Mga Pioneer sa Bawat Lupain
Pilipinas: Espirituwal na Lakas sa mga Pulo ng Dagat
Sa loob lamang ng 53 taon, nakapagtataka ang paglakas at pag-unlad ng Simbahan sa Pilipinas, na kilala bilang “Perlas ng Silanganan.”
Para kay Augusto A. Lim, ang mensaheng inilahad ng dalawang binatang missionary mula sa Estados Unidos ay tila pinagtitibay ang mga alituntunin na alam na niyang totoo. Isang binatang abugado at Kristiyano, napansin ni Augusto na ang mga doktrinang tulad ng patuloy na paghahayag ay “mga bagay na kahit noong nasa hayskul at kolehiyo pa ako ay pinaniniwalaan ko na.”1
Pagkaraan ng ilang buwan, pumayag si Augusto na dumalo sa mga serbisyo sa araw ng Linggo at tinanggap ang hamon na basahin at ipagdasal ang Aklat ni Mormon. “Sinimulan kong basahin ang Aklat ni Mormon nang taimtim sa diwang ipinayo ni Moroni na [taglayin] natin. Nang gawin ko iyon sa hangad na malaman kung ito ay totoo—matapos ang ilang linya—nagkaroon ako ng patotoo,” paggunita niya.2
Noong Oktubre ng 1964, bininyagan si Augusto Lim at naging pioneer ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Pilipinas, at di-naglaon ay sumapi rin ang kanyang asawa at pamilya. Ngayon, matapos ang mga dekada ng tapat na paglilingkod sa Simbahan—kabilang na ang isang tawag noong 1992 na maglingkod bilang General Authority, ang unang Pilipinong naglingkod sa posisyong iyon—nababanaag kay Brother Lim ang pananampalataya at katapatan ng libu-libong Banal sa mga Huling Araw na nakatira sa “Perlas ng Silanganan.”
Isang Matabang Lupain
Mga 550 taon bago isinilang si Jesucristo, nangako ang Panginoon sa propeta sa Aklat ni Mormon na si Nephi: “Naaalala ko yaong mga nasa pulo ng dagat,” at “isinisiwalat ko ang aking salita sa mga anak ng tao, oo, maging sa lahat ng bansa sa mundo” (2 Nephi 29:7). Sa maraming nakabasa ng mga piling salitang ito, isang grupo ng “mga pulo ng dagat” ang sumasaisip: ang Pilipinas.
Sa halos 100 milyong populasyon, ang Republika ng Pilipinas ay isang malaking kapuluan na may 7,100 pulo na nasa timog-silangang baybayin ng Asia. Ito ay isang magandang bansa sa tropiko na tinatahanan ng mababait, masisigla, at mapagpakumbabang mga tao. Subalit ang bansa ay madalas magkaroon ng mga lindol, bagyo, pagputok ng bulkan, pagtaas ng mga alon, at iba pang kalamidad na dulot ng kalikasan at maraming problema sa lipunan at ekonomiya. Patuloy na tumitindi ang laganap na kahirapan, at natiis ng mga Pilipino ang iba’t ibang katiwalian sa pulitika at krisis sa ekonomiya.
Ngunit sa mga taong pamilyar sa mga paraan ng Panginoon, ang Pilipinas ay matabang lupain na mapagtataniman ng mga binhi ng ebanghelyo. Bukod sa Tagalog at ibang mga katutubong wika, maraming Pilipino ang nagsasalita ng Ingles, na isa ring pambansang wika. Dahil matagal na sinakop ng mga Kastila, mahigit 90 porsiyento ng populasyon ang Kristiyano; ang isang malaking bahagi ng minorya ay Muslim.
Ang unang pagtatangkang ipakilala ang Simbahan sa Pilipinas ay ginawa nina Willard Call at George Seaman noong 1898 sa panahon ng Spanish-American War, mga sundalong Banal sa mga Huling Araw mula sa Utah na naitalaga bilang mga missionary bago sila umalis. Kapag may pagkakataon, ipinapangaral nila ang ebanghelyo, ngunit walang binyag na naganap.
Noong World War II, nagpalipat-lipat sa mga pulo ang ilang Banal sa mga Huling Araw dahil sa pagsugod ng magkakasanib na puwersa. Noong 1944 at 1945, nagdaos ang mga sundalo ng mga miting ng Simbahan sa maraming lugar, at maraming LDS service member at service worker ang nasa Pilipinas pa rin nang magwakas ang digmaan. Kasama sa mga ito si Maxine Tate at ang bagong binyag na si Jerome Horowitz. Kapwa sila nakatulong sa pagtuturo ng ebanghelyo kay Aniceta Fajardo. Habang tumutulong na muling itayo ang bahay ni Aniceta sa isang lugar sa Maynila na binomba, ibinahagi ni Brother Horowitz ang kanyang bagong relihiyon kay Aniceta at sa anak nitong si Ruth.
Nagkaroon ng patotoo si Aniceta at hinangad na magpabinyag, ngunit hindi pinahintulutan ng Simbahan na mabinyagan ang mga Pilipino noong panahong iyon dahil walang permanenteng mga yunit ng Simbahan sa kapuluan. Nakarating kay Elder Harold B. Lee (1899–1973) ng Korum ng Labindalawang Apostol ang hangarin ni Aniceta, at sa kanyang katungkulan bilang chairman ng General Servicemen’s Committee, inaprubahan ni Elder Lee na mabinyagan si Aniceta. Sa umaga ng Paskua noong 1946, bininyagan ni serviceman Loren Ferre si Aniceta Fajardo at ngayon ay kinikilala bilang unang Pilipinong naging miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.
Ang Pagsisimula ng Gawaing Misyonero
Pagkatapos ng digmaan, inorganisa ang mga grupo ng Simbahan sa dalawang U.S. military base—Clark Air Base at Subic Bay Naval Base—habang umaasam ang mga LDS service member na maitatag nang pormal ang Simbahan sa Pilipinas. Noong Agosto 21, 1955, inilaan ni Pangulong Joseph Fielding Smith (1876–1972) ang Pilipinas para sa pangangaral ng ebanghelyo. Gayunman, naatraso ang pagdating ng mga missionary hanggang 1961 dahil sa paghihigpit ng batas.
Noong 1960, bumisita nang ilang araw sa Pilipinas si Elder Gordon B. Hinckley (1910–2008), na noon ay Assistant sa Korum ng Labindalawang Apostol: “Ipinaliwanag ko na ang gawaing misyonero ay … magiging mabunga na tulad sa iba pang mga lugar sa mundo.”3 Nang sumunod na taon, pagkatapos ng maraming paghahanda at nang maiayos ang mga papeles ng mga miyembrong tulad nina Maxine Tate Grimm at Pangulong Robert S. Taylor ng Southern Far East Mission gayundin ng mga kaibigan sa labas ng Simbahan, nagbalik si Elder Hinckley sa kapuluan upang muling ilaan ang Pilipinas para sa pagsisimula ng gawaing misyonero.
Noong Abril 28, 1961, sa mga karatig na lugar ng Maynila, kinausap ni Elder Hinckley ang isang maliit na grupo ng mga service member, mga residenteng Amerikano, at isang miyembrong Pilipino—si David Lagman—at nag-alay ng espesyal na panalangin “na sana’y libu-libo ang tumanggap ng mensaheng ito at mapagpala dahil doon.”4 Di-nagtagal, ang mga salitang iyon, na sinambit ng isang tunay na lingkod ng Panginoon, ay naging salita ng isang propeta.
Ang unang apat na missionary—sina Raymond L. Goodson, Harry J. Murray, Kent C. Lowe, at Nestor O. Ledesma—ay dumating sa Maynila pagkaraan ng ilang linggo. “Mabilis na tinanggap ng mga Pilipino ang ebanghelyo,” sabi ni Elder Lowe. “Kapag ipinasiya ng namumuno sa pamilya na sumapi sa Simbahan, sa napakaraming pagkakataon ay sumasapi ang buong pamilya sa Simbahan.”5
Umuunlad ang Simbahan
Umunlad ang gawain hanggang sa maorganisa ang Philippines Mission noong 1967. Sa pagtatapos ng taong iyon, may 3,193 miyembro sa mission, at 631 sa kanila ang nabinyagan sa taong iyon. Pagsapit ng 1973, halos 13,000 na ang mga miyembro ng Simbahan sa Pilipinas. Noong Mayo 20, 1973, nilikha ang Manila Philippines Stake, na si Augusto A. Lim ang pangulo. Noong 1974 nahati ang mission, kaya nalikha ang Philippines Manila Mission at ang Philippines Cebu City Mission.
Noong Agosto ng 1975, pumunta si Pangulong Spencer W. Kimball (1895–1985) sa Maynila upang mamuno sa unang area conference sa Pilipinas. Maunos ang buwan ng Agosto, kaya mas nahirapang magbiyahe ang mga nagmula sa labas ng Maynila. Muntik nang hindi makarating ang isang bus na puno ng mga Banal mula sa Laoag City, ngunit itinulak ng mga Banal ang kanilang sasakyan para makaahon mula sa putikan at nakiusap sila sa tsuper na huwag bumalik. Sinuong ng isa pang grupo ng mga Banal ang maunos na karagatan nang tatlong araw dahil ang tanging mahalaga, sabi nga ng isang miyembrong babae, ay makita at marinig nila ang isang buhay na propeta ng Diyos.
Muling binisita ni Pangulong Kimball ang Pilipinas noong 1980 para mamuno sa isa pang area conference, at sandali siyang nakipagkita sa pangulo ng Pilipinas na si Ferdinand Marcos. Ang miting na ito kalaunan ay nagbigay-daan para mabuksan ng Simbahan ang missionary training center sa Pilipinas noong 1983 at mailaan ang Manila Philippines Temple nang sumunod na taon. Noong 1987 itinatag ang Philippines/Micronesia Area na ang headquarters ay nasa Maynila.
Isinalin ang Mga Piniling Bahagi mula sa Aklat ni Mormon sa Tagalog noong 1987. Naisalin na ang Aklat ni Mormon sa ilang wika sa Pilipinas, kabilang na ang Cebuano.
Ang mga Pagpapala ng Templo
Noong Disyembre 1980, pinapunta ni Pangulong Spencer W. Kimball ang direktor ng real estate department ng Simbahan sa Maynila upang humanap ng angkop na pagtatayuan ng templo. Matapos isaalang-alang ang ilang lugar, hiniling ng direktor na bilhin ang 3.5 akre (1.4 na ektarya) na lote sa Quezon City. Tanaw sa lugar na ito ang Marikina Valley, at medyo madali itong puntahan ng maraming miyembro ng Simbahan. Inaprubahan ang kahilingan, at binili ang lote noong Enero 1981. Ginawang Temple Drive ang pangalan ng kalye sa kahilingan ng Simbahan.
Para sa groundbreaking ceremony noong Agosto 25, 1982, sa kabila ng nagbabantang bagyo, halos 2,000 miyembro ng Simbahan mula sa lahat ng dako ng kapuluan ang nagtipon matapos magbiyahe na sakay ng barko, tren, at bus. Di-nagtagal ay nagsimula ang pagtatayo ng templo, at handa na itong mailaan noong Agosto 1984.
Halos 27,000 mga miyembro at di-miyembro ang lumibot sa templo bago ito inilaan. Nagpunta sila kahit may dalawang bagyo—na 48 oras lamang ang pagitan—na puminsala sa Pilipinas sa nagdaang ilang araw. Nagsidating ang mga Banal mula sa malalayong lalawigan na pagod ngunit masigla. Sa maraming pagkakataon napilitan silang dumaan sa pasikut-sikot na mga lansangan papuntang Maynila dahil matagal na binaha ang mga kalsada at nasira ng umapaw na mga ilog ang mga tulay.
Humanga sa kagandahan ng templo ang mga bisita, pati na ang maraming kilalang Pilipino. Sinabi ng manunulat na si Celso Carunungan na “dama ang kabanalan, na kapag nasa loob ka na ay haharap ka sa iyong Lumikha.” Sinabi ni Colonel Bienvenido Castillo, punong chaplain ng Philippine Constabulary, na ang templo ay “isang lugar kung saan ninyo mapagninilayan ang mga makalangit na bagay dahil kayo ay nasa gayong kapaligiran.” Nadama ng dalawang madre na ang templo “ay tunay na bahay ng Panginoon.” Sinabi ni Eva Estrada-Kalaw, miyembro ng Philippine parliament, sa mga guide, “Sana’y magtayo pa kayo ng mas maraming templo rito.”6
Pinamunuan ni Pangulong Hinckley, Pangalawang Tagapayo sa Unang Panguluhan noong panahong iyon, ang mga serbisyo sa paglalagak ng batong-panulok noong Martes, Setyembre 25, 1984. Siyam na sesyon ng paglalaan ang sumunod, na ginanap sa silid-selestiyal. Mga 6,500 Banal mula sa 16 na stake at 22 district sa Pacific Area ang dumalo sa iba’t ibang sesyon.
Pagkatapos na pagkatapos ng huling sesyon sa paglalaan, sina Paulo V. Malit Jr. at Edna A. Yasona ang naging unang magkasintahang ikinasal sa Manila Philippines Temple, noong Setyembre 27, 1984. Ang unang pangulo ng templong iyon, si W. Garth Andrus, ang nagsagawa ng seremonya sa kasal.
Maraming miyembro ng Simbahan ang pumila upang tumanggap ng kanilang endowment, simula sa mga ordinance worker. Nagpatuloy ang gawain sa templo sa buong magdamag hanggang kinabukasan.
Nag-ibayo ang hangarin ng mga miyembro na makapasok sa templo. Ang mga malayo ang tirahan sa Maynila ay kinailangang magsakripisyo nang husto sa paglalakbay nang malayo sakay ng barko o bus. Ngunit nagpunta pa rin sila at may dalang mga kuwento ng pananampalataya at determinasyon.
Para kina Bernardo at Leonides Obedoza ng General Santos, tila imposibleng makapunta sa templo dahil napakalayo ng Maynila. Ngunit tulad ng tinderong nagbenta ng lahat ng mayroon siya para makabili ng isang mahalagang perlas (tingnan sa Mateo 13:45–46), ipinasiya ng mag-asawang ito na ipagbili ang kanilang bahay para maipamasahe nila papunta roon at mabuklod sila at ang kanilang mga anak bilang walang-hanggang pamilya. Matapos nilang ipagbili ang kanilang tahanan at karamihan sa kanilang mga ari-arian, sama-sama nilang natipon ang eksaktong halaga ng pamasahe sa barko patungong Maynila para sa lahat ng siyam na miyembro ng kanilang pamilya. Nag-alala si Leonides dahil wala na silang babalikang tirahan. Ngunit tiniyak sa kanya ni Bernardo na ang Panginoon ang magbibigay nito. Ibinuklod sila sa templo bilang pamilya sa panahong ito at sa buong kawalang-hanggan noong 1985. Sulit ang bawat sakripisyong nagawa nila, dahil sa loob ng templo ay nakadama sila ng walang katulad na kagalakan—ang kanilang walang-katumbas na perlas. At tulad ng sabi ni Bernardo, ang Panginoon nga ang naglaan. Nang magbalik sila mula sa Maynila, binigyan sila ng matitirhan ng mababait nilang kakilala. Nakatapos ang kanilang mga anak sa pag-aaral, at kalaunan ay bumili ng sariling tirahan ang pamilya sa ibang lugar.
Noong Abril 18, 2006, ibinalita ng Unang Panguluhan ang pagtatayo ng Cebu City Philippines Temple. Pagkarinig sa balita, maraming miyembro ng Simbahan ang napaluha sa galak. “Pinagpala kami dahil napili ng Panginoon ang Cebu City para pagtayuan ng susunod na templo,” sabi ni Cesar Perez Jr., direktor ng Cebu City Institute of Religion.
Ilang buwan matapos ang paglalaan ng Cebu City Philippines Temple, muling nagkaroon ng dahilan upang magalak ang mga Pilipinong Banal sa mga Huling Araw. Noong Oktubre 2, 2010, sa kanyang pambungad na pananalita sa pangkalahatang kumperensya, ibinalita ni Pangulong Thomas S. Monson ang pagtatayo ng Urdaneta Philippines Temple, sa Pangasinan.
Darating Pa ang Pinakamainam
Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw sa Pilipinas ay nagsisimula pa lamang kung ihahambing sa pagkakatatag nito sa ibang mga bansa, ngunit napakaganda ng tadhana nito sa bansa. Ang pag-unlad ng Simbahan ay naging kamangha-mangha, at darating pa ang pinakamainam. Sabi ni Elder Michael John U. Teh ng Pitumpu, ang ikalawang Pilipinong tinawag na maglingkod bilang General Authority, “Kailangan natin [na mga Pilipinong Banal sa mga Huling Araw] na ihanda ang ating sarili sa espirituwal nang higit kaysa rati dahil susulong ang gawain tumulong man tayo o hindi.”7
Katunayan, sa pagpasok ng ika-21 siglo, patuloy na lalago ang ipinanumbalik na Simbahan at lalawak ang impluwensya nito habang parami nang parami ang mga Pilipinong tumatanggap ng mensahe nito at magiging pagpapala sa hinirang na mga taong ito sa mga pulo ng dagat. Para kay Elder Teh at sa mga Pilipinong Banal, ang “dakilang … mga pangako ng Panginoon sa kanila na nasa mga pulo ng dagat” (2 Nephi 10:21) ay natutupad na ngayon.