Mga Ideya para sa Family Home Evening
Ang isyung ito ay naglalaman ng mga artikulo at aktibidad na magagamit sa family home evening. Ang mga sumusunod ay ilang halimbawa.
“Pagpapalakas ng Pananampalataya kay Cristo,” pahina 12: Sa katapusan ng artikulo, tinalakay ni Elder Christofferson ang tungkol sa pananampalataya bilang alituntunin ng paggawa at ng kapangyarihan. Bilang pamilya, isiping talakayin ang ilang pagsubok na kinakaharap ninyo at mga mithiing maitatakda ninyo para makayanan ang mga ito. Pumili ng isang mithiing sisikapin ninyong gawin sa linggong ito, na inaalala na sa tulong ni Jesucristo, kaya nating gawin ang lahat ng bagay, ayon sa Kanyang kalooban at takdang panahon. Sa darating na family home evening, maaari ninyong talakayin ang nagawa na ng pamilya sa mithiing itinakda ninyo.
“Pagbabahagi ng Ebanghelyo sa Pagiging Mabuting Halimbawa,” pahina 16: Kapag ibinahagi ninyo ang mga kuwento mula sa artikulo, sabihin sa inyong pamilya na isipin ang mga kaibigan at kapamilyang mababahaginan ninyo ng ebanghelyo. Pag-usapan kung paano maging isang kaibigan at makinig nang may pagmamahal para maging handa kayo pagdating ng mga pagkakataon na makapagpapatotoo kayo.
“Panalangin para sa Pansariling Pag-unlad,” pahina 58: Basahin ang karanasan ni Amalia tungkol sa pagkatutong manalangin sa araw at gabi. Isiping basahin ang itinuro ni Amulek sa Alma 34:17–27 kung paano tayo nararapat magdasal. Maaari ninyong itanong sa mga kapamilya kung anong ideya ang ibinibigay ng mga talatang ito kung paano at kailan tayo nararapat magdasal. Magtapos sa patotoo ninyo tungkol sa kapangyarihan ng panalangin.
“Kaibigang Misyonero,” pahina 60: Matapos basahin ang artikulo, isiping ilista ang darating na mga aktibidad at pulong ng Simbahan na maaaring magustuhan ng mga kaibigan ng inyong mga kapamilya. Maaari ninyong isadula ang mga paraan para maanyayahan ang mga kaibigan sa isa sa mga aktibidad. Pag-usapan kung ano ang kahulugan ng maging tunay na kaibigan, lalo na sa mga hindi miyembro ng Simbahan. Magtapos sa pagpaplanong kontakin ang kaibigan at anyayahan ito.
Masaya ang Aming Pamilya
Ang family home evening na pinakagusto naming gunitain ay yaong idinaos namin noong hirap kami. Dahil binago ang namamahala, nagkaroon ng mga problema sa trabaho ang asawa ko at pinanghinaan siya ng loob.
Ipinasiya naming ilaan sa kanya ang family home evening sa linggong iyon. Bawat miyembro ng pamilya ay sumulat ng pasasalamat sa kanya, na sinasabi kung bakit mahal namin siya at ano ang inaasam namin para sa kanya. Pagkatapos ay gumawa kami ng album ng mga retrato ng pamilya na kinunan sa mahahalagang okasyon, tulad ng mga anibersaryo, kasal, pagbubuklod, pagsilang, at iba pang mga kaganapan. Sinulatan namin ng komento ang bawat isa, at tinapos ito sa mga katagang “Kaya masaya ang ating pamilya.” Sa pagtatapos ng gabi, kinanta namin ng aking anak na babae ang awitin sa Primary na gayon din ang mga kataga (tingnan sa “Isang Masayang Pamilya,” Aklat ng mga Awit Pambata, 104).
Sa family home evening nadama namin ang pagmamahal ng Tagapagligtas sa amin at ang pagmamahal namin sa isa’t isa.
Nagpapasalamat ako sa nakahihikayat na utos na magdaos ng family home evening. Ang pagsunod dito ay nagpapalakas sa atin, at inihahanda tayong maging walang-hanggang pamilya.
Kenia Duarte dos Santos, Brazil