Paano Namumuhay ang mga Disipulo ni Cristo sa Panahon ng Digmaan at Karahasan
Ang mga alituntunin mula sa Aklat ni Mormon ay tumutulong sa atin na mamuhay nang may pananampalataya at pag-asa sa panahon ng kaguluhan.
Nabubuhay tayo sa panahong laganap ang digmaan at karahasan. Nababalita ang ganitong kahindik-hindik na mga kaganapan araw-araw. Sinabi ng propeta ng Panginoon na si Pangulong Thomas S. Monson, “Naparito tayo sa mundo sa panahong puno ng kaguluhan.”1 Pinagtibay niya ang sinabi ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008): “Nabubuhay tayo sa panahong gumagawa ang mararahas na tao ng kakila-kilabot at nakamumuhing mga bagay. Nabubuhay tayo sa panahon ng digmaan.”2
Bagama’t nakalulungkot, hindi na ito nakapagtataka. Itinuro sa mga banal na kasulatan na sa mga huling araw si Satanas ay “[makikidigma]” (Apocalipsis 12:17) sa matatapat at na ang “kapayapaan ay aalisin sa mundo” (D at T 1:35).
Nakita ng Diyos ang ating panahon at tinawag si Propetang Joseph Smith upang ilabas ang Aklat ni Mormon para tulungan tayo (tingnan sa D at T 1:17, 29; 45:26). Sa 239 na mga kabanata sa Aklat ni Book of Mormon, 174 (73 porsiyento) ang tungkol sa digmaan, terorismo, pagpatay, mga sabwatan sa pulitika, lihim na pagsasabwatan, pagbabanta, pagkakaisa ng pamilya para sa masamang layunin at iba pang mga kaguluhan.
Bakit itinala ng mga tagapag-ingat ng Aklat ni Mormon ang napakaraming insidente ng digmaan? Sumagot si Pangulong Ezra Taft Benson (1899–1994), “Mula sa Aklat ni Mormon nalaman natin kung paano namumuhay ang mga disipulo ni Cristo sa panahon ng digmaan.”3 Ang sumusunod ay mga kaalaman na maaaring gumabay sa atin sa panahong ito na puno ng kaguluhan.
Ang Pagsunod ay Nagdudulot ng Kaligtasan
Maraming beses sa Aklat ni Mormon, iniligtas ng Panginoon ang Kanyang mga disipulo kung sinusunod nila ang Kanyang mga kautusan.4 Itinuro ni Nephi, “Ang magiliw na awa ng Panginoon ay sumasalahat ng kanyang mga pinili, dahil sa kanilang pananampalataya, upang gawin silang malakas maging sa pagkakaroon ng kapangyarihang maligtas” (1 Nephi 1:20). Pagkatapos ay itinala ni Nephi kung paano iniligtas ng Panginoon ang kanyang ama mula sa mga taong nagtangkang pumatay rito, iniligtas ang kanyang pamilya mula sa pagkawasak ng Jerusalem, iniligtas silang magkakapatid sa tangkang pagpatay sa kanila ni Laban, at iniligtas siya sa karahasan nina Laman at Lemuel (tingnan sa 1 Nephi 2:1–3; 3:28–30; 4; 7:16–19; 18:9–23).
Sinabi ni Alma sa kanyang anak na si Shiblon, “Nais kong pakatandaan mo, na habang ibinibigay mo ang iyong lubos na tiwala sa Diyos ikaw ay maliligtas mula sa iyong mga pagsubok, at iyong mga suliranin, at iyong mga paghihirap” (Alma 38:5). Napansin din ni Mormon na “yaong matatapat sa pagsunod sa mga kautusan ng Panginoon ay naliligtas sa lahat ng panahon” (Alma 50:22). Pinagtibay ni Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol ang alituntuning ito nang sabihin niya: “Sa pagsunod ay patuloy na dadaloy ang mga pagpapala ng Diyos. Bibiyayaan Niya ang Kanyang masunuring mga anak ng kalayaan mula sa pagkaalipin at kalungkutan.”5
Ipinakita rin sa Aklat ni Mormon na kayang mapanatili ng kahit kakaunting mabubuting tao ang kapayapaan at kaligtasan ng buong lungsod (tingnan sa Helaman 13:12–14).
Ang Digmaan ay Maaaring Isang Panawagan na Magsisi
Kapag nalilimutan natin ang Diyos, tinatawag Niya tayo. Sa una gumagamit Siya ng mga pamamaraang puno ng awa tulad ng mga pagpapahiwatig at mga propeta. Ngunit kapag hindi tayo tumugon dito, mas matindi ang gagamitin Niyang paraan. Kung minsan, pinapayagan Niya ang mga digmaan at karahasan bilang bahagi ng Kanyang huling paraan para tulungan tayong bumalik sa Kanya.6
Sinabi ni Mormon, “At sa gayon nakikita natin na maliban kung parurusahan ng Panginoon ang kanyang mga tao sa pamamagitan ng maraming pagdurusa, oo, maliban kung kanyang parurusahan sila sa pamamagitan ng kamatayan at sa pamamagitan ng sindak, at sa pamamagitan ng taggutom at sa pamamagitan ng lahat ng uri ng salot, ay hindi nila siya maaalaala” (Helaman 12:3). Ang digmaan ay maaaring magpaalala sa atin na magsisi at bumalik sa Diyos.
Ang Diyos ay Naglalaan ng Tulong sa Panahon ng Digmaan
Kapag kinakailangang magdusa ang mga disipulo ng Diyos dahil sa mga epekto ng digmaan, ang Diyos ay naglalaan ng tulong para sa kanila. Noong mabihag si Alma at ang kanyang mga tagasunod, kaagad silang bumaling sa Panginoon (tingnan sa Mosias 23:27–28), at Siya ay agad na tumugon: “Pagagaanin ko rin ang mga pasaning ipinataw sa inyong mga balikat, na maging kayo ay hindi madarama ang mga ito sa inyong mga likod, maging habang kayo ay nasa pagkaalipin; … upang inyong malaman nang may katiyakan na ako, ang Panginoong Diyos, ay dumadalaw sa aking mga tao sa kanilang mga paghihirap” (Mosias 24:13–14).
Sinabi ni Jacob sa mga may dalisay na puso sa kanyang panahon, “Umasa sa Diyos nang may katatagan ng pag-iisip, at manalangin sa kanya nang may labis na pananampalataya, at kanya kayong aaluin sa inyong mga paghihirap, at kanyang isasamo ang inyong kapakanan, at magpapataw ng katarungan sa mga yaong naghahangad ng inyong pagkalipol” (Jacob 3:1).
Pinagtitibay ng mga propeta sa panahong ito ang katotohanang ito. Itinuro ni Elder Joseph B. Wirthlin (1917–2008) ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Bagama’t hindi laging namamagitan [ang Diyos] sa takbo ng mga pangyayari, ipinangako Niya sa matatapat ang kapayapaan maging sa kanilang mga pagsubok at paghihirap.”7
Sinabi ni Pangulong Benson, “Bagama’t nagiging mapanganib na ang panahon, … kung magtitiwala lang tayo sa Diyos at susundin ang kanyang mga utos hindi tayo kailangang matakot.”8
Ang Ilan ay Tinawag na Tumayo Bilang Saksi Laban sa Kasamaan
Bagama’t maaaring makaligtas sa digmaan ang mga disipulo ni Cristo, ang ilang disipulo ay tinawag na magdusa o mamatay upang tumayong saksi laban sa masasama. Ito ay isang masakit na katotohanan na hindi madaling tanggapin o maunawaan. Ipinaalala sa atin ni Elder Neal A. Maxwell (1926–2004) ng Korum ng Labindalawang Apostol na “hindi lubos na maliligtas ang matatapat sa mga pangyayari sa planetang ito.”9 Sinabi ni Pangulong Hinckley na ang ilan sa atin ay “magdurusa sa anumang paraan.”10
Iningatan sa Aklat ni Mormon ang ilang kabanata na naglalaman ng kalupitan at karahasan na tutulong sa atin upang maunawaan kung bakit ang mga disipulo ng Panginoon, kabilang na ang mga propeta pati na rin ang mga inosenteng babae at mga bata, ay nagdurusa at namamatay kung minsan sa digmaan. Halimbawa, iginapos ng masasamang saserdote ni Haring Noe ang propetang si Abinadi “at hinampas ang kanyang balat ng mga kahoy na panggatong, oo, maging hanggang sa kamatayan.” Bago namatay, nagpatotoo si Abinadi, “Kung papatayin ninyo ako, kayo ay magpapadanak ng dugo ng isang walang malay, at ito ay tatayo rin bilang patotoo laban sa inyo sa huling araw” (Mosias 17:10, 13).
Sa isa pang pangyayari tungkol sa malupit na pagpaslang sa Aklat ni Mormon, sinunog ng masasamang abogado at hukom ng Ammonihas ang mga asawa at anak ng mga nagbalik-loob. Sina Alma at Amulek ay dinala sa lugar kung saan nagaganap ang pagpaslang at pinilit silang panoorin ang walang-awang pagpaslang na ito.
“Nang makita ni Amulek ang mga pasakit ng kababaihan at maliliit na bata na natutupok ng apoy, siya rin ay nasaktan; at sinabi niya kay Alma: Paanong nasasaksihan natin ang nakapanghihilakbot na tagpong ito? Kaya nga iunat natin ang ating mga kamay, at gamitin ang kapangyarihan ng Diyos na nasa atin, at iligtas sila mula sa mga ningas.”
Sumagot si Alma, “Ang Espiritu ay pinipigilan ako na hindi ko kailangang iunat ang aking kamay; sapagkat masdan, tinatanggap sila ng Panginoon sa kanyang sarili, sa kaluwalhatian; at pinahihintulutan niyang gawin nila ang bagay na ito o ang magawa ng mga tao ang bagay na ito sa kanila, alinsunod sa katigasan ng kanilang mga puso, upang ang kahatulang gagawin niya sa kanila sa kanyang kapootan ay maging makatarungan; at ang dugo ng walang sala ay tatayong saksi laban sa kanila, oo, at malakas na daraing laban sa kanila sa huling araw” (Alma 14:10–11).
Ang Mabubuti na Namatay sa Digmaan ay Papasok sa Kapahingahan ng Panginoon
Sa pagdadalamhati natin sa pagpanaw ng ating matatapat na mga mahal sa buhay, tinitiyak sa atin ng Aklat ni Mormon na nakapasok na sila sa kapahingahan ng Panginoon at sila ay masaya. Ganito ang sinabi ni Moroni hinggil sa bagay na ito, “Sapagkat pinahihintulutan ng Panginoon na mapatay ang mabubuti upang ang kanyang katarungan at kahatulan ay sumapit sa masasama; kaya nga hindi ninyo dapat na akalain na ang mabubuti ay itinakwil dahil sa napatay sila; subalit masdan, papasok sila sa kapahingahan ng Panginoon nilang Diyos” (Alma 60:13).
Matapos ang digmaan na nag-iwan ng “mga katawan ng maraming libu-libo … ay nangag-agnasan sa mga bunton sa ibabaw ng lupa,” na kinabilangan ng ilang matatapat na disipulo ni Cristo, nakatala sa Aklat ni Mormon na ang mga nakaligtas ay “tunay na nagdalamhati dahil sa pagkawala ng kanilang mga kaanak, gayon pa man, sila ay nagsaya at nagpakagalak sa pag-asa, at nalalaman din, ayon sa mga pangako ng Panginoon, na sila ay ibabangon upang mamalagi sa kanang kamay ng Diyos, sa kalagayan ng walang katapusang kaligayahan” (Alma 28:11–12).
Ang Pangulo ng Kapayapaan
Ang Aklat ni Mormon ay inilabas upang pagpalain ang mga taong nabubuhay sa panahon ng digmaan at karahasan. Ang mga kaganapan at turo na nakatala rito ay nagpapakita ng pag-asa, naghahatid ng kapanatagan, at naglalaan ng banal na kaalaman. Nalaman natin na ang pagsunod sa Diyos ay nagliligtas sa marami, na ang digmaan ay maaaring panawagan na bumalik sa Diyos, at naglalaan ng tulong ang Diyos para sa Kanyang mga disipulo na kinakailangang magdusa. Nalaman din natin na ang mabubuti na namatay sa panahon ng digmaan o karahasan ay tatayo bilang saksi laban sa masasama at ang mga disipulong ito ay papasok sa kapahingahan ng Panginoon.
Sa huli, itinuturo sa Aklat ni Mormon kung paano makatatanggap ang mga disipulo ni Cristo ng kapayapaan sa kanilang mga puso, tahanan, at bansa. Ito ay napakahalagang kasangkapan upang madala tayo kay Jesucristo, ang Pangulo ng Kapayapaan.