Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Pagkakaroon ng Pag-asa sa Hinaharap
Ang awtor ay naninirahan sa Arizona, USA.
Ang hanging humahampas at nagbabantang dumaig sa atin ang siya ring nagpupunla ng mga binhi ng pagbabago at pag-unlad.
Noong Setyembre 12, 2001, palakad-lakad kaming mag-asawa sa palapag ng isang ospital sa Tucson, Arizona, USA, habang sabik na hinihintay ang pagsilang ng aming anak na lalaki. Mula sa aming telebisyon at sa bawat telebisyon sa gusali, ipinalabas ang nangyari kahapon sa New York City—mga larawan ng dalawang tore na dating tanaw na tanaw sa lungsod na iyon, na gumuguho at nagiging abo. Dahil sa mga larawan, na ilang oras na isinahimpapawid, naiwan kaming nanlulumo. Iyon na yata ang pinakamasamang panahon para magsilang ng sanggol sa mundo—isang mundong tila napakadilim at mapanganib.
Maaga pa kinabukasan isinilang ang aming anak. Habang hawak ko ang aming munting anak, naisip ko ang mapangwasak na mga pangyayari ng nakaraang ilang araw, mga pangyayaring nagpagunita sa akin sa mga sunog sa Yellowstone National Park noong 1988. Tinupok ng apoy ang halos 800,000 akre (323,750 ektarya) ng kagubatan. Talagang nasira ang parke. Ang tanging ipinakita sa mga larawan ng balita ay ang sunog na lupa at makapal na itim na usok sa kalangitan. Hindi makakaya ng sinumang tao na ibalik kaagad ang nawala. Tila kahit ang walang-humpay na pagpapanibago at lakas ng kalikasan ay walang nagawa sa matinding pamiminsala ng apoy.
Gayunman nang sumunod na tagsibol isang himala ang nangyari—ang maliliit na halaman at mga bulaklak ay nagsimulang umusbong sa sunog na lupa. Unti-unti, parami nang parami ang mga bulaklak at palumpong at puno na umusbong mula sa lupa. Ang muling pagganda ng parke ay mabagal at puno ng mumunti at kasiya-siyang mga detalye, at sa paglipas ng panahon ay kahanga-hanga ang naging resulta.
Sa mga sandali ng pangamba na tila tutupok sa atin tulad ng nagliliyab na apoy ng Yellowstone, kapag ang ating pananampalataya at pag-asa ay sagad na, dapat nating tandaan na may isang payapa at di-natitinag na pundasyon sa ilalim natin, na mas makapangyarihan kaysa anumang masamang puwersang makakaharap natin. Ipinaliwanag ni Helaman na ang pundasyong ito ay “ang bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos.” Kung kakapit tayo sa Kanya, at “kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao sila ay hindi maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).
Dahil sa mga puwersa ng kasamaan at tukso sa mundo, maaaring isipin natin na ang maliit at simpleng impluwensya ng ebanghelyo ay nahigitan at nadaig. Maaari tayong makadama ng pag-aalinlangan at pagkasiphayo habang walang-saysay tayong naghihintay na maitama ang mga kamalian, maibsan ang sakit, at masagot ang mga tanong. Gayunman, ang mismong mga hanging humahampas sa atin ang siyang nagpupunla ng mga binhi ng pagbabago at pag-unlad, at ang malakas na kapangyarihan ng ebanghelyo ay tahimik na kumikilos sa ilalim ng makalupang pag-iral sa mundo, na naghahanda ng isang libong maliliit na binhi ng pag-asa at buhay.