Nabalaho sa Limon
Christina Wadley, Missouri, USA
Sa biyahe para bisitahin ang aming mga kamag-anak isang tag-init, namatay ang makina ng aming 12-taong-gulang na minivan na napakahaba na ng nalakbay at huminto ito. Nabalaho kami. Mabuti na lang, limang milya (8 km) na lang ang layo namin mula sa maliit na bayan ng Limon, Colorado, USA.
Masamang balita ang inihatid sa amin ng mekaniko roon. Kailangan nang palitan ang transmission namin, at kailangan naming maghintay ng mga limang araw. Kakaunti lang ang pera namin pero dala namin ang aming tolda at ilang gamit sa pagkakamping, kaya nagpasiya kaming manatili sa campground doon.
Daan-daang milya ang layo sa pamilya at mga kaibigan, pinag-isipan namin kung paano kami makakapunta sa grosering kailangan namin para makaraos. Nagpasiya kaming tawagan ang branch president sa lugar sa pag-asang makahanap ng masasakyan. Tinawagan namin si President Dawson, at sa loob ng kalahating oras dalawang tawag ang natanggap namin mula sa mga miyembro ng Relief Society ng maliit na branch. Natuwa kaming malaman na may isang pamilyang nakatira isang bloke mula sa campground; nagpunta sila para makipagkilala sa amin ilang oras lang pagkatapos naming tumawag.
Nang sumunod na linggo, humanga kami sa pagmamahal at pagmamalasakit sa amin ng maliit na branch na iyon sa mahanging kapatagan ng Colorado. Inanyayahan kami ng pamilyang nakatira malapit doon para maghapunan sa bahay nila noong unang araw na iyon, at nasiyahan kaming makipag-usap sa mga magulang habang nakikipaglaro ang aming mga anak sa kanilang anak. Kinaumagahan nakisakay kami sa isa pang miyembro para bumili ng pagkain at suplay para sa pagtigil namin doon.
Ang kabutihang-loob ng mga miyembro ng branch ay nagpatuloy nang higit pa sa hiniling namin noong una. Sinundo nila kami para magsimba sa araw ng Linggo. Tinulungan nila kaming magkaroon ng mga alaala sa makasaysayang train museum sa bayan. Pinatulog nila ang aming mga anak sa bahay nila nang umulan ng yelo. Inupahan pa ng isa sa mga miyembro ang asawa ko nang ilang araw para matulungan kaming bayaran ang pagkumpuni sa sasakyan.
Gabi-gabi, pinakain kami ng mga miyembro ng maliit na branch at nilibang ang mga anak namin sa bahay nila. Nang malapit na kaming umalis doon, dinala kami ng isa pang pamilya sa kanilang rantso, kung saan natutong mangabayo ang mga anak namin.
Nang lisanin namin ang Limon pagkaraan ng isang linggo, nag-iwan kami ng mga panalangin ng pasasalamat para sa bagong grupo ng mababait na kaibigan na kumandili at nagpatuloy sa amin sa bahay nila sa Limon.