Hanggang sa Muli Nating Pagkikita
Pagdalaw ng Tagapagligtas
Mula sa “An Experience of My Father‘s,” Improvement Era, tomo 33, blg. 11 (Set. 1933), 677, 679; ginawang makabago ang pagbabantas at paggamit ng malaking titik.
Dito mismo nagpakita sa akin ang Panginoong Jesucristo.
Pagkatapos niyang manalangin, inasahan ng [aking ama] ang sagot, na espesyal na pagpapamalas mula sa Panginoon. Kaya naghintay siya—at naghintay—at naghintay. Walang dumating na sagot, walang tinig, walang pagdalaw, walang pagpapamalas. Iniwan niya ang altar at ang silid sa malaking kabiguan. Sa pagdaan sa silid-selestiyal at palabas sa malaking pasilyo isang maluwalhating pagpapamalas ang ibinigay kay Pangulong Snow na isasalaysay ko batay sa mga salita ng kanyang apo, si Allie Young Pond. …
“Isang gabi habang binibisita ko si Lolo Snow sa kanyang silid sa Salt Lake Temple, nanatili ako hanggang sa makaalis na ang mga bantay sa pinto at ang mga bantay sa gabing iyon ay hindi pa dumarating, kaya sinabi ni lolo na ihahatid niya ako sa pangunahing pasukan sa harapan at doon na ako lalabas. … Pagkaalis namin sa kanyang silid at habang nasa maluwang na pasilyo kami patungo sa silid-selestiyal, nauuna ako ng ilang hakbang kay lolo nang patigilin niya ako at sinabing: ‘Sandali, Allie, may sasabihin ako sa iyo. Dito mismo nagpakita sa akin ang Panginoong Jesucristo noong mamatay si Pangulong Woodruff. Pinagbilinan Niya ako na iorganisa kaagad ang Unang Panguluhan ng Simbahan at huwag nang maghintay pa tulad ng ginagawa noon pagkamatay ng dating mga pangulo, at na ako ang papalit kay Pangulong Woodruff.’
“Pagkatapos ay lumapit nang isang hakbang ang lolo ko at iniunat ang kanyang kaliwang kamay at sinabi: ‘Dito Siya mismo nakatayo, mga tatlong talampakan ang taas mula sa sahig. Mukhang nakatayo Siya sa isang tuntungang yari sa solidong ginto.’
“Sinabi sa akin ni Lolo kung gaano kaluwalhating personahe ang Tagapagligtas at inilarawan ang Kanyang mga kamay, paa, mukha at maganda at puting kasuotan, na lahat ay napakaputi at napakakinang ng kaluwalhatian na hindi niya Siya halos matingnan.
“Pagkatapos ay lumapit ng isa pang hakbang si Lolo at inilagay ang kanyang kanang kamay sa ulo ko at sinabi: ‘Ngayon, Apo, gusto kong alalahanin mo na ito ang patotoo ng lolo mo, na sinabi niya sa iyo mula mismo sa sarili niyang mga labi na talagang nakita niya ang Tagapagligtas, dito sa templo, at nakipag-usap sa Kanya nang harapan.’”
… Ikinuwento ko ang karanasang ito sa Eighteenth Ward sacramental service. Pagkatapos ng pulong ay sinabi sa akin ni Elder Arthur Winter na narinig niyang ikinuwento ng tatay ko ang tungkol sa pagpapakita ng Tagapagligtas sa kanya sa loob ng templo na nagbibilin sa kanya na hindi lamang kaagad na muling iorganisa ang Unang Panguluhan kundi piliin din ang mga tagapayo ni Pangulong Woodruff, na sina Pangulong George Q. Cannon at Joseph F. Smith, bilang kanyang mga tagapayo.