2014
Kalakihan at Kababaihan sa Gawain ng Panginoon
Abril 2014


Kalalakihan at Kababaihan sa Gawain ng Panginoon

Mula sa isang mensahe sa debosyonal na ibinigay sa Brigham Young University noong Agosto 20, 2013. Para sa buong teksto sa Ingles, bumisita sa speeches.byu.edu.

Elder M. Russell Ballard

Sa dakilang plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga.

Woman talking to a group of Church members sitting around a table.

Naniniwala ako na may ilang katotohanang kailangang maunawaan ng kapwa kalalakihan at kababaihan tungkol sa napakahalagang tungkulin ng kababaihan sa pagpapalakas at pagtatayo ng kaharian ng Diyos sa mundo. Sa maraming paraan ang kababaihan ay nasa sentro ng Simbahan. Kaya sa tulong ng Panginoon, nais kong magbigay-puri sa matatapat na kababaihan at kabataang babae ng Simbahan. Sa inyong mga minamahal na kababaihan ng Simbahan, saan man kayo naninirahan, nais kong ipabatid ang malaking pagmamahal at pagtitiwala sa inyo ng Unang Panguluhan at Labindalawang Apostol.

Sisimulan ko ito sa pagpapaalala sa inyo kung ano ang ginagawa natin dito sa mundo.

Tayo ay mga minamahal na espiritung anak na lalaki at babae ng ating Ama sa Langit. Nabuhay tayong kasama Niya sa premortal na daigdig. Upang maisagawa ang misyon na “isakatuparan ang kawalang-kamatayan at buhay na walang hanggan ng tao” (Moises 1:39), gumawa ng plano ang Ama sa Langit para tulungan ang Kanyang mga anak na makamit ang kanilang pinakadakilang potensyal. Kailangan sa plano ng Ama na mahulog o lumabag ang tao at pansamantalang mahiwalay sa Kanya sa sandaling isilang ang tao sa mundo, magkaroon ng katawan, at makaranas ng pagsubok. Sa Kanyang plano ay maglalaan Siya ng Tagapagligtas na tutubos sa sangkatauhan mula sa Pagkahulog. Ang Pagbabayad-sala ng ating Panginoong Jesucristo ang naglaan ng daan sa pamamagitan ng mga ordenansa ng ebanghelyo at mga sagradong tipan upang makabalik tayo sa piling ng Diyos. Dahil tayo ay mabubuhay sa mundong puno ng panganib at kaguluhan, alam ng Ama sa Langit at ng Kanyang Anak na kakailanganin natin ng lakas na higit sa taglay natin. Alam Nila na kakailanganin natin ang Kanilang kapangyarihan. Ang ebanghelyo at doktrina ni Cristo ay nagbibigay sa lahat ng tatanggap nito ng kapangyarihang magkaroon ng buhay na walang hanggan at masiyahan sa paglalakbay.

May ilang tao na itinatanong ang kalagayan ng kababaihan sa plano ng Diyos at sa Simbahan. Nainterbyu na ako ng maraming taga-media sa loob at labas ng bansa at masasabi ko sa inyo na karamihan sa mga mamamahayag na nakausap ko ay may haka-haka na tungkol sa paksang ito. Sa mahabang panahon marami ang nagtatanong na nagpapahiwatig na itinuturing natin na walang gaanong karapatan ang kababaihan sa Simbahan. Napakalayo nito sa katotohanan.

Magmumungkahi ako ng limang puntong gusto kong pag-isipan ninyo tungkol sa mahalagang paksang ito.

1. Ang Diyos ay May Plano na Makatutulong sa Ating Magkaroon ng Buhay na Walang Hanggan

Nilikha ng ating Ama sa Langit ang kababaihan at kalalakihan, na Kanyang mga espiritung anak. Ibig sabihin nito ang kasarian ay walang hanggan. Gumawa Siya ng plano na tutulong sa lahat ng magpapasiyang sumunod sa Kanya at sa Kanyang Anak na si Jesucristo, na matamo ang kanilang tadhana bilang mga tagapagmana ng buhay na walang hanggan.

Kung ang kadakilaan natin ang Kanilang pinakamahalagang mithiin at layunin at kung batid Nila ang lahat ng bagay at mga perpektong nilalang, na gaya ng alam natin tungkol sa Kanila, kung gayon alam Nila kung paano tayo pinakamainam na maihahanda, matuturuan, at mapamumunuan upang magkaroon tayo ng pinakamalaking pagkakataon na maging marapat sa kadakilaan.

Karamihan ay may mga pamilya o kaibigan na apektado ng iba’t ibang nakababalisang bagay sa lipunan. Ang pagtatalo tungkol sa mga bagay na ito ay karaniwang walang napapalang solusyon at, sa katunayan, ay humahantong sa pag-aaway. May mga tanong tungkol sa paniniwala ng Simbahan sa maseselang bagay na mahirap bigyan ng sagot na makasisiya sa lahat. Gayunman, kapag ipinagdasal natin sa Panginoon ang dapat nating maramdaman at gagawin sa mga ganitong sitwasyon, ganito ang ipaiisip sa atin: “Naniniwala ka ba kay Jesucristo at sinusunod mo ba Siya at ang Kanyang Ama?” Naniniwala ako na halos lahat sa Simbahan ay magtatanong kung magagawa ba nila ang lahat ng ipinagagawa sa kanila. Ngunit kung talagang naniniwala tayo sa Panginoon, narito ang makapapanatag sa atin: “Naniniwala ako kay Jesucristo, at handa akong gawin ang lahat ng kailangan Niyang ipagawa sa akin.” Kaya nagpapatuloy tayo sa paggawa. Nakakaantig ang mga salitang “Naniniwala ako kay Jesucristo”!

Ang ating mga patotoo at ang kapayapaan ng ating isipan at mabuting kapakanan ay nagsisimula sa kahandaang maniwala na ang ating Ama sa Langit ang nakaaalam kung ano ang pinakamainam.

2. Ang Simbahan ay Pinamamahalaan sa Pamamagitan ng mga Susi ng Priesthood

Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay ang Simbahan ng Panginoon, at ang Kanyang Simbahan ay pinamamahalaan sa pamamagitan ng awtoridad ng priesthood at mga susi ng priesthood. “Ang mga susi ng Priesthood ay ang awtoridad na ibinigay ng Diyos sa mga lider ng priesthood para pamunuan, pangasiwaan, at pamahalaan ang paggamit ng Kanyang priesthood sa mundo.”1

Ang may mga susi ng priesthood—siya man ay deacon na may mga susi para sa kanyang korum o isang bishop na may mga susi para sa kanyang ward o ang Pangulo ng Simbahan na may hawak ng lahat ng susi ng priesthood—literal na posible para sa lahat na naglilingkod nang tapat sa ilalim ng kanilang pamamahala na gumamit ng awtoridad ng priesthood at magkaroon ng kapangyarihan ng priesthood.

Lahat ng kalalakihan at kababaihan ay naglilingkod sa ilalim ng pamamahala ng mga taong mayhawak ng mga susi o karapatan. Ganito pinamamahalaan ng Panginoon ang Kanyang Simbahan.

Hayaan ninyong banggitin kong muli ang sinabi ko sa pangkalahatang kumperensya ng Abril 2013: “Sa plano ng ating Ama sa Langit na nagkaloob ng priesthood sa kalalakihan, ang mga lalaki ay may kakaibang responsibilidad na pangasiwaan ang priesthood, ngunit hindi sila ang priesthood. Ang kalalakihan at kababaihan ay may mga tungkulin na magkaiba ngunit parehong mahalaga. Hindi man kayang magdalantao ng babae kung walang lalaki, hindi naman lubos na magagamit ng lalaki ang kapangyarihan ng priesthood para magbuo ng walang-hanggang pamilya kung walang babae. … Sa walang-hanggang pananaw, ang mag-asawa ay parehong may ginagampanan sa kapangyarihang lumikha ng buhay at sa kapangyarihan ng priesthood.”2

Bakit ang kalalakihan ang inoordenan sa mga katungkulan sa priesthood at hindi ang kababaihan? Ipinaliwanag ni Pangulong Gordon B. Hinckley (1910–2008) na ang Panginoon, at hindi tao, “ang nagtalaga na ang kalalakihan sa Kanyang Simbahan ang dapat magkaroon ng priesthood” at na ang Panginoon din ang nagkaloob sa kababaihan ng “kakayahang kumumpleto sa napakaganda at kagila-gilalas na organisasyong ito, na walang iba kundi ang Simbahan at kaharian ng Diyos.”…3 Sa bandang huli, hindi inihayag ng Panginoon kung bakit Niya inorganisa ang Kanyang Simbahan ayon sa nais Niya.

Huwag nating kalimutan na tinatayang kalahati ng lahat ng pagtuturong nagaganap sa Simbahan ay ginagawa ng kababaihan. Karamihan sa mga lider natin ay mga babae. Maraming gawaing paglilingkod ang pinaplano at pinangangasiwaan ng kababaihan. Ang payo at iba pang partisipasyon ng kababaihan sa mga ward at stake council at sa mga general council sa headquarters ng Simbahan ay nagbibigay ng kinakailangang kabatiran, kaalaman, at balanse.

Kailangan ang kalalakihang may respeto sa kababaihan at ang natatangi nilang espirituwal na mga kaloob at ang mga kababaihang may respeto sa mga susi ng priesthood na taglay ng kalalakihan upang lubos na mapagpala ng langit ang anumang gawain sa Simbahan.

3. Ang Kalalakihan at Kababaihan ay Parehong Mahalaga

Ang kalalakihan at kababaihan ay magkapantay sa paningin ng Diyos at sa paningin ng Simbahan, ngunit ang magkapantay ay hindi nangangahulugang magkapareho. Ang mga responsibilidad at banal na mga kaloob ng kalalakihan at kababaihan ay magkaiba ng katangian ngunit magkatumbas ang kahalagahan o impluwensya. Sa doktrina ng ating Simbahan pantay ang kababaihan sa kalalakihan ngunit hindi sila katulad ng kalalakihan. Hindi itinuturing ng Diyos na mas mabuti o mas mahalaga ang isang kasarian kaysa sa isa. Ipinahayag ni Pangulong Hinckley sa kababaihan na ‘ang ating Walang Hanggang Ama … ay hindi nilayon kailanman na mas mababa ang kahalagahan ninyo kaysa Kanyang pinaka-natatanging mga nilalang.”4

Ang kalalakihan at kababaihan ay may iba’t ibang kaloob, lakas, at pananaw at mga inklinasyon. Iyan ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangan natin ang isa’t isa. Kailangan ng lalaki at babae upang makabuo ng pamilya, at kailangan ng kalalakihan at kababaihan upang maisakatuparan ang gawain ng Panginoon. Ang mag-asawang matwid na nagtutulungan ay kinukumpleto ang isa’t isa. Pag-ingatan nating huwag tangkaing baguhin ang plano at layunin ng ating Ama sa Langit sa ating buhay.

4. Lahat ay Pinagpapala ng Kapangyarihan ng Priesthood

Kapag ang kalalakihan at kababaihan ay pumunta sa templo, kapwa sila pinagkakalooban ng kapangyarihan, ang kapangyarihan ng priesthood. Bagama’t ang awtoridad ng priesthood ay pinamamahalaan sa pamamagitan ng mga susi ng priesthood, at ang mga susi ng priesthood ay taglay lamang ng marapat na kalalakihan, ang kapangyarihan at mga pagpapala ng priesthood ay maaaring matanggap ng lahat ng anak ng Diyos.

Ang ating Ama sa Langit ay bukas-palad sa Kanyang kapangyarihan. Lahat ng lalaki at babae ay may karapatan sa kapangyarihang ito para makatulong sa kanilang buhay. Lahat ng gumawa ng sagradong mga tipan sa Panginoon at tumutupad sa mga tipang iyon ay may karapatang makatanggap ng personal na paghahayag, mapaglingkuran ng mga anghel, makipag-ugnayan sa Diyos, makatanggap ng kabuuan ng ebanghelyo, at, sa huli, maging mga tagapagmana na kasama ni Jesucristo sa lahat ng mayroon ang Ama.

5. Kailangan Nating Malaman at Mapatotohanan ang Doktrina

A Sunday school class of teenagers.  One of the youth is in front talking to the class while the teacher is standing to the side.

Kailangang malaman ng kababaihan ng Simbahan ang doktrina ni Cristo at patotohanan ang Panunumbalik sa lahat ng paraang magagawa ninyo. Ngayon lamang nangyari sa kasaysayan ng mundo ang ganito kahirap na panahon. Pinapahusay nang husto ni Satanas at ng kanyang mga alagad ang kanilang mga sandata at mga estratehiya nang libu-libong taon, at sila ay bihasa sa pagsira ng pananampalataya at tiwala sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo ng sangkatauhan.

Lahat tayo—kalalakihan, kababaihan, mga binata’t dalaga, kabataan, mga batang musmos—ay may tungkuling ipaglaban, pangalagaan, at ipalaganap sa buong mundo ang tungkol sa Panginoon at sa Kanyang Simbahan. Kailangan pa natin ng katangi-tangi at maimpluwensiyang tinig at pananampalataya ng kababaihan. Kailangang matutuhan ninyo ang doktrina at maunawaan ang ating pinaniniwalaan nang sa gayon ay makapagpatotoo kayo sa katotohanan ng lahat ng bagay—ang mga patotoo mang iyan ay ibinahagi sa campfire sa Young Women camp, sa pulong ng patotoo, sa blog, o sa Facebook. Kayo lamang ang makapagpapakita sa mundo kung ano ang kaanyuan at pinaniniwalaan ng kababaihang nakipagtipan sa Diyos.

Mga kababaihan sa Simbahan, ang lawak at tindi ng inyong impluwensya ay kakaiba—impluwensyang hindi kayang tularan ng kalalakihan. Walang ibang makapagtatanggol sa ating Tagapagligtas nang may higit na paghihikayat o kapangyarihan kaysa sa inyo, mga anak na babae ng Diyos—kayo na may taglay na matinding lakas at pananalig. Ang kapangyarihan ng tinig ng isang babaeng tunay na nananalig ay hindi masusukat, at kailangan ng Simbahan ang inyong mga tinig nang higit kailanman ngayon.

Iniiwan ko sa inyo ang aking pagsaksi at patotoo na nabubuhay tayo sa panahon na dapat tayong magkaisa. Dapat tayong sama-samang manindigan—kalalakihan at kababaihan, kabataang lalaki at babae, batang lalaki at babae. Dapat tayong manindigan para sa plano ng ating Ama sa Langit. Dapat natin Siyang ipagtanggol. Siya ay isinasantabi. Hindi tayo dapat magpabaya bilang mga miyembro ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw at huwag tulutang patuloy na mangyari ito nang hindi natin matapang na isinasatinig ang ating damdamin at isipan.

Nawa’y pagkalooban kayo ng Diyos ng lakas ng loob na pag-aralan at alamin ang mga simpleng katotohanan ng ebanghelyo at pagkatapos ay ibahagi ito sa bawat pagkakataon.

Mga Tala

  1. Handbook 2: Administering the Church (2010), 2.1.1.

  2. M. Russell Ballard, “Ito ang Aking Gawain at Aking Kaluwalhatian,” Liahona, Mayo 2013, 19.

  3. Gordon B. Hinckley, “Women of the Church,” Ensign, Nob. 1996, 70.

  4. Gordon B. Hinckley, “Stand Strong Against the Wiles of the World,” Ensign, Nob. 1995, 98.