Pag-uusog ng Bato
Mula sa “Pagiging Mas Malapit sa Diyos,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 105.
Minsan sinisikap ng isang batang lalaki na patagin ang lupa sa likod ng bahay nila para makapaglaro siya roon ng kotse-kotsehan. May malaking batong nakaharang sa ginagawa niya. Buong lakas itong itinulak at hinila ng bata. Ngunit gaano man ang pagsisikap niya, hindi mausog ang bato.
Nagmasid sandali ang kanyang ama. Pagkatapos ay lumapit siya sa kanyang anak at sinabi, “Kailangan mong gamitin ang buong lakas mo para mausog ang batong ganyan kalaki.”
Sumagot ang bata, “Nagamit ko na po ang buong lakas ko!”
Itinama siya ng kanyang ama: “Hindi pa. Hindi pa kita natutulungan!”
Pagkatapos ay yumuko sila pareho at madali nilang naiusog ang bato.
Nais ng Panginoon na umasa tayo sa Kanya sa paglutas ng ating mga problema. Sa gayon ay madarama natin ang Kanyang pagmamahal nang mas palagian, mas matindi, mas malinaw, at mas personal. Nagiging kaisa Niya tayo, at maaari tayong maging katulad Niya.