2014
Marami Akong Maibabahagi
Abril 2014


Marami Akong Maibabahagi

Brent Fisher, California, USA

Lagi kong naiisip ang tungkol sa kahandaan sa emergency pagdating sa pag-aasikaso sa aking pamilya at sa aking sarili. Ngunit natuto akong tingnan ang paghahanda sa ibang pananaw isang Linggo ng umaga sa katimugang Florida noong 1992. Sinira ng bagyong Andrew, isa sa pinaka-mapanira at malakas na bagyong nanalasa sa Estados Unidos, ang magandang tag-init sa Miami, Florida.

Naninirahan ako noon pansamantala sa isang beach apartment, dumadalo ako noon sa tatlong-buwang orientation program para sa trabaho ko. Nang dumating ang babala tungkol sa bagyo at nalaman ko na kailangan naming lumikas sa aming apartment pagsapit ng tanghali, isang kasamahan namin ang nagreserba ng mga silid sa hotel na malayo sa beach para sa amin na magkakasama sa trabaho. Nagpako ako ng plywood sa mga bintana ko at itinago ang aking personal na mga gamit.

Sa pag-asang makabisita nang isang buong linggo sa aking asawa’t mga anak, nakabili na ako ng sapat na pagkain at tubig para sa aming anim. Napanatag ako dahil alam ko na may mapupuntahan akong ligtas na lugar at may sapat akong pagkaing madadala na tatagal nang ilang linggo.

Nang maghanda akong umalis nang alas-10:30 n.u., maganda ang pakiramdam ko—lahat ay nasa ayos. Lumuhod ako at nagdasal, na pinasasalamatan ang Ama sa Langit para sa aking mga pagpapala at humihingi ng tulong sa Kanya sa pagdating ng bagyo. Nang matapos ko ang aking panalangin, hinikayat ako ng Espiritu na sabihing, “Kung may nangangailangan po ng tulong, tulungan po Ninyo akong makita siya.”

Sa loob ng ilang minuto, isang biyudang mga 80 anyos ang kumatok sa pintuan ko. “Sori,” sabi niya. “Nagkamali ako ng silid. Hinahanap ko ang kaibigan ko.”

Mukhang pagod na pagod siya. Nang itanong ko kung may maitutulong ako, nabalisa siya at sinabi niya na hindi niya alam kung ano ang gagawin at kung saan pupunta. Tinanong ko siya kung saan siya nakatira, at magkasama kaming naglakad papunta sa apartment niya, pinag-aralan namin ang kanyang sitwasyon, at inalam ang kanyang mga opsiyon.

Sinabi ko sa kanya na baka may bakante pa ang aming kompanya sa isa sa mga silid namin sa hotel, at inanyayahan ko siyang sumama sa grupo namin. Nakahinga siya nang maluwag. Mabilis kaming nag-empake at tiniyak na nakakandado ang kanyang apartment at maayos ang mga gamit niya roon, at nakipag-ayos ako sa isang kasamahan na ihatid kami ng kanyang kotse papunta sa hotel.

Habang naghahanda akong umalis, dalawa pang biyuda ang humingi ng tulong. Tinulungan ko silang pumanatag para makapag-isip sila nang malinaw at mapag-aralan nila kung saan makakahanap ng matutuluyan. Nang kunin ko ang maleta mula sa isa sa mga kasamahan ko sa trabaho, isa pang matandang biyuda ang humingi ng tulong. Inilagay namin ang kanyang mga babasaging gamit sa mga ligtas na lugar at tinulungan siyang maghanda sa pag-alis.

Samantala, inanyayahan ng iba pang mga katrabaho ko ang dalawang estudyante sa kolehiyo na nakatira sa isang pulo na sumama sa aming grupo sa hotel na malayo sa beach. Ang tanging pagkain nila ay isang dakot na meryenda at isang quart (.95 L) ng mineral water. Mabuti na lang, marami akong maibabahagi, hindi lamang sa kanila kundi maging sa lahat.

Kaylaking pagpapala ang maging handa at magabayan ng Panginoon. Ito ang dahilan kaya napakalma ko ang iba sa delikadong panahong iyon at naiukol ang halos lahat ng oras ko sa pagtulong sa iba nang hindi inaalala ang aking sarili. Lalo kong pinahalagahan ang payo ng ating mga lider ng priesthood na maging handa.