Kailangan Kayo ng Panginoon Ngayon!
Mula sa CES devotional para sa mga young adult, “Mapanatag at Malaman na Ako ang Diyos,” na ibinigay sa California, USA, noong Mayo 4, 2014.
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, inaanyayahan ko kayong “mangagbihis ng buong kagayakan ng Dios” at sumali sa digmaan ngayon.
Ang mga batas at kaugalian ng mundong ginagalawan natin ngayon ay mabilis na lumilihis sa mga turo ni Cristo. Dahil diyan, patuloy na nililigalig ni Satanas ang mga anak ng Diyos at inililihis ang mismong mga hinirang mula sa pagtupad sa kanilang tungkulin at pagtanggap sa lubos na mga pagpapala ng Panginoon.
Gusto ni Satanas na itigil ninyo ang magagandang gawing natutuhan ninyo sa bahay, sa seminary at institute, at sa inyong misyon—gaya ng araw-araw na pagbabasa ng mga banal na kasulatan, araw-araw na pagdarasal, at karapat-dapat na pakikibahagi ng sakramento linggu-linggo, at pagbibigay ng tunay at taos-pusong paglilingkod. Gusto rin niya na huwag kayong makibahagi sa mahahalaga at matitinding digmaan ngayon.
Tandaan, na nasa digmaan tayo—ngunit hindi digmaang gumagamit ng mga baril at bala. Gayunpaman, totoong may digmaan, at napakarami nang nabibiktima. Katunayan ang digmaang ito ay karugtong ng digmaang nagsimula noon sa daigdig na ating pinagmulan.
Inanyayahan tayo ni Pablo na “mangagbihis ng buong kagayakan ng Dios.” Sabi niya, “Sapagka’t ang ating pakikibaka ay hindi laban sa laman at dugo, kundi laban sa mga pamunuan, laban sa mga kapangyarihan, laban sa mga namamahala ng kadilimang ito sa sanglibutan, laban sa mga ukol sa espiritu ng kasamaan sa mga dakong kaitaasan” (Mga Taga Efeso 6:11–12).
Bilang Apostol ng Panginoong Jesucristo, inaanyayahan ko kayong “mangagbihis ng buong kagayakan ng Dios” at sumali sa digmaan ngayon, tulad ng ginawa ng mga anak na lalaki ni Helaman maraming taon na ang nakalipas. Huwag na ninyong hintaying makapag-asawa o makapagtrabaho o tumanda pa kayo. Kailangan ng Simbahan ang mga kabataan natin ngayon. Kailangan kayo ng Panginoon ngayon!
Maaalala ninyo na ang 2,000 kabataang mandirigma ay “nakipagtipan na makikipaglaban para sa kalayaan ng mga Nephita” (Alma 53:17). Kailangan ng Simbahan ng mga kabataang mandirigma ngayon na nakipagtipang “tumayo bilang mga saksi ng Diyos sa lahat ng panahon at sa lahat ng bagay, at sa lahat ng lugar” (Mosias 18:9).
Kayong mga kabataang babae at lalaki ang makabagong mga anak na babae at lalaki ni Helaman. Nawa’y masabi rin tungkol sa inyo ang sinabi tungkol sa kanila noon: “Sila ngayon sa panahong ito ay … malaking tulong” (Alma 53:19).
Paglaban sa Pornograpiya
Kailangan namin kayong makiisa sa amin sa paglaban sa pornograpiya. Ito’y isang kahila-hilakbot na salot na lumalaganap sa buong mundo.
Mahigit 180 taon na ang nakalipas, inihayag ng Panginoon ang Kanyang batas ng kalusugan, kabilang na ang babala tungkol sa paninigarilyo (tingnan sa D at T 89). Maraming tao ang nakinig sa Panginoon, ngunit mas maraming hindi nakinig. Walang may alam noon o kahit noong kaedad ninyo ako sa mga epekto ng paninigarilyo sa bandang huli. Ngayon, matapos ang maraming taon ng pagsasaliksik ng siyensya, alam na natin ang epekto ng paninigarilyo sa kanser sa baga at iba pang nakamamatay na sakit. Ang Word of Wisdom ng Panginoon ay proteksyong ipinagkaloob sa atin.
Sa gayunding mga paraan binalaan tayo ng Panginoon tungkol sa mga epekto ng pornograpiya. Milyun-milyong tao ang tapat na sumusunod sa payo ng Panginoon, pero hindi mabilang ang hindi sumusunod. Hindi na natin kailangang hintayin pa, mahal kong mga kaibigan, ang 180 o kahit 10 taon lang para matuklasan ang mapangwasak na mga epekto ng pornograpiya. Nakita sa pagsasaliksik kamakailan na ang pornograpiya ay nakapipinsala sa mga young adult sa maraming paraan at nakakasira sa mga pagkakataon nilang magkaroon ng maganda at matibay na relasyon sa kanilang asawa.
Nakita rin sa pagsasaliksik na ang madalas na paggamit ng pornograpiya ay maaaring humantong sa di-mapigilang pagnanasa sa seks at mababago ang takbo ng utak hanggang sa malulong dito ang isang tao. Napatunayan din sa pagsasaliksik na ang pornograpiya ay nagbubunga ng di-makatotohanang mga ekspektasyon at maling impormasyon tungkol sa marapat na pakikipagrelasyon ng tao.
Ang mapanganib pa, kinukundisyon kayo ng pornograpiya na ituring ang mga tao na mga bagay na maaari ninyong ipagwalang-bahala at hindi igalang kapwa ang damdamin at katawan.
Ang isa pang aspeto ng pornograpiya ay karaniwan itong ginagawa nang palihim. Ang mga gumagamit nito ay kadalasang itinatago o di-gaanong ipinapakita sa lahat na ginagamit nila ito, pati na sa kanilang kasintahan o asawa. Natuklasan sa pag-aaral na kapag ginagawa ng mga tao ang ganitong uri ng paglilihim—kapag gumagawa sila ng mga bagay na hindi nila maipagmalaki at inililihim ito sa kanilang mga kapamilya at kaibigan—hindi lang nito sinisira ang kanilang mga relasyon at iniiwan silang malungkot kundi lalo silang nalulungkot, nababalisa, at bumababa ang pagtingin sa sarili. Ang paglilihim ay nakakasira ng tiwala.
Sa una pa lang, dapat na nating iwasan ang pornograpiya dahil nakamamatay ito. Sinisira nito ang tunay at magiliw na relasyon ng mga tao—ng mga mag-asawa at pamilya. Winawasak nito ang pagkatao ng sinumang gumagamit nito na tulad ng pagpatay ng pinakamabagsik na lason sa katawan at isipan.
Huwag kayong palinlang. Huwag ninyong akalain na kapag nagmisyon na kayo o nag-asawa ay maititigil ninyo ang pagkalulong na ito. Kung ginagawa na ninyo ito, kung nabitag na kayo nito, humingi ng espirituwal na tulong ngayon. Malalabanan ninyo ang pornograpiya sa tulong ng Tagapagligtas. Huwag nang maghintay! Nakikiusap ako na talikuran ninyo ito! Maraming materyal sa LDS.org na makatutulong sa inyo para madaig ang kadilimang dulot ng mga larawan ng pornograpiya.
Puno ng pagsubok ang panahong ito—ngunit hindi ito hihigit sa mga pagsubok sa panahon ni Helaman at ng kanyang mga kabataang mandirigma nang manindigan silang ipagtanggol ang kanilang pamilya at ang Simbahan. Ito ang panahon para matapang kayong makiisa sa pangkat ng iba pang matwid at tapat na mga kabataang lalaki at babae sa paglaban sa pornograpiya.
Ang Doktrina ng Kasal
Gusto kong ipaunawa sa inyo ang pananaw ng Simbahan tungkol sa kasal ayon sa ibinigay sa atin ng Ama sa Langit sa pamamagitan ng mga banal na kasulatan at ng “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.” Sabi sa napakagandang pahayag na iyan: “Ang mag-anak ay inorden ng Diyos. Ang kasal sa pagitan ng lalaki at babae ay mahalaga sa Kanyang walang hanggang plano. Ang mga anak ay may karapatang isilang sa loob ng matrimonyo, at palakihin ng isang ama at isang ina na gumagalang nang buong katapatan sa pangakong kanilang ginawa nang sila ay ikasal.”1
Ang mga apostol ay inatasang maging mga bantay sa mga tore, upang makita “ang kaaway samantalang sila ay malayo pa” (D at T 101:54), at ituro ang mga doktrina ni Cristo. Alam ninyong lahat na ang tradisyunal na kahulugan ng kasal ay sinisira sa ngayon. May mga tao na itinutuon ang talakayan tungkol sa kasal sa konteksto ng karapatang sibil. Ipinaliwanag ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol ang pananaw ng Simbahan at ang doktrina ng layunin at plano ng Diyos sa pagpapadanas sa Kanyang mga espiritung anak ng buhay sa mundo, na mahalaga sa ating buhay na walang hanggan.
Babanggit ako mula sa pahayag na ibinigay sa mga lider ng Simbahan noong 2014 at basahin ninyo itong mabuti:
“Ang mga pagbabago sa batas ng tao ay hindi binabago, at hindi maaaring baguhin ang batas ng moralidad na itinakda ng Diyos. Inaasahan ng Diyos na ating aayunan at susundin ang Kanyang mga utos magkakaiba man ang opinyon o kalakaran sa lipunan. Ang Kanyang batas sa kadalisayan ng puri ay malinaw: ang seksuwal na relasyon ay nararapat lang mamagitan sa lalaki at babae na ikinasal bilang mag-asawa ayon sa batas. Hinihikayat namin kayong repasuhin at ituro sa mga miyembro ng Simbahan ang doktrinang nakapaloob sa ‘Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo.’”
Sabi pa sa pahayag:
“Kung ang mga sumasang-ayon na makasal ang magkapareho ang kasarian ay may karapatang igalang, dapat ay igalang din ang mga sumasalungat dito. …
“Bilang mga miyembro ng Simbahan, responsibilidad nating ituro ang ebanghelyo ni Jesucristo at ipalaganap ang malalaking pagpapalang nagmumula sa pagsunod sa mga utos ng Diyos at ang tiyak na ibubunga ng pagsuway rito. Inaanyayahan namin kayong ipanalangin na ang mga tao saan mang dako ay palambutin ang kanilang puso sa mga katotohanan ng ebanghelyo, at mabigyan ng karunungan ang mga tinawag na magpasiya tungkol sa mga bagay na mahalaga sa kinabukasan ng lipunan.”2
Alam kong mahal ninyo at sinusuportahan ang Panginoon at sinasang-ayunan ang Kanyang mga propeta, ngunit alam ko rin na ang ilan sa inyo ay maaaring nalilito sa maraming implikasyon ng pasiya ng Simbahan na ayunan ang inihayag na plano ng Diyos para sa Kanyang mga anak.
Alam ko rin na ilan sa kabataan natin ang nahihirapang unawain kung paano ipaliliwanag ang doktrina ukol sa pamilya at kasal nang nananatili pa ring mabait, mahinahon, at nagmamahal sa mga taong sumasalungat. Maaaring natatakot kayong mabansagang mapambatikos sa paniniwala ng iba.
Maaaring may kilala kayo na naaakit sa kapwa niya lalaki o babae at nagpasiyang makipagrelasyon sa kapareho niya ang kasarian. Ang pagmamahal ninyo sa taong iyan bilang anak na lalaki o anak na babae ng Diyos ay maaaring lumikha ng pagtatalo ng kalooban habang sinisikap ninyong mahalin at suportahan siya at manindigan pa rin para sa walang-hanggang plano ng kaligayahan ng Panginoon.
Linawin natin: Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw ay naniniwala na “ang pagkaakit sa kapwa lalaki o kapwa babae ay mahirap na realidad para sa karamihan. Ang pagkaakit ay hindi kasalanan, ngunit ang pagkilos ayon dito ay kasalanan. Bagama’t hindi ginusto ng mga tao na magkaroon ng gayong pagkaakit, sila naman ang nagpapasiya kung paano tutugon dito. Taglay ang pagmamahal at pang-unawa, tinutulungan ng Simbahan ang lahat ng anak ng Diyos, kabilang na [ang mga naaakit sa kapareho nila ang kasarian].”3
Ang Simbahan ay hindi nagtuturo o naghihikayat ng mga gawaing hindi Kristiyano. Dapat nating mahalin at sikaping tulungan ang iba na maunawaan na hindi dapat ipagwalang-bahala ninuman ang mga utos ng Diyos.
Isang Saksi at Isang Babala
Sa “Ang Mag-anak: Isang Pagpapahayag sa Mundo,” sinabi ng Unang Panguluhan at ng Korum ng Labindalawang Apostol: “Kami ay nagbababala na ang mga taong lumalabag sa tipan ng kalinisang-puri, nang-aabuso ng asawa o anak, o [hindi tumutupad] ng kanilang mga tungkulin sa mag-anak ay mananagot balang-araw sa harap ng Diyos. At gayon din, kami ay nagbababala na ang pagkakawatak-watak ng mag-anak ay magdudulot sa mga tao, mga komunidad, at mga bansa ng mga kapahamakang sinabi na noon pa ng mga sinauna at makabagong propeta.”4
Isa ako sa mga nagbabalang iyan. Bilang isa sa mga bantay sa tore, responsibilidad kong “hipan ang pakakak, at magbigay alam sa bayan” (tingnan sa Ezekiel 33:1–9). Ginagawa ko iyan dahil mahal ko kayo at nais kong maunawaan ninyo na dapat tayong humarap sa Panginoon at sumunod sa Kanyang mga utos. Iyan ang tungkulin ko.
Ang babala ng Panginoon ay may kasamang paanyaya na lumapit sa Kanya. Alam ng ating Ama sa Langit ang mga bunga ng pamumuhay sa mundong puno ng kasalanan at, dahil diyan, naglaan Siya ng isang Tagapagligtas, isang “Cordero na pinatay buhat nang itatag ang sanglibutan” para sa Kanyang mga anak (Apocalipsis 13:8).
Sa ebanghelyo ni Juan, nalaman natin na, “gayon na lamang ang pagsinta ng Dios sa sanglibutan, na ibinigay niya ang kaniyang bugtong na Anak, upang ang sinomang sa kaniya’y sumampalataya ay huwag mapahamak, kundi magkaroon ng buhay na walang hanggan” (Juan 3:16).
Alalahanin lamang na ang ebanghelyo ang “mabuting balita.”5 Ito ay isang mensahe ng pag-asa. Kung may problema kayo ngayon, humingi ng tulong. Ang Panginoon ay maawain at mapagpatawad.
Itinuro ni Apostol Pablo:
“Sino ang maghihiwalay sa atin sa pagibig ni Cristo? ang kapighatian, o ang kahapisan, o ang paguusig, o ang kagutum, o ang kahubaran, o ang panganib, o ang tabak? …
“Hindi, kundi sa lahat ng mga bagay na ito tayo’y higit pa sa mga mapagtagumpay sa pamamagitan niyaong sa atin ay umiibig.
“Sapagka’t ako’y naniniwalang lubos, na kahit ang kamatayan man, kahit ang buhay, kahit ang mga anghel, kahit ang mga pamunuan, kahit ang mga bagay na kasalukuyan, kahit ang mga bagay na darating,napagod ang kataasan, kahit ang kababaan, kahit ang alin mang ibang nilalang, ay hindi makapaghihiwalay sa atin sa pagibig ng Dios, na nasa kay Cristo Jesus na Panginoon natin” (Mga Taga Roma 8:35, 37–39).
Dahil kay Jesucristo, mapapalitan ng kapayapaan ang panunurot ng budhi. Manunumbalik ang masayang samahan. Mapaglalabanan ang pagkalulong.
Dapat nating ipaalam sa ating pamilya at mga kaibigan ang katotohanang ito: ang Diyos ay pag-ibig, “at inaanyayahan niya [tayong] lahat na lumapit sa kanya at makibahagi sa kanyang kabutihan; at wala siyang tinatanggihan sa mga lumalapit sa kanya” (2 Nephi 26:33).
Kailangan namin kayong makibahagi sa gawain ng kaligtasan bago kayo magmisyon at habang nasa misyon kayo at matapos kayong magmisyon.
Paggamit ng Teknolohiya upang Magpala ng mga Buhay
Inaanyayahan kayo ng Panginoon na makibahagi at gamitin ang anumang social media na gusto ninyong gamitin sa pagbabahagi ng ebanghelyo at tumayo bilang makabagong mga anak na lalaki at anak na babae ni Helaman sa malalaking digmaan sa mga huling araw. Nais niya kayong maging makabagong mga kabataang mandirigma na matatag at nagkakaisa sa katotohanan. Nais Niya kayong maging matapang at malakas sa harap ng mga impluwensya ng kaaway. Alam nating sa huli ay ang Panginoon ang mananalo at matatalo si Satanas.
Ngayon, may pagkakataon kayong gamitin nang matalino ang social media. Tandaan na may tamang pagkakataon at lugar sa paggamit ninyo ng social media, at ang pagbabahagi ng inyong mga ideya at patotoo tungkol sa mga bagay na natututuhan at nadarama ninyo ay isa sa mga pagkakataong iyon. Gamit ang iba’t ibang social media, mapag-uusapan ninyo ng inyong pamilya at mga kaibigan ang ebanghelyo, at, para sa inyong mga returned missionary, makakausap ninyo maging ang dati ninyong mga investigator at bagong miyembro. Maaaring tumayo kayo bilang mga saksi sa katotohanan at ipagtanggol ninyo ang kaharian.
Pagtatanggol sa Kaharian
Alam ko na nag-aalala ang ilan sa inyo na mapag-isipan nang mali, kutyain, at guluhin kung paninindigan ninyo ang Ama sa Langit, ang Panginoong Jesucristo, at ang Simbahan. Nauunawaan ko ang inyong mga alalahanin.
Naglingkod ako sa British Mission matapos ang World War II bilang binatang missionary. Noong panahong iyon ang mga Mormon ay “bulung-bulungan at bukambibig,” (3 Nephi 16:9), at ang mga missionary ay pinagtatawanan at kinukutya. Binabato pa kami noon ng mga tao, at ang ilan ay dinuduraan kami. Pero hindi kami pinanghinaan ng loob, kundi patuloy kaming nagpatotoo at nagbahagi ng ebanghelyo. Tulad ni Abinadi, hindi kami nanliit, tulad ni Pablo, hindi kami nanliit, at tulad ng Tagapagligtas, hindi kami nanliit. Nang panahong iyon hindi namin nakinita ang epekto ng pagpupunyagi namin. Noon ay may 14 na district kami at walang stake. Ngayon, may 46 na stake ng Zion ang British Isles.
Mahal kong mga kaibigang kabataan, huwag kayong mag-alala tungkol sa mga taong nasa malaki at maluwang na gusali. Nakita ni Nephi na sila ay manlalait at magtuturo ng “kanilang daliri roon sa mga yaong nagsitungo at kumakain ng bunga.” Huwag matulad sa mga tao na “matapos na matikman nila ang bunga sila ay nahiya, dahil sa mga yaong humahamak sa kanila; at nangagsilayo sila patungo sa mga ipinagbabawal na landas at nangawala” (1 Nephi 8:27, 28).
Kayo ay isang dakila at mahalagang henerasyon, at napakagandang panahon nito para mabuhay. Maganda ang mangyayari sa hinaharap. Sabihin sa inyong sarili, “Tinutulungan ko ang Panginoon kapag nagbabahagi ako ng patotoo at nagtuturo ng mga katotohanang inihayag ng Diyos sa mga huling araw na ito.”
Nawa’y bigyan kayo ng Panginoon ng karunungang higit pa sa inyong edad, nang matanto ninyo nang may katalinuhan na tayo ay nasa digmaang ito at dapat tayong magkaisa, bata at matanda. Nawa’y hindi ninyo malimutan kailanman, sa paglalakbay ninyong ito, na kayo ay mahalaga sa paghahanda sa mundo sa hinaharap para sa araw na sasabihin ni Jesucristo na, “Sapat na,” at magbabalik at mamumuno at maghahari bilang Tagapagligtas, Panginoon ng mga panginoon, Hari ng mga hari, Manunubos ng sanlibutan, na pinatototohanan kong buhay.