2013
Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis
Mayo 2013


Naniniwala Kami sa Pagiging Malinis

Ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay magdaragdag sa ating kaligayahan sa mortalidad at gagawin nitong posible ang ating pag-unlad sa kawalang-hanggan.

Elder David A. Bednar

Ang aking mensahe ay tungkol sa tanong na napakahalaga sa espiritu: Bakit napakahalaga ng batas ng kalinisang-puri? Dalangin ko na pagtibayin ng Espiritu Santo ang katotohanan ng mga alituntuning bibigyang-diin ko.

Ang Plano ng Kaligayahan ng Ama

Ang walang-hanggang kahalagahan ng kalinisang-puri ay mauunawaan lamang sa mas malawak na konteksto ng plano ng kaligayahan ng ating Ama sa Langit para sa Kanyang mga anak. “Lahat ng tao—lalaki at babae—ay nilalang sa larawan ng Diyos. Bawat isa ay minamahal na espiritung anak na lalaki o anak na babae ng mga magulang na nasa langit, at, … may katangian at tadhana na tulad ng sa Diyos” (“Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” Liahona, Nob. 2010, 129). Lahat ng lalaki at babae ay nabuhay sa piling ng Diyos bilang Kanyang mga espiritung anak bago naparito sa lupa bilang mga mortal. Dahil sa plano ng Ama ang Kanyang mga anak na lalaki at babae ay magkakaroon ng pisikal na katawan, upang magkaroon ng mortal na karanasan, at umunlad tungo sa kadakilaan.

Ang Kahalagahan ng Pisikal na Katawan

Dahil sa ating pisikal na katawan nararanasan natin ang iba’t ibang matitinding karanasang hindi natin pagdaraanan sa buhay bago tayo isinilang sa mundo. Kaya nga, ang pakikipag-ugnayan natin sa ibang tao, ang kakayahang kumilala at kumilos ayon sa katotohanan, at kakayahang sundin ang mga alituntunin at ordenansa ng ebanghelyo ni Jesucristo ay nagagawa dahil sa ating katawan. Sa buhay sa mortalidad, nararanasan natin ang pagkalinga, pagmamahal, kabaitan, kaligayahan, kalungkutan, kabiguan, pasakit, at maging ang mga hamon na dulot ng limitasyon sa kakayahan ng pisikal na katawan sa mga paraang naghahanda sa atin para sa kawalang-hanggan. Sa madaling salita, may mga aral na dapat nating matutuhan at mga karanasang dapat pagdaanan, na tulad ng sabi sa mga banal na kasulatan, “ayon sa laman” (1 Nephi 19:6; Alma 7:12–13).

Ang Kapangyarihang Lumikha ng Buhay

Matapos likhain ang mundo, si Adan ay inilagay sa Halamanan ng Eden. Gayunman, napakahalaga ng sinabi ng Diyos na “hindi mabuti na ang lalaki ay mag-isa” (Moises 3:18; tingnan din sa Genesis 2:18), at si Eva ang naging asawa at katuwang ni Adan. Ang natatanging kombinasyon ng espirituwal, pisikal, mental, at emosyonal na mga kakayahan kapwa ng mga lalaki at babae ay kinailangan para ipatupad ang plano ng kaligayahan. “Ang babae ay di maaaring walang lalake at ang lalake ay di maaaring walang babae, sa Panginoon” (I Mga Taga Corinto 11:11). Ang lalaki at babae ay nilayong matuto sa isa’t isa, palakasin, pagpalain, at kumpletuhin ang isa’t isa.

Ang paraan ng paglikha ng mortal na buhay ay itinakda ng Diyos. “Ang unang kautusan na ibinigay ng Diyos kina Adan at Eva ay tungkol sa kanilang posibilidad bilang mag-asawa na maging magulang” (Liahona, Nob. 2010, 129). Ang kautusan na magpakarami at kalatan ang mundo ay iniuutos pa rin ngayon. Kaya nga, ang kasal ng isang lalaki at isang babae ang tamang pamamaraan kung saan papasok sa mortalidad ang mga premortal na espiritu. Ang hindi pakikipagtalik bago ikasal at lubusang katapatan kapag kasal na ang nagpoprotekta sa kabanalan ng sagradong pamamaraang ito.

Ang kapangyarihang lumikha ng buhay ay may espirituwal na kahalagahan. Ang maling paggamit sa kapangyarihang ito ay sumisira sa mga layunin ng plano ng Ama at sa ating buhay sa lupa. Ang ating Ama sa Langit at ang Kanyang Pinakamamahal na Anak ay mga tagalikha at ipinagkatiwala Nila sa atin ang bahagi ng Kanilang kapangyarihang lumikha. Ang mga tuntunin sa wastong paggamit ng kakayahang lumikha ng buhay ay mahalagang bahagi sa plano ng Ama. Ang damdamin natin at paggamit sa banal na kapangyarihang ito ang magiging batayan ng ating kaligayahan sa mortalidad at sa ating tadhana sa kawalang-hanggan.

Ipinaliwanag ni Elder Dallin H. Oaks:

“Ang kapangyarihang lumikha ng mortal na buhay ang pinakadakilang kapangyarihang bigay ng Diyos sa Kanyang mga anak. Ang paggamit nito ay iniutos sa unang kautusan, ngunit isa pang mas mahalagang utos ang ibinigay upang ipagbawal ang maling paggamit nito. Ang pagtutuon natin sa batas na ito ng kalinisang-puri ay ipinaliliwanag ng ating pag-unawa sa layunin ng ating kapangyarihang lumikha ng buhay para isakatuparan ang plano ng Diyos. …

“Kung wala ang bigkis ng kasal, ang lahat ng paggamit ng kapangyarihang lumikha ng buhay ay isang kasalanang nakapagpapababa ng pagkatao at sumisira sa pinakabanal na katangian ng kalalakihan at kababaihan” (“The Great Plan of Happiness,” Ensign, Nob. 1993, 74).

Ang Pamantayan ng Kalinisang Seksuwal

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay may iisa, at di-nagbabagong pamantayan sa kalinisang seksuwal: ang intimasiya ay nararapat lamang mangyari sa isang lalaki at isang babae na ikinasal ayon sa itinakda ng plano ng Diyos. Ang ganitong relasyon ay hindi pag-uusisa lamang na dapat hanapan ng kasagutan, hangaring dapat bigyang-kasiyahan, o uri ng libangan na gagawin lang para sa sarili. Hindi ito bagay na dapat mapagtagumpayan o kilos na dapat isagawa. Sa halip, isa ito sa mga pangunahing pagpapahayag sa mortalidad ng ating banal na katangian at potensiyal at paraan ng pagpapatibay ng emosyonal at espirituwal na ugnayan ng mag-asawa. Tayo ay mga kinatawan na may kalayaang pumili at nakikilala sa ating banal na katangian bilang mga anak ng Diyos—hindi sa seksuwal na pag-uugali, modernong pagkilos, o mga pilosopiya ng mundo.

Ang Likas na Tao

Sa ilang aspeto, ang likas na tao na inilarawan ni Haring Benjamin ay kitang-kita sa bawat isa sa atin (tingnan sa Mosias 3:19). Ang likas na lalaki o babae ay hindi nagsisisi, makamundo at mahalay (tingnan sa Mosias 16:5; Alma 42:10; Moises 5:13, mapagpalayaw at mapagpasasa, at palalo at makasarili. Gaya ng itinuro ni Pangulong Spencer W. Kimball, “Ang ‘likas na tao’ ay ang ‘taong makalupa’ na hinahayaang mangibabaw ang makahayop na hangarin na dumadaig sa kanyang espirituwal na pag-uugali” (“Ocean Currents and Family Influences,” Ensign, Nob. 1974, 112).

Sa kabaligtaran, ang “tao ni Cristo” (Helaman 3:29) ay espirituwal at pinipigil ang lahat ng silakbo ng damdamin (tingnan sa Alma 38:12), mahinahon at mapagtimpi, at mapagkawanggawa at hindi makasarili. Ang kalalakihan at kababaihan ni Cristo ay humahawak nang mahigpit sa salita ng Diyos, pinagkakaitan ang kanilang sarili at pinapasan ang Kanyang krus (tingnan sa Mateo 16:24; Marcos 8:34; Lucas 9:23; D at T 56:2), at tumatahak sa makipot at makitid na landas ng katapatan, pagsunod, at debosyon sa Tagapagligtas at sa Kanyang ebanghelyo.

Bilang mga anak ng Diyos, nagmana tayo ng mga banal na katangian mula sa Kanya. Ngunit sa ngayon ay nakatira tayo sa makasalanang daigdig. Ang mismong mga elemento kung saan nalikha ang ating katawan ay likas na mahina at madaling matangay ng kasalanan, kasamaan, at kamatayan. Dahil dito, ang Pagkahulog ni Adan at ang espirituwal at temporal na mga bunga nito ay may epekto sa ating pisikal na katawan. Gayunman, may dalawang bahagi ang ating pagkatao, sapagkat ang ating espiritu na siyang walang-hanggang bahagi ng ating pagkatao ay nagkatawang-lupa na saklaw ng Pagkahulog. Gaya ng binigyang-diin ni Jesus kay Apostol Pedro, “Ang espiritu sa katotohanan ay may ibig, datapuwa’t mahina ang laman” (Mateo 26:41).

Ang tunay na pagsubok ng mortalidad, kung gayon, ay maibubuod sa tanong na ito: Tutugon ba ako sa mga gawi ng likas na tao, o bibigyang-daan ang mga panghihikayat ng Banal na Espiritu at huhubarin ang likas na tao at magiging banal sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Cristo, ang Panginoon (tingnan sa Mosias 3:19)? Iyan ang pagsubok. Bawat hangarin, pagnanasa, hilig, at silakbo ng damdamin ng likas na tao ay maaaring madaig sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo. Narito tayo sa lupa upang magkaroon ng mga katangiang tulad ng sa Diyos at upang pigilan ang lahat ng silakbo ng laman.

Ang Hangarin ng Kaaway

Layunin ng plano ng ating Ama sa Langit na patnubayan ang Kanyang mga anak, upang tulungan silang lumigaya, at ibalik sila nang ligtas sa Kanya taglay ang nabuhay na mag-uli at dinakilang katawan. Nais ng Ama sa Langit na magkasama-sama tayo sa liwanag at mapuno ng pag-asa. Sa kabaligtaran, sinisikap ni Lucifer na lituhin at palungkutin ang mga anak ng Diyos at hadlangan ang kanilang walang hanggang pag-unlad. Ang pangunahing hangarin ng ama ng kasinungalingan ay gawin tayong lahat na “kaaba-abang katulad ng kanyang sarili” (2 Nephi 2:27). Nais ni Lucifer na mapag-isa tayo sa dilim at mawalan ng pag-asa.

Walang-tigil sa paggawa si Satanas para baluktutin ang pinakamahahalagang bahagi ng plano ng Ama. Si Satanas ay walang katawan, at hindi na siya uunlad magpakailanman. Tulad ng pagpigil ng dam sa pagdaloy ng tubig sa ilog, napigil din ang walang hanggang pag-unlad ng kaaway dahil wala siyang pisikal na katawan. Dahil sa kanyang paghihimagsik, ipinagkait ni Lucifer sa kanyang sarili ang lahat ng mortal na pagpapala at karanasang maaaring matamo ng katawang may laman at mga buto. Hindi niya matututuhan ang mga aral na matututuhan lamang ng espiritung may katawan. Kinasusuklaman niya ang katotohanan ng literal na pagkabuhay na mag-uli ng buong sangkatauhan. Isa sa matitinding kahulugan ng salitang mapahamak sa banal na kasulatan ay inilalarawan sa kawalan niya ng kakayahang patuloy na umunlad at maging tulad ng ating Ama sa Langit.

Dahil napakahalaga ng pisikal na katawan sa plano ng kaligayahan ng Ama at sa ating espirituwal na pag-unlad, hangad ni Lucifer na hadlangan ang ating pag-unlad sa pamamagitan ng pagtukso sa atin na gamitin sa mali ang ating katawan. Isa sa mga kabalintunaan ng kawalang-hanggan ay tayo ay inaakit ng kaaway, na miserable dahil wala siyang pisikal na katawan, upang danasin din ang kanyang abang katayuan sa pamamagitan ng maling paggamit ng ating katawan. Samakatuwid, ang kasangkapang wala sa kanya ang mismong puntirya ng mga pagtatangka niya na akitin tayo tungo sa espirituwal na kapahamakan.

Ang paglabag sa batas ng kalinisang-puri ay napakabigat na kasalanan at maling paggamit ng ating pisikal na katawan. Sa mga nakaaalam at nakauunawa sa plano ng kaligtasan, anumang maling paggamit ng katawan ay anyo ng paghihimagsik (tingnan sa Mosias 2:36–37; D at T 64:34–35) at pagtatwa sa tunay nating pagkatao bilang mga anak ng Diyos. Kapag tiningnan natin ang mortalidad pati na ang kawalang-hanggan, madaling mauunawaan na ang huwad na pagsasamang itinataguyod ng kaaway ay pansamantala at walang-saysay.

Ang mga Pagpapala ng Pagiging Malinis

Pinayuhan ni Alma ang kanyang anak na si Shiblon na “pigilin ang lahat ng [kanyang] silakbo ng damdamin, upang mapuspos [siya] ng pagmamahal” (Alma 38:12). Makabuluhang isipin na sa pagdisiplina sa likas na tao na nasa bawat isa sa atin ay maaari tayong magkaroon ng mas matindi, mas malalim, at mas walang maliw na pag-ibig sa Diyos at sa Kanyang mga anak. Ang pagmamahal ay nadaragdagan sa pamamagitan ng pagdidisiplina sa sarili at nababawasan sa walang pakundangang pagpapalayaw.

Sinabi ni Pangulong Marion G. Romney:

“Wala akong maisip na mga pagpapala na higit na nanaisin ng tao kaysa sa ipinangako sa dalisay at mabubuti. Binanggit ni Jesus ang mga gantimpala para sa iba’t ibang mabuting katangian ngunit inilaan ang pinakamalaking gantimpala, sa tingin ko, para sa mga dalisay ang puso, ‘sapagka’t,’ sabi niya, ‘makikita nila ang Dios’ (Matt. 5:8). At hindi lamang nila makikita ang Panginoon, kundi mapapanatag sila sa kanyang piling.

“Narito … ang pangako ng Tagapagligtas: ‘Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos’ (D at T 121:45)” (“Trust in the Lord,” Ensign, Mayo 1979, 42).

Pinangakuan din tayo na, kapag tinahak natin ang landas ng kabanalan, “ang Espiritu Santo ang [ating] magiging kasama sa tuwina” (D at T 121:46). Dahil dito, ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay nagdudulot ng ilan sa pinakamalalaking pagpapala sa kalalakihan at kababaihan sa mortalidad: lubos na kumpiyansa sa espirituwalidad sa harap ng pamilya, mga kaibigan, mga kasamahan sa Simbahan, at, sa huli, sa harap ng Tagapagligtas. Ang kagustuhan nating mapabilang ay naisasakatuparan sa kabutihan habang lumalakad tayo sa liwanag nang may pag-asa.

Ang Alituntunin ng Pagsisisi

Ang ilan sa inyo na narinig ang mensaheng ito ay kailangang pagsisihan ang seksuwal na kasalanan o iba pang mga kasalanan. Ang Tagapagligtas ay kadalasang tinutukoy na Dakilang Tagapagpagaling, at ang titulong ito ay kapwa may simbolo at may literal na kahulugan. Lahat tayo ay nakaranas na ng sakit kapag nasusugatan ang ating katawan. Kapag nasasaktan tayo, karaniwang naghahanap tayo ng lunas at nagpapasalamat sa gamot na tumutulong para maibsan ang ating paghihirap. Isipin ang kasalanan bilang espirituwal na sugat na nagdudulot ng pagkabagabag ng konsiyensya o, gaya ng inilarawan ni Alma, “paggigiyagis ng budhi” (Alma 42:18). Ang nababagabag na budhi sa ating espiritu ang katumbas ng sakit na nadarama ng ating katawan—isang babala ng panganib at proteksyon mula sa karagdagang pinsala. Mula sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas ay dumadaloy ang lunas na nakapagpapagaling sa ating mga espirituwal na sugat at nag-aalis ng pagkabagabag ng budhi. Gayunman, ang lunas na ito ay magagamit lamang sa pamamagitan ng mga alituntunin ng pananampalataya sa Panginoong Jesucristo, pagsisisi, at patuloy na pagsunod. Ang mga bunga ng taos-pusong pagsisisi ay kapayapaan ng budhi, kapanatagan, at paggaling sa espirituwal at panibagong sigla.

Ang inyong bishop o branch president ang espirituwal na katuwang ng tagapagpagaling na awtorisadong tumulong sa inyo upang makapagsisi kayo at gumaling. Tandaan lamang sana, na ang lawak at tindi ng inyong pagsisisi ay dapat katumbas ng uri at bigat ng inyong mga kasalanan—lalo na sa mga Banal sa mga Huling Araw na saklaw ng sagradong tipan. Ang matitinding espirituwal na sugat ay nangangailangan ng patuloy na paggamot at panahon upang tuluyan at lubusang maghilom.

Isang Pangako at Patotoo

Ang doktrinang inilarawan ko ay maaaring isiping sinauna at makaluma ng maraming tao sa daigdig na lumalait sa kasagraduhan ng kapangyarihang lumikha ng buhay at humahamak sa kahalagahan ng buhay ng tao. Ngunit ang katotohanan ng Panginoon ay hindi nababago ng kung ano ang nauuso, popular, o opinyon ng publiko. Ipinapangako ko na ang pagsunod sa batas ng kalinisang-puri ay magdaragdag sa ating kaligayahan sa mortalidad at gagawin nitong posible ang ating pag-unlad sa kawalang-hanggan. Ang kalinisang-puri at kabanalan ay magiging “pinakamahal at pinakamahalaga sa ibabaw ng lahat ng bagay” (Moroni 9:9) ngayon, maging noon pa man, at magpakailanman. Pinatototohanan ko ito sa banal na pangalan ng Panginoong Jesucristo, amen.