Ang Tiwala sa Pagkamarapat
Mula sa isang fireside ng mga kabataan noong Disyembre 31, 2006.
Nais kong sabihin nang tuwiran kung paano magkaroon ng napakaespesyal na uri ng tiwala sa sarili.
Ang mensahe ko sa inyo ay para bigyan kayo ng pag-asa at lakas-ng-loob ngayon at habang kayo’y nabubuhay. Maraming problema sa mundo, ngunit lagi namang may mga problema sa lahat ng panahon. Huwag gaanong mag-alala tungkol dito, at huwag panghinaan ng loob dahil dito. Ang darating na mga taon ay mapupuno ng magagandang pagkakataon at malalaking pagpapala. Patuloy tayong magkakaroon ng pag-unlad sa siyensya at teknolohiya, medisina at komunikasyon— lahat ng larangan na maraming nagagawa para pagyamanin ang ating buhay. Nabubuhay kayo sa pinakadakilang panahong alam ng mundo, at marami pang darating na mga pagpapala sa mas maraming tao sa iba’t ibang panig ng mundo kaysa alinmang panahon sa kasaysayan. Alalahanin—kailanma’y hindi pinangarap ng lola ninyo ang digital tablet noong kaedad ninyo siya, at wala pa ring ideya ang lolo ninyo kung paano magpadala ng text message. Kaya, maging masaya at malusog at magkaroon ng magandang pananaw.
Sinasabi ko ito dahil nakasaad sa nabasa kong artikulo kamakailan na ang pinaka-karaniwang sakit ng mga kabataan ngayon ay hindi diabetes o sakit sa puso o kanser. (Ang gayong uri ng mga problema ay karaniwan sa mga kaedad ko, hindi sa kaedad ninyo.) Hindi, ang sakit na karaniwang dinaramdam ng mga tinedyer at ng mga nasa edad 20s, ayon sa ulat, ay ang pagdududa sa sarili, takot sa mangyayari sa hinaharap, mababaw na pagpapahalaga sa sarili, at kawalan ng tiwala sa sarili at sa mundo sa kanilang paligid.
Kahit mas matanda ako sa inyo, nauunawaan ko ang gayong uri ng mga problema dahil halos buong kabataan ko ay tila naharap din ako sa mga sitwasyon kung saan wala akong gaanong tiwala sa sarili. Naaalala ko na sinikap kong makakuha ng matataas na marka, sa pag-asang magkaroon ng pagkakataong maging scholar, at nag-iisip kung bakit tila mas matalino ang iba sa kategoryang iyon kaysa sa akin. Naaalala ko ang maraming taon ng mga paligsahang pampalakasan na sinubukan kong salihan na may tiwalang kailangan para magtagumpay sa high school at college sports, sa labis na paghahangad na manalo sa kampeonato o maiuwi ang tropeo. Naaalala ko lalo na ang kawalan ko ng tiwala sa mga dalagita, na madalas ay malaking dahilan ng pag-aalala ng mga binatilyo. Labis akong nagpapasalamat kay Sister Holland sa pagbibigay ng pagkakataon sa akin. Oo, naaalala ko ang lahat ng bagay na naaalala ninyo—hindi ko lang tiyak kung ano ang hitsura ko o kung tanggap ako o kung ano ang magiging kinabukasan ko.
Ang layunin ko rito ay hindi para pag-usapan ang lahat ng isyung iyon na kinakaharap ng isang kabataan na nagiging dahilan para magduda at mawalan sila ng tiwala sa sarili, kundi nais kong sabihin nang tuwiran kung paano magkaroon ng napakaespesyal na uri ng tiwala sa sarili—na kapag natamo sa tamang paraan ay kamangha-mangha ang nagagawa sa bawat aspeto ng ating buhay, lalo na sa pagpapahalaga natin sa sarili at sa pagtingin natin sa hinaharap. Para maipaliwanag ito, kailangan kong magkuwento.
Ang Kahalagahan ng Pagkamarapat ng Sarili
Maraming taon na ang nakalilipas, bago ako tinawag bilang General Authority, nakibahagi ako, bilang tagapagsalita, sa isang young adult conference. Nagtapos ang kumperensya sa isang testimony meeting kung saan isang makisig na binatang returned missionary ang tumayo upang magpatotoo. Mukha siyang mabait, malinis, at tiwala sa sarili—tulad ng dapat maging hitsura ng isang returned missionary.
Nang magsalita na siya, napaluha siya. Nagpapasalamat daw siyang makatayo sa gitna ng napakabuting grupo ng mga kabataang Banal sa mga Huling Araw at maganda ang pakiramdam niya tungkol sa uri ng kanyang pamumuhay. Ngunit nadama lang niya iyon, sabi niya, dahil sa naranasan niya ilang taon bago nangyari iyon, isang karanasang humubog sa kanyang buhay magpakailanman.
Pagkatapos ay ikinuwento niya ang pag-uwi niya mula sa isang deyt matapos siyang maorden bilang elder sa edad na 18. May nangyari sa deyt na ito na hindi niya maipagmalaki. Hindi na niya binanggit ang anumang detalye, ni hindi niya iyon dapat sabihin sa publiko. Hanggang ngayo’y hindi ko alam ang detalye ng nangyari, pero sapat ang halaga niyon sa kanya para maapektuhan ang kanyang espiritu at pagpapahalaga sa sarili.
Habang nakaupo sandali sa kanyang kotse sa garahe ng sarili niyang bahay, na pinag-iisipan ang mga bagay at talagang nalulungkot sa nangyari, patakbong dumiretso ang kanyang inang di-miyembro mula sa bahay papunta sa kotse niya. Sa isang iglap sinabi ng ina na ang nakababatang kapatid ng lalaking ito ay nahulog sa bahay nila, humampas nang malakas ang ulo at tila nangingisay o nagkukumbulsiyon. Agad tumawag ng ambulansya ang amang di-miyembro, ngunit medyo matatagalan pa bago dumating ang tulong.
“Halika at gumawa ka ng paraan,” lumuluhang sinabi ng ina. “Wala ba kayong ginagawa sa Simbahan ninyo sa mga pagkakataong tulad nito? Nasa iyo ang priesthood nila. Halika at gumawa ka ng paraan.”
Walang gaanong alam ang kanyang ina tungkol sa Simbahan sa oras na iyon, pero may alam ito tungkol sa mga basbas ng priesthood. Gayunpaman, sa gabing ito na kailangan ng isang taong mahal na mahal niya ang kanyang pananampalataya at lakas, hindi makakibo ang binatang ito. Dahil sa pinaglalabanan niyang damdamin at sa kompromisong nagawa niya—anuman iyon—hindi siya makaharap sa Panginoon para hingin ang basbas na kailangan.
Mabilis siyang lumabas ng kotse at nagtatakbo papunta sa bahay ng isang karapat-dapat na matanda na naging kaibigan niya sa ward simula nang mabinyagan ang binatilyo dalawa o tatlong taon na ang nakararaan. Nagpaliwanag siya, at nakabalik ang dalawa sa bahay bago pa man dumating ang paramedics. Ang masayang wakas ng kuwentong ito ayon sa isinalaysay sa testimony meeting ay na kaagad nagbigay ang matanda ng magiliw, at nakaaantig na basbas ng priesthood, at iniwan ang batang nasaktan na maayos at nagpapahinga nang dumating ang tulong. Sa mabilis na biyahe patungong ospital at sa masusing pagsusuri doon ay napag-alaman na wala namang naidulot na permanenteng pinsala sa bata. Lumipas ang nakasisindak na sandali para sa pamilyang ito.
Pagkatapos ay ganito ang sinabi ng nabanggit kong returned missionary: “Walang sinuman na hindi nakaranas ng naranasan ko noong gabing iyon ang makakaalam sa kahihiyang nadama ko at lungkot na tiniis ko dahil sa dama kong hindi ako karapat-dapat na gamitin ang priesthood na hawak ko. Mas masakit ang alaalang ito para sa akin dahil sarili kong kapatid ang nangailangan sa akin at pinakamamahal kong mga magulang na di-miyembro ang takot na takot at may karapatang umasa sa akin nang higit pa rito. Ngunit habang nakatayo ako sa harapan ninyo ngayon, ito ang maipapangako ko,” sabi niya. “Hindi ako perpekto, ngunit mula noong gabing iyon wala na akong ginawang anuman na hahadlang sa akin para humarap sa Panginoon nang may tiwala at humingi ng tulong sa Kanya kapag kailangan. Ang pagkamarapat ng sarili ay isang pakikipaglaban sa mundong ito na ating ginagalawan,” sabi niya, “ngunit isang pakikipaglaban ito na pananalunan ko. Nadama ko na isinumpa na akong minsan sa buhay ko, at ayaw kong madama itong muli kailanman kung may magagawa ako ukol dito. At, siyempre,” pagtatapos niya, “magagawa ko ang lahat ukol dito.”
Tinapos niya ang kanyang patotoo at naupo. Para ko pa siyang nakikita. Nakikinita ko pa ang tagpong iyon. At naaalala ko pa ang lubos at nakaaantig na katahimikang kasunod ng kanyang mensahe nang suriin nang mas malalim ng bawat isa sa silid ang kanyang kaluluwa, na higit na nangangako na ipamuhay ang makapangyarihang mga salita ng Panginoon:
“Puspusin ng kabanalan ang iyong mga iniisip nang walang humpay; sa gayon ang iyong pagtitiwala ay lalakas sa harapan ng Diyos; at ang doktrina ng pagkasaserdote ay magpapadalisay sa iyong kaluluwa gaya ng hamog mula sa langit.
“Ang Espiritu Santo ang iyong magiging kasama sa tuwina, at ang iyong setro ay hindi nagbabagong setro ng kabutihan at katotohanan” (D at T 121: 45–46; idinagdag ang pagbibigay-diin).
Pagtatamasa sa Espiritu ng Diyos
Mahal kong mga batang kaibigan, magkaroon ng magandang buhay. Isipin at asamin ang pinakamainam at manalig sa kinabukasan. May magandang buhay na naghihintay sa inyo. Mahal kayo ng inyong Ama sa Langit. Kung may mga pagkakamaling nagawa, mapagsisisihan ang mga ito at mapapatawad tulad ng sa binatang ito. Nasa inyo na ang lahat para mabuhay at magplano at maniwala. Ang madamang malinis ang inyong konsiyensya kapag nag-iisa kayo sa paggunita ng mga alaala ay nagpapadama sa inyo sa Espiritu ng Diyos sa napakapersonal na paraan. Nais kong matamasa ninyo ang Espiritung iyon, at madama ang tiwalang iyon sa harap ng Panginoon sa tuwina. Nawa’y panatilihing dalisay ng mga banal na kaisipan ang ating mga kilos ngayon at bukas at magpakailanman.