Ang Pasukan at ang Landas
Ang mga ordenansa at tipan ng priesthood ay nagtutulot sa atin na pumasok sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan at nagbibigay sa atin ng lakas na kailangan natin ngayon.
Hinahangad nating lahat ang buhay na walang hanggan, na ibig sabihin ay maligtas at dakilain sa pinakamataas na antas ng kahariang selestiyal, kung saan maaari nating makapiling ang Ama sa Langit bilang mga pamilya.
Bukod pa sa pananampalataya kay Jesucristo at pagsisisi, ang mga ordenansa at tipan ng priesthood ay nagtutulot sa atin na pumasok sa landas na patungo sa buhay na walang hanggan. Kailanman kayo pumasok sa landas na ito o nasaan man kayo rito—isinilang man kayo sa Simbahan o naging miyembro kalaunan, buong buhay man kayong naging aktibo o nagbabalik pa lang kayo sa pagkaaktibo sa Simbahan—maaari kayong umunlad kapag nagtuon kayo sa inyong mga tipan at sa magagawa ninyo para matanggap at matupad ang mga ito.
At mahalagang malaman na ang mga ordenansa at tipan ng priesthood ay hindi lamang nangangako ng maluwalhating kinabukasan. Binibigyan din tayo nito ng lakas, kapanatagan, at suportang kailangan natin ngayon upang matahak ang landas at makapagtiis hanggang wakas sa kabutihan.