Dalhin sa Tahanan ang Turo sa Primary
Ang Pamilya ang Sentro sa Plano ng Ama sa Langit
Alamin ang iba pa tungkol sa tema ng Primary sa buwang ito!
Mahilig magtayo ng mga tore si Misha gamit ang mga block, ngunit kung minsan ay naiinis siya kapag bumabagsak ang mga block. Pagkatapos ay nalaman niya ang isang sikreto. Nang gumamit siya ng mas maraming block sa ilalim ng kanyang tore, binigyan nito ang kanyang tore ng mas matibay na pundasyon. Kailangan ang tiyaga at praktis, ngunit di nagtagal ay nakakapagtayo na siya ng mga toreng hindi madaling bumagsak.
Tulad ng pagkatuto ni Misha na gumawa ng mas matitibay na tore, maaari tayong matutong bumuo ng mas matatag na pamilya. Ang mga pamilya ay napakahalagang bahagi ng plano ng Ama sa Langit para sa atin. Bago tayo isinilang, nabuhay tayo bilang mga espiritung anak na lalaki at babae ng Ama sa Langit. Nang panahon na para isilang tayo sa daigdig, ipinlano ng Ama sa Langit na mapunta tayo sa mga pamilya. Nais Niyang protektahan, turuan, at tulungan tayo ng ating mga pamilya na makabalik sa Kanya.
Maaari nating pagsikapang bigyan ng mas matibay na pundasyon ang ating pamilya. Maaari nating paglingkuran at tulungan ang isa’t isa. Maaari nating pakinggan at kausapin nang maayos ang isa’t isa. Maaari tayong sama-samang manalangin at mag-aral ng mga banal na kasulatan. Maaari tayong magtulungan at magsama-sama sa paggawa ng mga bagay na ikinasisiya natin. Sa pagtitiyaga at pagpapraktis, makakabuo tayo ng mas matatag na pamilya.