Nagpatotoo ang mga Natatanging Saksi Tungkol sa Buhay na Cristo
Ang mga miyembro ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ay mga makabagong propeta, tagakita, at tagapaghayag na tumatayo bilang “mga natatanging saksi ng pangalan ni Cristo sa buong daigdig” (D at T 107:23). Dahil diyan, responsibilidad nilang magpatotoo tungkol sa kabanalan ni Jesucristo at sa Kanyang misyon bilang Tagapagligtas at Manunubos ng daigdig.
Sa kasunod na mga sipi, ibinabahagi ng mga pili at inatasang kalalakihang ito ang kanilang patotoo tungkol sa Pagbabayad-sala, Pagkabuhay na Mag-uli, at sa katotohanang buhay ang Tagapagligtas.
Si Jesus ang Ating Manunubos
“Buong puso at sigla ng aking kaluluwa na itinataas ko ang aking tinig sa pagpapatotoo bilang natatanging saksi at ipinahahayag na talagang buhay ang Diyos. Si Jesus ay Kanyang Anak, ang Bugtong na Anak ng Ama sa laman. Siya ang ating Manunubos; Siya ang ating Tagapamagitan sa Ama. Siya yaong namatay sa krus para pagbayaran ang ating mga kasalanan. Siya ang naging unang bunga ng Pagkabuhay na Mag-uli. Dahil Siya ay namatay, lahat ay muling mabubuhay. ‘Ligayang aking matalos: “Buhay ang aking Manunubos!”’ [“Buhay ang Aking Manunubos,” Mga Himno, blg. 78].”
Pangulong Thomas S. Monson, “Buhay ang Aking Manunubos!” Ensign o Liahona, Mayo 2007, 25.
Ako ay Saksi
“Ako ay saksi sa Pagkabuhay na Mag-uli ng Panginoon na parang naroon ako nang gabing iyon kasama ang dalawang disipulo sa bahay sa nayon ng Emaus. Alam kong Siya ay buhay tulad ng alam ni Joseph Smith nang makita niya ang Ama at ang Anak sa liwanag ng maaliwalas na umaga sa kakahuyan sa Palmyra. …
“… Ito ang aking patotoo bilang saksi ng nabuhay na mag-uling Tagapagligtas at ating Manunubos.”
Pangulong Henry B. Eyring, Unang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Magsiparito sa Akin,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 25.
Ang Pagbabayad-sala at Kaligtasan
“Ang Diyos Ama ang may-akda ng ebanghelyo; mahalagang bahagi ito ng … plano ng kaligtasan, o plano ng pagtubos [ng Diyos]. Tinatawag itong ebanghelyo ni Jesucristo dahil sa Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay naging posible ang pagtubos at kaligtasan. Dahil sa Pagbabayad-sala lahat ng lalaki, babae, at bata ay matutubos nang walang kundisyon mula sa pisikal na kamatayan, at lahat ay matutubos mula sa sarili nilang mga kasalanan kung tatanggapin at susundin nila ang ebanghelyo [ni Jesucristo]… .
“Ito ay pinatototohanan ko nang buong puso at isipan.”
Pangulong Dieter F. Uchtdorf, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan, “Hindi Ba’t May Dahilan upang Tayo ay Magsaya?” Ensign o Liahona, Nob. 2007, 19, 21.
Si Jesus ang Cristo
“Alam ko na ang Diyos ang ating Ama. Ipinakilala Niya ang Kanyang Anak na si Jesucristo kay Joseph Smith. Ipinahahayag ko sa inyo na alam ko na si Jesus ang Cristo. Alam ko na Siya ay buhay. Siya ay isinilang sa kalagitnaan ng panahon. Itinuro Niya ang Kanyang ebanghelyo at nagdanas ng pagsubok. Siya ay pinahirapan at ipinako at nabuhay na muli sa ikatlong araw. Siya, tulad ng Kanyang Ama, ay may katawang may laman at buto. Isinakatuparan Niya ang Kanyang Pagbabayad-sala. Sa Kanya ako ay nagpapatotoo. Pinatototohanan ko ito.”
Pangulong Boyd K. Packer, Pangulo ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Labindalawa,” Ensign o Liahona, Mayo 2008, 87.
Pantubos para sa Sangkatauhan
“[Si Jesucristo] ang sentro ng walang hanggang plano ng Ama, ang ibinigay na Tagapagligtas bilang pantubos sa sangkatauhan. Isinugo ng Diyos ang Kanyang Pinakamamahal na Anak para gapiin ang Pagkahulog nina Adan at Eva. Naparito Siya sa lupa bilang ating Tagapagligtas at Manunubos. Napagtagumpayan Niya ang kamatayang pisikal para sa atin sa pamamagitan ng pagbubuwis ng Kanyang sariling buhay. Noong mamatay Siya sa krus, nahiwalay ang Kanyang espiritu sa Kanyang katawan. Nang ikatlong araw ang Kanyang espiritu at Kanyang katawan ay muling nagsama tungo sa kawalang-hanggan, hindi na muling maghihiwalay pa.”
Elder L. Tom Perry ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Plano ng Kaligtasan,” Ensign o Liahona, Nob. 2006, 71.
Ang Sentro ng Kasaysayan ng Tao
“Ang [Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas] ay ginawa sa Getsemani, kung saan ang Kanyang pawis ay malalaking patak ng dugo (tingnan sa Lucas 22:44), at sa Golgota (o Calvario), kung saan ibinayubay ang Kanyang katawan sa krus sa ibabaw ng ‘dako ng bungo,’ na nangangahulugang kamatayan (Marcos 15:22; Mateo 27:33; tingnan din sa 3 Nephi 27:14). Ang walang-hanggang Pagbabayad-salang ito ay magpapalaya sa tao mula sa kawalang-hanggan ng kamatayan (tingnan sa 2 Nephi 9:7). Dahil sa Pagbabayad-sala ng Tagapagligtas nagkaroon ng pagkabuhay na mag-uli at buhay na walang hanggan para sa lahat. Ang Kanyang Pagbabayad-sala ang naging sentro ng buong kasaysayan ng tao.”
Elder Russell M. Nelson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Kapayapaan at Kagalakang Malaman na ang Tagapagligtas ay Buhay,” Ensign, Dis. 2011, 20; Liahona, Dis. 2011, 22.
Isang Sakripisyo para sa Kasalanan
“Tiniis ni Jesucristo ang hindi matantong pagdurusa na isakripisyo ang Kanyang sarili para sa kasalanan ng lahat ng tao. Ang pagsasakripisyong iyon ay nag-alay ng sukdulang kabutihan—Korderong walang kapintasan—para sa sukdulang dami ng kasamaan—ang mga kasalanan ng buong sanlibutan. …
“Ang sakripisyong iyon—ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo—ay nasa sentro ng plano ng kaligtasan. …
“Alam ko na si Jesucristo ang Bugtong na Anak ng Diyos Amang Walang Hanggan. Alam ko na dahil sa Kanyang nagbabayad-salang sakripisyo, nakatitiyak tayo sa imortalidad at sa pagkakataong mabuhay sa kawalang-hanggan. Siya ang ating Panginoon, Tagapagligtas, at Manunubos.”
Elder Dallin H. Oaks ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sakripisyo,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 19, 22.
Ginagabayan ng Tagapagligtas ang Kanyang Simbahan Ngayon
“Ang Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay mahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa misyon ng Kanyang Anak sa daigdig at para sa ating kaligtasan. Dapat tayong magpasalamat sapagkat hindi humadlang ang ating Ama sa Langit at sa halip ay pinigilan Niya ang Kanyang damdamin na iligtas ang Kanyang Pinakamamahal na Anak. Dahil sa Kanyang walang hanggang pagmamahal para sa atin, itinulot Niya na makumpleto ni Jesus ang Kanyang misyon na inorden noon pa man na maging ating Manunubos. …
“Si Jesucristo, na Tagapagligtas at Manunubos ng sangkatauhan, ay hindi patay. Siya’y buhay—ang nabuhay na muling Anak ng Diyos ay buhay—iyan ang aking patotoo, at ginagabayan Niya ang gawain ng Kanyang Simbahan ngayon.”
Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Pagbabayad-sala at ang Kahalagahan ng Isang Kaluluwa,” Ensign o Liahona, Mayo 2004, 85, 86.
Ating Pag-asa, Ating Tagapamagitan, Ating Manunubos
“Ang kaligtasan nati’y nasa [ating Ama sa Langit] at sa Kanyang Minamahal na Anak na si Jesucristo. Alam kong mahal kayo ng Tagapagligtas. Gagabayan Niya ang inyong mga pagsisikap upang palakasin ang inyong patotoo at nang ito’y maging impluwensiya para sa inyong kabutihan at itaguyod kayo kapag kinakailangan at bigyan kayo ng kapayapaan at katiyakan kapag may pag-aalinlangan.
“Bilang isa sa Kanyang mga Apostol, na may karapatang magpatotoo sa Kanya, taimtim kong pinatototohanan na alam kong buhay ang Tagapagligtas, na Siya’y nabuhay muli at niluwalhating katauhan na ganap ang pagmamahal. Siya ang ating pag-asa, Tagapamagitan, Manunubos.”
Elder Richard G. Scott ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Bisa ng Malakas na Patotoo,” Ensign, Nob. 2001, 89; Liahona, Ene. 2002, 103.
Pag-inom sa Mapait na Saro
“Sa Halamanan ng Getsemani, hindi iniwasan ng [ating] Tagapagligtas [at Manunubos] ang mapait na saro ng Pagbabayad-sala [tingnan sa D at T 19:16–19]. At sa krus nagdusa Siyang muli upang magawa ang kalooban ng Kanyang Ama, hanggang sa wakas ay nasabi Niyang, ‘Naganap na’ [Juan 19:30]. Siya ay nagtiis hanggang wakas. Bilang tugon sa ganap na pagsunod ng Tagapagligtas sa pananatiling hindi natitinag, ipinahayag ng Ama sa Langit, ‘Masdan, ang Minamahal kong Anak, na siya kong labis na kinalulugdan, sa kanya ay niluwalhati ko ang aking pangalan’ [3 Nephi 11:7].
“… Ating luwalhatiin ang pangalan ng Diyos sa pamamagitan ng pananatiling hindi natitinag kasama ang ating Tagapagligtas, si Jesucristo. Ibinabahagi ko ang aking natatanging patotoo na Siya ay buhay.”
Elder Robert D. Hales ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Tumayo nang Hindi Natitinag sa mga Banal na Lugar,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 51.
Tanging Perpektong Anak ng Diyos
“Alam ko na ang Diyos ang ating mapagmahal na Ama sa Langit sa lahat ng oras at sa lahat ng pagkakataon at sa lahat ng sitwasyon. Alam ko na si Jesus ang Kanyang tanging perpektong anak, na mapagmahal na ibinuwis ang Kanyang buhay ayon sa kalooban kapwa ng Ama at ng Anak para tubusin tayong lahat na hindi perpekto. Alam ko na nagbangon Siya mula sa kamatayan upang muling mabuhay, at dahil nagbangon Siya, tayo rin ay mabubuhay.”
Elder Jeffrey R. Holland ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Panginoon, Nananampalataya Ako,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 95.
Alam Kong Buhay ang Tagapagligtas
“Ipinahahayag ko ang aking patotoo at pasasalamat sa walang katapusan at walang hanggang sakripisyo ng Panginoong Jesucristo. Alam kong buhay ang Tagapagligtas. Naranasan ko ang Kanyang kapangyarihang tumubos at ang Kanyang kapangyarihan na nagbibigay-kakayahan, at pinatototohanan ko na ang mga kapangyarihang ito ay totoo at makakamtan ng bawat isa sa atin. Tunay na ‘sa lakas ng Panginoon’ magagawa natin at madadaig ang lahat ng bagay habang patuloy tayong naglalakbay sa mortalidad.”
Elder David A. Bednar ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Ang Pagbabayad-sala at ang Paglalakbay sa Mortalidad,” Ensign, Abr. 2012, 47; Liahona, Abr. 2012, 19.
Nagampanan ni Cristo ang Kanyang Misyon
“Pinasan [ng Tagapagligtas] ang ‘bigat ng mga kasalanan ng sanlibutan’ at ang ‘kilabot … na maaaring ihasik ni Satanas’ [James E. Talmage, Jesus the Christ, 613]. Sa prosesong ito tiniis Niya ang di-makatarungang paglilitis at ang kalunus-lunos at malungkot na pangyayaring nauwi sa pagpapako sa Kanya sa Krus. Sa huli ay nagwakas ito sa matagumpay na Pagkabuhay na Mag-uli ni Cristo noong Linggo ng Paskua. Nagampanan ni Cristo ang Kanyang sagradong misyon bilang Tagapagligtas at Manunubos. Tayo ay mabubuhay na mag-uli mula sa kamatayan at muling magsasama ang ating espiritu at katawan. …
“Pinatototohanan ko bilang apostol na si Jesucristo ay buhay at Siya ang Tagapagligtas at Manunubos ng sanlibutan. Inilaan Niya ang landas na tatahakin tungo sa tunay na kaligayahan.”
Elder Quentin L. Cook ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Sinusunod Natin si Jesucristo,” Ensign o Liahona, Mayo 2010, 83–84, 86.
Tinubos Tayo ng Tagapagligtas
“Ang pagdurusa ng Tagapagligtas sa Getsemani at ang Kanyang paghihirap sa krus ay tumubos sa atin mula sa kasalanan nang tugunan nito ang hinihingi ng katarungan sa atin. Pinagkakalooban Niya ng awa at pinatatawad ang mga nagsisisi. Tinugunan din ng Pagbabayad-sala ang katarungang para sa atin nang tayo ay Kanyang pagalingin at iligtas sa anumang pagdurusang dinaranas natin. ‘Sapagkat masdan, kanyang titiisin ang sakit ng lahat ng tao, oo, ang sakit ng bawat nilalang, kapwa lalaki, babae, at mga bata, na kabilang sa mag-anak ni Adan’ (2 Nephi 9:21; tingnan din sa Alma 7:11–12). …
“… Ang tunay na pagtubos ay na kay Jesucristo at tanging nasa Kanya lamang. Buong pagpapakumbaba at pasasalamat ko Siyang kinikilala bilang aking Manunubos.”
Elder D. Todd Christofferson ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Pagtubos,” Ensign o Liahona, Mayo 2013, 110, 112.
Ang Pagkabuhay na Mag-uli at ang Buhay
“Higit sa lahat, ipinahahayag natin ang [ating] Tagapagligtas at Manunubos, si Jesucristo. Lahat tayo kung ano tayo—lahat ng maaari tayong maging—ay dahil sa Kanya. …
“Ang Kanyang mga salita ay dinig sa paglipas ng mga siglo:
“‘Ako ang pagkabuhay na mag-uli, at ang buhay: ang sumasampalataya sa akin, bagama’t siya’y mamatay, gayon ma’y mabubuhay siya:
“‘At ang sinomang nabubuhay at sumasampalataya sa akin ay hindi mamamatay magpakailan man’ (Juan 11:25–26).
“Mga kapatid, Siya ay buhay. Siya ay nabuhay na muli. Ginagabayan Niya ang Kanyang banal na gawain sa lupa.”
Elder Neil L. Andersen ng Korum ng Labindalawang Apostol, “Lumapit sa Kanya,” Ensign o Liahona, Mayo 2009, 80.