Tayo ang mga Kamay ng Panginoon
Ang paghahanap sa mga maralita at paglilingkod sa mga nagdurusa ay napakahalaga sa kahulugan ng pagiging disipulo ni Jesucristo.
Noong mga unang araw ng Great Depression, anim na stake president mula sa Salt Lake Valley ang nagsama-sama para pag-usapan at hanapan ng solusyon ang tumitinding kahirapan at gutom na nagbabantang lumukob sa napakaraming miyembro ng Simbahan.1 Bagama’t apektado ng krisis sa ekonomiya ang mga tao sa lahat ng dako, lubos na naapektuhan lalo na ang Utah.2
Noong panahong iyon, iilan lang ang mapagkukunan ng mga lider ng Simbahan para matulungan ang mga nangangailangan. Maaari sana nilang gamitin ang mga fast offering, ngunit mas malaki at patuloy ang pangangailangan na noon lang nila naranasan. Sa ilalim ng pamamahala ng Presiding Bishopric, naitatag ang Deseret Employment Bureau noong mga unang taon ng 1900s. Ngunit hindi naging sapat ito para mapunan ang gayon kalaking pangangailangan.
Alam ng anim na lider ng priesthood na ito na kung tutulungan ang mga tao sa kanilang mga stake, hindi na sila makapaghihintay pa. Kailangan nilang kumilos kaagad. Nagsimula sila sa pagpapatrabaho sa mga tao. Inorganisa nila ang kalalakihan at dinala sila sa bukid kung saan sila makaaani ng mga pananim. Bilang kapalit ng kanilang trabaho, ang nagpapasalamat na mga magsasaka ay nagbigay ng maraming pagkain sa kalalakihan. Dinala ang sobra sa storehouse at ipinamahagi sa iba pang mga nagugutom. Nang maragdagan ang mga donasyon, nagsimulang gumawa ang mga Banal ng mga pagkaing de-lata para maipreserba ito. Dito nagsimula ang programang pangkapakanan sa makabagong panahon.
Makalipas ang walong dekada, inaalam ng mga makabagong lider ng Simbahan sa buong mundo ang kalagayan ng kanilang mga kongregasyon at ganoon din ang kanilang determinasyon na tulungan ang mga nangangailangan.
Sa pangkalahatang kumperensya noong Oktubre 2011, sinabi ni Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan: “Kadalasan kapag tinitingnan natin ang pangangailangan sa ating paligid ay umaasa tayo na may biglang darating buhat sa malayo na tutugon sa mga pangangailangang iyon. Marahil naghihintay tayo ng mga taong eksperto sa paglutas ng iba’t ibang problema. Kapag ginagawa natin ito, ipinagkakait natin sa ating kapwa ang maibibigay nating paglilingkod, at pinagkakaitan natin ang ating sarili ng pagkakataong makapaglingkod. Bagaman walang mali sa mga eksperto, aminin natin ito: kahit kailan hindi sasapat ang bilang nila para malutas ang lahat ng problema. Kaya nga inilapit ng Panginoon ang Kanyang Priesthood at ang organisasyon nito sa iba’t ibang panig ng mundo kung saan naroon ang Simbahan.”3
Ang panawagang ito na kumilos ang mga lokal na lider at miyembro ng Simbahan ayon sa inspirasyon ng Espiritu Santo ay umakay sa marami sa iba’t ibang dako ng mundo, tulad ng sabi ni Pangulong Uchtdorf, na, “aalamin [nila] ito.”4 Naghanda silang magtrabaho at nagpasiyang “alalahanin sa lahat ng bagay ang mga maralita at ang mga nangangailangan, ang maysakit at ang naghihirap” (D at T 52:40).
Ecuador
Nang masdan ni Bishop Johnny Morante sa Guayaquil, Ecuador, ang mga miyembro ng kanyang ward, nabahala siya. Napakarami sa mga pamilya ang nahirapang magkaroon ng pangunahing mga pangangailangan sa buhay. Gusto niyang tulungan sila, kaya kinausap niya ang mga lider ng ward at dumulog sa Panginoon.
Dahil mahirap makakuha ng trabaho sa lugar na iyon, sinimulan niyang tulungan ang isang grupo ng 11 kababaihan, at hinihikayat silang magsimula ng maliit na negosyo. Napansin ng kababaihang ito na kailangan ng de-kalidad at murang mga gamit-panlinis sa bahay, at inisip nila kung kaya nilang gumawa ng produkto at ibenta ang mga ito sa kanilang komunidad. Ngunit paano sila matututong gumawa ng mga produktong ito?
Sa panahong ito, nalaman ni Bishop Morante na may isang miyembrong babaeng walang trabaho sa kanyang ward na nakapagtrabaho bilang pharmaceutical chemist. Nang tanungin ng 11 miyembrong babae kung tutulong siya, natuwa siyang ituro sa kanila kung paano gumawa ng ligtas at de-kalidad na mga panlinis.
Gumawa sila ng plano sa negosyo, humanap ng mga lugar sa komunidad na sasakupin ng bawat babae, pumili ng mga produktong gagawin nila, at nagdisenyo ng pakete at mga label.
Sa loob ng ilang buwan, nagkaroon na sila ng mga suki at nagpasok ito ng sapat na kita para guminhawa sila at nakatulong sa pagtustos sa pangangailangan ng kanilang mga pamilya.
Nang malaman ng mga manedyer ng isang lokal na pharmaceutical company ang negosyong ito, naging interesado sila sa kuwento tungkol sa walang-trabahong pharmaceutical chemist. Kalaunan ay ininterbyu at tinanggap nila siya para mamahala sa sarili nilang industriya.
Russia
Sa Rechnoy Ward ng Moscow, Russia, nadulas sa bahagyang nagyeyelong lupa si Galina Goncharova, na naglilingkod bilang ward historian, at nabali ang kanyang magkabilang braso. Dinala siya sa ospital, kung saan sinementuhan ang kanyang mga braso. Hindi niya kayang kumain o magsuot ng damit nang mag-isa. Hindi niya masuklayan ang kanyang buhok o masagot man lang ang telepono.
Nang malaman ng mga kapwa niya miyembro sa ward ang nangyari, agad silang tumulong. Binigyan siya ng basbas ng mga mayhawak ng priesthood na nakipagtulungan sa kababaihan ng Relief Society sa paggawa ng iskedyul upang mapuntahan ang mabait na babaeng ito at maasikaso ang kanyang mga pangangailangan.
Sabi ni Vladimir Nechiporov, ward mission leader, “Naalala namin ang isang mensaheng ibinigay sa pangkalahatang kumperensya tungkol sa isang estatwa ni Cristo na nawawala ang mga kamay.5 Sa ibaba ng estatwa ay may naglagay ng isang plake na may nakasaad na, ‘Kayo ang aking mga kamay.’ Sa loob ng ilang linggo na walang kakayahan ang mabait na babaeng ito, nakaugnay ang mga miyembro ng Rechnoy Ward sa kuwentong iyon. Literal kaming naging mga kamay niya.”
Pilipinas
Nang tumama ang Tropical Storm Washi sa Pilipinas noong 2011, ito ay binaha at hinampas ng malakas na hangin. Mga 41,000 tahanan ang nasira, at mahigit 1,200 katao ang namatay.
Bago bumaha, nadama ni Max Saavedra, pangulo ng Cagayan de Oro Philippines Stake, na bumuo ng stake emergency response team. Bumuo siya ng mga komite na may iba’t ibang gawain—lahat ng bagay mula sa paghahanap at pagsagip hanggang sa first aid at paglalaan ng pagkain, tubig, at damit.
Nang bumaba ang tubig-baha at ligtas nang lumabas, kumilos agad ang mga lider at miyembro ng Simbahan. Tiniyak nila ang kaligtasan ng bawat miyembro at inalam ang laki ng pinsala. Nagbigay ng mga balsang goma ang isang miyembro para iligtas ang mga miyembro. Binuksan ang mga meetinghouse para maging kanlungan ng lahat ng nangangailangan ng pagkain, damit, kumot, at pansamantalang matitigilan. Kailangang-kailangan ang malinis na tubig, kaya kinontak ni President Saavedra ang isang lokal na negosyanteng may fire truck, at nagdala sila ng malinis na tubig sa mga meetinghouse evacuation center. Tumulong ang mga miyembrong may propesyonal na karanasan sa panggagamot sa mga taong nasaktan.
Nang matiyak na ligtas ang mga miyembro ng Simbahan, binisita ni President Saavedra at ng kanyang grupo ang iba pang mga evacuation center sa lungsod at nag-alok ng tulong. Dinalhan nila sila ng pagkain at iba pang mga suplay. Marami sa mga miyembro, kahit nawalan sila ng sariling tahanan, ang buong pusong naglingkod kaagad sa iba pagkaraan ng bagyo. Nang tumigil ang ulan at tuyo na ang lupa, namahagi na ng mga suplay ang mga Mormon Helping Hands volunteer mula sa tatlong stake at tumulong sa paglilinis.
Brazil
Sa loob ng lungsod ng Sete Lagoas, Brazil, may isang kanlungan para sa kababaihang may kapansanan na naapektuhan ng pag-abuso sa droga. Bawat araw nahihirapan silang makaraos. May maliit na oven sila na gamit sa pagluluto ng mga 30 tinapay sa isang araw. Bagama’t nakatanggap ang kababaihan ng kaunting tulong mula sa isang lokal na humanitarian association, hindi iyon sapat para mapakain nila ang kanilang sarili. Nang malaman ng mga lider ng Simbahan sa Sete Lagoas Brazil Stake ang mga pangangailangan ng kababaihang ito, hinangad nilang tumulong.
Kinausap nila ang kababaihan tungkol sa kanilang mga pangangailangan. Sinabi ng kababaihan na kung makakagawa pa sila ng tinapay, hindi lang sila makakakain nang mas mabuti kundi marahil ay maibebenta nila ang ilang tinapay para kumita sila ng kaunting pera na kailangang-kailangan nila.
Nakipagtulungan ang mga lider at miyembro ng Simbahan sa lokal na pulisya at sa isang lokal na paaralan para mapaganda ang sitwasyon ng kababaihang ito. Sa tulong ng humanitarian grant ng Simbahan at mga volunteer mula sa Simbahan at komunidad, nakalikha sila ng bagong bakery—na nakatulong para makagawa ang kababaihan ng 300 tinapay araw-araw.
Sa kinita nila, nagkaroon ng unang suwelduhang empleyado ang kababaihan sa bakery—isa sa mga babaeng nasa kanlungan.
Ang Gawaing Pangkapakanan
Tulad ng mga inspiradong lider na iyon ng Simbahan ilang dekada na ang nakararaan na nakakita sa malaking pangangailangan sa kanilang paligid at hindi ito tinalikuran, ginagawa rin iyon ng mga lider at miyembro ng Simbahan sa buong mundo ngayon sa kani-kanilang lugar at sa sarili nilang paraan.
Nang magsalita si Pangulong Uchtdorf sa Simbahan tungkol sa pangangalaga sa iba, sinabi niya: “Ang paraan ng Panginoon ay hindi pag-upo sa tabing-ilog at paghihintay na mawala ang tubig bago tayo tumawid. Ito ay pagtutulungan, paghahanda, pagtatrabaho, at paggawa ng tulay o bangka para matawid ang ilog ng mga pagsubok.”6
Ang paghahanap sa mga maralita at paglilingkod sa mga nagdurusa ay napakahalaga sa kahulugan ng pagiging disipulo ni Cristo. Ito ay gawaing si Jesucristo mismo ang gumawa nang maglingkod Siya sa mga tao noong Kanyang panahon. “Ang pagtulong sa paraan ng Panginoon ay hindi lang isa sa mga nakalistang programa ng Simbahan,” pagtatapos ni Pangulong Uchtdorf. “Hindi ito dapat kaligtaan o isantabi. Ito ay mahalaga sa ating doktrina; ito ang diwa ng ating relihiyon.”7