2012
Kayo ang Ilaw ng Sanglibutan
Setyembre 2012


Nagsalita Sila sa Atin

Kayo ang Ilaw ng Sanglibutan

Adrián Ochoa

Sa pakikibahagi natin sa gawaing misyonero, makahuhugot tayo ng inspirasyon sa mga halimbawa ng Tagapagligtas, ni Alma, at ni Joseph Smith.

Karaniwang itinuturing ng mga returned missionary ang kanilang paglilingkod bilang pinakamagagandang taon ng kanilang buhay. Bakit kaya ganito?

Marahil dahil sa kagalakan na makita ang isa pang kaluluwa na lumalapit sa Tagapagligtas (tingnan sa D at T 18:15). Siguro dahil sa malapit nilang kaugnayan sa mga investigator, mga nabinyagan, miyembro, kompanyon, at mga mission president. Sa palagay ko ang mga ito ay bahagi nito, ngunit naniniwala rin ako na may kinalaman dito ang ilaw ng Tagapagligtas na nadarama nila—at ang liwanag na ibinabahagi nila sa pamamagitan ng paglilingkod at patotoo.

Alam natin na tinukoy ng Tagapagligtas ang Kanyang sarili bilang Ilaw ng Sanglibutan (tingnan sa Juan 9:5; 12:46). At sa Sermon sa Bundok, gayon din ang sinabi Niya sa Kanyang mga tagasunod:

“Kayo ang ilaw ng sanglibutan. Isang lunsod na natatayo sa ibabaw ng isang burol na hindi maitatago.

“Hindi rin nga pinaniningasan ang isang ilawan, at inilalagay sa ilalim ng isang takalan, kundi sa talagang lalagyan ng ilaw; at lumiliwanag sa lahat ng nangasa bahay.

“Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:14–16).

Ang pagbabahagi ng ating liwanag—ibig sabihin, mabanaag sa atin ang liwanag ng Tagapagligtas (tingnan sa 3 Nephi 18:24)—ay isang bagay na magagawa nating lahat sa ating buhay, at ito’y dapat nating simulan habang bata pa tayo. Sa pagmimisyon natin at sa habambuhay na pagbabahagi ng ebanghelyo, mapaparisan natin ang tatlong tao na, sa palagay ko, ay pinakamagandang mga halimbawa ng gawaing ito: sina Alma, Propetang Joseph Smith, at ang Tagapagligtas. Silang tatlo ay nakaimpluwensyang mabuti sa pagkaunawa ko sa kahalagahan ng gawaing misyonero—ng pagpapakita ng ilaw ng Tagapagligtas sa mundo.

Alma: Pagpapakumbaba

Ang mga turo ni Alma ay naging instrumento sa balak kong magmisyon. Bagamat tiniyak ng aking lola na nabinyagan ako noong walong taong gulang ako, madalang akong magsimba noong aking kabataan. Nang makilala ko ang mga misyonero noong young adult ako at nagsimula kong isipin ang tungkol sa Simbahan, sinimulan kong pag-aralan ang mga banal na kasulatan. Natuon ang aking pansin sa pagtalakay ni Alma tungkol sa napipilitang magpakumbaba at sa pagpili na magpakumbaba (tingnan sa Alma 32:13–15). Nakadama ako ng kakulangan dahil sa aking mga pagkakamali, ngunit pinag-isipan ko itong mabuti—nagpasiyang ang pagmimisyon ay mangangailangan ng malaking pagbabago. May trabaho na ako at may sariling negosyo, at gusto ko nang pakasalan ang kasintahan ko (na, asawa ko na ngayon). Matatalikuran ko ba ang lahat ng iyon upang maglingkod sa Panginoon?

Nagpunta ako sa isang pribadong lugar at nag-ukol ng panahon—ng talagang panahon—para manalangin at makipag-usap sa aking Ama sa Langit. Sa pagpapakumbaba ko, natanto ko na nais ng Ama sa Langit na maglingkod ako. Nagpasiya akong sundin ang Kanyang salita, at sa paggawa nito, natuklasan ko ang katotohanan ng pangako ni Alma: “Siya na tunay na nagpapakumbaba ng kanyang sarili, at nagsisisi ng kanyang mga kasalanan, at makapagtitiis hanggang sa katapusan, siya rin ay pagpapalain—oo, lalong higit na pagpapalain kaysa sa kanila na napilitang magpakumbaba” (Alma 32:15).

Kahit na lampas na ako sa edad na 26, lumapit ako sa aking bishop, na tumulong sa aking maghanda. Ipinadala ko ang papeles ko sa misyon at naghintay ng ilang buwan. Sa wakas, natanggap ko ang tawag na nagsasabi sa akin na hindi ako maaaring magmisyon ngunit maaari akong maglingkod sa public communications, ang larangan ng aking trabaho. Napakasayang panahon iyon. Binigyan ako ng training at pagkatapos ay lumabas sa mga talakayan sa media di-kalaunan nang opisyal na kilalanin ng pamahalaan ng Mexico ang Simbahan doon. Tinulungan ko ang mga stake sa pagsasanay ng kanilang mga public affairs specialist at nakipag-ugnayan ako sa mga opisyal ng pamahalaan. Pinagpala ako ng pagkakataong ito na maglingkod sa maraming paraan na hindi ko mailarawan at sa paraang hindi ko inaasahan. Mabuti ang ibinunga nito sa maraming aspeto ng aking buhay.

Ang paglilingkod mo bilang misyonero ang pinakamahalagang bagay na maghahanda sa iyo sa nalalabing panahon ng iyong buhay. Si Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) ay nangako sa mga magiging misyonero: “Ang panahong inuukol ninyo sa misyon, kung ang mga taon na iyon ay ginugol sa matapat na paglilingkod, ay higit na maghahatid ng mga pagpapala sa mga sakripisyong ginawa ninyo kaysa alinmang dalawang taon ng inyong buhay. … Kung buong katapatan at buong inam kayong maglilingkod sa misyon, kayo ay magiging mas mabuting asawa, magiging mas mabuting ama, magiging mas mabuting estudyante, mas mabuting manggagawa.”1 Kung hindi pa lampas ang inyong edad para maglingkod sa full-time mission, maghanda na ngayon para maglingkod. Mas marami ang pagpapalang matatanggap ninyo kaysa mga sakripisyong gagawin ninyo.

Alam kong maaaring dumating ang mga hamon habang pinag-iisipan ninyo ang pagmimisyon. Ginagawa ng kaaway ang lahat upang hadlangan ang pagsulong ng gawain ng Panginoon. Kung hindi kayo nakatitiyak kung dapat nga ba kayong magmisyon, inaanyayahan ko kayong magpakumbaba at lumuhod at magtanong sa Ama sa Langit. Ipinaalam Niya ang Kanyang kalooban sa akin, at alam kong gayundin ang gagawin Niya sa inyo.

Joseph Smith: Pagkakaroon ng Walang-Hanggang Pananaw

Mula kay Joseph Smith ay natutuhan ko na ang pagtutuon ng pansin sa kawalang-hanggan ay makadaragdag sa iyong kakayahan bilang lingkod ng Panginoon. Dati-rati ay nagtataka ako kung paano niya napagtiisan ang lahat ng pinagdaanan niya—lalo na ang mga pagsubok at pang-uusig. Ngunit dumating ang oras na naunawaan ko na dahil batid ni Joseph na may kabilang-buhay, alam niya na ang buhay na ito sa mundo ay bahagi lamang ng walang-hanggang paglalakbay. Naiisip ko kung ano kaya ang mangyayari sa akin kung naunawaan ko ang naunawaan niya noon, at sa pag-iisip tungkol dito, natanto ko na kapag nakatuon tayo sa nangyayari sa ngayon, ang ating pang-unawa ay nalilimitahan. Kapag nanatili tayong nakatuon sa kawalang-hanggan, mauunawaan natin kung gaano kahalaga na maging matapat tayo sa pagtulong sa iba, sa pagliligtas sa iba, at sa pagpapatotoo sa mga katotohanang alam natin.

Kung itutuon natin ang ating pansin, tulad ng ginawa ni Joseph, sa mga bagay na walang-hanggan, gaano kaya tayo kahanda at kasabik na ibahagi ang ebanghelyo sa ating pang-araw-araw na buhay? Ang pagbabahagi ng ating liwanag—pagpapakita ng ilaw ng Tagapagligtas—ay hindi limitado sa pagmimisyon. Kapag kayo ay matapat at handa, maibabahagi ninyo ang Ilaw ni Cristo sa mga nakapalibot sa inyo, na ibinabahagi kung sino kayo bilang miyembro ng Simbahan at kung ano ang pinaniniwalaan ninyo. Sa paglipat ninyo sa iba’t ibang lugar sa buong buhay ninyo at sa pakikisalamuha sa iba’t ibang mga tao, hinihikayat ko kayong kilalanin ang inyong mga kapitbahay, ang inyong mga kaklase, at mga kasamahan sa trabaho na miyembro ng ibang relihiyon. Sundin ang tagubilin ni Elder M. Russell Ballard na ibahagi ang ebanghelyo online, maging sa pamamagitan ng mga social media website, blog, at video-sharing site.2

Bagamat maituturo natin sa iba ang tungkol sa ebanghelyo sa pamamagitan ng pormal na talakayan, kung minsan ang kailangan lamang para mabaling ang isang tao sa ebanghelyo ay ang mabuting halimbawa at kahandaang ibahagi ang inyong patotoo sa paraan ng inyong pamumuhay. Kapag namumuhay kayo nang karapat-dapat sa Espiritu at hinayaang magliwanag ang inyong ilaw, makikita ng mga tao ang “inyong mabubuting gawa, at kanilang [lu]luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).

Ang Tagapagligtas: Nagtutuon ng Pansin sa Iba

At panghuli, ang Tagapagligtas, na ating halimbawa sa lahat ng bagay, ay tinuruan ako na huwag gaanong mag-alala tungkol sa aking sarili kundi magtuon ng pansin sa kaligtasan ng iba. Ang Kanyang buong buhay ay tungkol sa ibang tao. Kung minsan sa pag-iisip na ibahagi ang ebanghelyo sa mga taong iba ang relihiyon, nangangamba tayo sa maaari nilang isipin tungkol sa atin o kung paano sila tutugon. Sa pag-iisip tungkol sa paglilingkod bilang full-time missionary, masyado tayong nag-aalala tungkol sa ating kinikita o pag-aaral o mga mahal sa buhay—mabubuti at mahahalagang bagay ang mga ito ngunit makapaghihintay pa rin ang mga ito. Ang Tagapagligtas mismo ay “walang kahiligan ang kaniyang ulo” (Mateo 8:20). Itinuro Niya sa Kanyang mga tagasunod na “hanapin muna … ang kaharian [ng Dios],” at “lahat ng mga bagay na ito” ay idaragdag sa kanila (Mateo 6:33).

Totoo rin iyan sa ating lahat. Habang hinahangad nating sundin at ipakita ang Ilaw ng Sanglibutan, ang mga pagpapala ay darating sa mundo at kalaunan sa bawat isa sa atin. Nawa’y hangarin nating lahat na huwag itago ang ilaw kundi hayaan itong magningning sa ating buhay.

Mga Tala

  1. Gordon B. Hinckley, “Of Missions, Temples, and Stewardship,” Ensign, Nob. 1995, 52.

  2. Tingnan sa M. Russell Ballard, “Pagbabahagi ng Ebanghelyo Gamit ang Internet,” Liahona, Hunyo 2008, B1.

  3. Thomas S. Monson, “Kumperensya na Naman,” Liahona, Mayo 2011, 6.

  4. Thomas S. Monson, “Sa Pagkikita Nating Muli,” Liahona, Nob. 2010, 5–6.

  5. Thomas S. Monson, “Pagbati sa Kumperensya,” Liahona, Nob. 2009, 6.

Paglalarawan ni Matthew Reier; Si Cristo at ang Babaing Samaritana, ni Carl Heinrich Bloch, ginamit nang may pahintulot ng National Historic Museum AT Frederiksborg sa Hillerød, Denmark, hindi maaaring kopyahin; Pinapayuhan ni Nakababatang Alma ang Kanyang Anak, ni Darrell Thomas © IRI; Joseph Smith sa Liberty Jail, ni Greg K. Olsen, hindi maaaring kopyahin

Kaliwa: mga paglalarawan nina Christina Smith at Matthew Reier © IRI; kanan: mga paglalarawan ni Chris Wills © IRI; retrato ni Pangulong Monson na kinunan ni Craig Dimond © IRI