2012
Mga Senior Missionary: Pagtugon sa Tawag ng Propeta
Setyembre 2012


Mga Senior Missionary: Pagtugon sa Tawag ng Propeta

Ang mga senior missionary sa iba’t ibang panig ng mundo ay nagsalita tungkol sa malalaking gantimpla sa pagdaig sa mga balakid sa pagmimisyon.

Sina Chanta at Sounthara Luangrath ay nakaupo noon sa kanilang tahanan sa California, USA, nag-iisip ng dapat nilang gawin. Napagmisyon na nila ang kanilang apat na anak, at ngayon alam nila na sila naman ang dapat magmisyon. Hindi nila inakala na mas malaking desisyon ito: labis silang mangungulila sa kanilang mga apo! Nag-alala rin sila sa ilang problema sa kalusugan. At ano ang gagawin nila sa kanilang tahanan at mga ari-arian habang wala sila?

Hindi na kakaiba ang alalahanin ng mga Luangrath tungkol sa pagmimisyon. Sa katunayan, tinukoy ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol ang apat na kategorya na humahadlang sa pagmimisyon ng senior missionary: pangamba, pag-aalala sa pamilya, paghahanap ng tamang pagkakataon upang magmisyon, at pera.1

Kailangan ang malaking pananampalataya para madaig ang mga balakid na ito, isang katangian na ipinakita ng mga Luangrath nang marinig nila ang panawagan ni Pangulong Thomas S. Monson para sa mas marami pang misyonero noong pangkalahatang kumperensya ng Oktubre 2010. “Damang-dama namin ang Espiritu,” paggunita nila. “Gusto naming sundin ang propeta, kaya nagpasa kami ng mission application.”

Ang mga Luangrath ay tinawag na maglingkod bilang mga humanitarian missionary sa Laos, sa bayan kung saan sila isinilang, lumaki, at nag-asawa. Napawi ang kanilang pangamba nang naghahanda na silang maglingkod: sinuportahan sila ng kanilang pamilya, nalutas ang mga problemang pangkalusugan, at pinaupahan nila ang kanilang bahay. Nagkaroon sila ng kumpiyansa nang gawin nila ang iniutos ng Tagapagligtas: “Yumaon ka, … pumarito ka, sumunod ka sa akin” (Marcos 10:21).

Ang mga senior missionary ay maaaring magmisyon sa maraming paraan at sa maraming lugar. Tulad ng inilalarawan sa sumusunod na kuwento, naglilingkod man nang full-time o part-time, mag-asawa man o walang asawa, sa sarili man nilang bansa o sa ibang bansa, malalampasan ng mga senior adult ang mga balakid sa kanilang daan.

Pagharap sa Pangamba

“Ang pangamba dahil sa hindi namin alam ang gagawin o sa takot na hindi kami mahusay sa mga banal na kasulatan o sa wikang gagamitin ay lumikha ng pag-aabutiling maglingkod. Ngunit sinabi ng Panginoon, ‘Kung kayo ay handa kayo ay hindi matatakot’ (D at T 38:30). Ang inyong buhay ang siyang inyong paghahanda. … Humayo at magpakatotoo.”2

Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang pangamba o takot ay hadlang sa gawaing misyonero. May ilang tao na natatakot na wala silang sapat na mga kasanayan at kaalaman sa paglilingkod. Ang iba ay nangangamba na matira sa ibang lugar sa mundo o makisalamuha sa mga taong hindi nila kilala.

Si Sister Martha Marin ng Veracruz, Mexico, ay hinarap ang kanyang mga pangamba nang maglingkod siya nang full-time sa employment resource center sa Puebla, Mexico. Hindi siya sanay gumamit ng mga computer, na mahalagang bahagi ng employment center. Ngunit sa tulong at suporta ng kanyang kompanyon at ng iba pang kasama niya sa trabaho, natuto siyang gumamit nito. “Ang balakid na ito ay naging isang pagpapala,” sabi niya. “Alam ko na hindi ako nag-iisa sa gawaing ito.”

Si Sister Sondra Jones ng Utah, USA, ay tinawag na maglingkod sa Marshall Islands kasama ang kanyang asawang si Neldon. “Takot na takot ako sa papasukan ko. Lagi akong kinakabahan sa pagsisikap kong ituro ang ebanghelyo,” sabi niya. Matapos madama sa simula na wala siyang maitutulong, nagpasiya siyang magtuon ng pansin sa kanyang mga talento at kakayahan. Natutuhan niyang mahalin ang mga Marshallese at pinaglingkuran sila sa pamamagitan ng paggugupit ng kanilang buhok at pagtuturo sa kanilang manahi.

Pagkaraan ng 18 buwan kinalkula niya na mga 700 ang nagupitan niya ng buhok. Dahil sa kasabikan niyang ibahagi ang kanyang mga talento nakapaglingkod siya at naging kaibigan ang daan-daang tao, kabilang na ang mga miyembro ng Simbahan, mga investigator, at iba pang mga miyembro ng komunidad.

Paglutas sa mga Alalahanin ng Pamilya

“Wala nang iba pang maipagkakaloob ang mga lolo’t lola sa kanilang mga inapo kundi ang sabihin sa pamamagitan ng gawa at salita na, ‘Sa pamilyang ito nagmimisyon tayo!’”3

Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol

Ang isiping iwan ang nahihirapang mga anak o lumalaking mga apo ay tila hindi kayang gawin ng maraming tao. Subalit, natutuklasan ng mga misyonero na napalalakas ng kanilang paglilingkod ang kanilang mga pamilya sa paraang hindi nila inasahan.

Sina Raymond at Gwen Petersen ng Wyoming, USA, ay apat na beses nagmisyon. Ang pag-alis nila patungo sa kanilang pangalawang mission—sa Samoa sa ikalawang pagkakataon—ay naging mahirap sa simula para sa kanilang mga anak, na hindi nauunawaan kung bakit kailangang magmisyon ng isa pa ang kanilang mga magulang.

Kaagad natanto ng pamilya ang malaking pagpapalang dulot ng kanilang paglilingkod. “Lahat sila ay pinagpala!” sabi ni Sister Petersen. “Isang mag-asawa na hindi magkaanak ang biniyayaan ng isang anak na lalaki, ang isa ay mahimalang gumaling sa kanser, ang isa naman na may problema sa anak ay nakakita ng malaking pagbabago at ang isa pa ay umunlad sa negosyo.”

Ang kanilang kasipagan ay nag-iwan ng pananampalataya sa kanilang angkan. “May apat kaming apong lalaki na nasa misyon ngayon na nagsabing kami raw ang kanilang inspirasyon sa pagmimisyon,” sabi ni Sister Petersen. “May hihigit pa ba dito?”

Paghanap ng Tamang Pagkakataon Upang Magmisyon

“Lagi akong namamangha kung paano itinutugma ng Espiritu Santo ang mga katangian at pangangailangan ng bawat misyonero at mag-asawa sa maraming iba’t ibang kalagayan ng pagmimisyon sa buong mundo.”4

Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol

Kailangan ang paglilingkod ng senior missionary sa mga employment center, mission office, family history center, templo, at visitors’ center, at iba pang mga lugar. Maaaring humiling ang mga aplikante kung saan nila gustong maglingkod, ngunit ang tawag pa rin ay mula sa Panginoon, sa pamamagitan ng Kanyang propeta. Alam ng Panginoon ang tamang pagkakataon para sa bawat nakahandang single sister o sa mag-asawa.

Natuklasan nina George at Hine Chase ng New Zealand na ang mission call nila ay akma sa kanila; ikinatuwa nila na nakatulong ang kanilang mga trabaho at talento ng pamilya sa kanilang paglilingkod sa gawaing humanitarian sa Papua New Guinea.

Si Elder Chase ay dating karpintero at makakatulong sa pagkalkula at pag-organisa ng mga proyekto gaya ng pagpapagawa ng mga balon ng tubig. Si Sister Chase ay nagtrabaho ng 18 taon sa opisina. “Ang mga kasanayan ko sa pangangasiwa at sa computer ay napakahalaga,” sabi niya. Magkasama nilang ginamit ni Elder Chase ang kanilang mga abilidad para pangasiwaan ang isang career workshop program, tulungan ang mga tagaroon na matutuhan ang mga kasanayang gaya ng matalinong paggamit ng oras, pag-organisa, pamumuno, kalinisan, at komunikasyon.

Magkasamang ginamit ng mga Chase ang kaalamang natamo nila mula sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan at—higit sa lahat—mula sa pagiging mga magulang. Sa pamamahagi ng mga Chase ng mga gamit sa pag-aaral at pagpapaganda ng infant child care, nakatulong ang pagiging magulang nila na pahalagahan ang mga paghihirap na kinakaharap ng mga pamilya at paaralan doon.

Paglutas sa Problema sa Pananalapi

“Makipag-usap sa inyong mga kamag-anak at bishop o branch president. Kapag naunawaan ng mga tagapaglingkod ng Panginoon ang inyong temporal na sitwasyon, matatanggap ninyo ang mga walang hanggang pagpapala ng full-time [na pagmimisyon].”5

Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol

Maraming mag-asawa ang natatakot na wala silang sapat na pera para makapagmisyon. Iniisip nila ang kanilang gastusin sa pagkain, gamot, at bahay at kung paano mababayaran ang mga ito. Nauunawaan ng mga lider ng simbahan ang mga alalahaning ito at gumawa ng pagbabago sa patakaran para mapagaan ang pasanin (tingnan sa sidebar sa kaliwa). Gayunpaman, kailangan pa rin ang pananampalataya, maingat na pagpaplano, at kaunting sakripisyo sa paglutas sa mga problema sa pananalapi.

Nahirapan pa rin sina Leonard at Vera Chisango ng Zimbabwe kahit epektibo ang plano nila. Pinaghandaan nila ang kanilang pagmimisyon sa buong panahon ng pagsasama nila bilang mag-asawa, at alam nila na masusuportahan sila ng kanilang mga pensiyon at investment sa unang misyon nila sa Johannesburg South Africa Temple. Ngunit habang sila ay naglilingkod, biglang sumama ang lagay ng ekonomiya, at nabawasan ng malaki ang kanilang mga investment.

Sa tulong ng kanilang pamilya, ang mga Chisango ay nanatili sa kanilang misyon. Nakatutuwa ang mga pagpapalang dulot ng sakripisyong iyon: umunlad ang negosyo ng kanilang anak na lalaki, tumaas ang posisyon sa trabaho ng kanilang anak na babae, at natutong magtulungan ang kanilang mga anak para suportahan ang kanilang mga magulang.

Maraming senior missionary ang nagpapatotoo na ang mga pagpapalang dulot ng paglilingkod ay napakalaki kaysa nagastos. Si Elder Peter Sackley, isang missionary mula sa Canada na naglilingkod kasama ang kanyang asawang si Kelly sa Hong Kong area office, ay ibinuod nang ganito ang nadarama ng marami: “Mula sa trabahong suwelduhan napunta ako sa trabahong puno ng pagpapala.”

Pagdaig sa mga Balakid sa Pamamagitan ng Pagpapalakas ng Pananampalataya

“Maraming mapagpakumbabang Banal sa mga Huling Araw ang natatakot na baka hindi sila karapat-dapat magmisyon. Pero sa gayong magiging misyonero, ibinigay ng Panginoon ang katiyakang ito: ‘Pananampalataya, pag-asa, pag-ibig sa kapwa-tao at pagmamahal, na may matang nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos, ang kinakailangan upang maging karapat-dapat siya sa gawain.’”6

Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol

Para madaig ang apat na balakid sa paglilingkod ng senior missionary, nagmungkahi si Elder Hales ng simpleng solusyon: “Sumampalataya; batid ng Panginoon kung saan kayo kailangan.”7 Ang pananampalataya ang dumadaig sa takot, nagpapalakas ng mga pamilya, tumutulong sa senior missionary na mahanap ang tamang pagkakataong maglingkod, at tumutulong na malutas ang problema sa pananalapi.

Maraming taon na ang nakaraan, nagkaroon ng ganitong pananampalataya ang isang batang babaeng Polish na si Stanislawa Habel. Kalaunan sa kanyang buhay, inakay siya ng kanyang pananampalataya na tanggapin ang ipinanumbalik na ebanghelyo at maglingkod bilang family history missionary sa Utah noong siya ay nasa hustong gulang na.

Ang paglilingkod ni Sister Habel ay nagturo sa kanya ng isang sikreto: “Mas bumabata ang mga nagmimisyon.” Ngumiti siya at nagsabing, “Kapag nalilimutan mo ang mga balakid, natututo kang magpasalamat. Natututo kang maging higit na katulad ni Cristo sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa, at ito ay paghahandang mamuhay sa piling ng Ama sa Langit. Maaaring mabago ng misyon ang buhay ng isang senior missionary.”

Totoo nga ito, at maaaring mabago rin nito ang buhay ng mga taong buong pagpapakumbaba nilang pinaglilingkuran.

Mga Tala

  1. Tingnan sa Robert D. Hales, “Mga Mag-asawang Misyonero: Panahon Upang Maglingkod,” Liahona, Hulyo 2001, 28–31.

  2. Robert D. Hales, Liahona, Hulyo 2001, 29.

  3. Jeffrey R. Holland, “Tayong Lahat ay Kabilang,” Liahona, Nob. 2011, 46.

  4. Richard G. Scott, “Panahon na para Magmisyon!” Liahona, Mayo 2006, 89.

  5. Robert D. Hales, “Mga Mag-asawang Misyonero: Mga Biyayang mula sa Sakripisyo at Paglilingkod,” Liahona, Mayo 2005, 40.

  6. Russell M. Nelson, “Matatandang Misyonero at ang Ebanghelyo,” Liahona, Nob. 2004, 81.

  7. Robert D. Hales, Liahona, Hulyo 2001, 31.

Sina Chanta at Sounthara Luangrath, na lumipat sa California, USA, ay nakaturo sa Laos—ang bayan kung saan sila isinilang at lumaki at ngayon ay naglilingkod dito bilang mga missionary.

Si Sondra Jones ay naglingkod sa kababaihan ng Marshall Islands (kaliwa, kasama ang asawang si Neldon).

Si Martha Marin (dulong kanan) ay full-time na naglingkod sa employment resource center sa Puebla, Mexico.

Sina Raymond at Gwen Petersen ay nagmisyon nang dalawang beses sa mga Banal sa mga Huling Araw sa Samoa.

Sina George at Hine Chase ay naglingkod bilang mga humanitarian director sa Papua New Guinea.

Sina Peter at Kelly Sackley ay naglingkod sa Hong Kong area office.

Sina Leonard at Vera Chisango ay naglingkod sa Johannesburg South Africa Temple (kanan).

Tinutulungan ni Stanislawa Habel ang mga patron sa Family History Library sa Salt Lake City, Utah.

Larawan ng Johannesburg South Africa Temple na kuha ni Craig Dimond © IRI

Kaliwang itaas: Tinutulungan ng mga senior missionary na naglilingkod sa Salt Lake City, Utah, ang mga refugee mula sa iba’t ibang bansa na kalilipat sa kanilang mga bagong tahanan, kabilang dito ang pamilya Ntabwoba ng Rwanda, na nabuklod kamakailan sa templo

ITAAS: LARAWANG KUHA NI Robert Casey