Ang Pinakamakapangyarihang Hukbo
Plano ko noon na maging opisyal sa army. Ngunit kapag naiisip ko ang kinabukasan ko, naaalala ko ang tanong ng aking ina, “Kailan mo planong magmisyon?”
Mula pa noong maliit ako, hangang-hanga na ako sa mga kuwento ng mga lider ng Simbahan na naglingkod sa hukbong sandatahan. Marami sa kanila ang naging mga bayani ng digmaan at mga dakilang halimbawa ng katapangan at kababaan ng loob sa kanilang sariling bayan. Nagbigay-inspirasyon sa akin ang kanilang mga karanasan para sumali sa military ng aking bansa.
Noong ako’y 13 taong gulang, nag-aral ako sa isang paaralan na kilala sa mahigpit nitong military discipline at infantry training. Mahirap ang iskedyul ko. Madalas ay pagud na pagod na ako pagkatapos ng maghapon kaya’t parang imposibleng mapag-aralan ko ang banal na kasulatan at dumalo sa seminary.
Nang nasa ikalawang taon na ako sa paaralan, gumawa ako ng mga plano sa aking buhay: pagkatapos mag-aral sa edad na 18, didiretso na ako sa paaralan ng mga opisyal at magtatapos makalipas ang apat na taon bilang opisyal sa Guatemalan Army. Lahat ng pangarap ko ay tila nagkakatotoo.
Isang araw sinabi ko kay Inay ang tungkol sa aking mga plano, at itinanong niya, “Kailan mo planong magmisyon?” Magmula nang araw na iyon ay lagi nang nasa isip ko ang kanyang tanong sa tuwing maiisip ko ang kinabukasan ko.
Mahigpit pa rin ang iskedyul ko, pero sinimulan ko nang magpakita ng dagdag na interes sa aking espirituwal na pagsasanay. Sinimulan kong dumalo sa seminary, sumama sa mga full-time missionary, at sumali sa mga aktibidad ng Simbahan. Sa pagsunod sa payo ng kuya ko na nasa full-time mission noon, sinimulan ko na ring basahin ang Aklat ni Mormon.
Noong nasa training ako para maging paratrooper, napakatindi ng aming training sa bawat araw. Babalik kami sa aming barrack na halos gumagapang na, pero palagi akong nagkakaroon ng lakas na basahin ang Aklat ni Mormon. Ang araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan ay nagpalakas sa aking espiritu at tinulungan akong magpatuloy sa aking training.
Isang gabi nagtipon ang mga kaibigan ko sa paligid ng kama ko para magtanong tungkol sa Aklat ni Mormon at sa Word of Wisdom. Pagkakataon ko na iyon na maging pinakamabuting uri ng sundalo—na nagtatanggol sa katotohanan at naghahatid ng kalayaan sa pamamagitan ng matatag at nakahihikayat na patotoo tungkol sa Aklat ni Mormon.
Noong ako’y 19 na taong gulang, muli akong nagpatala sa isang hukbo—ang hukbo ng Diyos, ang pinakamakapangyarihang hukbo sa lahat. Nagkaroon ako ng pribilehiyong makasama ang magigiting na mga elder at sister ng Sion sa batalyon ng Mexico Puebla Mission. Suot ang baluti ng Diyos, ipinahayag namin ang ebanghelyo at ipinaglaban ang kalayaan nang may tapang at lakas.
Nakikipaglaban tayo sa mga kampon ng kadiliman, ngunit ang tagumpay ay sa Diyos. Gusto kong patuloy na maging matapang na sundalo, nakalista para sa ating Hari. Napakalalakas ng ating mga sandata: ang Aklat ni Mormon, ang Espiritu Santo, at ang kabuuan ng ebanghelyo. Inaakay tayo sa tagumpay ng mga buhay na propeta. Kung sasanayin at ihahanda natin ang ating sarili para sa pagdating ng ating Tagapagligtas na si Jesucristo, puputungan Niya tayo ng mga korona ng karangalan sa kaluwalhatiang selestiyal.