Ang Kailangan Kong Matutuhan
Michael Hendricks, Wyoming, USA
Pagkatapos ng unang taon ng pag-aaral ko sa unibersidad, sinimulan ko ang proyekto na mas maunawaan ang Biblia. Nagpasiya akong pag-aralan ang mga turo ng ilang grupo ng relihiyon na ayon sa narinig ko ay hindi Kristiyano at ihambing ang mga ito sa mga turo ng Biblia.
Nang magsimula ang sumunod na semestre, sinimulan kong pag-aralan Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw. Kailangan sa isa sa mga klase ko na may kapartner ako sa laboratory work, at ipinagdasal ko na makahanap ako ng isang taong makakapagturo sa akin ng kailangan kong matutuhan.
Pinili ko ang isang lab bench, at hindi nagtagal ay isang estudyante ang lumapit at nagtanong kung may kapartner na ako. Siya raw si Lincoln. Hindi ko maalalang nakita ko siya sa paaralan noong nakaraang taon at itinanong ko kung bagong lipat siya.
“Ang totoo,” sabi niya, “kauuwi ko pa lang mula sa paglilingkod bilang missionary ng Ang Simbahan ni Jesucristo ng mga Banal sa mga Huling Araw.”
Sinabi ko kay Lincoln na nasimulan ko nang pag-aralan ang kanyang simbahan at may ilang tanong ako. Masaya siyang pumayag na sagutin ang mga ito.
Nang sumunod na tatlong buwan, nagtanong ako tungkol sa Aklat ni Mormon, mga templo, mga propeta sa mga huling araw, at makabagong paghahayag. Bagama’t marami akong nalaman sa panahong iyon, inakala ko pa rin na ang mga Mormon ay hindi Kristiyano.
Isang araw natalo sa isang malaking laro ang paaralan namin. Galit na galit na pinag-usapan ng ilang guro sa lab ang pagkatalo, na paulit-ulit na sinasambit ang pangalan ng Panginoon sa walang kabuluhan. Nilapitan ni Lincoln ang mga guro at nakiusap na kung puwede nilang tigilan ang pagbanggit kay Jesucristo sa gayong paraan.
“Apektado ka ba talaga?” nagdududang tanong nila.
“Opo,” sagot ni Lincoln. “Si Jesucristo ang pinakamatalik kong kaibigan.”
Sa sandaling iyon, ang pagsisiyasat ko sa Simbahan na dati’y pang-intelektuwal lamang ay napalitan ng tanong na pang-espirituwal. Kung ang relihiyong ito ay nakahubog ng kalalakihang katulad nito, Kristiyano ito sa lahat ng bagay na mahalaga.
Pag-alis namin ni Lincoln nang gabing iyon, itinanong ko kung maaari akong sumama sa kanyang magsimba. Pagkatapos magsimba, tinanong ko siya kung maaari akong humingi ng kopya ng Aklat ni Mormon at makipagkita sa mga missionary.
Sa loob ng dalawang taon siniyasat ko ang Simbahan at nakihalubilo sa mga miyembro nito. Nakita ko ang patuloy na pagsisikap ng matatapat na lalaki at babae na maging mga disipulo ng Panginoon. Sa maraming pagkakataon pinagtibay sa akin ng Espiritu Santo na totoong ipinanumbalik ni Jesucristo, na lagi kong sinisikap paglingkuran, ang Kanyang Simbahan sa ating panahon. Ito ay pinangangasiwaan ng mga propeta at apostol at direkta Niyang pinamumunuan.
Nabinyagan ako at maraming taon ko nang tinatamasa ang mga pagpapala mula sa ipinanumbalik na ebanghelyo at mga turo nito. Nagpapasalamat ako na sinagot ng Ama sa Langit ang panalangin ko na makahanap ng lab partner na tutulungan akong matutuhan ang kailangan kong matutuhan.