2014
Paghahatid ng mga Pagpapala ng Priesthood sa Inyong Tahanan
Abril 2014


Paghahatid ng mga Pagpapala ng Priesthood sa Inyong Tahanan

Bonnie L. Oscarson

Sa pagtupad mo sa iyong mga tipan, ginagamit mo ang kapangyarihan ng priesthood na pagpalain ang iyong tahanan at pamilya.

Buildings from various countries.

mga paglalarawansudi mccollum

Paano mo magagawa bilang isang kabataang lalaki o babae, anuman ang sitwasyon ng iyong pamilya, na gamitin ang kapangyarihan ng mga tipan ng priesthood na ginawa mo sa binyag para patatagin ang iyong tahanan at pamilya? Ang pag-unawa sa tungkulin at kahalagahan ng ating mga pamilya sa plano ng Panginoon ay maaaring magbigay-inspirasyon sa atin na igalang ang mga pangakong ginawa natin sa pagtiyak na nagagawa ang pinakamainam at pinakamasigasig na paglilingkod natin sa loob ng sarili nating tahanan. Tingnan natin ang ilang paraan na ginagamit natin ang kapangyarihan ng ating mga tipan para palakasin at paglingkuran ang mga taong pinakamahalaga sa atin.

Paano Ka Tutugon?

Lunes ng gabi, at napakarami mong homework. Naririnig mong tinatawag ng tatay mo ang buong pamilya na magtipon para sa family home evening. Ano ang gagawin mo?

Pagpipilian A: Tutugon ka ng, “Ay, Itay, wala po akong oras para diyan ngayong gabi! Kailangan ko pong mag-aral!”

Pagpipilian B: Agad kang tutulong na tipunin ang mga kapatid mo at masayang makikibahagi sa mga panalangin, musika, at mensahe.

Kapag May Namumunong Priesthood sa Tahanan

Ang pagsuporta sa iyong mga magulang sa kusang-loob na pakikibahagi sa family home evening, panalangin ng pamilya, at pag-aaral ng banal na kasulatan ng pamilya ay ilang paraan para mapalakas ang pamumuno ng priesthood sa inyong tahanan. Marami pang ibang paraan, gaya ng:

  • Ipagdasal ang iyong mga magulang. (Halos tiyak na araw-araw ka nilang ipinagdarasal.)

  • Suportahan ang iyong mga magulang sa kanilang mga tungkulin sa Simbahan at mag-alok na tumulong sa bahay, lalo na kapag abala sila sa mga espesyal na tungkulin.

  • Tulungan ang iyong mga magulang sa pagtanggap sa mga home teacher kapag bumisita sila, at pagkatapos ay magalang na makinig sa kanilang mensahe.

  • Kung may templo sa inyong lugar, mag-alok na alagaan ang nakababata mong mga kapatid para makapunta sa templo at makabahagi ang mga magulang mo sa mga ordenansa ng priesthood.

Tandaan na hindi lamang mga magulang ang responsable sa pag-anyaya at pagpapanatili sa Espiritu sa inyong tahanan. Napakarami mong magagawa para maanyayahan ang Espiritu sa pamamagitan ng iyong mga kilos at pag-uugali. Ginagawa mo ba ang iyong bahagi para maanyayahan ang impluwensya ng Espiritu sa inyong tahanan?

Kapag Walang Namumunong Priesthood sa Tahanan

Hindi magkakamukha o magkakatulad ang mga pamilya. Maaaring kabilang ka sa isang pamilyang iisa lamang ang magulang o walang mayhawak ng priesthood na namumuno sa inyong tahanan. Marami pang paraan para maanyayahan ang kapangyarihan ng priesthood upang patatagin ka at ang iyong pamilya. Ito ang mga bagay na dapat nating gawing lahat, anuman ang ating sitwasyon:

  • Manalangin nang personal, mag-aral ng mga banal na kasulatan, at mag-ayuno. Tutulungan ka ng mga pagsisikap na ito na maging matatag sa espirituwal at maanyayahan ang Espiritu sa buhay mo at ng mga taong nasa paligid mo.

  • Mag-ukol ng oras na magampanan ang iyong mga tungkulin o gawain sa Simbahan at maging handa para sa mga aralin sa araw ng Linggo. Ang paggawa nito ay natutulungan kang magkaroon ng tiwala sa sarili at nagpapakita ng suporta para sa mga programa ng priesthood.

  • Igalang ang lahat ng miyembro ng iyong pamilya at suportahan ang kanilang mga makabuluhang aktibidad. Ang mga pagpiling ito ay magpapatatag sa buong pamilya.

  • Ibahagi sa iyong pamilya ang mga bagay na natututuhan at ginagawa mo sa inyong mga klase at korum sa Simbahan. Ito ay isang paraan upang maihatid ang mga turo ng ebanghelyo sa tahanan.

  • Humanap ng paraan para mapaglingkuran ang mga nasa paligid mo sa pagpapakita ng mga simpleng kabaitan.

  • Tumulong sa bahay sa paggawa ng mga gawaing-bahay o pagtulong sa isang kapatid.

  • Mahalin ang iyong pamilya na katulad ng pagmamahal ni Cristo—mas malaki ang epekto nito sa pagpapatibay ng ugnayan ng iyong pamilya kaysa anupamang bagay na magagawa mo.

Paggalang sa Iyong mga Tipan

Sa paglilingkod, pagmamahal, at pagpapatatag ng ating pamilya, tayo ay nagiging tapat sa mga tipang ginawa natin sa binyag na tumayo bilang mga saksi ni Jesucristo, sundin ang Kanyang mga kautusan, at palakasin ang mga nasa paligid natin. Maaari tayong humugot ng lakas sa mga tipan ng priesthood upang mapagpala at matulungan ang ating mga tahanan at pamilya. Priesthood, paglilingkod, at tahanan ang mga salitang dapat nating isaisip nang walang hanggan. Mga miyembro ng ating sariling pamilya ang dapat maging unang priyoridad sa paghahanap natin ng mga paraan na makabahagi sa gawain ng kaligtasan. Kapag pinatatag natin ang ating mga pamilya, pinatatatag din natin ang Simbahan, ang ating mga komunidad, at ang mundo.