Papayapain ba Niya ang Aking mga Unos?
Nick Gentile, Utah, USA
Bilang guro sa ikalimang baitang sa isang pribadong paaralan sa Massachusetts, USA, nakikipagpulong ako sa mga administrator para pag-usapan ang pagkakaiba-iba ng mga kurikulum ng paaralan, na salungat sa mga prinsipyong nasa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Gayunpaman, ang pagsisikap kong panindigan ang mga katotohanan tungkol sa kasal at pamilya at itaguyod ang pagiging makatotohanan, paggalang, at pag-unawa, ay lumikha ng matinding hindi pagkakaunawaan, pambabatikos, at pagmamalupit.
May mga pagkakataong parang tulad ako ng mga Apostol na tumatawid sa maunos na Dagat ng Galilea habang natutulog si Jesus. Nadama kong tulad nila, ang pananampalataya ko’y nagsimulang manghina, at naisip ko rin, “Wala bagang anoman sa iyo na mapahamak [ako]?” (Marcos 4:38). Naniniwala akong tunay na pinatigil ni Jesus ang nagngangalit na hangin at mga alon noong unang panahon, ngunit habang tumitindi ang mga pagsubok ko, nahirapan akong magtiwala na papayapain Niya ang mga unos sa aking buhay.
Isang araw ay hiniling ng isang school administrator na ipaliwanag ko ang mga alalahanin ko sa lahat ng guro at kawani sa isang diversity-training meeting. Habang naghahanda ako sa paglalahad na ito, lalong naging taimtim ang aking personal na mga panalangin, pag-aaral ng banal na kasulatan, at pagdalo sa templo, at nadama kong ginagabayan ako ng Espiritu na malaman ang dapat kong sabihin.
Nang oras na para magsalita sa mga kasamahan ko, humugot ako ng lakas mula sa mga salita ni Propetang Joseph Smith: “Ating malugod na gawin ang lahat ng bagay sa abot ng ating makakaya, at pagkatapos nawa tayo ay makatayong hindi natitinag, na may lubos na katiyakan, na makita ang pagliligtas ng Diyos, at upang ang kanyang bisig ay maipahayag” (D at T 123:17).
Habang nagsasalita ako, nadama kong pinuspos ako ng kapayapaan at kapangyarihan ng Espiritu. Pinatotohanan ko ang dakilang pagmamahal ng Diyos para sa Kanyang mga anak at ang kanilang banal na katangian, kahanga-hangang potensiyal, at walang-hanggang kahalagahan. Itinuro ko na ipinapakita ng mga kautusan ng Diyos ang Kanyang pagmamahal dahil inilalaan ng mga ito ang landas tungo sa pinakamalaking kaligayahan. At ipinahayag ko na kapwa mapagagaling ni Jesucristo ang mga pasakit na likas na nangyayari at yaong kagagawan ng tao.
Hindi ko namalayan na lampas na pala ang 30 minutong ibinigay sa akin. Dahan-dahan na akong lumayo sa podyum, tinipon ang mga papel ko, at tumingala ako. Napuno ng sagradong katahimikan ang silid. May ilang taong nakangiti at ang iba naman ay umiiyak. Pinasalamatan ako ng mga guro na may magkakaibang pananaw sa aking katapangan at matibay na paniniwala. Inamin ng isang kasamahan na may “espesyal na diwang” umantig sa kanya habang nagsasalita ako. Sinabi naman sa akin ng iba na noon lamang sila nakarinig ng gayong pangangatwiran at magalang na pagpapaliwanag ukol sa gayong mga paniniwala at natulungan sila ng mga salita ko na makita na kailangang baguhin ang kurikulum ng paaralan.
Ang Panginoon, na nagpayapa sa nagngangalit na unos sa pag-uutos na, “Pumayapa, tumahimik ka” (Marcos 4:39) ay muli itong ginawa—sa pagkakataong ito para sa akin!
Dahil sa karanasang ito, natutuhan ko na hindi tayo kailanman nag-iisa kapag nanindigan tayo sa katotohanan. Laging nariyan ang tulong ng Panginoon. Gaya ng ipinangako Niya, ‘Ako ay magpapauna sa inyong harapan. Ako ay papasainyong kanang kamay at sa inyong kaliwa, at ang aking Espiritu ay papasainyong mga puso, at ang aking mga anghel ay nasa paligid ninyo, upang dalhin kayo” (D at T 84:88).
Buong kaluluwa kong pinatototohanan na Siya ay Diyos ng kaligtasan. Alam ko ang katotohanang ito sapagkat sinagip Niya ako. Pinayapa Niya ang aking mga unos.