2013
Para sa Kapayaan sa Tahanan
Mayo 2013


Para sa Kapayaan sa Tahanan

Ang isa sa pinakadakilang mga pagpapala na maibibigay natin sa mundo ay ang kapangyarihan ng isang tahanang nakasentro kay Cristo kung saan itinuturo ang ebanghelyo, tinutupad ang mga tipan, at may pagmamahalan.

Elder Richard G. Scott

Maraming tinig mula sa mundong tinitirhan natin ang nagsasabing dapat tayong magmadali. Palaging marami pang dapat gawin at tapusin. Subalit sa kaibuturan ng bawat isa sa atin ay naroon ang pangangailangan sa isang kanlungan kung saan may kapayapaan at katahimikan, isang lugar kung saan tayo makapagpapahinga at makapagpapalakas upang makapaghanda para sa darating na mga pagsubok.

Ang pinakamagandang lugar para sa kapayapaang iyan ay sa loob ng sarili nating tahanan, kung saan natin nagagawa ang lahat para maging sentro doon ang Panginoong Jesucristo.

Ang ilang tahanan ay may isang ama na karapat-dapat na mayhawak ng priesthood at isang tapat at mapagmahal na ina na magkasamang namumuno sa kabutihan. Maraming iba pang uri ng sitwasyon sa pamilya. Anuman ang inyong kalagayan, maaari ninyong isentro ang inyong pamilya at buhay sa Panginoong Jesucristo, dahil Siya ang pinagmumulan ng tunay na kapayapaan sa buhay na ito.

Tiyakin na bawat desisyong gagawin ninyo, temporal man ito o espirituwal, ay nakabatay sa ipinagagawa ng Tagapagligtas sa inyo. Kapag Siya ang sentro ng inyong tahanan, may kapayapaan at katahimikan. Nananaig ang diwa ng katiyakan sa tahanan, at nadarama ito ng lahat ng naninirahan doon.

Hindi lamang mga magulang ang magsasakatuparan ng payong ito, bagama’t tungkulin nilang mamuno. May responsibilidad ang mga anak na pag-ibayuhin pa ang pagsisikap na isentro ang pamilya kay Cristo. Mahalagang ipaunawa ng mga magulang sa mga anak kung paano nakakaapekto ang kanilang mga kilos sa bawat taong nakatira sa tahanan. Ang mga anak na naturuang mananagot sila para sa kanilang mga ikinikilos, mabuti man ito o hindi, ay lumalaking mapagkakatiwalaang mga mamamayan sa kaharian ng Diyos.

Tiyak kong matutukoy ninyo ang mga pangunahing alituntunin na isinesentro ang inyong tahanan sa Tagapagligtas. Ang payo ng propeta na manalangin at mag-aral ng banal na kasulatan ang bawat isa at ang pamilya araw-araw, at magkaroon ng lingguhang family home evening ay mahalaga at mga pangunahing bagay sa pagkakaroon ng isang tahanang nakasentro kay Cristo. Kung hindi regular na gagawin ang mga ito, mahirap makamtan ang hinahangad at kailangang-kailangang kapayapaan at kanlungan mula sa mundo.

Maging masunurin sa mga turo ng propeta na nais ni Cristong sundin ninyo. Huwag balewalain ang kaligayahan sa hinaharap sa paggawa ng mga bagay na panandalian lamang sa halip na isabuhay ang magagandang alituntunin ng ebanghelyo. Alalahanin: ang maliliit na bagay ay humahantong sa malalaking bagay. Ang mga maling pasiya o kapabayaan na tila walang halaga ay maaaring humantong sa malalaking problema. Ang mas mahalaga, ang simple, palagian, at mabubuting gawi ay humahantong sa buhay na puno ng saganang mga pagpapala.

Kayong mga bata sa Primary, kayong mga kabataang lalaki at babae sa youth program, at kayong masisigasig na missionary na naglilingkod ngayon ay gumagawa ng maraming bagay nang mas epektibo kaysa nagawa ko noong kaedad ninyo ako. Sa buhay bago tayo isinilang napatunayan ninyo na kayo ay matapang, masunurin, at dalisay. Nagsikap kayo roon na paunlarin ang inyong mga talento at kakayahan upang maihanda ang inyong sarili sa mortalidad nang may katapangan, dignidad, dangal, at tagumpay.

Halos kailan lang ay isinilang kayo sa mundo na taglay ang lahat ng kahanga-hangang kakayahan at walang-hanggang posibilidad. Subalit may tunay na panganib sa kapaligirang ginagalawan ninyo. Ang inyong malaking potensyal at kakayahan ay maaaring malimitahan o masira kung patatangay kayo sa kasamaang nakapalibot sa inyo. Gayunman, hindi madaraig ni Satanas ang Tagapagligtas. Nakatadhana na ang kapalaran ni Satanas. Alam niyang talo na siya, ngunit gusto niyang maisama ang pinakamaraming maisasama niya. Tatangkain niyang wasakin ang inyong kabutihan at mga kakayahan sa pagsasamantala sa inyong mga kahinaan. Manatili sa panig ng Panginoon, at magtatagumpay kayo sa tuwina.

Nabubuhay kayo sa isang mundong mabilis ang pag-unlad ng teknolohiya. Mahirap para sa marami sa aking henerasyon na umagapay sa mga posibilidad na ito. Depende kung paano ginagamit ang teknolohiya, ang mga pag-unlad na ito ay maaaring maging isang pagpapala o isang hadlang sa atin. Ang teknolohiya, kapag natutuhang mabuti at ginamit sa mabubuting layunin, ay hindi kailangang maging banta sa atin kundi isang bagay na nagpapalakas sa espirituwal na pakikipag-ugnayan.

Halimbawa, marami sa atin ang may sariling electronic device na kasya sa ating bulsa. Bibihirang wala tayo nito; maaari nating gamitin ito nang maraming beses sa isang araw. Ang nakalulungkot, ang mga device na ito ay maaaring pagmulan ng kasamaan at pagsasayang ng oras. Ngunit, kapag ginamit nang may disiplina, ang teknolohiyang ito ay maaaring maging kasangkapang poprotekta sa atin mula sa pinakamasamang impluwensya ng lipunan.

Sino ang mag-aakala sa nakalipas na ilang taon na kakasya na sa inyong bulsa ang mga pamantayang banal na kasulatan at mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya? Ang paglalagay lang nito sa inyong bulsa ay hindi poprotekta sa inyo, ngunit ang pag-aaral, pagninilay, at pakikinig sa mga ito sa tahimik na mga sandali bawat araw ay magpapalakas sa pakikipag-ugnayan sa Espiritu.

Maging matalino sa paggamit ng teknolohiya. Markahan ang mahahalagang talata sa inyong device at sumangguni sa mga ito nang madalas. Kung pag-aaralan ninyong mga kabataan ang isang talata sa banal na kasulatan nang kasindalas ng pagte-text ng ilan sa inyo, di-magtatagal at daan-daang talata ang maisasaulo ninyo. Ang mga talatang iyon ay mapapatunayang mabisang pagkunan ng inspirasyon at patnubay ng Espiritu Santo sa oras ng pangangailangan.

Napakahalagang gawin ang lahat ng ating makakaya upang maanyayahan ang magiliw at gumagabay na impluwensya ng Espiritu Santo sa ating buhay sa pagsisikap nating isentro ang ating tahanan sa Tagapagligtas. Ang pagsunod sa mga pahiwatig na iyon ay higit na nagpapalakas sa atin.

Malaking kapayapaan ang darating sa inyo kapag sinamahan ninyo ng paglilingkod sa mga tao sa inyong paligid ang inyong mga pagsisikap na maging masunurin. Napakaraming tao na nag-akalang kakaunti lang ang kanilang mga talento ang mapagkumbaba at lubos na ginagamit ang mga talentong iyon upang mapagpala ang buhay ng mga nasa paligid nila. Kasakiman ang ugat ng malaking kasamaan. Ang lunas sa kasamaang iyan ay ganap na naipamalas sa buhay ng Tagapagligtas. Ipinakita Niya sa atin kung paano ituon ang ating buhay sa di-sakim na paglilingkod sa iba.

Natutuhan ko ang isang katotohanang napakadalas maulit sa aking buhay at nalaman ko na ito ay isang batas na hindi mapag-aalinlanganan. Ipinaliliwanag nito ang kaugnayan ng pagsunod at paglilingkod sa kapangyarihan ng Diyos. Kapag sinunod natin ang mga utos ng Panginoon at pinaglingkuran natin ang Kanyang mga anak nang walang halong kasakiman, ang likas na ibubunga nito ay lakas mula sa Diyos—lakas na magawa ang higit pa sa magagawa nating mag-isa. Ang ating mga kaalaman, talento, at kakayahan ay nadaragdagan dahil tumatanggap tayo ng lakas at kapangyarihan mula sa Panginoon. Ang Kanyang kapangyarihan ay mahalagang sangkap sa pagkakaroon ng tahanang puno ng kapayapaan.

Kapag isinentro ninyo ang inyong tahanan sa Tagapagligtas, likas itong magiging kanlungan hindi lamang sa sarili ninyong pamilya kundi maging sa mga kaibigang mas mahirap ang kalagayan. Magaganyak sila sa katahimikang nadarama nila roon. Malugod na tanggapin ang mga kaibigang iyon sa inyong tahanan. Sila ay lalago at uunlad sa kapaligirang iyon na nakasentro kay Cristo. Kaibiganin ang mga kaibigan ng inyong mga anak. Maging mabuting halimbawa sa kanila.

Ang isa sa pinakadakilang mga pagpapala na maibibigay natin sa mundo ay ang kapangyarihan ng isang tahanang nakasentro kay Cristo kung saan itinuturo ang ebanghelyo, tinutupad ang mga tipan, at may pagmamahalan.

Maraming taon na ang nakararaan, pagkatapos ng isang mission tour, ikinuwento ng asawa kong si Jeanene ang isang elder na nakilala niya. Kinumusta ni Jeanene ang pamilya niya. Nagulat siya nang sabihin nito na wala siyang pamilya. Ipinaliwanag pa nito na nang ipanganak siya, iniwan siya ng kanyang ina sa pangangalaga ng gobyerno. Ginugol niya ang kanyang kabataan sa paglipat-lipat sa mga bahay-kalinga. Nang siya ay magbinata pinalad siya na matagpuan ang ebanghelyo. Isang mapagmahal na ward ang tumulong sa kanya na makapagmisyon.

Kalaunan kinumusta ni Jeanene sa asawa ng mission president ang mabait na elder na ito. Nalaman niya na ilang buwan bago iyon ay nasa mission home nang ilang araw ang elder na ito dahil sa isang karamdaman. Noong panahong iyon ay sumali ito sa kanilang family home evening. Bago siya bumalik sa misyon, itinanong niya sa mission president kung maaari siyang manatiling muli sa mission home nang dalawa o tatlong araw sa pagtatapos ng kanyang misyon. Gusto niyang obserbahan kung ano ang ginagawa ng isang pamilyang nakasento kay Cristo. Gusto niyang tularan ito kapag nagkapamilya siya.

Gawin ang lahat ng kaya ninyo para magkaroon ng gayong tahanan. Tulungan ang mga taong namumuhay sa mahihirap na kalagayan. Maging tunay na kaibigan. Ang ganito katibay na pagkakaibigan ay tumutulong sa iba na matiis ang hirap ng buhay at ginagawang mas madali at mas kasiya-siya ang buhay. Hindi ito dapat gamitin para sa sariling kapakinabangan kundi ito ay isang yaman na dapat pahalagahan at ibahagi. Malugod na tanggapin sa inyong tahanan ang mga taong kailangang mapalakas ng gayong karanasan.

Narito ang ilang bagay na nais kong sabihin sa mga taong nagmamahal sa isang kapamilya na hindi tama ang mga pagpapasiya. Maaaring subukan niyan ang ating tiyaga at tibay. Kailangan nating magtiwala sa Panginoon at sa Kanyang takdang panahon na darating ang magandang sagot sa ating mga panalangin at pagtulong. Gawin natin ang lahat upang makapaglingkod, magpala, at mapagkumbabang tanggapin ang kalooban ng Diyos sa lahat ng bagay. Manalig tayo at alalahanin na may ilang bagay na dapat ipaubaya sa Panginoon. Inaanyayahan Niya tayong ilagay ang ating mga pasanin sa Kanyang paanan. Sa pagsampalataya malalaman natin na ang mahal natin sa buhay na naligaw ng landas ay hindi pinabayaan kundi nasa pangangalaga ng isang mapagmahal na Tagapagligtas.

Tingnan ang mabuti sa iba, hindi ang kanilang mga kamalian. Paminsan-minsan kailangang pansinin ang pagkakamali para mapagsisihan, ngunit laging magtuon sa kanyang mabubuting katangian.

Kapag nadama ninyo na napakaliit lang ng pag-asa, ang pag-asang iyan ay hindi talaga napakaliit kundi isang napakalaking kawing na nagdurugtong, parang isang aparatong nagliligtas ng buhay para palakasin at pasiglahin kayo. Magbibigay ito ng kapanatagan para mapawi ang inyong pangamba. Sikaping mamuhay nang karapat-dapat at magtiwala sa Panginoon.

Hindi natin kailangang mangamba kung hindi natin sabay-sabay na magagawa ang lahat ng ipinagagawa sa atin ng Panginoon. Binanggit Niya rin ang tungkol sa panahon at kapanahunan ng lahat ng bagay. Bilang tugon sa ating taimtim na mga panalangin na mapatnubayan, tayo ay Kanyang gagabayan sa mga bagay na dapat nating pagtuunan ng pansin sa bawat bahagi ng ating buhay. Maaari tayong matuto, lumago, at maging katulad Niya sa patuloy at paisa-isang hakbang.

Pinatototohanan ko na ang pagiging masunurin sa buhay, na matibay na nakasalig sa ebanghelyo ni Jesucristo, ay naglalaan ng napakalaking katiyakan para sa kapayapaan at kapanatagan sa ating tahanan. Magkakaroon pa rin ng maraming hamon o kasawian, ngunit sa gitna ng paghihirap, maaari tayong magtamasa ng kapayapaan ng kalooban at malaking kaligayahan. Pinatototohanan ko na ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay pinagmumulan ng saganang kapayapaan, sa pangalan ni Jesucristo, amen.