Ang Sagot sa Akin ay Nagmula sa Kumperensya
Sara Magnussen Fortes, São Paulo, Brazil
Noong 2006 kumuha ako ng anthropology class sa isang kolehiyong Katoliko. Inatasan kami ng aming guro na magsaliksik tungkol sa isang partikular na relihiyon at ilahad ito sa klase. Pinili kong ilahad ang tungkol sa Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw—tutal, 21 taon na akong miyembro nito. Alam kong bihira at napakagandang pagkakataon ang maibahagi ang pinaniniwalaan ko sa 40 kasamahan at mga kaibigan ko.
Sa loob ng dalawang buwang paghahanda ng ilalahad ko, nahirapan akong makahanap ng simpleng paraan ng paglalahad ng mga doktrinang mahalaga sa akin sa paraang mauunawaan ng mga kaklase ko. Hindi ko tiyak kung ano ang mga puntong tatalakayin ko o kung paano ko gagawin ang mga ito. Nang isang linggo na lang bago ang paglalahad ko, hindi ko pa rin alam ang gagawin ko. Sa kawalan ng pag-asa, nagdasal ako at humingi ng tulong sa Panginoon.
Ang sagot sa akin ay dumating sa pamamagitan ng pangkalahatang kumperensya, na ginanap kalaunan nang linggong iyon. Sa kumperensya noong Abril 2006, si Pangulong James E. Faust (1920–2007), Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, ay nagbigay ng mensahe na pinamagatang “Ang Pagpapanumbalik ng Lahat ng Bagay.”1 Nadama kong pinagtibay ng Espiritu Santo na ang mga katotohanang ibinahagi ni Pangulong Faust—at ang paraan ng pagbabahagi niya sa mga ito—ay maaari kong tularan sa gagawin kong paglalahad.
Nag-download ako ng kopya ng mensahe mula sa Internet pagkatapos ng kumperensya at ginamit itong batayan sa paghahanda ko ng slideshow presentation, na ibinigay ko nang sumunod na linggo. Binigyan ako ng 20 minuto, ngunit dahil sa dami ng mga itinanong ng aking guro at mga kaklase, tumagal ng 40 minuto ang paglalahad ko—ang buong oras ng klase.
Nang matapos ako, sinabi ng aming guro na wala ni isa sa kanyang mga estudyante ang nakagawa ng gayon kagandang paglalahad. Binigyan niya ako ng mataas na marka at sinabi sa akin na ang tanging dahilan kung bakit hindi perpekto ang nakuha kong grado sa paglalahad ko ay dahil sa nagpakita ako ng pagkiling sa temang inilahad ko.
Kalaunan ay sinabi ko sa guro ang Liahona web page, kung saan matatagpuan niya ang mensahe ni Pangulong Faust at ang iba pang maaaring makatulong sa kanya. Binigyan ko rin siya ng kopya ng Aklat ni Mormon at hiniling na basahin niya ito, at inanyayahan siyang makipag-usap sa akin pagkatapos.
Nagpapasalamat akong malaman na naimpluwensyahan ng paglalahad ang ilan din sa mga estudyante. Sa nalalabing bahagi ng taon, nakita ko ang ebidensya ng kaibhang nagawa nito sa kanilang buhay. Tinanggap pa nga ng isa sa kanila ang mga misyonero sa kanyang tahanan, na nagbigay sa amin ng malaking pagkakataon na ipagpatuloy ang aming pag-uusap tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Nagpapasalamat ako sa pagkakataong maibahagi sa mga kaklase ko ang mga pinaniniwalaan ko. Ngunit ang mas mahalaga, nagpapasalamat ako na nalaman ko na sinasagot ng Panginoon ang ating taimtim na mga panalangin sa pamamagitan ng mga salita ng kasalukuyan nating mga propeta at apostol.