Ang Pangako ay Nagbigay sa Akin ng Pag-asa
Juliana Fayehun, Lagos, Nigeria
Di nagtagal matapos kaming makasal ng aking asawa, biniyayaan kami ng isang anak na lalaki. Nang makita ko ang kanyang ngiti at tingnan ko ang kanyang mga mata, nadama kong may utang na loob ako sa Ama sa Langit. Parang perpekto ang aming anak para sa akin. Nagpasalamat kaming mag-asawa sa Panginoon araw-araw para sa napakahalagang regalo.
Noong Pebrero 19, 2009, nag-empake ako para maghandang bumalik sa paaralan para sa huling taon ko ng pag-aaral. Hindi namin alam ng aking asawa na kinabukasan ay lalagnatin at sasakabilang-buhay ang aming pinakamamahal na anak.
Napakahirap ng karanasang iyon para sa akin. Nagdatingan ang mga miyembro ng aming ward sa bahay namin para aluin kami gamit ang mga banal na kasulatan at himno at manalanging kasama namin. Mahalaga sa akin ang kanilang mahabaging pakikidalamhati, ngunit patuloy pa rin akong nagdalamhati para sa aking anak. Tuwing maiisip ko siya, napupuno ng luha ang aking mga mata.
Apat na araw pagkamatay niya, nagkaroon ako ng inspirasyon na pag-aralan ang Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith. Nang hawakan ko ang aklat, bumukas ito sa mga kamay ko sa kabanatang pinamagatang “Mga Salita ng Pag-asa at Kaaliwan sa Oras ng Kamatayan.” Sinimulan ko itong basahin at lubha akong naantig ng malulungkot na trahedyang naranasan nina Joseph at Emma nang magsimula silang magpamilya. Nang mabasa ko ang isang hango mula sa mensahe ng Propeta sa libing ng isang dalawang-taong-gulang na batang babae, para akong binuhusan ng malamig na tubig sa ulo, na nagpakalma sa aking nagdadalamhating isipan.
Tinawag ko ang asawa ko. Magkasama naming binasa ang: “Naitanong [ko], bakit kinukuha sa atin ang mga sanggol, mga batang walang-malay. … Maraming tao ang kinukuha ng Panginoon, kahit mga sanggol pa lamang, upang matakasan nila … ang kalungkutan at kasamaan ng daigdig ngayon; napakadalisay nila, napakaganda, para mamuhay sa mundo; samakatwid, kung tutuusin, sa halip na magdalamhati may dahilan tayong magalak dahil naligtas sila sa kasamaan, at hindi magtatagal at maaangkin natin silang muli.”
Idinagdag pa ng Propeta: “Maaaring maitanong ito—‘Maaangkin ba ng mga ina ang kanilang mga anak sa kawalang-hanggan?’ Oo! Oo! Mga ina, maaangkin ninyo ang inyong mga anak; sapagkat sila ay magkakaroon ng buhay na walang hanggan, sapagkat nabayaran na ang kanilang utang.”1
Simula nang mabasa namin ang magagandang salitang iyon, napuspos na ng pasasalamat ang mga dalangin ng aming pamilya sa pangako na sa pamamagitan ng Pagbabayad-sala ni Jesucristo ay makakapiling naming muli ang aming anak.
Ngayon may tatlo kaming mababait na anak, na mga kapatid ng aming pumanaw na anak. Itinuturo namin sa kanila ang tunay at walang-hanggang ebanghelyo, na gagabay sa kanila pabalik sa kanilang Ama sa Langit at sa kanilang Tagapagligtas na si Jesucristo.
Alam ko na ang mensahe ni Propetang Joseph Smith tungkol sa kabilang-buhay ay totoo. Magpapasalamat ako magpakailanman sa pag-asa, kapayapaan, galak, at kaligayahang dulot nito sa aming pamilya—sa magkabilang panig ng tabing.