Mga Tanong at mga Sagot
“Ano ang dapat kong gawin kapag napag-usapan sa eskuwela ang isang paksa na salungat sa mga turo ng ebanghelyo, tulad ng aborsyon?”
Maraming paraan para tumugon—o kakaunti—depende sa sitwasyon. Una, pag-isipan kung ano ang mangyayari kung kikibo ka o hindi. Kung ang hindi mo pagkibo ay magiging dahilan para isipin ng iba na sang-ayon ka sa isang bagay na alam mong mali, maaari kang humanap ng simpleng paraan para ipaalam na hindi ka sang-ayon. Kung sa palagay mo ay magpapasimula ng pagtatalo ang sasabihin mo, maaari kang maghanap ng ibang pagkakataon na masabi ang iyong opinyon. Gayunman, kung iginagalang ng mga kaklase mo ang isa’t isa at humihiling ng partisipasyon ang guro, makakahiling ka ng inspirasyon sa panalangin at pagkatapos ay ipaliwanag mo ang iyong mga paniniwala.
Maaari ka ring maghanda nang maaga kung alam mong tatalakayin sa klase ang isang paksa. Bukod pa sa mga banal na kasulatan at mga mensahe sa kumperensya tungkol sa paksa, tumingin sa Tapat sa Pananampalataya, Mga Alituntunin ng Ebanghelyo, o Para sa Lakas ng mga Kabataan. Maaari ka ring magpraktis na ipaliwanag ang paksa sa family home evening. Kapag handa ka na, kausapin ang iyong guro o mga kaklase mo.
Ang paraan ng iyong pagtugon ay kasinghalaga ng sasabihin mo. Magpakita ng respeto at sikaping huwag gumamit ng mga salitang gamit lamang sa Simbahan. Hindi ka mauunawaan ng mga kaklase mo kapag sinabi mong, “Itinuro sa akin ng Young Women adviser ko sa ward namin na …”
Ang pinakamahalaga ay ang malaman mo kung ano ang itinuturo ng Simbahan at ano ang sinasabi sa iyo ng Espiritu Santo para hindi ka malinlang ng mga kamaliang maririnig o mababasa mo sa klase.
Alalahanin Kung Sino ang Kinakatawan Mo
Sa pagharap sa mga sitwasyong ito, sikaping tandaan na maaaring hindi katulad ng nadarama mo ang nadarama ng iba ukol sa paksa. Huwag magyabang o mamilit, pero huwag matakot na ipagtanggol ang iyong mga paniniwala. Alalahanin na kinakatawan mo si Cristo.
Madeline K., edad 16, Wyoming, USA
Maging Magalang
Pakiramdam ko dapat kong ibahagi ang opinyon ko sa magalang na paraan at sabihin din kung bakit ko pinaniniwalaan ang mga ito. Palagay ko hindi ko kailangang pilitin ang iba na maniwala sa opinyon ko, pero palagay ko dapat nilang malaman kung ano ang paniniwala ko tungkol sa ilang paksa at maunawaan nila ang aking pananaw.
Sabrina S., edad 16, Oregon, USA
Magpakita ng Respeto
Mahalagang marinig tayo ng iba, pero napakahalaga ring magpakita ng respeto sa mga paniniwala ng iba. Huwag makipagtalo. Magkakaroon ka ng mga kaaway at magkakagulo kapag nakipagtalo ka. Kung may binanggit na ideya laban sa ating relihiyon, manatiling mahinahon, magtuon, at magpakita ng respeto, at huwag kalimutang makinig sa Espiritu. May mga bagay tayong hindi nauunawaan ngunit nauunawaan ng Diyos. Dapat tayong makinig at matuto mula sa Kanyang Espiritu.
Hannah M., edad 18, Utah, USA
Ibahagi ang Itinuturo ng Simbahan
Sinisikap kong sagutin ang gayong mga tanong sa abot ng aking makakaya dahil hindi alam ng mga kaibigan at titser ko, maliban kung sabihin ko sa kanila, ang pananaw ng Simbahan tungkol sa gayong mga paksa. Sa paggawa nito, malalaman nila ito, at mapagpapala ka sa espirituwal. Alalahanin: “Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit” (Mateo 5:16).
Joshua M., edad 16, Manchester, England
Tulungan ang Iba na Isipin Kung Ano ang Tama
Tapat na ibahagi ang iyong nadarama. Maraming paksa sa paaralan, tulad ng aborsyon, na madalas pagtalunan, kaya huwag mahiyang magsalita. Magandang pagkakataon iyon na ibahagi ang ebanghelyo at mga pamantayang pinaniniwalaan natin. Kung ibabahagi mo ang iyong mga paniniwala, matutulungan mo ang mga tao na isipin kung ano ang tama.
Madison R., edad 14, North Carolina
Itama ang Maling Doktrina
Kabilang tayo sa Simbahang nakatuon sa gawaing misyonero kung saan lahat tayo ay tinatawag na mangaral; kaya nga, hindi natin matutulutang lumaganap ang maling doktrina. Sa ganitong mga sitwasyon, dapat tayong magsalita para maitama ang anumang maling doktrina at maipaunawa sa mga tao ang pananaw ng ipinanumbalik na ebanghelyo tungkol sa paksa.
David M., edad 16, Kasaï-Occidental Province, Democratic Republic of Congo
Alamin ang Pananaw ng Simbahan
May kurso ako noon kung saan madalas talakayin ang mga kontrobersyal na paksa. Ang unang dapat gawin ay respetuhin ang mga paniniwala ng iba, tulad ng inaasahan mo sa iyong mga kaklase. Kung ang paksa ay tuwirang kumakalaban sa Simbahan, malayang sabihin ang iyong opinyon. Hindi mo kailangang banggitin ang Simbahan sa sagot mo. Gayon pa man, tiyaking alam mo ang pananaw ng Simbahan tungkol dito.
Joseph Z., edad 18, Maryland, USA
Iwasan ang Pagtatalo
Ipaliliwanag ko ang aking opinyon, ipagtatanggol ko ang aking mga prinsipyo at ang mga doktrina ng Simbahan, habang nirerespeto ko ang mga ideya ng iba. Hindi ako makikipagtalo, na magtataboy sa Espiritu, na maaaring makaimpluwensya sa iba sa positibong paraan.
Daiana V., edad 15, Buenos Aires, Argentina