2012
Nagdiwang ng Ika-170 Anibersaryo ang Kababaihan ng Relief Society sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo
Setyembre 2012


Nagdiwang ng Ika-170 Anibersaryo ang Kababaihan ng Relief Society sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

Upang ipagdiwang ang ika-170 anibersaryo ng pagkakatatag ng Relief Society, ang mga miyembro nito sa iba’t ibang panig ng mundo ay aktibong nakikibahagi sa paglilingkod at iba pang mga aktibidad ng organisasyon.

Noong Pebrero, nagpahatid ng paanyaya ang Relief Society general presidency sa mga miyembro nito sa buong daigdig, na nagmumungkahi ng walong posibleng aktibidad para sa pagdiriwang ng anibersaryo—na ginanap noong Sabado, Marso 17, 2012. Ang mga aktibidad ay maaaring planuhin sa ilalim ng pamamahala ng mga lokal na lider ng priesthood.

At tumugon ang mga miyembro nito sa iba’t ibang dako ng mundo. Ang mga sumusunod ay maiikling tampok na kaganapan mula sa ilang pagdiriwang na ginanap sa buong Simbahan.

Dominican Republic

Ipinaalala sa kababaihan ng Primavera First Branch ng La Vega Dominican Republic District ang sakripisyo ng kababaihan noon sa kasaysayan ng mga Banal sa mga Huling Araw at ang kanilang walang kupas na pamana sa pagdiriwang ng branch noong Marso 17.

Bawat babaeng nakibahagi ay nagsuot ng damit na kaestilo ng damit ng mga pioneer at nagbahagi ng mensahe tungkol sa Relief Society. Ipinaalala ni María Elena Pichardo de Gómez, unang tagapayo sa Relief Society presidency, sa kababaihan ang kanilang responsibilidad na paghandaan ang mga panahon ng kahirapan, tulad ng itinuturo ng mga makabagong propeta. Dagdag pa niya, “Ang matinding lakas ng Primavera First Branch Relief Society ay nasa pagkakaisa namin sa ebanghelyo sa kabila ng aming pagkakaiba-iba.”

Fiji

Sa pagsunod sa payo ng Relief Society general presidency na “mag-organisa ang Relief Society ng pagseserbisyo sa komunidad,” inilunsad ng Relief Society ng Samabula Ward ng Suva Fiji North Stake ang proyektong tinatawag na “Making a Difference—Charity Never Faileth.” Bawat babae sa ward ay nagmithing makapaglingkod, magmahal, o kaya’y magpakita ng kabaitan nang 170 beses—na pawang sa iba’t ibang tao—hanggang katapusan ng Setyembre 2012.

Nagdaos din ng aktibidad ang ward para tulungan ang kababaihan na mas maunawaan at mapahalagahan ang buhay at kontribusyon ng lahat ng Relief Society general president, mula kay Emma Smith hanggang ngayon.

Hong Kong

Sa Hong Kong, ipinagdiwang ng kababaihan ng New Territories Stake ang anibersaryo ng Relief Society sa paggunita sa kanilang sariling kasaysayan at sa kasaysayan ng Relief Society.

Nag-organisa sila ng eksibit na may temang “Pursuit of Grace,” kung saan nagpakita sila ng mga lumang retrato ng mga missionary, talaan ng pamilya, ipinintang larawan, at handicraft na ginawa sa mga naunang aktibidad ng Relief Society, gaya ng mga parol at peacock na gawa sa pulang supot na papel, pagbuburda, key chain, at pitaka.

Kenya

Sa Bamburi Branch ng Kenya Nairobi Mission, iniambag ng mga miyembro ng Relief Society ang perang gugugulin sana nila sa isang aktibidad at sa halip ay ibinili nila ito ng mga gamit sa kusina at iba pang mga aytem na kailangan ng branch. Matapos linising mabuti ang kanilang meetinghouse, nagtipon ang kababaihan ng ward upang gunitain ang pagtatatag ng Relief Society noong 1842, na gamit at tinatalakay ang mga mensahe sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian: Ang Kasaysayan at Gawain ng Relief Society.

“Ang isiping bahagi ako ng pandaigdigang organisasyong ito ng Relief Society ay espesyal,” sabi ni Irene Kioi, pangalawang tagapayo sa Relief Society presidency. “Tinitiyak nito sa akin na [ang Relief Society] ay inorden ng Diyos at hindi ng tao.”

Sa Mombasa Branch, pinag-aralan ng kababaihan doon ang tungkol sa mga babaeng disipulo ni Jesucristo mula sa Mga Anak na Babae sa Aking Kaharian at sa Bagong Tipan. Sabi ng Relief Society president ng branch na si Jael Mwambere, “Ito ang una nating anibersaryo para sa Mombasa Branch Relief Society. Sana’y mag-ibayo ang katapatan natin sa ating mga tungkulin sa Relief Society. Nawa’y pangalagaan natin ang isa’t isa, dumalo tayo sa mga miting natin sa Simbahan, at tulungan natin ang mga nangangailangan, mula ngayon.”

Ang Republic of the Marshall Islands

Noong araw ng Sabado, Marso 17, daan-daang kababaihan mula sa Ajeltake Branch, Laura Ward, at Long Island Majuro Ward ng Majuro Marshall Islands Stake ang nagtipon sa Rairok, isang bayang malapit sa Majuro Atoll, nang alas-4:30 n.u. Ang dahilan: naglakad sila nang apat na oras at kalahati papuntang Delap meetinghouse para ipakita ang kahalagahan ng pagtitiis. Nakasama nila kalaunan ang kababaihan ng Delap at Rita Ward, na naglakad din papunta sa meetinghouse, para sa debosyonal at almusal. Kalaunan ay nagtanghal ng maiikling palabas at sayaw ang kababaihan at nakinig sila sa mensahe ng stake president.

Spain

Ang Dos Hermanas Ward ng Seville Spain Stake ay nagdispley ng eksibit tungkol sa kasaysayan ng Relief Society ng ward at isinama roon ang espesyal na album ng mga larawan ng paglilingkod at mga aktibidad na magkakasamang ginawa ng kababaihan sa paglipas ng panahon.

Sinabi ni María Pérez Sánchez, unang tagapayo sa Relief Society presidency, “Ang pakikibahagi sa anibersaryo ng organisasyong ito ay mas naglapit sa akin sa mga babaeng pioneer na iyon na labis na nagsakripisyo para sa atin. At ngayon, maipagpapatuloy natin ang gawaing ito na sinimulan nila.”

Ang Estados Unidos

Sa Gardner Ward ng Springfield Massachusetts Stake, ipinagdiwang ng kababaihan ang ika-170 anibersaryo ng Relief Society sa isang salu-salong idinaos noong Marso 15. Bahagi ng gabing iyon ang mga paglalahad ng apat na miyembrong babae, na bawat isa ay nagkuwento tungkol sa isang babaeng naging maganda ang impluwensya sa kanilang buhay. Bawat tagapagsalita ay nagdala rin ng maliit na displey para pagandahin ang kanilang paglalahad.

“Ito ay isang aktibidad na nagtaguyod sa lakas at halaga ng kababaihan,” sabi ni Jennifer Whitcomb, Relief Society president, “at naghikayat din sa amin na makita ang lakas, pagkakatulad, at halaga ng isa’t isa.”

Bagama’t nakaraan na ang anibersaryo, ang paanyaya sa kababaihan na maglingkod at gawin ang iba pang mga aktibidad sa pagdiriwang ay magpapatuloy sa buong 2012.

Ang Relief Society ng Samabula Ward ng Suva Fiji North Stake ay nagdaos ng aktibidad para tulungan ang kababaihan na mas maunawaan at mapahalagahan ang buhay at mga kontribusyon ng lahat ng Relief Society general president, mula kay Emma Smith hanggang ngayon.

Larawang kuha ni Evonne Inia-Taufaga