Sundin ang Propeta
Mula sa Church Educational System devotional na ibinigay sa Brigham Young University–Idaho noong Mayo 5, 2013. Para sa buong mensahe, bisitahin ang lds.org/broadcasts.
Kapag sinunod natin ang propeta at sinikap nating higit pang tularan siya, tiyak na magiging mas tapat tayong mga disipulo ng Panginoong Jesucristo.
Ilang taon na ang nakalipas, bago sumapit ang pangkalahatang kumperensya, nagturo ng isa pang magandang aral si Pangulong Thomas S. Monson. Sa pagkakataong ito ay nagturo siya sa nakatipong mga General Authority na naglakbay papuntang Salt Lake City, Utah, marami ang nanggaling sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan sila naglilingkod sa mga Area Presidency. Nagsama-sama kami para maturuan ng Unang Panguluhan at ng Labindalawang Apostol.
Habang papalapit na ang oras ng pulong, tila naroon na ang lahat maliban kay Pangulong Monson. Ilang minuto bago magsimula ang pulong, tumigil kami sa pag-uusap at naupo nang mapitagan sa pakikinig sa prelude music, na umaasang darating ang propeta anumang sandali.
Matiyaga kaming naghintay nang sumapit at lumipas ang alas-9:00 n.u. May lumabas sa pintuan sa gilid—malinaw na para tingnan kung kailangan ng tulong. Pagbalik niya, sinabi niya, “Parating na si Pangulong Monson.”
Makalipas ang mga 15 minuto, pumasok si Pangulong Monson sa silid. Bilang paggalang, tumayo kami pagpasok niya. Masaya kaming makita siya at nalugod kami na mabuti ang kanyang kalusugan. Walang makitang dahilan kung bakit siya nahuli ng dating.
Dumiretso si Pangulong Monson sa pulpito at sinabing, “Mga Kapatid, ikinalulungkot ko na nahuli ako ng dating, pero kinailangan ako ng asawa ko kaninang umaga.”
Lubos akong humanga at napakumbaba, at hindi ko mapigil na isipin ang kanyang sinabi.
Napakahalaga ng miting na ito. Nagtipon ang buong pamunuan ng Simbahan, at nagpakita ng halimbawa si Pangulong Monson sa aming lahat. Kinailangan siya ng kanyang asawa, at ibinigay niya ang panahong kailangan para alagaan siya. Napakagandang sermon iyon. Wala akong maalalang iba pang bagay na sinabi noong araw na iyon, pero naaalala ko ang sermon na iyon: “Kinailangan ako ng asawa ko.”
Pagsunod sa Halimbawa ng Propeta
Gusto kong magmungkahi ng limang paraan para matularan natin ang halimbawa ni Pangulong Monson.
1. Maaari tayong maging positibo, at maaari tayong maging masaya.
Sa Mahalagang Perlas, inilarawan ni Propetang Joseph Smith ang kanyang “likas na pagkamasayahin” (Joseph Smith—Kasaysayan 1:28). Larawan din ng “pagkamasayahin” si Pangulong Monson.
Minsan ay sinabi ni Pangulong Monson: “Maaari nating … piliing magkaroon ng positibong pananaw. Hindi natin kayang pihitin ang hangin, ngunit mapipihit natin ang mga layag. Sa madaling salita, maaari nating piliing maging masaya at positibo, anuman ang mangyari sa atin.”1
Isang araw naghihintay ako sa labas ng boardroom ng Unang Panguluhan. Inanyayahan ako roon para makibahagi sa miting upang talakayin ang mga bagay-bagay tungkol sa templo. Mag-isa akong naupo nang tahimik sa labas ng silid. Naisip ko na nagmimiting na ang Unang Panguluhan at aanyayahan akong sumali sa kanila sa loob ng ilang minuto.
Habang nakaupo, may narinig akong naglalakad sa bulwagan habang sumisipol. Naisip ko, “Hindi alam ng taong ito kung paano kumilos nang tama. Hindi puwedeng magpalakad-lakad na sumisipol sa labas ng tanggapan ng Pangulo ng Simbahan.”
Maya-maya pa lumiko na sa kanto ang sumisipol—si Pangulong Monson pala. Masaya siya, at positibo ang pananaw. Magiliw niya akong binati at sinabing, “Siguro sisimulan na natin ang miting sa loob ng dalawang minuto.”
Kahit pasan niya ang buong Simbahan, isa siyang halimbawa ng kaligayahan at laging positibo ang kanyang pananaw. Dapat ganoon din tayo.
2. Maaari tayong maging mabait at mapagmahal sa mga bata.
Madalas banggitin ni Jesus ang mga bata. Madalas ding banggitin ng Kanyang propetang si Pangulong Monson ang mga bata. Nakita ko, lalo na sa mga paglalaan ng templo, kung gaano niya kamahal ang mga bata at, sa kanyang halimbawa, itinuturo niya sa atin kung paano sila pakitunguhan. Sa bawat paglalaan ng templo nakatuon siya sa mga bata. Gustung-gusto niyang isinasali sila sa seremonya sa paglalagak ng batong-panulok at lagi niyang inaanyayahan ang ilan sa kanila na maglagay ng kaunting semento sa batong-panulok para makabahagi sila sa simbolikong pagtatapos ng templo. Ginagawa niya itong masaya para sa kanila. Ginagawa niyang di-malilimutang karanasan ito para sa kanila. Lagi siyang may malaking ngiti para sa kanila. Hinihikayat at pinupuri niya sila. Napakagandang tingnan nito.
Ang kanyang mainit na pagbati kung magkaminsan ay may kasamang mga high five, pagkislot ng kanyang mga tainga, at panghihikayat na magmisyon at magpakasal sa templo.
Ilang taon na ang nakararaan nakaiskedyul na ilaan ni Pangulong Monson ang Oquirrh Mountain Utah Temple sa kanyang kaarawan. Nang dumating siya sa templo at lumapit sa pintuan sa harapan ng templo, nakatipon na ang isang grupo ng mga kabataan. Malinaw na alam nilang kaarawan ni Pangulong Monson dahil sinimulan nilang kantahan siya ng “Maligayang Kaarawan.” Tumigil siya at humarap sa kanila na may malaking ngiti. Sinimulan pa niyang ikumpas ang kanyang mga kamay na para bang pinamumunuan niya sila sa pagkanta. Sa huli idinagdag nila ang korong “At marami pang iba.” Sinabi niya sa akin, “Iyan ang paborito kong bahagi.”
Mahal siya ng mga bata at kabataan ng Simbahan, at wala silang alinlangan na mahal din niya sila!
3. Masusunod natin ang mga panghihikayat ng Espiritu.
Maganda ang pagpapahayag ni Pangulong Monson ng kanyang katapatan sa Panginoon at sa pagsunod sa mga panghihikayat ng Espiritu sa mga salitang ito: “Ang pinakamatamis na karanasan sa buhay na alam ko ay ang madama ang isang pahiwatig at kumilos ayon dito at kalaunan ay malaman na iyon ang katuparan ng panalangin o pangangailangan ng isang tao. At gusto ko na alam palagi ng Panginoon na kung may kailangan Siyang ipagawa, gagawin iyon ni Tom Monson para sa Kanya.”2
Iyan ay huwarang dapat naising tularan ng bawat isa sa atin.
4. Maaari nating mahalin ang templo.
Makikilala si Pangulong Monson sa kasaysayan bilang isa sa mga dakilang tagapagtayo ng templo sa kasaysayan ng Simbahan. Simula nang maging Pangulo ng Simbahan noong Pebrero 2008, ipinagpatuloy na niya ang dakilang gawaing magtayo ng mga templo. Sa anim na taon niya na pagiging propeta, naibalita na ni Pangulong Monson ang mga planong magtayo ng 33 bagong templo.
Sabi ni Pangulong Monson, “Nawa bawat isa sa atin ay mamuhay nang karapat-dapat, na malinis ang mga kamay at dalisay ang mga puso, upang maantig ng templo ang ating buhay at ang ating mga pamilya.”3
Ibinigay rin niya ang napakagandang pangakong ito: “Kapag minahal natin ang templo, nahipo natin ang templo, at dumalo tayo sa templo, mababanaag sa ating buhay ang ating pananampalataya. Kapag pumarito tayo sa mga banal na bahay na ito ng Diyos, kapag inalala natin ang mga tipang ginawa natin doon, magagawa nating tiisin ang bawat pagsubok at madaraig ang bawat tukso.”4
Tularan natin ang huwarang ipinakita sa atin ng propeta sa pagmamahal sa templo.
5. Maaari tayong maging mabait, maunawain, at mapagmahal.
Si Pangulong Monson ay magandang halimbawa ng pagmamahal sa iba. Ang kanyang buong ministeryo ay napuno ng mga pagbisita sa mga tahanan; pagpapatong ng kanyang mga kamay sa mga ulo at pagbabasbas; mga di-inaasahang pagtawag sa telepono para umaliw at manghikayat; pagpapadala ng mga liham ng panghihikayat, papuri, at pasasalamat; pagbisita sa mga ospital at care center; at pagbibigay ng oras para magpunta sa mga libing at burol sa kabila ng abalang-abala niyang iskedyul.
Tulad ng gagawin ng Tagapagligtas, naglibot si Thomas Monson na gumagawa ng mabuti (tingnan sa Mga Gawa 10:38) at binabasbasan at minamahal ang iba; ito ang naging inspirasyon niya sa buhay.
Naganap ang isang kahanga-hangang halimbawa ng kabaitan ni Pangulong Monson noong 2012. Nang malapit nang matapos ang magandang Brigham City Utah Temple, kinausap ko ang Unang Panguluhan para talakayin ang mga plano sa paglalaan nito. Dahil ang Brigham City ay isang oras lang pahilaga ng Salt Lake City, napakadali sanang makapunta roon ni Pangulong Monson para sa paglalaan.
Sa halip, sinabi ni Pangulong Monson, “Brigham City ang bayang kinalakhan ni Pangulong Boyd K. Packer, ang dakilang Apostol na ito na nakatabi ko nang napakaraming taon sa Labindalawa. Gusto kong mapasakanya ang karangalan at pagpapalang ilaan ang templo sa bayang kanyang kinalakhan. Hindi ako pupunta, at aatasan ko si Pangulong Packer na ilaan ang Brigham City Temple. Gusto kong maging mahalagang araw ito para sa kanya.”
Napakagandang araw niyon para kina Pangulong Packer at Sister Packer, na lumaki rin sa Brigham City. Lubha akong naantig sa kabaitan at pagbibigay ni Pangulong Monson sa kapwa niya Apostol. Maaari nating tularang lahat iyon. Maaari tayong magbahagi at maging mabait at mas isipin ang mga taong nasa paligid natin.
Ang Huwaran ng Isang Propeta
Naituro sa atin ni Pangulong Monson ang paraan ng pamumuhay sa kanyang napakaganda at nagbibigay-inspirasyong mga mensahe sa pangkalahatang kumperensya. Naituro niya sa atin kung paano maging mga alagad ni Jesucristo sa kanyang kagila-gilalas at kahanga-hangang personal na halimbawa. Tunay na nabigyan tayo ng Panginoon ng isang huwaran sa lahat ng bagay, at isa ang ating pinakamamahal na propeta sa mga huwarang dapat nating hangaring tularan.
Pinatototohanan ko na may Diyos sa langit na kilala at mahal tayo. Binigyan niya tayo ng isang propeta—upang gabayan, turuan, at akayin tayo sa mga huling araw na ito. Naniniwala ako na inaasahan ng Panginoon na mamahalin natin ang propeta, sasang-ayunan siya, at susundin ang kanyang halimbawa.
Itinuturing kong napakalaking pagpapala ang mabuhay sa panahon na si Thomas S. Monson ang propeta ng Panginoon. Kapag sinunod natin siya at sinikap nating higit siyang tularan, tiyak na magtatagumpay tayo sa pagiging mas matatapat na disipulo ng Panginoong Jesucristo.