Nais ng Tagapagligtas na Magpatawad
Mahal tayo ng Panginoon at nais Niyang maunawaan natin ang kahandaan Niyang magpatawad.
Nang magministeryo ang Tagapagligtas sa mundo, sinundan Siya ng maraming tao, pati ng mga eskriba at Fariseo “sa bawat nayon ng Galilea, … Judea, at Jerusalem.”1 Isang lalaking lumpo at nakaratay sa banig ng karamdaman na nais mapagaling ang dinala sa maraming tao na nakatipon, ngunit nang hindi makalapit sa Tagapagligtas, iniakyat siya ng kanyang mga kaibigan sa bubungan ng bahay kung saaan naroon ang Tagapagligtas at ibinaba siya mula roon. Sa nakitang pananampalatayang ito, na may dakilang layuning hindi pa alam ng Kanyang mga tagapakinig, ipinahayag ng Tagapagligtas, “Lalake, ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan.”2
Maaaring ikinagulat ito ng lalaki, at bagama’t hindi binanggit sa banal na kasulatan ang kanyang reaksyon, marahil ay inisip niya kung talagang naunawaan ng Tagapagligtas ang kanyang pakay.
Alam ng Tagapagligtas na maraming taong sumusunod sa Kanya dahil sa kagila-gilalas Niyang mga himala. Nagawa na Niyang alak ang tubig,3 naitaboy ang karumal-dumal na mga espiritu,4 napagaling ang anak ng mahal na tao,5 ang isang ketongin,6 ang biyenang babae ni Pedro7 at marami pang iba.8
Subalit sa lumpong lalaking ito, pinili ng Tagapagligtas na patunayan kapwa sa disipulo at sa naninira sa Kanya ang Kanyang natatanging papel bilang Tagapagligtas ng sanlibutan. Nang marinig ang sinabi ng Tagapagligtas, nagsimulang mangatwiran ang mga eskriba at Fariseo sa isa’t isa, na nagsasalita nang walang kaalam-alam tungkol sa paglapastangan sa Diyos habang ipinapalagay na tanging Diyos lamang ang makapagpapatawad ng kasalanan. Nang matanto ang kanilang iniisip, tinanong sila ng Tagapagligtas:
“Bakit pinagbubulaybulay ninyo sa inyong mga puso?
“Alin baga ang lalong magaang sabihin, Ipinatatawad sa iyo ang iyong mga kasalanan; o sabihin, magtindig ka at lumakad ka?”9
Hindi na hinintay ng Tagapagligtas ang kanilang sagot, sinabi pa Niya, “Datapuwa’t upang maalaman ninyo na ang Anak ng tao ay may kapamahalaan sa lupa na magpatawad ng mga kasalanan (sinabi Niya sa lumpo), Sa iyo ko sinasabi, Magtindig ka, at buhatin mo ang iyong higaan, at umuwi ka sa bahay mo.”10 At ginawa nga niya iyon!
Sa mahimalang pisikal na pagpapagaling na ito, pinatunayan ng Tagapagligtas sa ating lahat ang mas makapangyarihang espirituwal na katotohanang ito: ang Anak ng Tao ay nagpapatawad ng mga kasalanan!
Bagama’t ang katotohanang ito ay madaling tanggapin ng lahat ng naniniwala, hindi madaling tanggapin ang kaakibat na mahalagang katotohanang ito: ang Tagapagligtas ay nagpapatawad ng mga kasalanan “sa lupa” at hindi lamang sa Huling Paghuhukom. Pinananagot Niya tayo sa ating mga kasalanan.11 Hindi Niya pinatatawad ang pagbalik natin sa dati nating mga kasalanan.12 Ngunit kapag nagsisi tayo at sumunod sa Kanyang ebanghelyo, pinatatawad Niya tayo.13
Sa pagpapatawad na ito nakikita natin ang nagbibigay-kakayahan at nakatutubos na kapangyarihan ng Pagbabayad-sala na angkop at saganang isinasagawa. Kung nananampalataya tayo sa Panginoong Jesucristo, ang nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Kanyang Pagbabayad-sala ay nagpapalakas sa atin sa sandali ng ating pangangailangan,14 at ang Kanyang kapangyarihang tumubos ay nagpapabanal sa atin kapag ating “[hinubad] ang likas na tao.”15 Nagbibigay ito ng pag-asa sa lahat, lalo na sa mga nag-aakala na ang pabalik-balik na kahinaan ng tao ay lagpas na sa kahandaan ng Tagapagligtas na tumulong at magligtas.
Para malinaw na maipaunawa sa atin ng Tagapagligtas,16 minsa’y inusisa ni Pedro kung ilang beses niya dapat patawarin ang kanyang kapatid at pagkatapos ay itinanong, “Hanggang sa makapito?” Siguradong labis-labis na iyan. Ngunit ang tugon ng Tagapagligtas ay nagpaunawa sa atin sa Kanyang maawaing puso: “Hindi ko sinasabi sa iyo, Hanggang sa makapito: kundi, Hanggang sa makapitongpung pito.”17
Mahal tayo ng Panginoon at nais Niyang maunawaan natin ang kahandaan Niyang magpatawad. Sa mahigit 20 pagkakataon sa Doktrina at mga Tipan, sinabi ng Panginoon sa Kanyang mga kausap, “Ang inyong mga kasalanan ay pinatawad ko na,” o sa mga salitang kahalintulad nito.18 Sa halos kalahati ng mga pagkakataong iyon, ang mga salita ng Panginoon ay tuwirang sinasabi kay Propetang Joseph Smith, na kung minsan ay sa kanya lang mag-isa, kung minsan naman ay may kasama siyang iba.19 Ang una sa mga ito ay itinala noong 1830, ang huli’y noong 1843. Kaya, sa loob ng napakaraming taon, paulit-ulit na sinabi ng Panginoon kay Joseph, “Ang iyong mga kasalanan ay pinatawad ko na.”
Bagama’t si Joseph ay hindi “nagkasala ng anumang mabigat o lubhang mapaminsalang mga kasalanan,”20 makabubuting alalahanin natin na maliban sa iilang eksepsyon, ang “makapitongpung pito” ng Panginoon ay hindi nililimitahan ang pagpapatawad ayon sa bigat ng kasalanan.
Habang nagsasalita sa mga elder na nakatipon sa Kirtland, sinabi ng Panginoon, “Aking kalooban na madaig ninyo ang sanlibutan; dahil dito ako ay mahahabag sa inyo.”21 Alam ng Panginoon ang ating kahinaan at ang walang-hanggang mga bunga ng “sanlibutan” sa mga hindi perpektong kalalakihan at kababaihan.22 Ang salitang dahil dito sa talatang ito ay ang Kanyang pagpapatunay na tanging sa pagkahabag lang Niya tuluyan nating “madaraig ang sanlibutan.” Paano naipakita ang pagkahabag na iyon? Sa mga elder ding ito sa Kirtland, sinabi Niya, “Aking pinatawad kayo sa inyong mga kasalanan.”23 Nais ng Tagapagligtas na magpatawad.
Hindi kailangang ipalagay ninuman na darating ang kapatawarang ito nang walang pagsisisi. Tunay ngang ipinahayag ng Panginoon, “Ako, ang Panginoon, ay nagpapatawad ng mga kasalanan sa mga yaong umaamin ng kanilang mga kasalanan sa aking harapan at humihingi ng kapatawaran,” at saka Niya idinagdag ang kundisyon “na hindi nagkasala tungo sa kamatayan.”24 Bagama’t ang Panginoon ay “hindi makatitingin sa kasalanan nang may pinakamaliit na antas ng pagsasaalang-alang,”25 ipinakita Niya ang kaibhan ng bigat ng ilang kasalanan. Binigyang-diin Niya na walang kapatawaran ang “kalapastanganan laban sa Espiritu Santo.”26 Ipinahayag Niya ang bigat ng kasalanang pagpatay27 at binigyang-diin ang bigat ng kasalanang seksuwal na tulad ng pangangalunya.28 Sa paulit-ulit na mabigat na pagkakasalang seksuwal, ipinaalam Niya na napakahirap matanggap ang Kanyang kapatawaran.29 At sinabi Niya na “siya na nagkasala laban sa mas dakilang liwanag ay tatanggap ng mas malaking kaparusahan.”30 Subalit sa Kanyang awa, tinutulutan Niya ang unti-unting pagpapakabuti kaysa iutos na maging perpekto kaagad. Kahit napakaraming kasalanan na sanhi ng kahinaan ng tao, kasindalas ng ating pagsisisi at paghingi ng tawad sa Kanya, Siya ay nagpapatawad nang paulit-ulit.31
Dahil dito, lahat tayo, pati na yaong mga nahihirapang madaig ang pagkalulong sa droga o pornograpiya at iba pang kaugnay nito, ay malalaman na kikilalanin ng Panginoon ang matwid nating mga pagsisikap at mapagmahal na magpapatawad kapag ganap ang pagsisisi, “hanggang sa makapitongpung pitong ulit.” Ngunit hindi ibig sabihin nito na maaari nang sadyang magkasalang muli ang isang tao nang hindi napaparusahan.32
Laging nakatingin ang Panginoon sa ating puso,33 at ang pagbibigay-katwiran sa maling paniniwala ay hindi nagbibigay-katarungan sa kasalanan.34 Sa dispensasyong ito binalaan ng Panginoon ang isa sa Kanyang mga lingkod laban sa gayong pagbibigay-katwiran sa pagsasabing, “Ikahiya [niya] ang pangkat ng mga Nicolaitane at [ang] lahat ng kanilang lihim na karumal-dumal na gawain.”35 Ang mga Nicolaitane ay isang sinaunang sekta ng relihiyon na nagsasabing may pahintulot silang gumawa ng kasalanang seksuwal dahil sa biyaya ng Panginoon.36 Hindi ito nakalulugod sa Panginoon.37 Ang Kanyang habag at biyaya ay hindi magbibigay-katwiran sa atin kapag “ang [ating] mga puso ay hindi nasisiyahan. At hindi [natin] sinusunod ang katotohanan, subalit may galak sa kasamaan.”38 Bagkus, matapos gawin ang lahat ng ating magagawa,39 ang Kanyang habag at biyaya ang magiging daan upang “sa paglipas ng panahon”40 ay madaig natin ang sanlibutan dahil sa nagbibigay-kakayahang kapangyarihan ng Pagbabayad-sala. Sa mapagkumbabang paghahangad sa natatanging kaloob na ito, “ang mahihinang bagay [ay nagiging] malalakas sa [atin],”41 at dahil sa Kanyang lakas, magagawa natin ang hindi natin magagawang mag-isa.
Ang Panginoon ay nakatingin sa liwanag na ating natanggap,42 sa pagnanais ng ating mga puso,43 at sa ating mga kilos,44 at kapag tayo ay nagsisisi at humihingi ng tawad sa Kanya, pinatatawad Niya tayo. Kapag isinaalang-alang natin ang buhay natin at ng mga mahal natin sa buhay at mga kakilala, dapat ay handa rin tayong patawarin ang ating sarili at ang iba.45
Binanggit sa Mangaral ng Aking Ebanghelyo na mahirap paglabanan ang anumang pagkalulong at hinihikayat ang mga lider ng priesthood at miyembro na “[huwag] mabigla o panghinaan ng loob” kung patuloy na mahirapan ang mga investigator o bagong miyembro sa gayong mga problema. Bagkus, pinapayuhan tayong “magtiwala sa tao at huwag [siyang] husgahan … [itinuturing] na pansamantala lang ang hadlang na ito at kailangang unawain.”46 Hindi ba natin ito gagawin sa sarili nating mga anak o kapamilya na nahihirapan sa ganitong mga problema, na pansamantalang nalihis mula sa landas ng kabutihan? Marapat lamang na madama nila ang ating katatagan, tiyaga, at pagmamahal—at oo, ang ating kapatawaran.
Sa pangkalahatang kumperensya noon lang Oktubre, ipinayo ni Pangulong Monson:
“Dapat nating isaisip na maaaring magbago ang mga tao. Maaari nilang talikuran ang kanilang masasamang bisyo. Maaari silang magsisi sa kanilang mga kasalanan. …
“… Matutulungan natin sila na mapunan ang kanilang mga kakulangan. Kailangang magtamo tayo ng kakayahang makita ang tao hindi dahil sa kung ano sila ngayon kundi kung ano ang maaari nilang kahinatnan.”47
Sa kumperensya noon ng Simbahan, na katulad ng kumperensyang ito, sinabi ng Panginoon sa mga miyembro:
“Katotohanan sinasabi ko sa inyo, kayo ay malinis, subalit hindi lahat; …
“Sapagkat lahat ng laman ay makasalanan sa harapan ko. …
“… Sapagkat sa katotohanan ang ilan sa inyo ay may kasalanan sa harapan ko, subalit ako ay magiging maawain sa inyong mga kahinaan.”48
Iyon pa rin ang Kanyang mensahe ngayon.
Alam ng ating Ama sa Langit ang kinakaharap natin, na lahat tayo ay nagkakasala at paulit-ulit na “hindi nangakaabot sa kaluwalhatian ng Dios”49. Isinugo Niya ang Kanyang Anak, na “[nalalaman ang] kahinaan ng tao at kung paano masasaklolohan sila na natutukso.”50 Itinuro sa atin ng Kanyang Anak na “magsipanalangin tuwina upang hindi [tayo] magsipasok sa tukso.”51 Sinabihan tayo na “magsumamo sa [Diyos] ng awa; sapagkat may kapangyarihan siya na makapagligtas.”52 Inutusan tayo ng Tagapagligtas na magsisi53 at magpatawad.54 At bagama’t hindi madaling magsisi, kung magsusumikap tayo nang buong puso na sundin ang Kanyang ebanghelyo, ipinangako Niya ito: “Katotohanang sinasabi ko sa [inyo], sa kabila ng [inyong] mga kasalanan, ang aking kalooban ay napupuspos ng pagkahabag sa [inyo]. Hindi ko [kayo] ganap na itatakwil; at sa araw ng pagkapoot aking maaalaala ang awa.”55 Nais ng Tagapagligtas na magpatawad.
Bawat linggo sinisimulan ng Mormon Tabernacle Choir ang nagbibigay-inspirasyong brodkast nito sa nakasisiglang mga titik ng pamilyar na himno ni William W. Phelps na “Sagradong Himig ay Awitin.” Ang hindi gaanong pamilyar ay ang nakapapanatag na mga salita sa ikaapat na talata:
O kay banal ng Panginoon,
Wika Niya’y nakalulugod: …
Ika’y magsisi upang mabuhay,
Ga’no mang lubha ng ‘yong pagkakasala,
Magsisi’t magpapatawad s’ya.56
Inaanyayahan ko kayong alalahanin ang mga salita ng Panginoon at manalig dito at manampalataya sa Kanya na magbubunga ng pagsisisi.57 Mahal Niya kayo. Nais Niya kayong patawarin. Pinatototohanan ko ito sa sagradong pangalan ni Jesucristo, amen.