2012
Karapatang Pumili at Pananagutan
Setyembre 2012


Para sa Lakas ng mga Kabataan

Karapatang Pumili at Pananagutan

Elder Shayne M. Bowen

May kuwento tungkol sa isang matandang Cherokee na tinuturuan ang kanyang apong lalaki tungkol sa buhay. “May naglalaban sa kalooban ko,” sabi niya sa bata.

“Matinding labanan ito, at ito ay sa pagitan ng dalawang lobo. Ang isa ay masama: siya ang galit, inggit, lungkot, pighati, kasakiman, kayabangan, pagkaawa sa sarili, kasalanan, poot, kababaan, mga kasinungalingan, kapalaluan, kataasan, at pagkamakasarili.”

Nagpatuloy siya, “Ang isa ay mabuti: siya ay kagalakan, kapayapaan, pag-ibig, pag-asa, katahimikan, kababaang-loob, kabaitan, kagandahang-loob, pagdamay, pagkamapagbigay, katotohanan, pagkahabag, at pananampalataya. Nagaganap din ang labanang ito sa iyong kalooban—at sa kalooban din ng bawat tao.”

wolf’s head, half dark and half light

Paglalarawan ni Allen Garns

Sandali itong pinag-isipan ng apo at pagkatapos ay nagtanong sa kanyang lolo, “Alin pong lobo ang mananalo?”

Simple lamang ang isinagot ng matandang Cherokee, “Ang lobong pakakainin mo.”

Karapatang Pumili at Buhay Bago ang Buhay sa Mundo

Matagal na matagal na panahon na ang nakalipas, noong tayong lahat ay nasa piling ng ating Ama sa Langit, ay nagkaroon ng Malaking Kapulungan. Sa kapulungang iyon ang ating Ama, sa hangaring magkaroon din tayo ng kagalakan at kaligayahan na tinatamasa Niya, ay inilahad ang Kanyang plano kung saan paparito tayo sa mundo, magkakaroon ng katawang pisikal, at daranas ng pait at tamis sa buhay na ito. Maaari nating piliin ang Kanyang mga kautusan at maging katulad Niya o piliing huwag sundin ang Kanyang mga kautusan at ipagkait sa ating sarili ang kagalakan at mga pagpapalang ipinangako Niya.

Ang sentro ng plano ng ating Ama ay na tayo ay malayang makapipili. Ang kaloob na ito ay tinawag na kalayaan, ang kapangyarihang pumili. Pananagutan ang palaging kasama ng kalayaang pumili. Isa-isa tayong mananagot sa mga ginagawa nating pagpili.

Nang magtanong ang Ama sa Langit kung sino ang magsasakatuparan sa plano, nag-alok si Lucifer na tutubusin niya ang buong sangkatauhan ayon sa kanyang mga kondisyon, kung saan ipagkakait ang kalayaang pumili at tatanggapin niya ang lahat ng kaluwalhatian. Sisirain nito ang walang hanggang plano ng Diyos ukol sa kaligayahan.

Inalok ni Jesucristo ang Kanyang sarili na maging Tagapagligtas sa plano ng Ama. Pinili Niyang magpailalim sa plano ng Ama. Sumasampalataya tayo sa nakatatanda nating kapatid na si Jesucristo, nalalaman na ang Kanyang misyon ay mahalaga para makabalik tayo sa kaharian ng ating Ama.

Ano ang nangyari kay Lucifer? Sinabi ng Ama:

“Dahil dito, sapagkat yaong si Satanas ay naghimagsik laban sa akin, at naghangad na wasakin ang kalayaan ng tao, na ako, ang Panginoong Diyos, ang nagbigay sa kanya, at gayon din, na aking dapat ibigay sa kanya ang aking sariling kapangyarihan; sa pamamagitan ng kapangyarihan ng aking Bugtong na Anak, aking pinapangyaring siya ay mapalayas;

“At siya ay naging si Satanas, oo, maging ang diyablo, ang ama ng lahat ng kasinungalingan, upang linlangin at bulagin ang mga tao, at akayin silang bihag sa kanyang kagustuhan, maging kasindami ng hindi makikinig sa aking tinig” (Moises 4:3–4).

Dahil ang kalayaang pumili ay walang hanggang alituntunin at hindi ito lalabagin ng Ama sa Langit, nawala sa Kanya ang sangkatlo ng Kanyang mga anak, na piniling sumunod kay Satanas.

Karapatang Pumili at Buhay sa Mundo

Kung gayon ano ang layunin ng buhay dito sa lupa? Ang isang pangunahing layunin ay upang patunayan ang ating katapatan (tingnan sa Abraham 3:24–25). May kakayahan tayong malaman ang tama sa mali. Nasa atin ang kapangyarihang mula sa Diyos “na [kumilos] … at hindi pinakikilos” (2 Nephi 2:26). Sa huli, tatanggapin natin ang kahariang hinangad natin batay sa mga kautusang sinusunod natin, sa mga ordenansang tinatanggap natin, at mga tipan na tinutupad natin.

Gaya ng ipinaliwanag ng matalinong matandang Cherokee, nasa kanya na kung aling lobo ang kanyang pakakainin. Mayroon siyang kalayaang pumili, at siya lamang ang mananagot sa kanyang pagpili. Kailangan niyang tiisin ang mga bunga ng kanyang pagpili.

Kayo ang mga kabataan na maringal ang pinagmulan. Ipinadala kayo sa lupa sa panahon na narito ang kabuuan ng ebanghelyo. Kayo ay nabinyagan at nakumpirma upang matanggap ninyo, kung nanaisin ninyo, ang Espiritu Santo bilang palagi ninyong kasama. Nakagawa na kayo ng mga tipan sa binyag. At mga kabataang lalaki, nakagawa kayo ng karagdagang mga tipan sa priesthood.

Malaya ninyong mapipili ang buhay na walang hanggan sa pananatiling malinis ng inyong sarili at karapat-dapat na pumasok sa banal na templo ng Diyos at tanggapin ang mga ordenansa na magpapahintulot sa inyong bumalik sa piling ng Ama. Maaari ninyong piliin ang pagpapala ng buhay na walang hanggan, upang mamuhay nang tulad ng pamumuhay ng Diyos sa lahat ng kawalang-hanggan kasama ang inyong pamilya. May potensyal kayo na matanggap ang lahat ng mayroon ang Ama. Nasa inyo ang pagpili.

Gamitin nang matalino ang kalayaang ibinigay sa inyo ng Diyos.