2014
Napakadali Po Niyan, Lolo!
Abril 2014


“Napakadali Po Niyan, Lolo!”

Mula sa isang mensahe sa pangkalahatang kumperensya noong Abril 2013.

Elder Enrique R. Falabella

“Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nangagpapatotoo tungkol sa akin” (Juan 5:39).

Mahal ko ang Aklat ni Mormon at ang aking Tagapagligtas na si Jesucristo. Isang araw tinanong ko ang aking apong si Raquel kung ano kaya sa palagay niya kung magtakda siya ng mithiing basahin ang Aklat ni Mormon. Kamakailan lang natutong magbasa si Raquel.

“Pero, Lolo,” sabi niya, “napakahirap po noon. Makapal po ang aklat na iyon.”

Pagkatapos ay pinabasa ko siya ng isang pahina. Kumuha ako ng stopwatch at inorasan ko siya. Tatlong minuto lamang niyang binasa ang pahina.

Binasa namin ang Aklat ni Mormon sa wikang Espanyol, at ang Aklat ni Mormon sa Espanyol ay may 642 pahina. Sinabi ko sa kanya na kailangan niya ng 1,926 na minuto para mabasa ang buong aklat.

Lalo siguro siyang natakot dito, kaya hinati ko ang oras na iyon sa 60 minuto. Sinabi ko sa kanya na kailangan lang niya ng 32 oras para mabasa ang aklat. Wala pang isa’t kalahating araw iyon!

Pagkatapos ay sinabi niya sa akin, “Napakadali po niyan, Lolo!”

Kinailangan ni Raquel, ng kanyang kapatid na si Esteban, at ng iba pa naming mga apo ng kaunti pang panahon para mabasa ang Aklat ni Mormon. Iyan ay dahil kapag binasa namin ito, kailangan naming ipagdasal at pag-isipan ang nabasa namin.

Tulad nina Raquel at Esteban, matututuhan nating lahat na mahalin ang mga banal na kasulatan. Sa gayo’y masasabi ng bawat isa sa atin: “Pagkatamis ng iyong mga salita sa aking lasa! oo, matamis kay sa pulot sa aking bibig!” (Mga Awit 119:103).