Naghahandang Maglingkod, Naglilingkod PARA MAKAPAGHANDA
Ibinigay sa iyo ng Diyos ang Aaronic Priesthood dahil may gawain Siya na ipagagawa sa iyo—ngayon at sa hinaharap.
Si Jonathan ay kaibigan ko na sumapi sa Simbahan apat na taon na ang nakararaan. Siya lamang ang miyembro ng Simbahan sa kanyang pamilya. Matapos niyang matanggap ang Aaronic Priesthood, sinimulan na niyang maglingkod sa iba sa paraang hindi pa niya nagawa noon. Alam ni Jonathan na sa paglilingkod, marami siyang kailangang matutuhan. Gusto rin niyang maging marapat at mas maaasahan, kaya pinag-aralan niya ang ebanghelyo, nagdasal, at dumalo sa kanyang mga miting tuwing Linggo at sa seminary. Sinikap niyang sundin ang mga utos at mga pamantayan ng Simbahan. Masigasig niyang ginampanan ang kanyang mga tungkulin sa priesthood, kabilang na ang pagiging mahusay na home teacher. Ang kanyang aklat na Tungkulin sa Diyos ay nakatulong sa kanya na maunawaan ang mga tungkuling iyon at kung paano gagampanan ang mga ito.
Ang matapat na paglilingkod ni Jonathan bilang mayhawak ng priesthood ay nagbigay sa kanya ng espirituwal na lakas. Naprotektahan siya nito sa masasamang impluwensya. Malaki ang kanyang naging progreso sa kanyang paglilingkod at paghahanda para sa kanyang kinabukasan. Nitong nakaraang taon, marapat niyang natanggap ang Melchizedek Priesthood at ang endowmnet sa templo. Naglilingkod na siya ngayon sa Brazil bilang missionary.
Ang Aaronic Priesthood ay kadalasang tinatawag na “panimulang priesthood.” Ibinigay sa iyo ng Diyos ang Aaronic Priesthood dahil may gawain Siya na ipagagawa sa iyo—ngayon at sa hinaharap. Ang iyong matapat na paglilingkod sa Aaronic Priesthood ay naghahanda sa iyo para sa mas malalaking oportunidad na makapaglingkod sa darating na mga taon. Tulad ni Jonathan, ikaw ay naghahandang “tumanggap ng Melchizedek Priesthood, tumanggap ng mga pagpapala ng templo, maglingkod sa full-time mission, maging mapagmahal na asawa at ama, at magpatuloy sa habambuhay na paglilingkod sa Panginoon” (Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo [2006], 4)
Maaaring hindi mo alam ang lahat ng detalye ng magagandang oportunidad na inilaan sa iyo ng Ama sa Langit, ngunit naniniwala ako na ikaw ay magiging handa na tugunan ang mga ito kung aalalahanin mong gawin ang sumusunod bilang mayhawak ng Aaronic Priesthood.
Sumunod kay Jesucristo
Bilang mayhawak ng priesthood, ikaw ay kumakatawan kay Jesucristo. Ibig sabihin ikaw ay inaatasang sumunod sa Kanya at gawin ang Kanyang gagawin. Ano ang Kanyang gagawin? Sa bawat sitwasyon, inilaan Niya ang Kanyang buhay sa paglilingkod at pagpapala sa iba. Ganoon ka rin dapat. Paglingkuran ang iba—at pagkatapos ay umunlad at magpakahusay upang lalo ka pang makapaglingkod! Alalahanin kung paano umunlad si Jesus sa Kanyang kabataan: Siya ay“[lumaki] sa karunungan at sa pangangatawan, at sa pagbibigay lugod sa Dios at sa mga tao” (Lucas 2:52).
Bahagi ng pagsunod sa Tagapagligtas ang pagiging maalam at malusog sa iyong kabataan. Kailangan dito na magsikap kang mabuti at palaging gawin ang lahat ng makakaya mo (tingnan sa D at T 4:2). Kaluluguran ka ng Diyos kung ikaw ay lalapit sa Kanya sa araw-araw na panalangin, pag-aaral ng ebanghelyo, pagsunod, at paglilingkod. Kaluluguran ka ng iba kung ikaw ay mabait at tapat sa iyong pamilya at magiging kaibigan sa lahat tulad ni Cristo.
Alalahanin mo na ginawa lagi ni Jesus ang kagustuhan ng Ama. Sinusunod mo si Jesucristo kapag buong araw mong hinahangad ang nais ng Diyos para magabayan ka sa iyong paglilingkod at kumilos ayon sa espirituwal na mga pahiwatig na natatanggap mo.
Pangasiwaan ang mga Ordenansa ng Priesthood
Ang mga ordenansa ng priesthood ay kailangan ng lahat ng anak ng Diyos at kapwa pinagpapala ang Kanyang mga anak na lalaki at babae. Sa sandaling ikaw ay maging deacon, tumutulong ka na sa pangangasiwa ng ordenansa ng priesthood sa pamamagitan ng pagpapasa ng sakramento. Ikaw ay patuloy na mangangasiwa sa mga ordenansa ng priesthood sa Aaronic Priesthood kalaunan habang ikaw ay naghahanda at nagbabasbas ng sakramento, nagbibinyag, at nakikibahagi sa ordenasyon ng ibang mayhawak ng Aaronic Priesthood.
Sa pakikibahagi sa mga sagradong ordenansa, dapat ay malinis ka. Ang iyong malinis na pagkatao ay magdaragdag ng matinding espirituwalidad sa mga ordenansang pinangangasiwaan mo. Sikaping maging karapat-dapat sa anupamang paraan sa pagtataglay ng mga sagradong sisidlan ng sakramento ng Panginoon (tingnan sa D at T 38:42). Kapag ginawa mo ito, makatatayo ka sa harapan ng inyong ward o branch bilang tunay na kinatawan ni Jesucristo. Mapagpapala sila ng iyong pagpapasiyang tuparin ang mga tipan at tinutulungan mo silang mapanibago ang mga ito.
Laging Maglingkod
Bilang mayhawak ng Aaronic Priesthood, ikaw ay naglilingkod. Sa lahat ng panahon, hanapin ang mga pagkakataong paglingkuran ang iyong pamilya, mga kaibigan, miyembro ng korum, at iba pa. Lahat ng ginagawa mo sa priesthood ay tumutulong sa iyo na paglingkuran ang iba kapwa sa pisikal at espirituwal. Halimbawa, kapag tinutulungan mo ang bishop o branch president mo sa pamamagitan ng paglilingkod sa pamilyang binibisita at tinuturuan mo, natututuhan mo kung paano alamin at tugunan ang mga pangangailangan ng iba. Naglilingkod ka rin sa iba kapag sinisikap mong palakasin ang mga miyembro ng korum mo at sinasagip ang mga di-gaanong aktibo, nagtitipon ng mga handog-ayuno para matulungan ang mga maralita at nangangailangan, gumagawa para sa maysakit at may kapansanan, nagtuturo at nagpapatotoo tungkol kay Cristo at sa Kanyang ebanghelyo, at pinapagaan ang pasanin ng mga nawawalan ng pag-asa.
Naglilingkod ka kapag nagtuturo ka ng mga aralin sa mga miting ng korum mo at sa inyong family home evening. Naglilingkod ka kapag inaanyayahan mo ang lahat na lumapit kay Cristo (tingnan sa D at T 50:29)—sa tahanan, sa korum mo, sa paaralan, kapag kasama ng mga full-time missionary, at saan ka man naroon.
Ang Iyong Kinabukasan
Kausapin ang iyong mga magulang o mga adviser tungkol sa kailangan mong gawin sa magiging tungkulin mo bilang mayhawak ng Melchizedek Priesthood, missionary, asawa, at ama. Isulat sa puwang ang ilan sa malalaking responsibilidad na iyon at paano ka makapaghahanda para sa mga ito habang naglilingkod ka sa Aaronic Priesthood. Maaaring parang mahirap ito sa ngayon, ngunit tandaan na ang pinakamagandang paghahanda ay ang gawin lamang ang ipinagagawa sa iyo ngayon ng Ama sa Langit. Nawa’y maging masaya ka sa paglilingkod mo ngayon at paghandaan ang iyong napakagandang kinabukasan.