2014
Kung ang Inyong Mata ay Nakatuon sa Aking Kaluwalhatian
Abril 2014


Kung ang Inyong Mata ay Nakatuon sa Aking Kaluwalhatian

Si Katherine Nelson ay naninirahan sa Utah, USA. Si Heidi McConkie ay naninirahan sa Delaware, USA.

Paano makakatulong ang pamumuhay nang disente sa pananalita, pag-uugali, at kaanyuan para mabanaag sa atin ang liwanag at luwalhatiin ang Diyos?

Sa Kapulungan sa Langit, nang magboluntaryo si Jesucristo na maging ating Tagapagligtas, sinabi Niya sa Ama, “Masusunod ang inyong kalooban, at ang kaluwalhatian ay mapasainyo magpasawalang hanggan” (Moises 4:2).

Noon pa man ay ipinakita na ng Panginoon ang halimbawa ng pagluwalhati sa Ama. Nang magministeryo Siya sa lupa, kailanman ay hindi nang-agaw ng pansin ang Tagapagligtas kundi ibinaling Niya ang Kanyang mga tagasunod sa Ama, at itinuro, “Ang sumasampalataya sa akin, ay hindi sa akin sumasampalataya, kundi doon sa nagsugo sa akin” (Juan 12:44). Sa pag-uugali, kaanyuan, salita, at gawa, tinuruan tayo ng Tagapagligtas tungkol sa kahalagahan ng pagiging disente.

Sa katapatang sundin ang Tagapagligtas, pinag-isipan ng mga young adult na binanggit sa artikulong ito ang kadisentehan ng kanilang kalooban at mga kilos at ibinahagi kung paano hinubog ng kanilang pangakong luwalhatiin ang Diyos ang kanilang pagkatao at pinatnubayan ang kanilang mga kilos.

Luwalhatiin Ninyo ang Diyos at Magpakita ng Magandang Halimbawa

Mas nakikita natin kung paano niluluwalhati ng pagiging disente ang Diyos kapag naunawaan natin kung ano talaga ang kahulugan ng pagiging disente. Ipinaliwanag sa Tapat sa Pananampalataya: “Ang kadisentehan ay pagiging simple at disente sa pananamit, pag-aayos, pagsasalita, at pag-uugali. Kung kayo ay disente, hindi kayo mang-aagaw ng pansin. Sa halip, hahangarin ninyong ‘luwalhatiin … ng inyong katawan, at [ng inyong espiritu] ang Dios’ (I Mga Taga Corinto 6:20).”1

Kapag natututo tayong magpakita ng kadisentehan tulad ng ginawa ng Tagapagligtas, pinapapasok natin ang Espiritu sa ating buhay, kaya natutupad ang pangako na “kung ang inyong mata ay nakatuon sa [kaluwalhatian ng Diyos], ang inyong buong katawan ay mapupuno ng liwanag” (D at T 88:67). Habang binabasa ninyo kung ano ang pagkaunawa ng iba pang mga young adult sa kadisentehan, maiisip ninyo kung paano madaragdagan ang inyong sariling espirituwal na liwanag sa pamamagitan ng paggawa ng mga pagbabago para maragdagan ang katapatan ng inyong kalooban at mga kilos sa pagpapakita ng kadisentehan.

Maging Disente sa Pananalita at Pag-uugali

“Ang inyong mga salita at pagkilos ay may malaking impluwensya sa inyo at sa iba. Ipahayag ang inyong sarili sa malinis, positibo, nakasisiglang pananalita at pagkilos na magpapaligaya sa mga nasa paligid ninyo. Sa pagsisikap ninyong maging disente sa salita at sa gawa, lalo kayong papatnubayan at aaliwin ng Espiritu Santo.”2

Ipinaliwanag ni Dar’ja Sergeevna Shvydko ng Volograd, Russia, na tayo ay disente sa ating pananalita kapag pinakitunguhan natin ang iba nang may paggalang at gumamit tayo ng “mahinang tinig at mahinahong pagpapahayag ng ating mga iniisip nang hindi gumagamit ng magaspang o di-angkop na mga salita.” Ang disenteng pananalita ay walang bahid ng tsismis, pag-alipusta, panlilibak, at pangungutya. Hinding-hindi ito nanghahamak ng iba o nagmamagaling; nagpapakita lang ito ng kabaitan at pagkilala sa kabanalan ng lahat ng anak ng Ama sa Langit.

Dapat ding makita sa ating pananalita ang paggalang sa Panguluhang Diyos: “Iwasan ang mahahalay na pananalita at ang walang pagpapahalaga at walang-galang na paggamit ng pangalan ng Panginoon na lubhang karaniwan na sa mundo. … Ang likas na kawalang-galang ng gayong pananalita … ay nakasisira sa kakayahan [nating] tumanggap ng payapang mga panghihikayat ng Espiritu Santo.”3

Gaya ng mahalay na pananalitang tulad ng tsismis at panlilibak na makakasira sa mga pakikipag-ugnayan, ang disenteng pananalita ay naglilinang ng mas malalim na katapatan sa Diyos at, tulad ng paliwanag ni Kelly Prue ng Utah, USA, “nagdaragdag sa kakayahan nating magkaroon ng magagandang pakikipag-ugnayan sa iba. Tinutulungan tayo ng ating disenteng pananalita na ilabas ang pinakamagandang ugali ng iba.”

Ang kadisentehan sa pananalita at kadisentehan sa pag-uugali ay magkasama. “Mahalagang maging disente sa pananalita at pag-uugali dahil ipinapakita nito kung sino kayo at ano ang inyong pinahahalagahan,” sabi ni Mike Olsen ng Utah. Napapansin ng mga tao kapag hindi tugma ang mga salita at kilos. Ang ating pananalitang nagpapasigla sa iba at lumuluwalhati sa Diyos ay dapat samahan ng tugmang mga kilos. Sa mga paglilingkod at kabaitan, ipinapakita natin na mas mahalaga ang ating pangakong pasiglahin ang iba at igalang ang Diyos kaysa ating mga salita. Ang ating mga halimbawa ng pagkadisipulo sa salita at sa gawa ay maaaring maging mabuting impluwensya.

“Talagang pinasasalamatan ko ang kadisentehan sa pag-uugali at pananalita,” sabi ni Carrie Carlson ng Colorado, USA. “May isang bagay na lubhang kalugud-lugod sa isang taong mapagpakumbaba at hindi gumagawa ng mga bagay-bagay para makaagaw ng pansin. Ang mga nagsasalita nang disente ay nagiging mabibisang lingkod ng Panginoon.”

Maging Disente sa Pananamit at Kaanyuan

“Ang kadisentehan [sa kasuotan] ay tumutulong na ilabas ang pinakamaganda sa atin sa pamamagitan ng pagtulong sa atin na magtuon sa espirituwal sa halip na sa likas na tao,” sabi ni Paul Cave ng Utah. Sa pananamit nang disente, hinihikayat natin ang iba na kilalanin tayo at pahalagahan tayo dahil sa ating personalidad at pagkatao sa halip na sa ating hitsura.

Ang paraan ng ating pananamit ay hindi lamang hudyat sa iba kung paano nila tayo dapat tratuhin, kundi naaapektuhan din nito ang tingin at pagtrato natin sa ating sarili. “Natututuhan natin mula sa ebanghelyo na ang ating katawan ay isang kaloob mula sa Diyos,” sabi ni Luis Da Cruz Junior ng Brazil. “Tinutulungan tayo ng ating katawan na umunlad at maging katulad ng ating Ama. Dahil dito mahalagang manamit nang disente. Sa paggawa nito, ipinapakita natin sa Diyos at sa iba na may paggalang tayo sa kaloob na ito at sa iba.”4

Paliwanag ni Carrie, “Ang mahalay na pananamit ay nagpapakita na isang pisikal na bagay lamang ang katawan na hiwalay sa espiritu na may personalidad at pagkatao. Ang pagiging disente, kahit malaki ang ginagastos ko kung minsan at talagang mas mahabang oras, ay nakatulong sa akin na malaman na ang aking katawan ay sisidlan ng isang natatanging espiritu na may banal na potensyal at tadhana, na isinilang at inaruga ng mga Magulang sa Langit. Nararapat itong bigyan ng higit na pangangalaga at paggalang kaysa maibibigay ng mundo.”

Itinuro sa Tapat sa Pananampalataya: “Bukod pa sa pag-iwas sa [mahahalay] na pananamit, dapat ninyong iwasang sumobra sa pananamit, kaanyuan, at ayos ng buhok. Sa pananamit, pag-aayos, at pagkilos, laging maging maayos at malinis, huwag manamit nang paburara o di-angkop kailanman.”5 Sa paraan ng ating pananamit at pakikiharap sa iba, ipinapakita natin ang ating paggalang sa Diyos, sa ating sarili, at sa iba.

Mangakong Hindi Magbabago

Kapag sinikap nating sundin ang mga pamantayan ng ebanghelyo sa pamamagitan ng pagiging disente, ipinapakita natin ang ating tapat na pangakong hindi tayo magbabago, na sumusunod sa mga utos ng Panginoon sa lahat ng oras sa halip na kung kailan natin gusto.

Ang tapat na pangako ay laging nakabatay sa mga alituntunin ng ebanghelyo. Ipinaliwanag ni Anthony Roberts ng Utah, “Ang kadisentehan ay isang kalagayan ng isipan, isang hangaring mamuhay araw-araw na nauunawaan ang ebanghelyo at ang plano ng kaligtasan.” Kapag itinuon natin ang ating sarili sa ebanghelyo, lalalim ang ating pananalig at mag-iibayo ang ating hangaring ipamuhay ang mga alituntunin ng ebanghelyo.

Unawain ang Inyong Banal na Katangian

Ang palagiang pagkilos na maging disente ay tumutulong sa atin na maunawaan at pahalagahan ang ating pamana, at ang kaalaman tungkol sa ating banal na katangian ay makahihikayat sa atin na maging mas disente. Ipinaliwanag ni Raffaella Ferrini ng Florence, Italy, “Pinagpapala ng kadisentehan ang buhay ko dahil ipinadarama nito sa akin na ako ay espesyal na anak ng aking Ama sa Langit, at dahil sa kaalamang iyan, gusto kong maging disente.”

Ang pagtutulot sa mundo na idikta kung sino tayo ay maaaring makasira sa pagpapahalaga natin sa sarili. Inilarawan ni Julianna Auna ng Utah ang kanyang karanasan: “Bago ako nagkaroon ng patotoo tungkol sa alituntunin ng pagiging disente, hindi ako masaya at hindi maganda ang aking espirituwal na kalagayan. Ang pagtutulot sa mundo na idikta kung sino ako ay nagpalungkot at nagpahina sa aking espiritu dahil ang pagkahumaling ng mundo sa mga bagay na temporal at pisikal ay matindi at walang-humpay. Nang ipasiya kong huwag makinig sa mundo at hayaan kong idikta ng aking kaugnayan sa Diyos kung sino ako, naging mas madali, mas malaya, at mas masaya ang buhay.” Kapag hinangad natin ang pagsang-ayon ng Ama sa Langit sa halip na hangarin ang pagsang-ayon ng mundo, makasusumpong tayo ng mas malaking kagalakan sa buhay at mas mahihikayat tayong maging disente.

Mamuhay nang Disente

“Ang pagiging disente ay ipinapahayag sa lahat ng bagay na ginagawa natin: sa ating pananalita, panlabas na anyo, pag-uugali, at maging sa mga lugar na pinupuntahan natin,” sabi ni Galina Viktorovna Savchuk ng Novosibirsk, Russia. Ang disenteng pamumuhay ay lubos na nauugnay sa katapatan natin sa ebanghelyo at sa kaugnayan natin sa Diyos.

Ang tunay na kadisentehan ay kombinasyon ng pag-uugali at saloobin. Ang pagsisikap na mapaganda ang pag-uugali natin o ang ating pag-iisip ay tutulong sa atin na mas mapabuti ang alinman sa mga ito. Ang pagiging disente sa ating pag-uugali at kaanyuan nang hindi nagkakaroon ng habambuhay na katapatan ay pumipigil sa atin na matanggap ang buong pagpapala ng pamumuhay nang disente. At ang paniniwala na disente tayong mga tao nang hindi natin iniingatan ang ating mga kilos ay pandaraya sa sarili.6

Sa konteksto ng pagiging disente, ang ibig sabihin ng ang ating mga mata ay nakatuon sa kaluwalhatian ng Diyos ay tapat tayong nangangakong mamumuhay nang disente sa ating kilos at kalooban. Tulad ng mata na kailangang nakatuon sa Diyos, ang ating panlabas na anyo at mga kilos ay kailangang nakaayon sa mga alituntunin ng pagiging disente. Ngunit ang pagtutuon lamang ng ating mata sa Diyos ay hindi nangangahulugan na nakatuon tayo sa Kanyang kaluwalhatian; kailangang nakatutok ito sa Kanya. Gayundin, ang disenteng pananamit at kaanyuan ay kailangang samahan ng pagtutuon sa mga walang-hanggang alituntunin.

Kapag ibinaling natin ang ating mga mata sa Diyos, mas madali nating maitutuon ang ating isipan sa Kanya. Gayundin, kapag itinuon natin ang ating isipan sa Diyos, mas nagiging masunurin tayo sa Kanya.

Kapag sinikap nating mamuhay nang disente, madarama nating nag-iibayo ang impluwensya ng Espiritu sa ating buhay. Itinuro ni Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Ang kadisentihan ay mahalaga sa pagiging marapat sa Espiritu. Ang pagiging disente ay pagiging mapagpakumbaba, at ang pagiging mapagpakumbaba ay nag-aanyaya na mapasa atin ang Espiritu.”7 Sa paggabay ng Espiritu sa ating mga iniisip at ginagawa, ang ating mga mata ay matutuon sa kaluwalhatian ng Diyos at mapupuspos tayo ng liwanag.

Mga Tala

  1. Tapat sa Pananampalataya: Isang Sanggunian sa Ebanghelyo (2006), 42.

  2. Tapat sa Pananampalataya, 43–44.

  3. Tapat sa Pananampalataya, 44.

  4. Tingnan sa Tapat sa Pananampalataya 43.

  5. Tapat sa Pananampalataya 43.

  6. Tingnan sa Lynn G. Robbins, “Maging Anong Uri ng mga Tao Ba Nararapat Kayo?” Ensign o Liahona, Mayo 2011, 103.

  7. Robert D. Hales, “Pagiging Disente: Pagpipitagan sa Panginoon,” Ensign, Ago. 2008, 34; Liahona, Ago. 2008, 18.