Mensahe ng Unang Panguluhan
Isang Angkla na Matibay ang Kapit
Hindi pa katagalan nagkaroon ako ng pagkakataong maglayag sa isang malaking barko sa kagila-gilalas na baybayin ng Alaska, USA. Habang naghahanda ang kapitan sa magdamag na pagtigil ng barko sa isang malayo at malinis na baybayin, sinuri niyang mabuti ang lugar at sitwasyon, tulad ng kung kailan ang paglaki at pagkati ng tubig, lalim ng tubig, at distansya sa mapanganib na mga balakid. Nang panatag na ang kanyang kalooban, ibinaba niya ang angkla para manatiling ligtas at matibay ang pagkaangkla ng barko, kaya may pagkakataon ang mga pasahero na masdan ang kamangha-manghang kagandahan ng mga likha ng Diyos.
Habang nakatingin ako sa baybayin, natanto ko na bahagyang natatangay ng napakahinang hangin at alon sa ilalim ng dagat ang barko. Gayunman, nanatiling matatag ang barko at naroon lang sa layong itinakda ng haba ng tanikala ng angkla at ng tibay ng angkla.
Hindi itinago ng kapitan ang angkla sa barko, na ibababa lamang kung may palapit na bagyo. Gayunman, iniangkla niya ang barko bilang pag-iingat at para protektahan ito at hindi anurin sa mapanganib na laot o dahan-dahang tangayin ng agos sa pampang habang kampante ang mga pasahero at tripulante na ligtas sila.
Habang pinagninilayan ko ang sitwasyong ito, naisip ko na kung ito ay hindi oportunidad para sa isang talinghaga, hindi pa ako nakapagpalipad ng eroplano.
Bakit Kailangan Natin ng mga Angkla
Ang layunin ng angkla ay panatilihing ligtas ang barko sa lugar na pinagdaungan nito o kaya’y patatagin ang barko kapag masama ang panahon. Gayunman, para maisakatuparan ang mahahalagang layuning ito, hindi sapat ang magkaroon lang ng angkla. Ang angkla ay kailangang matibay, maaasahan, at gamitin nang wasto sa tamang panahon at lugar.
Kailangan din ng mga indibiduwal at pamilya ng mga angkla.
Maaaring dumating ang paghihirap kapag binabayo tayo ng malakas na bagyo palayo sa landas at pinagbabantaang ihahampas tayo sa mga bato. Ngunit kung minsan ay nanganganib din tayo kapag lahat ay parang ligtas—banayad ang hangin at payapa ang tubig. Katunayan, maaari tayong manganib nang husto kapag natatangay tayo at babahagya ang galaw para mapansin natin ito.
Ang Ebanghelyo ang Ating Angkla
Ang angkla ay kailangang matibay, matatag, at napangangalagaan para maging handa kapag kailangan. Bukod pa rito, kailangang nakakapit ito sa isang pundasyon na makakaya ang bigat ng magkasalungat na mga puwersa.
Mangyari pa, ang ebanghelyo ni Jesucristo ang angklang iyon. Inihanda ito ng Lumikha ng sansinukob para sa isang banal na layunin at nilayong maglaan ng kaligtasan at patnubay sa Kanyang mga anak.
Kunsabagay, ano pa ba ang ebanghelyo kundi ang plano ng Diyos na tubusin ang Kanyang mga anak at ibalik sila sa Kanyang piling?
Batid na likas na sa lahat ng bagay ang matangay, kailangan nating ikapit nang matibay ang ating angkla sa pundasyon ng katotohanan ng ebanghelyo. Hindi dapat ibaon nang mababaw ang mga ito sa buhangin ng kapalaluan o halos nakadikit lang sa ating mga paniniwala.
Sa buwang ito may pagkakataon tayong makinig sa mga lingkod ng Diyos sa pangkalahatang kumperensya ng Simbahan. Ang kanilang mga salita, kasama ng mga banal na kasulatan at paghihikayat ng Espiritu, ay naglalaan ng matibay at matatag na pundasyon ng walang-hanggang mga pinahahalagahan at alituntunin na makakabitan natin ng ating mga angkla para manatili tayong matatag at matibay sa gitna ng mga paghihirap at pagsubok sa buhay.
Itinuro ng sinaunang propetang si Helaman, “Sa bato na ating Manunubos, na si Cristo, ang Anak ng Diyos, ninyo kailangang itayo ang inyong saligan; nang sa gayon kapag ipinadala ng diyablo ang kanyang malalakas na hangin, oo, ang kanyang mga palaso sa buhawi, oo, kapag ang lahat ng kanyang ulang yelo at kanyang malakas na bagyo ay humampas sa inyo, hindi ito magkakaroon ng kapangyarihan sa inyo na hilahin kayong pababa sa look ng kalungkutan at walang katapusang kapighatian, dahil sa bato kung saan kayo nakasandig, na tunay na saligan, isang saligan na kung sasandigan ng mga tao ay hindi sila maaaring bumagsak” (Helaman 5:12).
Ang Kahalagahan ng mga Angkla na Matibay na Nakakapit
Ang buhay ay may paraan ng pagsubok sa ating mga angkla at tinutukso tayong magpatangay. Gayunman, kung ang ating mga angkla ay nakakabit nang husto sa bato na ating Manunubos, tatatag ang mga ito—malakas man ang hangin, malaki man ang tubig, o mataas ang mga alon.
Mangyari pa, ang barko ay hindi nilayon na pumirmi sa daungan kundi magtaas ng angkla at maglayag sa karagatan ng buhay. Ngunit iyan ay isang talinghaga para sa ibang panahon.
Sa ngayon, panatag ako na nalaman ko na ang angkla ng ebanghelyo at ang bato na ating Manunubos ay pananatilihin tayong matatag at matibay.
Hindi tayo hahayaan ng gayong angkla na matangay sa panganib at kasawian. Bibigyan tayo nito ng dakilang pagkakataong matamasa ang walang kapantay na kagandahan ng pabagu-bago at nagpapasiglang pangyayari sa buhay.
Maganda at makabuluhan ang buhay. Maaari tayong tangayin ng hangin, bagyo, at malakas na agos sa mga panganib na nakikita o hindi nakikita, ngunit ang mensahe ng ebanghelyo at ang banal na kapangyarihan nito ay pananatilihin tayo sa ating landas pabalik sa ligtas na daungan ng ating Ama sa Langit.
Kaya nga, huwag lang tayong makinig sa mga mensahe ng pangkalahatang kumperensya ng Abril kundi ipamuhay rin natin araw-araw ang kanilang mga mensahe bilang angkla na matibay na pinagkakapitan.
Nawa’y pagpalain at gabayan tayo ng Diyos sa makabuluhan at mahalagang gawaing ito!