Mensahe ng Unang Panguluhan
Pagbabahagi ng Ebanghelyo nang Puso sa Puso
Gagawa ng paraan ang Diyos para sa mga taong handang tumanggap ng ebanghelyo upang makilala nila ang Kanyang mga nakahandang lingkod na gustong magbahagi ng ebanghelyo. Nangyari na iyan sa sarili ninyong buhay. Ang dalas ng ganitong pangyayari ay depende sa kahandaan ng inyong isipan at puso.
May kaibigan ako na araw-araw nagdarasal na makakilala siya ng isang tao na handang tumanggap ng ebanghelyo. Palagi siyang may dalang kopya ng Aklat ni Mormon. Isang gabi bago magbiyahe, nagpasiya siyang huwag magdala ng aklat at sa halip ay nagdala siya ng pass-along card. Ngunit nang paalis na siya, isang espirituwal na pahiwatig ang dumating sa kanya: “Magdala ka ng Aklat ni Mormon.” Naglagay siya ng isa sa kanyang bag.
Nang isang babae na kakilala niya ang umupo sa tabi niya sa biyahe, naisip niya, “Siya na ba?” Nakasakay niya itong muli sa biyahe pauwi. Naisip niya, “Paano ko sasabihin sa kanya ang tungkol sa ebanghelyo?”
Sa halip, sinabi sa kanya ng babae, “Nagbabayad ka ng ikapu sa simbahan mo, di ba?” Sinabi niyang nagbabayad siya. Sinabi ng babae na magbabayad dapat siya ng ikapu sa kanyang simbahan pero hindi niya ito ginawa. At nagtanong ito, “Ano ang masasabi mo sa akin tungkol sa Aklat ni Mormon?”
Ipinaliwanag niya na ang aklat ay banal na kasulatan, isa pang saksi kay Jesucristo, at isinalin ng Propetang si Joseph Smith. Tila interesado siya, kaya may kinuha ang kaibigan ko sa kanyang bag at sinabing, “Nadama kong dapat kong dalhin ang aklat na ito. Sa tingin ko para sa iyo ito.”
Sinimulan niyang basahin ito. Nang maghiwalay sila, sinabi ng babae, “Mag-uusap pa tayo tungkol sa bagay na ito.”
Ang maaaring hindi alam ng kaibigan ko—ngunit alam ng Diyos—ay naghahanap ang babae ng simbahan. Alam ng Diyos na inoobserbahan ng babae ang aking kaibigan at nagtataka kung bakit napakasaya niya sa kanyang simbahan. Alam ng Diyos na magtatanong siya tungkol sa Aklat ni Mormon at na handa siyang magpaturo sa mga misyonero. Siya ay handa. Gayon din ang aking kaibigan. Ikaw at ako ay maaari ding maging handa.
Ang paghahandang kailangan natin ay sa ating isipan at puso. Narinig at naalala ng babae ang mga salita tungkol sa Aklat ni Mormon, sa ipinanumbalik na Simbahan ng Panginoon, at sa utos na magbayad ng ikapu sa Diyos. At nadama niyang nagsisimula na ang pagpapatibay ng katotohanan sa kanyang puso.
Sinabi ng Panginoon na Kanyang ipahahayag ang katotohanan sa ating isipan at puso sa pamamagitan ng Espiritu Santo (tingnan sa D at T 8:2). Karamihan sa mga tao na makikilala ninyo ay nasimulan na ang gayong paghahanda. Narinig o nabasa na nila ang tungkol sa Diyos at sa Kanyang salita. Kung malambot ang puso nila, madarama nila, gaano man kabanayad, ang pagpapatibay ng katotohanan.
Ang babae ay handa. Gayon din ang aking kaibigan, isang Banal sa Huling Araw na pinag-aralan ang Aklat ni Mormon. Nadama niya ang patunay na totoo ito, at sinunod niya ang pahiwatig ng Espiritu na magdala ng kopya ng aklat. Siya ay handa sa kanyang isipan at puso.
Inihahanda ng Diyos ang mga tao na tatanggap sa inyong patotoo tungkol sa ipinanumbalik na katotohanan. Kailangan Niya ang pananampalataya ninyo at pagkilos upang ibahagi nang walang takot ang bagay na naging napakahalaga sa inyo at sa mga mahal ninyo sa buhay.
Maghandang magbahagi sa pamamagitan ng pagpuno sa inyong isipan araw-araw ng mga katotohanan ng ebanghelyo. Kapag sinunod ninyo ang mga utos at tinupad ang inyong mga tipan, madarama ninyo ang patotoo ng Espiritu at ang higit na pagmamahal ng Tagapagligtas sa inyo at sa mga taong nakikilala ninyo.
Kung gagawin ninyo ang inyong bahagi, madaragdagan ang magagandang karanasan ninyo tungkol sa mga taong makikilala ninyo na handang makinig sa inyong patotoo sa katotohanan—na ibibigay ninyo nang puso sa puso.