2014
Ako si Dria mula sa Pilipinas
Abril 2014


Mga Kaibigan sa Iba’t Ibang Panig ng Mundo

Ako si Dria mula sa Pilipinas

Mabuhay, Kaibigan!*

Mula sa interbyu ni Amie Jane Leavitt

Pinangarap na ba ninyong mamuhay sa isang isla? Ito si Alejandria, pero Dria ang tawag sa kanya ng kanyang pamilya at mga kaibigan. Nakatira siya sa isla ng Cebu sa Pilipinas kasama ang kanyang nanay, tatay, at dalawang kapatid na babae. May kuya rin siya, pero namatay ito bago isinilang si Dria. “Alam kong bahagi pa rin siya ng aming pamilya, at makikita ko siya balang-araw dahil ang mga pamilya ay walang hanggan,” sabi niya.

Isa sa mga paborito kong gawin ang pagsasayaw. Ako’y isang ballet dancer. Sa susunod na taon gusto kong umangat sa susunod na lebel, ang pointe. Ibig sabihin maisusuot ko na ang espesyal na sapatos sa ballet para makasayaw ako nang patingkayad.

Ang Pilipinas ay may mahigit 7,000 isla, kaya maraming magagandang lugar na mapapasyalan. Malapit sa dalampasigan ang bahay namin, at gustung-gusto kong maglaro sa karagatan. Isa sa mga paborito kong gawin ang lumangoy. Tinuruan ko pa ang sarili ko na lumangoy!

Gustung-gusto kong kasama ang pamilya ko sa pagpunta sa iba’t ibang beach. Minsan nagpunta kami sa Palawan—isang isla na may pinakamalaking underground river sa mundo. Sumisid ako roon gamit ang aking snorkel gear at tiningnan ko ang lahat ng makukulay na isda.

Isang araw sa paaralan, sinabi ng ilang kaklase ko na ang mga Mormon ay hindi naniniwala sa Diyos. Sinabi ko sa kanila na naniniwala tayo. Kinabukasan nagdala ako ng ilang pass-along card na may larawan ni Jesus sa harap at ng Mga Saligan ng Pananampalataya sa likod. Nang tingnan ng mga kaklase ko ang larawan at basahin ang ilan sa ating mga paniniwala, natuwa silang malaman na naniniwala tayo sa Diyos.

Templo’y Ibig Makita

Mapalad kami na malapit sa Cebu City Philippines Temple ang tirahan namin. Nalibot ko ang templo kasama ang pamilya ko bago ito inilaan. Napakaganda at napakapayapang lugar nito. Nagpapasalamat ako na dahil sa mga templo, ang pamilya ko ay maaaring magkasama-sama magpakailanman.

  • “Hello, mga kaibigan!” sa Tagalog.