2010–2019
Ang Ating Mabuting Pastol
Abril 2017


NaN:NaN

Ang Ating Mabuting Pastol

Si Jesucristo, ang ating Mabuting Pastol, ay nagagalak na makitang gumagaling ang Kanyang mga tupang maysakit.

Nagkakaroon tayo ng ideya ukol sa pagkatao ng ating Ama sa Langit kapag natatanto natin ang matinding awa Niya sa mga makasalanan at habang pinasasalamatan natin ang magkaibang pakikitungo Niya sa kasalanan at sa mga taong nagkakasala. Tinutulungan tayo ng ideyang ito na magkaroon ng mas “wastong [pagkaunawa sa] Kanyang pagkatao, pagiging perpekto, at mga katangian”1 at mahalaga ito sa pagsampalataya sa Kanya at sa Kanyang Anak na si Jesucristo. Ang pagkahabag ng Tagapagligtas, anuman ang ating mga kakulangan, ay naglalapit sa atin sa Kanya at hinihikayat tayo nito sa paulit-ulit nating pagsisikap na magsisi at tularan Siya. Habang nagiging mas katulad Niya tayo, natututuhan nating pakitunguhan ang iba na gaya ng ginagawa Niya, anuman ang kanilang panlabas na katangian o ugali.

Ang epekto ng pagkilala sa pagitan ng panlabas na mga katangian ng tao at ng tao mismo ay sentro sa nobelang Les Misérables, ng French author na si Victor Hugo.2 Sa pagsisimula ng nobela, ipinakilala ng narrator si Bienvenue Myriel, ang obispo ng Digne, at tinalakay ang problemang kinakaharap ng obispo. Dapat ba niyang dalawin ang isang lalaki na deklaradong ateista at kinaiinisan ng komunidad dahil sa ugali nito noong French Revolution?3

Sinabi ng narrator na natural na labis na ayawan ng obispo ang lalaki. At may simpleng tanong ang narrator: “Komo ba may langib ang tupa, lalayo na ang pastol?”4 Nang sumagot para sa obispo, nagbigay ng tiyak na sagot ang narrator, “Hindi”—at saka nagdagdag ng nakakatawang komento: “Ang tindi ng langib ng tupang ito!”5

Sa talatang ito, ikinumpara ni Hugo ang “kasamaan” ng lalaki sa sakit sa balat ng mga tupa at ang obispo sa isang pastol na hindi lumalayo kapag naharap sa isang tupang maysakit. Maawain ang obispo at kalaunan sa nobela ay nagpakita ng gayon ding habag sa isa pang lalaki, ang pangunahing tauhan sa nobela, isang hamak na dating bilanggo, si Jean Valjean. Ang awa at pagdamay ng obispo ay nakahikayat kay Jean Valjean na baguhin ang takbo ng kanyang buhay.

Yamang ginamit ng Diyos ang sakit bilang isang metapora para sa kasalanan sa buong banal na kasulatan, makatwirang itanong, “Ano ang reaksyon ni Jesucristo kapag nakikita Niya ang ating metaporikong mga sakit—ang ating mga kasalanan?” Sinabi naman ng Tagapagligtas na Siya ay “hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang”;6 kaya paano Siya makatitingin sa atin, gayong hindi tayo perpekto, nang hindi nasisindak at namumuhi?

Ang sagot ay simple at malinaw. Bilang Mabuting Pastol,7 ang tingin ni Jesucristo sa sakit ng Kanyang mga tupa ay isang kundisyong kailangang gamutin, pangalagaan, at kahabagan. Ang pastol na ito, na ating Mabuting Pastol, ay nagagalak na makitang gumagaling ang Kanyang mga tupang maysakit.

Ipinropesiya ng Tagapagligtas na Kanyang “papastulin ang kanyang kawan na gaya ng pastor,”8 “hahanapin ang nawala, … ibabalik ang iniligaw, … tatalian ang nabalian, at palalakasin ang may sakit.”9 Bagama’t ang nag-apostasiyang Israel ay inilarawan na puno ng makasalanang “mga sugat, at mga pasa, at nangagnananang sugat,”10 ang Tagapagligtas ay naghikayat, nagpayo, at nangako ng paggaling.11

Ang mortal na ministeryo ng Tagapagligtas ay talagang puno ng pagmamahal, habag, at pagdamay. Hindi Siya nainis na lumakad sa maalikabok na mga lansangan ng Galilea at Judea, ni napaurong nang makakita ng mga makasalanan. Hindi Niya sila iniwasan sa pagkasuklam. Hindi, kumain Siya na kasama nila.12 Tumulong Siya at nagbasbas, nagpasigla at nagpalakas, at pinalitan Niya ng pag-asa at galak ang takot at lungkot. Dahil isa Siyang tunay na pastol, hinahanap at natatagpuan Niya tayo upang alukin ng kapanatagan at pag-asa.13 Ang pag-unawa sa Kanyang habag at pagmamahal ay tinutulungan tayong manampalataya sa Kanya—na magsisi at mapagaling.

Nakatala sa Ebanghelyo ni Juan ang epekto ng pagdamay ng Tagapagligtas sa isang makasalanan. Dinala ng mga escriba at Fariseo sa Tagapagligtas ang isang babae na nahuling nangangalunya. Ipinahiwatig ng mga nagpaparatang na dapat siyang batuhin, bilang pagsunod sa batas ni Moises. Sa huli’y sinabi ni Jesus sa kanila, bilang sagot sa mapilit na pagtatanong, “Ang walang kasalanan sa inyo, ay siyang unang bumato sa kanya.”

Nagsialis ang mga nagpaparatang, “at iniwang magisa si Jesus at ang babae, sa kinaroroonan nito, sa gitna.

“Nang makita ni Jesus … na ang babae na lang ang naroon, [sinabi] ni Jesus [sa kanya] … Babae, saan sila nangaroroon? wala bagang taong humatol sa iyo?

“At sinabi niya, Wala sinoman, Panginoon. At sinabi ni Jesus, Ako man ay hindi rin hahatol sa iyo: humayo ka ng iyong lakad; mula ngayo’y huwag ka nang magkasala.”14

Walang alinlangang hindi kinunsinti ni Jesus ang pangangalunya. Ngunit hindi rin Niya isinumpa ang babae. Hinikayat Niya itong magbagumbuhay. Nahikayat itong magbago dahil sa Kanyang habag at awa. Ang Joseph Smith Translation ng Biblia ay nagpapatunay na naging disipulo ito: “At niluwalhati ng babae ang Diyos mula nang oras na iyon, at naniwala sa kanyang pangalan.”15

Bagama’t maunawain ang Diyos, hindi tayo dapat magkamaling maniwala na tanggap at bukas ang isipan Niya tungkol sa kasalanan. Hindi Siya gayon. Naparito sa lupa ang Tagapagligtas para iligtas tayo mula sa ating mga kasalanan at, ang pinakamahalaga, hindi Niya tayo ililigtas sa ating mga kasalanan.16 Bihasang magtanong, minsa’y tinangkang hulihin ni Zisrom si Amulek sa pagtatanong ng: “Ililigtas ba [ng paparitong Mesiyas] ang kanyang mga tao sa kanilang mga kasalanan? At sinagot siya ni Amulek at sinabi sa kanya: Sinasabi ko sa iyo, hindi niya ito gagawin, sapagkat hindi maaaring ikaila niya ang kanyang salita. … Hindi niya sila maililigtas sa kanilang mga kasalanan.”17 Bumanggit si Amulek ng isang mahalagang katotohanan na para maligtas tayo mula sa ating mga kasalanan, kailangan nating sundin “ang mga kundisyon ng pagsisisi,” na nagbibigay-daan sa kapangyarihan ng Manunubos na iligtas ang ating kaluluwa.18

Ang habag, pagmamahal, at awa ng Tagapagligtas ay naglalapit sa atin sa Kanya.19 Sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, hindi na tayo masisiyahan pa sa ating makasalanang kalagayan.20 Malinaw na sinabi ng Diyos kung ano ang tama at katanggap-tanggap sa Kanya at kung ano ang mali at makasalanan. Hindi ito dahil sa nais Niyang sumunodang Kanyang mga alagad nang hindi nag-iisip. Hindi, nais ng ating Ama sa Langit na kusa at maluwag sa loob na piliin ng Kanyang mga anak na maging katulad Niya21 at maging marapat sa uri ng buhay na tinatamasa Niya.22 Sa paggawa nito, natutupad ng Kanyang mga anak ang kanilang banal na tadhana at nagiging mga tagapagmana ng lahat ng mayroon Siya.23 Dahil dito, hindi maaaring baguhin ng mga pinuno ng Simbahan ang mga utos o doktrina ng Diyos nang labag sa Kanyang kalooban, para maging maginhawa sa kanila o maging popular sila.

Gayunman, sa ating habambuhay na pagsunod kay Jesucristo, lalong natututo sa Kanyang halimbawa ng kabaitan ang mga nagkakasala. Tayo, na mga makasalanan, tulad ng Tagapagligtas, ay kailangang tumulong sa iba nang may habag at pagmamahal. Tungkulin din nating tumulong at magpala, magpasigla at magpalakas, at palitan ng pag-asa at galak ang takot at lungkot.

Pinagsabihan ng Tagapagligtas ang mga taong lumayo sa iba na sa tingin nila ay marumi at nagmamalinis na naghusga na mas makasalanan ang iba kaysa sa kanila.24 Iyan ang aral na itinuro ng Tagapagligtas sa mga taong “nagsisiasa sa kanilang sarili, na nangagpapanggap na sila’y matutuwid, at pinawawalang halaga ang lahat ng mga iba.” Ibinahagi Niya ang talinghagang ito:

“May dalawang lalaking nagsipanhik sa templo upang magsipanalangin; ang isa’y Fariseo, at ang isa’y maniningil ng buwis.

“Ang Fariseo ay nakatayo at nanalangin sa kaniyang sarili ng ganito, Dios, pinasasalamatan kita, na hindi ako gaya ng ibang mga tao, na mga manglulupig, mga liko, mga mapangalunya, o hindi man lamang gaya ng maniningil ng buwis na ito.

“Makalawa akong nagaayuno sa isang linggo; nagbibigay ako ng ikapu ng lahat kong kinakamtan.

“Datapuwa’t ang maniningil ng buwis, na nakatayo sa malayo, ay ayaw na itingin man lamang ang kaniyang mga mata sa langit, kundi dinadagukan ang kaniyang dibdib, na sinasabi, Dios, ikaw ay mahabag sa akin, na isang makasalanan.”

At nagtapos si Jesus, “Sinasabi ko sa inyo, nanaog at umuwi sa kaniyang bahay ang taong ito [ang maniningil ng buwis] na inaaring ganap kay sa isa [ang Fariseo]: sapagka’t ang bawa’t nagmamataas sa kaniyang sarili ay mabababa; datapuwa’t ang nagpapakababa sa kaniyang sarili ay matataas.”25

Malinaw ang mensahe sa atin: ang nagsisising makasalanan ay mas napapalapit sa Diyos kaysa sa taong nagmamalinis na lumalait sa makasalanan.

May mga tao ring mahilig magmalinis at manghusga noong panahon niAlma. Nang simulan ng mga tao “na itatag ang simbahan nang lubusan … [ang] simbahan ay nagsimulang maging palalo, … ang mga tao ng simbahan ay nagsimulang iangat sa kapalaluan ng kanilang mga paningin, … sila ay nagsimulang maging mapanlibak sa isa’t isa, at sinimulan nilang usigin yaong hindi naniniwala alinsunod sa kanilang sariling kagustuhan at kasiyahan.”26

Ang pang-uusig na ito ay ipinagbawal: “Ngayon may isang mahigpit na batas sa mga tao ng simbahan, na walang sino mang tao, na nabibilang sa simbahan, ang magpapasimuno at uusig sa mga yaong hindi nabibilang sa simbahan, at nararapat na walang pag-uusig sa kanila.”27 Iyon din ang alituntuning gumagabay sa mga Banal sa mga Huling Araw. Hindi tayo dapat magkasala ng pang-uusig sa sinuman sa loob o sa labas ng Simbahan.

Alam ng mga nausig sa anumang kadahilanan ang pakiramdam ng kawalan ng hustisya at pagpakanatiko. Bilang isang tinedyer na naninirahan sa Europa noong 1960s, nadama ko na paulit-ulit akong pinulaan at tinakot dahil Amerikano ako at dahil miyembro ako ng Simbahan. Pinakitunguhan ako ng ilan sa mga kaeskuwela ko na para bang ako ang mananagot sa pagiging di-popular ng mga patakaran sa pakikitungo ng U.S. sa mga bansang dayuhan. Pinakitunguhan ako na para bang insulto ang relihiyon ko sa mga bansang tinirhan ko dahil kaiba ito sa relihiyong tinatangkilik ng estado. Kalaunan, sa iba’t ibang bansa sa buong mundo, nasulyapan ko ang kalupitan ng maling palagay at diskriminasyong dinanas ng mga biktima nito dahil sa kanilang lahi o lipi.

Maraming uri ng pang-uusig: panlilibak, panliligalig, pananakot, pagpapalayas o pagbubukod, o pagkamuhi sa isa’t isa. Kailangan tayong mag-ingat laban sa pagkapanatiko na nagpapakita ng kalupitan sa mga taong iba’t iba ang opinyon. Ang pagkapanatiko ay nakikita, kahit paano, sa pagtangging magbigay ng pantay na kalayaan sa pagpapahayag.28 Lahat, pati na ang mga taong may relihiyon, ay may karapatang magpahayag ng kanilang mga opinyon sa publiko. Ngunit walang karapatan ang sinuman na mamuhi sa ibang tao kapag nagpahayag sila ng kanilang opinyon.

Ang kasaysayan ng Simbahan ay may sapat na ebidensya ng ating mga miyembro na pinakitunguhan nang may pagkamuhi at pagkapanatiko. Nakalulungkot kung pakikitunguhan natin ang iba ayon sa pakikitungo ng iba sa atin. Itinuro ng Tagapagligtas, “Lahat ng mga bagay na ibig ninyong sa inyo’y gawin ng mga tao, gawin naman ninyo ang gayon sa kanila.”29 Para igalang tayo, kailangan tayong gumalang. Bukod pa riyan, ang ating tapat na pakikipag-usap ay naghahatid ng “kaamuan, at mapagpakumbabang puso,” na nag-aanyaya sa “Banal na Espiritu [at pinupuspos tayo ng] ganap na pag-ibig,”30 isang “pagibig na hindi pakunwari”31 para sa iba.

Ang ating Mabuting Pastol ay hindi nagbabago at gayon pa rin ang damdamin ukol sa kasalanan at mga makasalanan tulad noong narito Siya sa lupa. Hindi Siya lumalayo sa atin nang dahil sa nagkakasala tayo, kahit iniisip Niya kung minsan na, “Ang tindi ng langib ng tupang ito!” Mahal na mahal Niya tayo kaya naglaan Siya ng paraan para tayo makapagsisi at maging malinis para makabalik tayo sa Kanya at sa ating Ama sa Langit.32 Sa paggawa nito, nagpakita rin si Jesucristo ng halimbawang susundan natin—igalang ang lahat at huwag kamuhian ang sinuman.

Bilang Kanyang mga disipulo, lubos nating tularan ang Kanyang pagmamahal at mahalin natin ang isa’t isa nang hayagan at lubusan upang hindi madama ninuman na siya’y pinabayaan, nag-iisa, o walang pag-asa. Pinatototohanan ko na si Jesucristo ang ating Mabuting Pastol, na nagmamahal at nagmamalasakit sa atin. Kilala Niya tayo at ibinuwis Niya ang Kanyang buhay para sa Kanyang mga tupa.33 Nabubuhay rin Siya para sa atin at nais Niyang makilala natin siya at manampalataya tayo sa Kanya. Minamahal at sinasamba ko Siya, at labis-labis ang pasasalamat ko sa Kanya, sa pangalan ni Jesucristo, amen.

Mga Tala

  1. Lectures on Faith (1985), 38.

  2. Ang nobelang Les Misérables, ni Victor Hugo (1802–85), ay kuwento tungkol kay Jean Valjean, na nakagawa ng munting krimen nang magnakaw siya ng isang buong tinapay para ipakain sa pamilya ng kanyang kapatid na babae. Nahatulan ng 5 taong pagkabilanggo, 19 na taong isinabak sa mahirap na trabaho si Valjean dahil sa apat na bigong pagtatangkang tumakas. Lumabas siya sa bilangguan na matigas ang puso at may matinding poot.

    Dahil sa kanyang criminal record, hindi nakahanap si Valjean ng trabaho, pagkain, at matutuluyan. Pagod na pagod at walang pag-asa, sa wakas ay pinatuloy siya ng obispo ng Digne, na nagpakita ng kabaitan at awa kay Valjean. Kinagabihan, bumigay si Valjean sa kawalan ng pag-asa at ninakaw niya ang mga kubyertos na pilak ng obispo at tumakas.

    Nahuli si Valjean at ibinalik sa obispo. Sa di-maipaliwanag na dahilan at salungat sa inaasahan ni Valjean, sinabi ng obispo sa mga pulis na ibinigay na niya kay Valjean ang mga kubyertos na pilak at pilit na ipinakuha rin kay Valjean ang dalawang kandelaryong pilak. (Tingnan sa Hugo, Les Misérables [1987], aklat 2, mga kabanata 10–12.)

  3. Tingnan sa Hugo, Les Misérables [1987], aklat 1, kabanata 10.

  4. Nagtanong ang narrator, Toutefois, la gale de la brebis doit-elle faire reculer le pasteur? (Hugo, Les Misérables [1985], aklat 1, kabanata 10, pahina 67). Ang Gale, sa veterinary pathology, ay tumutukoy sa anuman sa iba-ibang sakit sa balat na sanhi ng mga parasitikong insekto at makikilala sa paglalagas ng balahibo at paglalangib (“mange” sa Ingles). Ang pariralang ito ay isinalin na sa iba-ibang paraan sa Ingles.

  5. Ang nakakatawang komento ng narrator tungkol sa miyembro ng Convention [noong 1793 sa France] ay Mais quelle brebis! Isinalin na ito kung minsan na “Napakasama ng tupang ito.”

  6. Doktrina at mga Tipan 1:31.

  7. Tingnan sa Juan 10:11, 14; Alma 5:38; Doktrina at mga Tipan 50:44.

  8. Isaias 40:11.

  9. Ezekiel 34:16.

  10. Isaias 1:6.

  11. Tingnan sa Isaias 1:18.

  12. Tingnan sa Lucas 15:1–2.

  13. Tingnan sa Mateo 18:11.

  14. Tingnan sa Juan 8:3–11.

  15. Joseph Smith Translation, John 8:11 (sa John 8:11, footnotec).

  16. Tingnan sa D.Todd Christofferson, “Magsipanahan sa Aking Pag-ibig,” Liahona, Nob. 2016, 48.

  17. Alma 11:34, 37.

  18. Tingnan sa Helaman 5:10–11.

  19. Tingnan sa 3 Nephi 27:14–15.

  20. Nilinaw ng Tagapagligtas sa makabagong panahon: “Yaong lumalabag sa batas, at hindi sumusunod sa batas, sa halip ay naghahangad na maging isang batas sa sarili nito, at nakahandang manatili sa kasalanan, at sa kalahatan ay nananatili sa kasalanan, ay hindi mapababanal ng batas, ni ng awa, katarungan, o paghuhukom. Kaya nga, sila ay kailangang manatiling marumi pa rin” (Doktrina at mga Tipan 88:35).

  21. Tingnan sa 2 Nephi 2:26–27.

  22. Tingnan sa Doktrina at mga Tipan 14:7; 132:19–20, 24, 55.

  23. Tingnan sa Mga Taga Roma 8:16–17; Doktrina at mga Tipan 84:38.

  24. Tingnan sa Mateo 23:13.

  25. Lucas 18:9–14.

  26. Alma 4:4, 6, 8.

  27. Alma 1:21.

  28. Tingnan sa Oxford English Dictionary, “bigotry” at ”intolerance,” oed.com.

  29. Mateo 7:12.

  30. Moroni 8:26.

  31. I Ni Pedro 1:22.

  32. Tingnan sa Ang mga Saligan ng Pananampalataya 1:3.

  33. Tingnan sa Juan 10:11–15.