Kasaysayan ng Simbahan
Kabanata 4: Napakaraming Kabutihan


“Napakaraming Kabutihan,” kabanata 4 ng Mga Banal: Ang Kuwento ng Simbahan ni Jesucristo sa mga Huling Araw, Tomo 3, Magiting, Marangal, at Malaya, 1893–1955 (2021)

Kabanata 4: “Napakaraming Kabutihan”

Kabanata 4

Napakararaming Kabutihan

babaeng nakikipag-usap sa isang maliit na grupo

Noong ika-31 ng Mayo 1896, nagsalita si Susa Gates sa Lunsod ng Salt Lake sa unang pinagsamang kumperensya ng Young Ladies’ Mutual Improvement Association at Young Men’s Mutual Improvement Association. Matagal nang nagdaraos ang dalawang organisasyon ng kanilang sariling taunan at tuwing ikatlong buwang kumperensya. Ngunit nitong mga nakaraang taon, maraming kabataang lalaki ang tumigil sa regular na pagdalo sa kanilang mga pulong, kaya nagmungkahi ang ilang lider ng YMMIA na gumawa ng mga aktibidad na magpapasiglang muli sa kanilang organisasyon sa pamamagitan ng pakikipagsanib sa YLMIA.1

Hindi nagustuhan ng pangkalahatang pangulo ng YLMIA na si Elmina Taylor at ng kanyang mga opisyal ang ideya. Bagama’t ang ilang Mutual Improvement Association ay matagumpay nang pinagsama sa antas ng ward, lumalago ang pangkalahatang YLMIA, at inisip ng mga lider nito kung ang pagsasanib ay pinakamainam sa kapakanan ng mga kabataang babae. Sa huli ay nagpasiya sila laban sa pagsasanib, ngunit sumang-ayon sila na ang mas maraming aktibidad kasama ang YMMIA, kabilang na ang bagong taunang kumperensyang ito, ay maaaring maging kapaki-pakinabang.2

Sa unang kumperensya, ang mga lider ng MIA ay binigyan ng pantay na pagkakataon sa programa ang mga tagapagsalita mula sa kanilang mga organisasyon. Si Susa, ang pangalawa sa huling tagapagsalita sa programa, ay hinikayat ang kanyang mga tagapakinig na magkaroon ng mabuting pagkatao at mamuhay nang matwid. Ang karanasang ito ay pawang bago para kay Susa, dahil ang kababaihan sa Simbahan sa panahong ito ay hindi karaniwang nagsasalita sa mga manonood ng pinagsamang babae at lalaki maliban sa pagpapatotoo. Ngayon, siya at ang iba pang namumunong kababaihan ay nagkaroon ng pagkakataong mangaral kapwa sa kalalakihan at kababaihan sa parehong lugar.3

Matapos ang kumperensya, kinausap ni Susa ang kanyang kaibigan at dating kaklase na si Joseph Tanner, pangulo ng Agricultural College sa Logan. Habang nag-uusap sila, itinanong ni Joseph kung si Leah, na kamakailan lang ay nagtapos sa University of Utah, ay may pagtatangi pa rin kay John Widtsoe. Katatapos lamang ni John ng kanyang pag-aaral sa kimika sa Harvard at ngayon ay isa na sa mga guro ni Joseph.

Hindi alam ni Susa kung paano tutugunan ang tanong ni Joseph. Iniiwasan ni John ang kanyang anak na si Leah mula nang umuwi ito. Nang lumiham si Leah kay John kamakailan upang humingi ng payo kung dapat ba siyang bumalik sa silangan para mag-aral ng edukasyong pantahanan sa Pratt Institute, isang respetadong kolehiyo sa Lunsod ng New York, tumugon si John nang maikli at walang interes.4

“Gawin mo kung ano ang makabubuti sa iyo sa pangmatagalang panahon,” sinabi nito sa kanya. Pagkatapos ay nagpahayag siya ng panghihinayang na nag-ibigan sila nang napakabata pa. Bagama’t nais niyang pakasalan si Leah, ayaw niyang maging asawa ito ng isang maralitang lalaki. Ang kanyang pag-aaral ay nag-iwan sa kanya ng $2,000 na utang, at malaking bahagi ng kanyang maliit na suweldo sa pagtuturo ay napupunta sa pagsuporta sa kanyang ina at nakababatang kapatid na lalaki.5

Kaagad na sinagot ito ni Leah. “Hindi tayo mabubuhay nang walang pera, batid ko iyan, ngunit huwag mo sanang hayaang maging hadlang ito sa iyong pagmamahal,” sagot niya. “Kung mahal kita, mahal kita ikaw man ay may libu-libo sa bulsa o libu-libo man ang utang mo.”6

Hindi nagbago ang isip ni John, at umalis si Leah patungong Pratt Institute noong Setyembre 1896. Naglakbay siya kasama ang kaibigan niyang si Donnette Smith, na nag-aaral sa Pratt upang maging isang guro sa kindergarten. Bago umalis ang mga dalaga, ang ama ni Donnette, si Pangulong Joseph F. Smith, ay binasbasan si Leah na magpakatatag sa kanyang pananampalataya sa harap ng tukso, nangangako na mas lalakas ang kanyang patotoo kaysa rati.7

Sa Lunsod ng New York, dinanas nina Leah at Donnette ang mga bagay na hindi halos mawari ng henerasyon ng kanilang mga ina. Ang mga babaeng Banal sa mga Huling Araw mula sa nakatatandang henerasyong, tulad ng iba pang kababaihang Amerikano ng panahon ng matandang henerasyon, ay karaniwang nakatuntong lamang ng elementarya. Ang ilan ay nagtungo sa silangan upang mag-aral ng medisina at pagiging kumadrona, ngunit karamihan ay maagang nag-asawa, nagsilang ng mga anak, at tumulong sa pagtatatag ng mga tahanan at negosyo ng pamilya sa kanilang mga pamayanan. Marami ang hindi nakapaglakbay sa labas ng Teritoryo ng Utah.8

Sina Leah at Donnette, na kabaligtaran ng mga ito, ay mga dalagang nakatira sa isang malaking paupahan sa isang mataong lunsod humigit-kumulang tatlong libong kilometro ang layo mula sa kanilang tahanan. Tuwing karaniwang araw, pumapasok sila sa mga klase sa Pratt at nakikisalamuha sa mga tao mula sa iba’t ibang pinagmulan at relihiyon. At tuwing Linggo, nagsisimba sila sa isang maliit na branch na may isang dosenang Banal.9

Determinadong ipamuhay nang tapat nina Leah at Donnette ang kanilang relihiyon. Magkasama silang nagdarasal tuwing Linggo at binabasa ang Aklat ni Mormon gabi-gabi bago matulog. “Ang aking patotoo sa katotohanan ng ating ebanghelyo ay mas lumalakas araw-araw,” iniliham ni Leah sa kanyang ina. “Nakikita ko ang malakas na epekto ng basbas ni Brother Smith.”10

Hindi tulad sa kanilang bayang sinilangan, nagkaroon din sila ng mga pagkakataong magsalita tungkol sa kanilang pananampalataya sa mga taong kakaunti lamang ang nalalaman tungkol sa mga Banal sa mga Huling Araw. Kinaibigan nila ang dalawang estudyante ng sining, sina Cora Stebbins at Catherine Couch, na nagpakita ng kaunting interes sa Simbahan. Isang araw, nagkaroon ng pagkakataong kausapin sila nina Leah at Donnette tungkol sa templo at sa Aklat ni Mormon. Ipinaliwanag ni Leah kung paano natagpuan at isinalin ni Joseph Smith ang mga laminang ginto. Nagsalita rin siya tungkol sa mga saksi sa Aklat ni Mormon, patuloy na paghahayag, at sa pagtatatag ng Simbahan.

“Hindi mo kailanman makikita ang gayong interesadong mga dalaga sa inyong buhay,” kalaunan ay lumiham si Leah sa kanyang ina. “Nakaupo sila rito nang buong dalawang oras bago namin namalayan ang paglipas ng oras.”11


Noong ika-13 ng Oktubre 1896, nagpunta ang isang Māori na Banal sa mga Huling Araw na si Mere Whaanga sa Salt Lake Temple upang magsagawa ng mga binyag para sa sampung yumaong kaibigan mula sa New Zealand, ang kanyang bayang sinilangan. Mula nang lumipat sa Lunsod ng Salt Lake noong unang bahagi ng taong iyon, siya at ang kanyang asawa, si Hirini, ay nakilala dahil sa kanilang masigasig na pagdalo sa templo. Tulad ng maraming Banal mula sa labas ng Estados Unidos, ang pamilya Whaanga ay nandayuhan sa Utah upang mas mapalapit sa templo at sa mga ordenansa nito. At bilang tanging Māori na tumanggap ng endowment, naglingkod sila sa pamamagitan pag-uugnay ng kanilang mga tao sa bahay ng Panginoon.12

May apat na templo lamang noon sa mundo, kung kaya ang mga Banal na nakatira sa labas ng Estados Unidos ay maaaring magpadala ng mga pangalan ng mga yumaong mahal sa buhay sa mga kamag-anak sa Utah upang isagawa ang gawain sa templo para sa kanila. Gayunman, nang mabinyagan sina Mere at Hirini noong 1884, wala silang mga kamag-anak sa Utah. Hindi nagtagal ay nakadama sila ng matinding hangaring magtungo sa Sion at pumunta sa templo.13

Mula pa sa simula, ang kanilang mga anak at apo ay tutol sa kanilang plano na lumipat. Ang Utah ay labing-isang libong kilometro ang layo mula sa Nuhaka, ang kanilang nayon sa silangang baybayin ng North Island ng New Zealand. Si Hirini ay may mahahalagang responsibilidad bilang branch president at lider ng tribong Ngāti Kahungunu ng Māori. At si Mere ang tanging buhay na anak na babae ng kanyang mga magulang. Subalit ang pananabik ng mga Whaanga sa Sion ay mas sumidhi araw-araw.14

Noong mga nakaraang dekada, ang mga Banal mula sa mga Isla ng Pasipiko ay hindi lubos na hinihikayat na mandayuhan sa Sion. At sa panahong pinagninilayan nina Mere at Hirini ang paglipat, sinimulan na ng mga lider ng Simbahan ang pagpigil sa lahat ng Banal sa labas ng Estados Unidos na magtipon sa Utah, kung saan kakaunti ang mga trabaho at ang mga nandarayuhan ay maaaring madismaya. Gayunman, binigyan ng Unang Panguluhan ng pahintulot ang maliit na bilang ng mga Māori na pumunta, matapos magbigay ang mission president ng New Zealand ng kasiguruhan sa kanilang kasipagan at kakayahan.15

Dumating sina Mere at Hirini sa Utah noong Hulyo 1894 kasama ang ilan sa kanilang mga kamag-anak. Nanirahan sila sa Kanab, isang liblib na bayan sa katimugang Utah, kung saan ang bata pang pamangkin ni Hirini na si Pirika Whaanga ay lumipat ilang taon matapos mabinyagan sina Hirini at Mere. Inasahan ng pamilya na makaaakma sila nang mabuti sa mainit na klima ng katimugang Utah, ngunit nang makita ni Mere ang tuyo at payak na tanawin, naghinagpis siya at umiyak. Hindi nagtagal pagkaraan niyon, tumanggap siya ng balita mula sa New Zealand na pumanaw na ang kanyang ina.16

Sa paglipas ng panahon, hindi bumuti ang lagay ng pamilya. Isang missionary na nakilala nila sa New Zealand ang humikayat kay Hirini na mamuhunan ng pera sa isang paluging negosyo. Matapos marinig ang mga sabi-sabi tungkol sa negosyo, ipinadala ng Unang Panguluhan si William Paxman, dating mission president sa New Zealand, upang tulungan sina Mere at Hirini na lumipat sa isang lugar kung saan hindi sila masasamantala ng kanilang mga kapitbahay.17

Ang mga Whaanga ay nanirahan na ngayon sa kanilang tahanan sa Lunsod ng Salt Lake. Dumalo sila sa mga muling pagtitipon ng Zion’s Māori Association, isang organisasyon ng mga returned elder mula sa New Zealand Mission, at nakikipagkita tuwing Biyernes ng gabi kasama ang ilang miyembro ng grupo. Pinahintulutan din sila ng Unang Panguluhan na magsagawa ng gawain sa templo para sa mga yumaong kamag-anak ng lahat ng mga Māori na Banal sa New Zealand.18

Bagama’t hindi siya marunong magbasa at sumulat nang nagtungo siya sa Utah, tinuruan ni Mere ang kanyang sarili na magbasa at magsulat upang mapag-aralan niya ang kanyang mga banal na kasulatan at makapagsulat ng mga liham sa kanyang pamilya. Sumulat din si Hirini ng nakahihimok na mga liham sa mga kamag-anak at kaibigan, ginagawa ang kanyang makakaya upang mapalakas ang mga Banal sa kanilang bayang sinilangan. Sa New Zealand, lumalago ang Simbahan kapwa sa mga naninirahan na mula sa Europa at sa mga Māori. Dose-dosenang branch ang lumaganap sa buong bansa, kasama ang mga korum ng priesthood, mga Relief Society, mga Sunday School, at Mutual Improvement Association.19

Subalit maraming taga-New Zealand ang bago pa rin sa pananampalataya. Ang ilang missionary, matapos marinig ang mga sabi-sabi tungkol sa masamang pagtrato sa pamilya Whaanga sa Kanab, ay nag-alala na baka mawalan ng pananampalataya sa Simbahan ang mga Māori. Gayundin, ang mga pinalabis na salaysay tungkol sa nangyari ay kumakalat sa New Zealand. Kung ang mga sabi-sabing iyon ay hindi mapipigilan, maaaring maharap sa krisis ang mission.20


Nang sumunod na taon, si Elizabeth McCune, isang mayamang Banal sa mga Huling Araw mula sa Lunsod ng Salt Lake, ay naglakbay patungong Europa kasama ang kanyang pamilya. Habang bumibisita sa United Kingdom, kung saan nagmimisyon ang kanyang anak na si Raymond, madalas na tinutulungan nila ng kanyang anak na babae na si Fay ang mga elder na ibahagi ang ipinanumbalik na ebanghelyo.

Isang araw, noong huling bahagi ng Hunyo 1897, nagpunta sila ni Fay sa Hyde Park sa London upang umawit kasama ang isang koro ng mga missionary. Nagdiriwang si Reyna Victoria ng kanyang ika-animnapung taon sa trono, at ang mga mangangaral mula sa lahat ng dako ng Britain ay nagpunta sa parke upang magdaos ng mga pulong sa labas at makipagpaligsahan upang makapagbinyag ng mga kaluluwa ng mga nagdiriwang sa lunsod.

Pumuwesto sina Elizabeth at Fay sa tabi ng mga missionary, at tahimik na binati ni Elizabeth ang kanyang sarili at ang koro habang parami nang parami ang mga taong nakapaligid sa kanila. Pagkatapos ay lumapit at sumilip sa kanila ang isang lalaking may maayos na damit at nakasalamin.

“Naku! Naku!” bulalas niya. “Nakakarindi naman ang ginagawa nilang ingay sa ating parke!”21

Dahil sa kanyang mga salita, nabawasan ang pagmamalaking nadarama ni Elizabeth sa pagtatanghal ng koro. Subalit hindi nito napigilan ang hangarin niyang ibahagi ang ebanghelyo. Bago lisanin ang Utah, tumanggap si Elizabeth ng basbas mula kay Lorenzo Snow, ipinapangako sa kanya na siya ay magiging kasangkapan ng Panginoon sa kanyang mga paglalakbay.

“Ang iyong isipan ay magiging kasinglinaw na tulad ng sa isang anghel habang ipinapaliwanag mo ang mga alituntunin ng ebanghelyo,” basbas niya rito.22

Gustong gawin ni Elizabeth ang lahat ng makakaya niya upang makatulong sa gawaing misyonero. Sinimulan ng kanyang anak ang misyon nito sa pagdaraos ng mga pulong sa mga parke at kalye sa gitnang England. Noong panahong iyon, ipinagpatuloy ni William Jarman ang pagbibigay ng mensahe laban sa mga Banal. Bagama’t hindi na niya sinasabi sa mga tao na ang kanyang anak na si Albert ay pinaslang, patuloy siyang nagbunsod ng mga pag-atake laban sa mga missionary, kaya napilitan ang mga elder na bumaling sa mga pulis para maprotektahan. Ilan sa mga missionary sa lugar ni Raymond ay nasaktan ng mga mandurumog.23

Madalas samahan ni Elizabeth ang mga missionary sa London, hawak ang kanilang mga sumbrero at aklat sa oras ng mga pulong. Nakadama rin siya ng nag-aalab na hangaring mangaral. Bagama’t hindi siya maaaring tawagin na magmisyon, naiisip niya ang sarili na inatasan ng Diyos at tahimik na nakikipag-usap tungkol sa relihiyon sa mga tao sa kanilang tahanan. Sa katunayan, inakala niya na ang mga babaeng missionary ay maaaring mas makatawag ng pansin kaysa sa mga batang elder at samakatwid ay makatutulong sa pagsulong ng gawain.24

Ilang buwan matapos umawit sa Hyde Park, dumalo si Elizabeth sa kumperensya ng Simbahan sa London na ginaganap tuwing ika-anim na buwan. Sa sesyon sa umaga, tinuligsa ni Joseph McMurrin, isang tagapayo sa mission presidency, ang pamimintas ni William Jarman sa mga Banal. Itinuring niyang pinakamalaking suliranin ang nakaugaliang panlalait ni William sa mga babaeng Banal sa mga Huling Araw.

“Kasama namin ngayon ang isang ginang mula sa Utah,” ibinalita niya. “Hihilingin namin kay Sister McCune na magsalita ngayong gabi at ikuwento sa inyo ang kanyang karanasan sa Utah.” Pagkatapos ay hinikayat nito ang lahat sa kumperensya na isama ang kanilang mga kaibigan upang pakinggan ang kanyang mensahe.25

Nagulat si Elizabeth sa anunsiyo. Bagama’t nais niyang mangaral, nag-alala siya tungkol sa kakulangan niya ng karanasan. “Kung kasama lamang namin ang isa sa magagaling naming tagapagsalitang babae mula sa Utah,” naisip niya, “tiyak na mas mahusay ang magagawa niya!” Nangako ang mga missionary na ipagdarasal siya, at nagpasiya siyang humingi rin ng tulong sa kanyang Ama sa Langit.26

Mabilis na kumalat ang balitang magsasalita si Elizabeth nang gabing iyon. Dahil inaasahan ang malaking pulutong, naghanda ng mga ekstrang upuan sa pasilyo ang mga elder at binuksan ang bulwagan. Habang papalapit na ang oras ng pulong, napuno ng mga tao ang silid.27

Tahimik na nagdasal si Elizabeth at lumapit sa pulpito. Nagsalita siya sa mga tao tungkol sa kanyang pamilya. Isinilang siya sa England noong 1852 at nandayuhan sa Utah matapos sumapi sa Simbahan ang kanyang mga magulang. Naglakbay siya sa buong Estados Unidos at Europa. “Walang ibang lugar,” patotoo niya, “kung saan natagpuan ko ang gayong pagpapahalaga sa kababaihan na tulad ng mayroon ang mga Mormon ng Utah.”

“Ipinagmamalaki ng aming mga esposo ang kanilang mga asawa at anak na babae,” pagpapatuloy niya. “Binibigyan nila sila ng lahat ng pagkakataong dumalo sa mga pulong at panayam at pag-aralan ang lahat ng bagay na magmumulat at magpapaunlad sa kanila. Itinuturo sa amin ng aming relihiyon na ang asawang babae ay dapat pantay ang katayuan sa kanyang asawa.”28

Nang matapos ang pulong, kinamayan ng mga estranghero si Elizabeth. “Kung mas marami sa inyong kababaihan ang pupunta rito,” sabi ng isang tao, “napakaraming kabutihan ang magagawa.”

“Madam,” sabi ng isa pang binata, “nagtataglay ka ng katotohanan sa iyong tinig at mga salita.”29


Noong ika-7 ng Setyembre 1897, naghintay si John Widtsoe sa labas ng isang pagpupulong ng mga guro sa Brigham Young Academy sa Provo. Ilang oras bago iyon, atubiling pumayag si Leah Dunford na makipagkita sa kanya pagkatapos ng pulong. Isa na siya ngayong guro sa edukasyong pantahanan sa akademya, at itinuturo ang kanyang natutuhan mula sa kanyang isang taong pag-aaral sa Pratt Institute. Pauwi na si John matapos ang paglalakbay sa mga disyerto ng katimugang Utah para sa kanyang trabaho, at tumigil siya sa Provo upang iwasto ang kanyang ugnayan kay Leah.30

Inaalala pa rin ni John ang kanyang mga utang, ngunit mahal niya si Leah at nais niyang pakasalan ito. Gayunman, bihira na silang lumiham sa isa’t isa. Sa katunayan, isa binatang mission president na nakilala ni Leah sa New York ang may balak na mag-alok ng kasal sa kanya.31

Ang pulong ng mga guro ay dapat matapos nang 8:30 ng gabing iyon, ngunit hindi ito nagtapos hanggang sa makalipas ang isang oras pa. Pagkatapos ay pinaghintay pa ni Leah si John ng isa pang oras habang dumadalo siya sa isang pulong ng komite para sa isang aktibidad ng mga estudyante. Nang sa wakas ay natapos na ang pulong na iyon, inihatid ni John pauwi si Leah.

Habang naglalakad sila, tinanong niya si Leah kung maaari ba niyang makita ito kinabukasan. “Hindi mo ako makikita,” sagot ni Leah. “Abala ako hanggang ika-lima ng hapon.”

“Ganoon ba,” sabi ni John, “baka umuwi na lang ako bukas ng umaga.”

“Sige, walang problema,” sabi ni Leah.

“Magtatagal na lang ako siguro ng isang gabi pa,” sabi ni John, “kung makikita kita kinagabihan.”32

Nang sumunod na gabi, sinundo ni John si Leah sa akademya sakay ng karwaheng hila ng kabayo, at nagtungo sila sa isang lugar sa hilaga ng bayan. Sinabi ni John kay Leah na handa na siya para sa isang seryosong relasyon, pero hindi pa ito handa na tulad niya. Sinabi nito sa kanya na may isang taon siya upang patunayan ang kanyang pagmamahal. Wala itong pakialam kung paano niya ito gagawin. Ngunit ayaw nitong makipagbati sa kanya bago iyon.

Maaliwalas ang gabi, at ipinarada ni John ang karwahe sa isang lugar kung saan tanaw ang lambak. Habang pinagmamasdan ang maliwanag na buwan, tahasan nilang pinag-usapan ang maraming beses na sinaktan nila ang bawat isa sa nakalipas na apat na taon. Sinubukan nilang maunawaan kung bakit gayon kasaklap ang kinahinatnan ng kanilang relasyon. Bago nila namalayan, hindi na sila nakatitig sa buwan kundi sa isa’t isa.

Sa wakas, inakbayan ni John si Leah at hiniling dito na magpakasal sa kanya. Ang determinasyon nitong hilingin sa kanya na patunayan ang kanyang pagmamahal ay kagyat nawala, at nangako itong pakakasalan siya kapag natapos na ang klase para sa taon—basta’t pumayag ang mga magulang nito sa pag-iisang dibdib.33


Dahil naglalakbay ang ina ni Leah sa buong Idaho para sa YLMIA, una munang kinausap ni John ang ama ni Leah. Isang dentista sa Lunsod ng Salt Lake, unang inakala ni Alma Dunford na pumunta si John upang magpatingin sa kanya. Ngunit nang ipaliwanag ni John ang kanyang layunin, napaluha ang mga mata ni Alma at nagsalita siya tungkol sa kanyang pagmamahal at paghanga kay Leah. Ibinigay niya ang kanyang pahintulot sa kasal, nagpapahayag ng tiwala sa desisyon ng kanyang anak.34

Samantala, sumulat si Leah sa kanyang ina tungkol sa kasunduan sa kasal at tumanggap ng malungkot na sagot. “Ang lalaking pinili mo ay maraming ambisyon,” sabi ni Susa kay Leah. “Hindi upang gumawa ng mabuti at itatag ang Sion—kundi upang magtamo ng katanyagan, magdagdag ng mga bagong pagkilala mula sa ibang tao, at limitahan ang sarili mong pagkakataong umunlad, ang iyong sariling kapakinabangan ay matutuon lamang sa kanya at sa kanyang makasariling mga kagustuhan.”35

Hindi mapakali, sumulat din si John kay Susa. Tumugon si Susa makalipas ang isang buwan, ipinagkaloob ang kanyang pahintulot sa kasal ngunit inuulit din ang kanyang pamumuna sa malinaw na kawalan ng katapatan ni John sa Simbahan.36

Nasaktan sa liham si John. Bilang siyentipiko, tunay na umaasam siya sa papuri at pagkilala sa kanyang larangan. At naglaan siya ng maraming oras at mga talento upang paunlarin ang kanyang propesyon. Subalit kahit na nahihirapan siyang palakasin ang kanyang pananampalataya sa Harvard, hindi siya kailanman nagpabaya sa kanyang mga responsibilidad sa Simbahan. Alam niya na may tungkulin siyang gamitin ang kanyang kaalaman at kasanayan para sa kapakanan ng Sion.37

Tila marami pang inaasahan si Susa mula sa kanya. Ang kanyang henerasyon ng mga Banal—at ang henerasyon ng mga magulang nito—ay naniwala na ang personal na ambisyon ay hindi tugma sa pagtatayo ng kaharian. Nagawa na ni John na balansehin ang kanyang propesyon sa siyensya at ang kanyang tungkulin bilang tagapayo at guro sa kanyang elders quorum. Ngunit ang kanyang tapat na paglilingkod sa Simbahan ay hindi batid ng marami sa labas ng kanyang lokal na kongregasyon sa Logan.38

“Hindi ako natawag na maging bishop,” inamin niya kay Leah, “o bilang isang pangulo ng stake, o anumang opisyal ng stake, o pangulo ng pitumpu, o isang apostol, o maging sa anuman sa matataas na katungkulan sa Simbahan na pinagbubuhusan ng panahon ng isang lalaki.”

“Ngunit masasabi ko ito nang tapat,” sabi niya, “na ako ay handa ngayong gawin ang anumang bagay na hihilingin sa akin ng Simbahan. Napakasimple man ang gawaing itatakda sa akin, masaya ko itong gagawin.”39

Hindi na kailangang kumbinsihin si Leah. Ang simpleng panalangin ni John, na inialay noong unang umagang iyon sa Harvard, ang unang bagay na ikinaakit niya rito. Ngunit kailangan ni Susa ng mas maraming panahon na kasama si John upang malaman ang tunay na saloobin ng puso at pananampalataya nito.40

Noong Disyembreng iyon, inanyayahan ng pamilya Gates si John na ipagdiwang ang Pasko kasama nila. Nang panahong iyon, isang bagay sa mga sinasabi at ikinikilos ni John ang nagpahanga kay Susa na nagpapaalala sa kanya kung bakit niya ipinares ito kay Leah. “Noon pa man ang pakiwari ko sa iyo ay wala kang kunsiderasyon sa iba at makasarili,” sinabi niya kay John pagkatapos ng pagbisita, “ngunit ang ilan sa iyong mga ipinakita habang kasama ka namin ay nag-alis ng lahat ng paniniwalang iyon.”

Wala na siyang pangamba pa tungkol sa kasal. “Nadarama ko sa aking kalooban ang pagpapatunay na magiging maayos ang lahat,” isinulat niya.41

  1. “Mutual Improvement,” Salt Lake Herald, Hunyo 1, 1896, 6; Gates, History of the Young Ladies’ Mutual Improvement Association, 132, 221–22; [Thomas Hull], “Should the Mutual Improvement Associations Unite?,” Young Woman’s Journal, Ago. 1896, 7:503–5; tingnan din sa Thomas Hull, Letter to Editor, Contributor, Okt. 1896, 17:741.

  2. [Thomas Hull], “Should the Mutual Improvement Associations Unite?,” Young Woman’s Journal, Ago. 1896, 7:504; Gates, History of the Young Ladies’ Mutual Improvement Association, 128, 138–39, 221; Young Women General Board, Minutes, Abr. 8, 1896, 68–70. Mga Paksa: Mga Organisasyon ng Young Men; Mga Organisasyon ng Young Women

  3. “Mutual Improvement,” Salt Lake Herald, Hunyo 1, 1896, 6; “General Conference of the Young Men’s and Young Ladies’ Mutual Improvement Associations,” A. Elmina Shepard Taylor Collection, CHL; Hartley, My Fellow Servants, 349, 421; Walker, “‘Going to Meeting’ in Salt Lake City’s Thirteenth Ward,” 142. Paksa: Mga Sacrament Meeting

  4. The Old B. Y. Academy,” Young Woman’s Journal, Mayo 1892, 3:337; Widtsoe, In a Sunlit Land, 39, 42, 49, 232; Susa Young Gates to Leah Dunford, June 22, 1896; John A. Widtsoe to Leah Dunford, Feb. 14, 1894; Apr. 28, 1894; Leah Dunford to John A. Widtsoe, Mar. 25, 1894; Apr. 4, 1896, Widtsoe Family Papers, CHL; Leah Dunford, “A Visit to Pratt Institute,” Young Woman’s Journal, Mar. 1897, 8:249–59.

  5. John A. Widtsoe to Leah Dunford, Apr. 1896, Widtsoe Family Papers, CHL.

  6. Leah Dunford to John A. Widtsoe, Apr. 20, 1896, Widtsoe Family Papers, CHL.

  7. Leah Dunford to Susa Young Gates, June 22, 1896; July 7, 1896; July 11, 1896; [Sept. 21 and 22, 1896], Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL; Annual of the University of Utah, 7, 96; Susa Young Gates to Leah Dunford, Sept. 14, 1896, Widtsoe Family Papers, CHL; Kesler, Reminiscences, 34–36, 161.

  8. Embry, “Women’s Life Cycles,” 396–97, 410; Arrington, “Pioneer Midwives,” 57–61; Mulvay, “Zion’s Schoolmarms,” 67–72; Buchanan, “Education among the Mormons,” 439–40, 445–46. Paksa: Mga Babaeng Pioneer at Medisina

  9. Leah Dunford to Susa Young Gates, [Sept. 21 and 22, 1896], Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL; Kesler, Reminiscences, 36.

  10. Leah Dunford to Susa Young Gates, Oct. 18, 1896, Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL.

  11. “Institute Records of June, 1897,” Pratt Institute Monthly, Okt. 1897, 6:26; Leah Dunford to Susa Young Gates, Oct. 25, 1896, Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL; Donnette Smith to Julina Lambson Smith, Oct. 18, 1896, Family Correspondence, Joseph F. Smith Papers, CHL.

  12. Salt Lake Temple, Baptisms for the Dead, 1896–97, volume H, 153–54, microfilm 183,417; Endowments for the Dead, 1896–97, volume E, 108, 112–13, 116, microfilm 184,088; Sealings of Couples, Deceased, May 27, 1896–Mar. 24, 1898, volume C, 80, microfilm 1,239,575, U.S. and Canada Record Collection, FHL; Ezra Stevenson, “Zion’s Maori Association,” Deseret Evening News, Abr. 8, 1896, 1; Okt. 8, 1896, 2; Newton, Tiki and Temple, 84.

  13. Temple List,” makikita sa ChurchofJesusChrist.org/temples; George Reynolds to Ezra F. Richards, Feb. 27, 1897, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 31; Whaanga, “From the Diary of Mere Whaanga,” Mar. 7, [1902].

  14. Whaanga, “From the Diary of Mere Whaanga,” Feb. 8, 1902, at Mar. 7, [1902]; “Hirini Whaanga Is Here,” Salt Lake Tribune, Hulyo 20, 1894, 8. Paksa: New Zealand

  15. Douglas, “Latter-day Saints Missions and Missionaries in Polynesia,” 92–94; First Presidency to William T. Stewart, Oct. 14, 1893, William T. Stewart Papers, CHL; First Presidency to Anthon H. Lund, July 5, 1894, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 28; William T. Stewart to First Presidency, Aug. 12, 1893, First Presidency Mission Administration Correspondence, CHL; Newton, Tiki and Temple, 78–79. Paksa: Pandarayuhan

  16. “Hirini Whaanga Is Here,” Salt Lake Tribune, Hulyo 20, 1894, 8; Whaanga, “From the Diary of Mere Whaanga,” Feb. 8, 1902; Apr. 30, 1902; Mar. 15, 1903; Newton, Tiki and Temple, 81.

  17. Whaanga, “From the Diary of Mere Whaanga,” Mar. 15, 1903; George F. Gibbs to William Paxman, Sept. 23, 1895; George F. Gibbs to James L. Bunting, Oct. 11, 1895, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 29; Benjamin Goddard to William Paxman, Jan. 17, 1895, sa Gardner, Journal, Apr. 2, 1895.

  18. “To the Maori Saints,” Deseret Evening News, Peb. 20, 1897, 11; “Zion’s Maori Association,” Deseret Evening News, Okt. 8, 1896, 2; First Presidency to William T. Stewart, Oct. 14, 1893; First Presidency to Ezra F. Richards, Feb. 27, 1897, First Presidency Letterpress Copybooks, volume 27 at 31.

  19. Whaanga, “From the Diary of Mere Whaanga,” Feb. 8, 1902; “To the Maori Saints,” Deseret Evening News, Peb. 20, 1897, 11; Newton, Tiki and Temple, 42–76, 84–86; “The Australasian Mission,” Deseret Evening News, Mar. 4, 1896, 8; “From Australasia,” Deseret Evening News, Okt. 9, 1896, 8.

  20. Benjamin Goddard to William Paxman, Jan. 17, 1895, sa Gardner, Journal, Apr. 2, 1895.

  21. Susa Young Gates, “Biographical Sketches,” Young Woman’s Journal, Ago. 1898, 9:340–41; McBride, “I Could Have Gone into Every House,” Church History website, history.ChurchofJesusChrist.org.

  22. Susa Young Gates, “Biographical Sketches,” Young Woman’s Journal, Ago. 1898, 9:339, 341.

  23. Susa Young Gates, “Biographical Sketches,” Young Woman’s Journal, Ago. 1898, 9:339–43; “From Various Missionary Fields,” Latter-day Saints’ Millennial Star, July 9, 1896, 58:441–42; Aug. 27, 1896, 58:555; Nottingham Conference, Manuscript History and Historical Reports, Aug. 25, 1896, CHL.

  24. Susa Young Gates, “Biographical Sketches,” Young Woman’s Journal, Ago. 1898, 9:340–41.

  25. Susa Young Gates, “Biographical Sketches,” Young Woman’s Journal, Ago. 1898, 9:342; “London Conference,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Okt. 28, 1896, 59:684–85.

  26. Susa Young Gates, “Biographical Sketches,” Young Woman’s Journal, Ago. 1898, 9:342.

  27. London Conference,” Latter-day Saints’ Millennial Star, Okt. 28, 1896, 59:684.

  28. Susa Young Gates, “Biographical Sketches,” Young Woman’s Journal, Ago. 1898, 9:342; tingnan din sa McBride, “I Could Have Gone into Every House,” Church History website, history.ChurchofJesusChrist.org.

  29. Susa Young Gates, “Biographical Sketches,” Young Woman’s Journal, Ago. 1898, 9:343. Paksa: Pag-unlad ng Gawaing Misyonero

  30. Leah Dunford to Lillian Hamlin, Sept. 25, 1897, Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL; John A. Widtsoe to Leah Dunford, Aug. 14, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL; Widtsoe, In a Sunlit Land, 49–50, 232.

  31. John A. Widtsoe to Leah Dunford, Oct. 4, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL; Widtsoe, In a Sunlit Land, 232; Jacob Gates to Susa Young Gates, Sept. 15, 1897, Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL; “Alonzo Pratt Kesler,” Missionary Database, history.ChurchofJesusChrist.org/missionary; tingnan sa Dunford and Widtsoe correspondence, Sept. 1, 1896–July 25, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL.

  32. Leah Dunford to Susa Young Gates, Sept. 12, 1897, Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL.

  33. Leah Dunford to Susa Young Gates, Sept. 12, 1897; Leah Dunford to Lillian Hamlin, Sept. 25, 1897, Family Correspondence, Susa Young Gates Papers, CHL. Paksa: Sina John at Leah Widtsoe

  34. Presidency of YLNMIA to “Sisters Visiting the Stakes,” [Aug.] 1897, Young Woman’s Journal Files, Susa Young Gates Papers, CHL; Susa Young Gates to Leah Dunford, Sept. 16, 1897; John A. Widtsoe to Leah Dunford, Sept. 13, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL.

  35. Susa Young Gates to Leah Dunford, Sept. 16, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL.

  36. John A. Widtsoe to Leah Dunford, Nov. 14, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL; Susa Young Gates to John A. Widtsoe, Nov. 22, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL. Paksa: Susa Young Gates

  37. John A. Widtsoe to Leah Dunford, Oct. 18, 1897; Nov. 14, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL; Widtsoe, In a Sunlit Land, 37, 51–52.

  38. Woodruff, Journal, May 14, 1843; Pratt, Autobiography, 86–87; John A. Widtsoe to Leah Dunford, Nov. 29, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL.

  39. John A. Widtsoe to Leah Dunford, Nov. 29, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL.

  40. Leah Dunford to John A. Widtsoe, Nov. 7, 1897; John A. Widtsoe to Leah Dunford, Nov. 29, 1897; Susa Young Gates to John A. Widtsoe, Nov. 22, 1897, Widtsoe Family Papers, CHL.

  41. Susa Young Gates to John A. Widtsoe, Jan. 20, 1898, Widtsoe Family Papers, CHL.