Mensahe sa Visiting Teaching
Mga Banal na Katangian ni Jesucristo: Makapangyarihan at Puspos ng Kaluwalhatian
Mapanalanging pag-aralan ang materyal na ito at hangaring malaman kung ano ang ibabahagi. Paano pag-iibayuhin ng pag-unawa sa mga banal na katangian ng Tagapagligtas ang inyong pananampalataya sa Kanya at pagpapalain ang mga pinangangalagaan ninyo sa pamamagitan ng visiting teaching? Para sa karagdagang impormasyon, magpunta sa reliefsociety.lds.org.
Itinuturo sa atin ng mga banal na kasulatan na “tinanggap [ni Jesucristo] ang lahat ng kapangyarihan, maging sa langit at sa lupa, at ang kaluwalhatian ng Ama ay nasa kanya” (D at T 93:17). Sinabi ni Elder M. Russell Ballard ng Korum ng Labindalawang Apostol na sa kapangyarihang ito nilikha ng ating Tagapagligtas ang langit at lupa, isinagawa ang mga himala, at tiniis ang pasakit ng Getsemani at Calvario.1 Kapag naunawaan natin ito, madaragdagan ang ating pananampalataya kay Cristo, at mas lalakas tayo.
Kapag gumagawa at tumutupad tayo ng mga tipan sa templo, binibiyayaan tayo ng Panginoon ng Kanyang kapangyarihan. Sabi ni Linda K. Burton, Relief Society general president: “Ang pagtupad ng mga tipan ay nagpapalakas, nagbibigay-kakayahan, at nagpoprotekta. … Kamakailan ay nagkaroon ako ng bagong kaibigan. Pinatotohanan niya na matapos niyang matanggap ang kanyang endowment sa templo, nadama niyang nagkaroon siya ng lakas na labanan ang mga tuksong nahirapan siyang labanan noon.”2
Nagpatotoo si Nephi tungkol sa kapangyarihan ng tipan “Ako, si Nephi, ay namasdan ang kapangyarihan ng Kordero ng Diyos, na ito ay napasa … mga pinagtipanang tao ng Panginoon, … at nasasandatahan sila ng kabutihan at kapangyarihan ng Diyos sa dakilang kaluwalhatian.” (1 Nephi 14:14).
Karagdagang mga Banal na Kasulatan
Mula sa mga Banal na Kasulatan
Puspos ng matinding habag kina Marta at Maria, muling binuhay ni Jesucristo ang kanilang kapatid na si Lazaro sa pamamagitan ng kapangyarihan ng Diyos na taglay Niya.
Dumating si Jesus sa tahanan nina Marta at Maria makaraan ang apat na araw na nakalibing na si Lazaro. Nagpunta sila sa libingan ni Lazaro, at iniutos ni Jesus na alisin ang batong nakatakip sa pasukan nito. Sinabi ni Jesus kay Marta, “Di baga sinabi ko sa iyo, na, kung ikaw ay sasampalataya, ay makikita mo ang kaluwalhatian ng Dios?” Pagkatapos ay nagdasal siya sa Diyos Ama at “sumigaw [sa] malakas na tinig, Lazaro, lumabas ka.
“At siya na patay ay lumabas, na natatalian ang mga kamay at mga paa ng mga kayong panglibing.” (Tingnan sa Juan 11:1–45.) Ginagamit ng Tagapagligtas ang Kanyang kapangyarihan upang tubusin at palakasin tayo. Madaragdagan ang ating pananampalataya sa Kanya kapag naaalala natin na Siya ay puspos ng kapangyarihan at kaluwalhatian.