Panalangin para sa Pansariling Pag-unlad
Buong buhay ko ay tinuruan ako ng mga magulang ko na manalangin, pero habang lumalaki ako, sa gabi na lang ang personal kong panalangin. Akala ko’y sapat na iyon—hanggang sa mapunta ako sa Young Women.
Nang bigyan ako ng buklet na Pansariling Pag-unlad, binasa kong lahat ang mga mithiin. May isa na talagang napagtuunan ko ng pansin: isang karanasan sa pinahahalagahan sa pananampalataya ang nagsabi na dapat akong manalangin sa umaga at maging sa gabi. “Bakit sa umaga?” tanong ko sa sarili ko. “Imposible iyon para sa akin.”
Lumipas ang panahon, at hindi ko tinutupad ang mithiing iyon. Pero determinado akong gawin iyon, at kahit mahirap, nagtiwala ako sa Panginoon.
Sa una lahat ay tila walang pagbabago. Pero may isang bagay sa kalooban ko na nagsimulang magbago. Parang pakiramdam ko ay mas nakatitiyak na ako sa lahat ng ginagawa ko. Hindi na naulit ang mga mumunting pakikipagtalo ko sa aking pamilya. Kapag bumangon ako nang maaga para magsimba, hindi na ako nakakaramdam ng pagod. Sa halip ay tumindi ang hangarin kong magsimba.
May isang partikular na araw na naisip ko na wala akong sapat na oras para gawin ang lahat ng kailangan kong gawin. Paggising ko sa araw na iyon, nagdasal ako—kahit hindi gaanong tiwala—na sana ay may magbago. Namangha ako sa nangyari: nagawa ko ang lahat ng kailangan kong gawin! Nahiya ako dahil hindi ako lubos na nagtiwala sa Panginoon pero napakasaya ko dahil sinagot Niya ang panalangin ko.
Ngayon ay nagdarasal na ako tuwing umaga at gabi, at talagang nagbago ang buhay ko.
Alam ko na laging pinakikinggan at sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin. Kailangan lang nating sumampalataya sa Kanya. Hinding-hindi Niya tayo pababayaan. Nariyan Siya. Kailangan lang na lumapit tayo sa Kanya. Alam ko na ang pangakong “magsituktok kayo, at kayo’y bubuksan” ay totoo (Mateo 7:7). Kailangan lang nating lumuhod, manalangin, at magtiwala sa Kanyang takdang panahon, hindi sa atin. Nagpapasalamat ako sa Kanya para sa programang Pansariling Pag-unlad at sa magandang kaloob na panalangin.