 6:3; 3 Nephi 18:32; Moroni 6:4–6; D at T 38:24

Tulong sa Pag-aaral

“Natuklasan ng marami na ang pinakamagandang oras para mag-aral ay sa umaga matapos makapahinga sa gabi. … Ang iba ay mas gustong mag-aral sa tahimik na mga oras pagkatapos ng gawain at mga alalahanin sa maghapon. … Marahil ang mas mahalaga kaysa sa oras ng maghapon ay ang magtakda ng regular na oras para mag-aral” (Howard W. Hunter, “Reading the Scriptures,” Ensign, Nob. 1979, 64).

Mga Tala

  1. “Converts and Young Men,” Ensign, Mayo 1997, 47–48.

  2. “Converts and Young Men,” 48.

  3. “Mga Kaisipang Nagbibigay-inspirasyon,” Liahona, Okt. 2003, 5.

  4. “This Work Is Concerned with People,” Ensign, Mayo 1995, 52–53.

  5. Teachings of Gordon B. Hinckley (1997), 537–38.

  6. “There Must Be Messengers,” Ensign, Okt. 1987, 5.

  7. “Find the Lambs, Feed the Sheep,” Ensign, Mayo 1999, 108.

  8. “Messages of Inspiration from President Hinckley,” Church News, Abr. 5, 1997, 2; tingnan din sa “Mga Kaisipang Nagbibigay-inspirasyon,” 3.

  9. “Converts and Young Men,” 47.

  10. “Some Thoughts on Temples, Retention of Converts, and Missionary Service,” Ensign, Nob. 1997, 51.

  11. “Mga Kaisipang Nagbibigay-inspirasyon,” 4.

  12. “Latter-day Counsel: Excerpts from Recent Addresses of President Gordon B. Hinckley,” Ensign, Hulyo 1999, 73.

  13. “Words of the Prophet: Reach Out,” New Era, Peb. 2003, 7.

  14. “Mga Kaisipang Nagbibigay-inspirasyon,” 3–4.

  15. Teachings of Gordon B. Hinckley, 538.

  16. “Inspirational Thoughts,” Ensign, Hulyo 1998, 4.

  17. “Find the Lambs, Feed the Sheep,” 108.

  18. “Converts and Young Men,” 48.

  19. “Find the Lambs, Feed the Sheep,” 108.

  20. “Everything to Gain—Nothing to Lose,” Ensign, Nob. 1976, 95–96.

  21. “And Peter Went Out and Wept Bitterly,” Ensign, Mayo 1979, 67.

  22. “Everything to Gain—Nothing to Lose,” 97.