2014
Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Tagapagligtas at Manunubos
Abril 2014


Mensahe sa Visiting Teaching

Ang Banal na Misyon ni Jesucristo: Tagapagligtas at Manunubos

Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa buhay at misyon ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa iba pang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.

Pananampalataya, Pamilya, Kapanatagan

Ang isa sa pinakamahahalagang titulong naglalarawan kay Jesucristo ay Manunubos,” sabi ni Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol. “Ang ibig sabihin ng salitang tubusin ay bayaran ang obligasyon o utang. Maaari ding ang ibig sabihin ng tubusin ay sagipin o palayain sa pamamagitan ng pagtubos. … Bawat isa sa mga kahulugang ito ay nagpapakita ng iba’t ibang aspeto ng dakilang Pagtubos na isinagawa ni Jesucristo sa pamamagitan ng Kanyang Pagbabayad-sala, kabilang na ang paglalarawan dito ng diksyunaryo bilang, ‘pagliligtas mula sa kasalanan at sa mga kaparusahan nito, sa pagsasakripisyo para sa nagkasala.’”1

Sabi ni Linda K. Burton, Relief Society general president: “[Isinugo] ng Ama sa Langit ang Kanyang Bugtong at sakdal na Anak upang magdusa para sa ating mga kasalanan, pighati, at lahat ng tila di-makatarungang bagay sa sarili nating buhay.

“… Isang babae na dumanas ng maraming taon ng pagsubok at kalungkutan ang lumuluhang nagsabi, ‘Natanto ko na para akong isang lumang 20-dollar bill—lukot, punit, marumi, gamit na gamit, at may pilas. [Pero] … buong 20 dollars pa rin ang halaga ko.’ Alam ng babaeng ito na … sapat ang kanyang halaga para isugo [ng Diyos] ang Kanyang Anak upang magbayad-sala para sa kanya. Dapat malaman ng lahat ng kababaihan sa Simbahan ang alam ng babaeng ito.”2

Mula sa mga Banal na Kasulatan

2 Nephi 2:6; Helaman 5:11–12; Moises 1:39

Mula sa Ating Kasaysayan

Kasama sa Bagong Tipan ang mga kuwento tungkol sa kababaihang sumampalataya kay Jesucristo, natutuhan at ipinamuhay ang Kanyang mga turo, at pinatotohanan ang Kanyang ministeryo, mga himala, at karingalan.

Sinabi ni Jesus sa babae sa may balon:

“Sinomang umiinom ng tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay hindi mauuhaw magpakailan man; nguni’t ang tubig na sa kaniya’y aking ibibigay ay magiging balon ng tubig na bubukal sa kabuhayang walang hanggan.

“Sinabi sa kaniya ng babae, Ginoo, ibigay mo sa akin ang tubig na ito, upang ako’y huwag mauhaw . …

“Nalalaman ko na paririto ang Mesias (ang tinatawag na Cristo): na pagparito niya, ay ipahahayag niya sa amin ang lahat ng mga bagay.

“Sinabi sa kaniya ni Jesus, ako na nagsasalita sa iyo ay siya nga.”

“Sa gayo’y iniwan ng babae ang kaniyang banga ng tubig” at nagpatotoo tungkol sa Kanya sa lungsod. (Tingnan sa Juan 4:6–30.)

Mga Tala

  1. D. Todd Christofferson, “Pagtubos,” Liahona, Mayo 2013, 109.

  2. Linda K. Burton, “Nakasulat Ba sa Ating Puso ang Pananampalataya sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo?” Liahona, Nob. 2012, 114.