Para sa Lakas ng mga Kabataan
Matalinong Paggamit ng Kalayaan
Isa sa mga pinakamahalagang katotohanan na matututuhan natin sa ating kabataan ay nagmumula ang totoong kalayaan at walang hanggang kaligayahan sa paggamit natin ng ating kalayaan sa pagsunod sa mga utos ng Diyos.1 Sa mga pahina 52–53 ng isyung ito, binigyang-diin ni Elder Shayne M. Bowen ng Pitumpu ang alituntuning ito.
“May potensyal kayo na matanggap ang lahat ng mayroon ang Ama. Nasa inyo ang pagpili,” sabi niya sa mga kabataan.
Sa mundong puno ng kasamaan at panganib, may mahalagang papel na ginagampanan ang mga magulang sa paghahanda sa kanilang mga anak na piliin ang tama at daigin ang tukso. Sa katunayan, iniutos ng Panginoon sa mga magulang “na palakihin ang [kanilang] mga anak sa liwanag at katotohanan” (D at T 93:40).
Ang Simbahan ay naglaan sa mga magulang ng mga mapagkukunan na makatutulong sa kanilang mga anak na matutuhan at maipamuhay ang pamantayang ito. Ang sumusunod na mga mungkahi ay maaaring makatulong.
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Kabataan
-
Basahing kasama ng inyong tinedyer ang bahaging karapatang pumili at pananagutan sa Para sa Lakas ng mga Kabataan. Kapag ginawa ninyo ito mabibigyan kayo ng pagkakataong matalakay ang pamantayan at masagot ang anumang mga tanong ng inyong anak na lalaki o babae.
-
Basahin ang artikulo ni Elder Bowen sa mga pahina na para sa kabataan ng isyung ito. Isiping gamitin ang kuwento tungkol sa pagpapakain ng tamang lobo upang matulungan ang inyong tinedyer na maunawaan ang kahalagahan ng paggawa ng mabubuting desisyon.
-
Magpunta sa youth.lds.org, i-klik ang “For the Strength of Youth” sa ilalim ng “Youth Menu,” at pagkatapos i-klik ang “Agency and Accountability.” Makahahanap kayo rito ng mga reperensya sa mga banal na kasulatan, mga video, mga tanong at mga sagot, at mga artikulo.
-
Isiping magdaos ng family home evening o family devotional tungkol sa kahalagahan ng katapangan at paninindigan para sa ating pinaniniwalaan.2
Mga Mungkahi sa Pagtuturo sa mga Bata
-
Ang paksa sa Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary sa buwang ito ay tungkol sa pagpiling sundin ang mga kautusan (tingnan sa mga pahina 64–65 sa isyung ito). Basahin ninyo bilang pamilya ang kuwento at ipabilang sa inyong anak kung ilan lahat ang mga desisyong ginawa sa kuwento. Ipaliwanag na hinahayaan tayo ng Ama sa Langit na gumawa ng mga desisyon para matuto tayo at umunlad. Ibahagi ang ilang bagay na natutuhan ninyo sa paggawa ng mga desisyon.
-
Kumpletuhin ang Aktibidad na PAT sa Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary. Pagkatapos ay pag-usapan ang mga ibubunga ng paggawa ng mabubuting desisyon. Ibahagi ang inyong patotoo sa mga pagpapalang natanggap ninyo sa paggawa ng mga tamang desisyon.
-
Para sa karagdagang mga ideya tungkol sa pagtuturo ng kalayaang pumili at pananagutan, tingnan ang bahaging 2012 Outline para sa Oras ng Pagbabahagi sa buwan ng Enero (online sa lds.org/callings/primary/sharing-time-2012).