Ang Pangako ni Porter
Mula sa “May Malaking Dahilan Tayo para Magalak,” Ensign o Liahona, Nob. 2013, 115–16.
Nang pumanaw ang biyenan kong lalaki, nagtipon ang aming pamilya para asikasuhin ang mga nakiramay sa amin. Buong gabi, habang kausap ko ang mga kapamilya at kaibigan, madalas kong mapansin ang aming 10-taong-gulang na apo na si Porter, na nakatayo sa tabi ng biyenan kong babae—ang kanyang lola. Kung minsan ay nakatayo siya sa likuran nito, at binabantayan ito. Minsan napansin ko na magkakapit-bisig sila. Nakita ko siyang hinahaplos ang kamay ng lola niya, niyayakap ito, at nakatayo sa tabi nito.
Ilang araw matapos iyon, hindi maalis sa isipan ko ang tagpong iyon. Nahikayat akong sulatan si Porter. Sinabi [ko] sa kanya ang [nakita at nadama] ko. Ipinaalala ko rin sa kanya ang mga tipan niya noong binyagan siya, na binabanggit ang mga salita ni Alma sa Mosias kabanata 18:
“At ngayon, yamang kayo ay nagnanais na lumapit sa kawan ng Diyos, at matawag na kanyang mga tao, at nahahandang magpasan ng pasanin ng isa’t isa, nang ang mga yaon ay gumaan;
“Oo, at nahahandang makidalamhati sa mga yaong nagdadalamhati; oo, at aliwin yaong mga nangangailangan ng aliw, at tumayo bilang saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar kung saan kayo ay maaaring naroroon, maging hanggang kamatayan, … nang kayo ay magkaroon ng buhay na walang hanggan—
“… Kung ito ang naisin ng inyong mga puso, ano ang mayroon kayo laban sa pagpapabinyag sa pangalan ng Panginoon, bilang saksi sa harapan niya na kayo ay nakikipagtipan sa kanya, na siya ay inyong paglilingkuran at susundin ang kanyang mga kautusan, nang kanyang ibuhos nang higit na masagana ang kanyang Espiritu sa inyo?” (mga talata 8–10).
Ipinaliwanag ko kay Porter na itinuro ni Alma na ang gustong magpabinyag ay kailangang handang maglingkod sa Panginoon sa pamamagitan ng paglilingkod sa kapwa—habambuhay! Sabi ko: “Hindi ko alam kung naisip mo, pero ang ipinakita mong pagmamahal at pagmamalasakit kay Lola ay pagtupad ng iyong mga tipan. Tinutupad natin ang ating mga tipan araw-araw kapag mabait tayo, nagmamahal, at nagmamalasakit sa isa’t isa. Gusto ko lang malaman mo na ipinagmamalaki kita sa pagtupad mo ng iyong tipan! Sa pagtupad mo sa tipan na ginawa mo nang binyagan ka, magiging handa kang maorden sa priesthood. Ang karagdagang tipan na ito ay magbibigay sa iyo ng mas maraming pagkakataong pagpalain at paglingkuran ang iba at tutulong sa iyo na maghanda para sa mga tipan na gagawin mo sa templo. Salamat sa pagiging mabuting halimbawa mo sa akin! Salamat at ipinakita mo sa akin kung paano maging isang taong tumutupad ng tipan!”
Sumagot si Porter: “Lola, salamat po sa mensahe ninyo. Noong lagi kong niyayakap si Lola, hindi ko po alam na tinutupad ko ang aking mga tipan, pero masaya ako at talagang maganda ang pakiramdam ko. Alam ko po na ang Espiritu Santo iyon na nasa puso ko.”
Sumaya rin ang kalooban ko nang malaman ko na alam ni Porter na kapag tinutupad niya ang kanyang mga tipan, “sa tuwina ay mapa[pasakanya] ang Espiritu [ng Ama sa Langit]” [D at T 20:77]. Ito ay isang pangako na naging posible dahil sa pagtanggap sa kaloob na Espiritu Santo.