2014
Paggamit sa Plano ng Kaligtasan para Sagutin ang mga Tanong
Abril 2014


Paggamit sa Plano ng Kaligtasan para Sagutin ang mga Tanong

Kapag may mga tanong tayo o ang iba tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo, alam ba natin kung saan matatagpuan ang mga sagot?

Nabubuhay tayo sa isang kapana-panabik na panahon. Ang ipinanumbalik na ebanghelyo ni Jesucristo ay lumalabas na “mula sa pagkakatago” (D at T 1:30). Dahil dito, mas maraming anak ng Ama sa Langit na hindi natin kamiyembro ang nakaririnig tungkol sa “mga Mormon.” Ang ilan ay nakaririnig ng mga bagay na kakatwa at nakalilito sa pandinig. Ang iba naman ay nakaririnig ng mga bagay na tila pamilyar at nakapapanatag ng kalooban. Ang mga tao mula sa alinman sa mga grupong ito ay maaaring lumalapit sa atin na naghahanap ng mga sagot sa kanilang mga tanong. Maraming sagot na matatagpuan sa plano ng kaligtasan, na tinatawag ding “dakilang plano ng kaligayahan” (Alma 42:8).

Ang mga pinakamadalas na itanong ay “Saan ako nanggaling?” “Bakit ako narito?” at “Saan ako pupunta pagkatapos ng buhay na ito?” Lahat ng tanong na ito ay masasagot ng mga katotohanang matatagpuan sa plano ng kaligtasan. Ibinabahagi ng artikulong ito ang ilan sa mga sagot na ibinigay sa mga banal na kasulatan at ng ating propetang si Pangulong Thomas S. Monson, hinggil sa mga tanong na ito.

Saan ako nanggaling?

Tayo ay mga walang-hanggang nilalang. Nabuhay tayo sa piling ng Diyos bago ang buhay na ito bilang Kanyang mga espiritung anak. “[Itinuro] ni Apostol Pablo na ‘tayo nga’y [anak] ng Dios’ [Mga Gawa 17:29],” sabi ni Pangulong Monson. “Dahil alam natin na ang ating katawan ay nagmula sa ating mortal na mga magulang, dapat nating saliksikin ang kahulugan ng pahayag ni Pablo. Ipinahayag ng Panginoon na ‘ang espiritu at ang katawan ang kaluluwa ng tao’ [D at T 88:15]. Dahil dito ang espiritu ang anak ng Diyos. Tinukoy Siya ng manunulat ng Sa Mga Hebreo bilang ‘Ama ng mga espiritu’ [Sa Mga Hebreo 12:9].”1

Bakit ako narito?

Sinabi ng ating buhay na propeta, si Pangulong Monson: “Dapat tayong magpasalamat sa matalinong Lumikhang lumalang ng isang mundo at inilagay tayo rito, na may lambong ng pagkalimot tungkol sa ating pinagmulan para subukan tayo, isang pagkakataong patunayan ang ating sarili upang maging karapat-dapat sa lahat ng inihanda ng Diyos na matanggap natin.

“Malinaw na ang isang pangunahing layunin ng pagparito natin sa lupa ay ang magkaroon ng katawang may laman at mga buto. Binigyan din tayo ng kaloob na kalayaan. Sa napakaraming paraan may pribilehiyo tayong magpasiya para sa ating sarili. Dito tayo natututo mula sa mahihirap na karanasan. Nahihiwatigan natin ang mabuti at masama. Alam natin ang pagkakaiba ng mapait sa matamis. Alam natin na may mga bunga ang ating mga ginagawa.”2

Saan ako pupunta pagkatapos ng buhay na ito?

Ang kamatayan ay dumarating sa lahat ng miyembro ng mag-anak ng tao. Ngunit “kung ang isang tao ay mamatay, mabubuhay pa ba siya?” (Job 14:14). “Alam natin na hindi kamatayan ang wakas,” sabi ni Pangulong Monson. “Ang katotohanang ito ay itinuro ng mga buhay na propeta sa lahat ng panahon. Makikita rin ito sa ating mga banal na kasulatan. Sa Aklat ni Mormon mababasa natin ang partikular at nakapapanatag na mga salitang ito:

‘Ngayon, hinggil sa kalagayan ng kaluluwa sa pagitan ng kamatayan at ng pagkabuhay na mag-uli—Masdan, ipinaalam sa akin ng isang anghel, na ang espiritu ng lahat ng tao matapos na sila ay lumisan sa katawang mortal na ito, oo, ang espiritu ng lahat ng tao, maging sila man ay mabuti o masama, ay dadalhin pabalik sa Diyos na sa kanila ay nagbigay-buhay.

‘At sa gayon ito ay mangyayari na ang mga espiritu ng yaong mabubuti ay tatanggapin sa kalagayan ng kaligayahan, na tinatawag na paraiso, isang kalagayan ng pamamahinga, isang kalagayan ng kapayapaan, kung saan sila ay mamamahinga mula sa kanilang mga suliranin at sa lahat ng alalahanin at kalungkutan’ [Alma 40:11–12].”3

Matapos tayong mabuhay na mag-uli, pupunta tayo sa kahariang selestiyal na ang kaluwalhatian ay gaya ng araw, sa kahariang terestriyal na ang kaluwalhatian ay gaya ng buwan, sa kahariang telestiyal na ang kaluwalhatian ay gaya ng mga bituin, o sa labas na kadiliman (tingnan sa D at T 76).

Totoo bang may Diyos? Totoo ba si Satanas?

Ang Ama sa Langit, si Jesucristo, at si Satanas ay pawang bahagi ng malaking Kapulungan sa Langit na idinaos bago tayo isinilang. Bilang bahagi ng plano ng kaligtasan, humiling ang Ama sa Langit ng isang isusugo sa lupa at magbabayad-sala para sa ating mga kasalanan. Sabi niya: “Sino ang isusugo ko? At ang isa [si Jesucristo] ay sumagot gaya ng Anak ng Tao: Narito ako, isugo ako. At may isa pang [si Satanas] sumagot at nagsabi: Narito ako, isugo ako. At sinabi ng Panginoon: Aking isusugo ang una.

“At ang ikalawa [si Satanas] ay nagalit, at hindi napanatili ang kanyang unang kalagayan; at, sa araw na yaon, marami ang sumunod sa kanya” (Abraham 3:27–28; tingnan din sa D at T 29:36–37; Moises 4:1–4).

May kapangyarihan ba tayong labanan ang mga tukso ni Satanas?

Ang sangkatlo ng mga espiritu na piniling sumunod kay Satanas pagkatapos ng Kapulungan sa Langit ay pinalayas na kasama niya. Sila at si Satanas ay nananatiling mga espiritu na walang katawan. Itinuro ni Propetang Joseph Smith, “Lahat ng nilalang na may katawan ay higit ang lakas kaysa mga yaong wala nito.”4 Kaya maaari tayong tuksuhin ni Satanas, ngunit may kapangyarihan tayong lumaban.

Bakit kung minsan ay tila hindi sinasagot ng Ama sa Langit ang aking mga dalangin?

“Ang panalangin ang hakbang kung saan ang kalooban ng Ama at ang kalooban ng anak ay nagkakaroon ng ugnayan sa isa’t isa. Ang pakay ng panalangin ay hindi upang baguhin ang kalooban ng Diyos” (Gabay sa mga Banal na Kasulatan, “Panalangin”). Ang panalangin ay isang kasangkapang tumutulong sa atin na magpasiya kung gagamitin natin ang ating kalayaang iayon ang ating kalooban sa Diyos (tingnan sa Abraham 3:25). Laging sinasagot ng Ama sa Langit ang ating mga panalangin, ngunit ang mga sagot na yaon ay maaaring dumating sa pamamagitan ng oo, hindi, o hindi pa. Mahalaga ang tiyempo.

Bakit ako may mga pagsubok kapag sinisikap kong mamuhay nang mabuti?

Ang mga pagsubok ay bahagi ng plano ng kaligtasan. Pinalalakas tayo ng mga ito, pinadadalisay, at pinababanal kapag umasa tayo kay Jesucristo at sa Kanyang ebanghelyo. Tinutulungan tayo ng Ama sa Langit sa ating mga pagsubok. Ang ating mga pagsubok ay “magbibigay sa [atin] ng karanasan, at para sa [ating] ikabubuti” (D at T 122:7).

Paano ko malalaman kung ano ang tama at mali?

Lahat ng anak ng Diyos ay isinilang na may Liwanag ni Cristo, na tumutulong na “malaman [natin] ang mabuti sa masama” (Moroni 7:16). Bukod pa rito, ang Espiritu Santo ay maaaring patotohanan ang katotohanan sa ating isipan at puso sa pagpapadama sa atin ng kapayapaan at pagmamahal (tingnan sa D at T 8:2–3).

Mapapatawad ba ako kahit nakagawa ako ng mabibigat na kasalanan?

Alam ng Diyos na lahat tayo ay magkakasala habang natututo tayong pumili sa pagitan ng tama at mali.5 Gayunman, lahat ng kasalanan ay may kaakibat na kaparusahan. Hinihingi ng katarungan na pagdusahan ang kaparusahan. Sa Kanyang awa, itinulot ng Ama sa Langit na isagawa ni Jesucristo ang Pagbabayad-sala at tugunan ang mga hinihingi ng katarungan para sa ating lahat (tingnan sa Alma 42). Sa madaling salita, ang pagdurusa ni Cristo sa Getsemani at pagkamatay sa Golgota ang nagbayad para sa lahat ng kasalanan natin kung tatanggapin natin ang Pagbabayad-sala ni Cristo sa pamamagitan ng pagsisisi at pagtanggap sa mga ordenansa ng ebanghelyo. Patatawarin ang ating mga kasalanan (tingnan sa D at T 1:31–32).

Mga Tala

  1. Thomas S. Monson, “Ang Takbo ng Buhay,” Ensign o Liahona, Mayo 2012, 91; tingnan din sa Abraham 3:22–26.

  2. Thomas S. Monson, “Ang Takbo ng Buhay,” 91–92; tingnan din sa Alma 34:32–34.

  3. Thomas S. Monson, “Ang Takbo ng Buhay,” 93; tingnan din sa Doktrina at mga Tipan 76:59–111.

  4. Mga Turo ng mga Pangulo ng Simbahan: Joseph Smith (2007), 245.

  5. Ang maliliit na bata ay hindi magkakasala “hanggang sa sila ay magsimulang magkaroon ng pananagutan” (tingnan sa D at T 29:46–47).