Mga Young Adult Profile
Pagbabalik-loob at Sakripisyo sa Finland
Ano ang pakiramdam ng maging matapat na young adult sa Finland? Ibinahagi ng isang binatilyo ang kanyang kultura at pananampalataya.
Ilang milya mula sa baybayin ng Helsinki, Finland, ay matatagpuan ang kuta sa dagat ng Suomenlinna, na itinayo noong ika-18 siglo para patibayin ang tanggulan laban sa mga sasalakay. Anim ang mga pulo, ang kutang ito ay kumakatawan sa matatag na determinasyon ng mga taga Finland.
Ngunit bumibisita ang mga miyembrong taga-Finland sa ibang gusali kapag naglalakbay sila sa kanilang kabisera. Ang Helsinki Finland Temple ay pisikal na simbolo ng kanilang pagbabalik-loob at ng proteksyong natanggap nila sa pamumuhay ng ebanghelyo.
Para kay Niilo Kervinen, isang 24-na-taong-gulang na young adult mula sa Rovaniemi, Finland, ang pagsakay ng tren sa loob ng 10 oras patungong Helsinki ay maliit na kabayaran para sa pagpapala ng paglilingkod sa templo.
Bago inilaan ang Helsinki Finland Temple noong Oktubre 2006, kinailangang maglakbay ni Niilo at ng iba pang mga miyembro ng kanyang ward patungo sa Stockholm Sweden Temple o sa Copenhagen Denmark Temple. “Ang mga biyahe ay karaniwang umaabot ng isang linggo kapag bakasyon,” paggunita niya. Ang pagbibiyahe sakay ng bus at pagtulog sa mga tolda sa mga biyaheng iyon ay ilan sa pinakamagagandang alaala niya.
Subalit ang pagkakaroon ng templo sa kanyang lupang sinilangan ay isang napakagandang pagpapala. “Nang ibalita nila ang pagtatayo ng templo sa Helsinki, napakasaya ko,” sabi ni Niilo. “Umaalingawngaw pa sa puso ko ang panalangin ng paglalaan tuwing papasok ako sa loob.”
Ang pagmamahal na ito para sa templo ang naiibang katangian ni Niilo sa kanyang mga kaibigan. “Masigasig ang mga Finn at nasisiyahan silang maging aktibo pero nag-iiwan sila ng kaunting panahon para sa mga espirituwal na bagay sa kanilang buhay,” paliwanag niya. Bagama’t sinasabi ni Niilo na lagi siyang nabibiyayaan ng mabubuting kaibigan, nang lumaki na siya ay naging mas malinaw ang pagkakaiba ng pamumuhay ng kanyang mga kaibigan sa pamumuhay na natutuhan niya. Ang kaibhang ito ang naging dahilan para hangarin ni Niilo na magkaroon ng sarili niyang patotoo noong 17 anyos siya. “Kinailangan kong magdesisyon kung saan ako maninindigan at kung sino ang nais kong maging,” sabi niya. “Sa mga pagpapala ng Panginoon at sa patnubay ng pamilya at mabubuting kaibigan, lumakas ang patotoo ko sa Simbahan.”
Tungkol sa pagbabalik-loob, sinabi ni Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ipinapangako ko na sa pagkakaroon natin ng kaalaman ng katotohanan at sa pagbabalik-loob sa Panginoon, tayo ay mananatiling matatag at di-natitinag at hindi kailanman tatalikod sa katotohanan.”1 Kahit mahaba at magastos ang biyahe papuntang Helsinki, tapat si Niilo sa pagiging disipulo ni Cristo. At para kay Niilo, hindi iyon sakripisyo.