Ang Bahaging para sa Atin
Ang Ating Layunin sa Lupa
Sa values-education month sa aming paaralan, inutusan kami ng aming guro na sumulat ng isang sanaysay na pinamagatang “Bakit ako narito?” Kailangan ay 10-talatang sanaysay ito tungkol sa ating layunin sa buhay. Habang binabasa ko ang paksa sa pisara, napuspos ng kapanatagan at kaligayahan ang puso ko. Bilang miyembro ng Simbahan, matagal ko nang alam ang layunin ko bilang anak na babae ng Diyos. Pero nang tingnan ko ang mukha ng ibang mga kaklase ko, napuspos ng kalungkutan ang puso ko. Bakit? Dahil nagsimula silang bumulung-bulong tungkol sa hirap ng paksa. Hindi nila alam ang alam ko.
Nang ipasa ko ang aking sanaysay, natanto ko kung gaano ako kapalad na maging miyembro ng nag-iisang tunay na Simbahan. Mula sa araw na iyon, lumakas ang hangarin kong magmisyon at ibahagi ang aking patotoo tungkol sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Alam ko na mahal ako ng Ama sa Langit at nais Niyang makapiling ko Siya balang-araw. Alam ko rin na layunin kong maglingkod sa iba.
Jaymee A., Philippines
Paano Ako Tinutulungan ng Aklat ni Mormon
Ang Aklat ni Mormon ay nagbibigay ng inspirasyon sa atin tuwing kailangan natin ng mga sagot sa mga tanong o kapag kailangan nating mapalapit sa Espiritu ng Panginoon. Naglalaman ito ng mga propesiyang natanggap ng mga taong pinili ng Ama dahil sila ay tapat at matwid. Mula sa aklat na ito nagtatamo tayo ng higit na karunungan tungkol sa ebanghelyo, at nakikita natin na ang Panginoon ay hindi magbabago.
Tinutulungan tayo ng Aklat ni Mormon ngayon dahil ang mga tao noong araw ay dumanas ng mga hirap na maaaring kahalintulad ng mga hirap na dinaranas natin ngayon, mula sa mga problema sa pamilya hanggang sa mga impluwensya ng ibang tao. Ang kanilang mga halimbawa ay nagbibigay sa atin ng lakas at hangaring sumulong nang may pananampalataya at kabutihan nang hindi pinanghihinaan ng loob. Tulad natin, ang mga sinaunang taong iyon ay dumanas ng iba’t ibang pagsubok ngunit nagtagumpay dahil hindi sila nadaig ng kaaway. Nagbibigay ito sa atin ng mas matinding hangarin na manatiling malakas at di-natitinag sa ebanghelyo ni Jesucristo.
Caroline M., São Paulo, Brazil
Naglilingkod Kung Saan Tayo Pinaglilingkod
Bago inilaan ang San Salvador El Salvador Temple, nagdesisyon kami ng aking pamilya na maglingkod sa open house at tulungan ang mga hindi miyembro na malaman ang ebanghelyo ni Jesucristo sa pagbisita nila sa templo. Inatasan akong maging guide at magsalita sa mga tao tungkol sa bawat silid sa templo, sa mga sagradong tipan na ginagawa natin doon, at kung paano nagbabago ang ating buhay kapag tinupad natin ang mga tipang iyon.
Dumating ang oras ko, at sinimulan ko ang aking tour. Halos kalalabas ko lang ng silid nang may humiling ng isa pang guide dahil may bagong dating na isang malaking grupo. Pinabalik ako sa greeting room para salubungin ang isa pang grupong iniatas sa akin.
Pagdating ko sa silid, muli akong inutusang baguhin ang aking tungkulin at magpalabas ng isang video na panonoorin ng mga taong papasok pa lang sa templo. Nalungkot ako na hindi ako nakapagsalita sa mga tao at nakapagkuwento sa kanila tungkol sa templo.
Pagkaraan ng mga kalahating oras, dumating ang isang grupo mula sa Estados Unidos na hindi marunong magsalita ng Espanyol. Ilang boluntaryo ang naghagilap ng isang taong nagsasalita ng Ingles at maaaring maging guide ng grupong ito. Noon ko naunawaan na isinusugo tayo ng Panginoon kung saan Niya tayo kailangan, hindi kung saan natin gustong mapunta. Ako lang ang marunong gumamit ng video at bumati gamit ang wikang Ingles. Natuwa ang mga Amerikano at nang paalis na sila, pinasalamatan nila ako sa mainit na pagtanggap ko sa kanila.
Sa pagtatapos ng araw, nagpasalamat ako sa Panginoon sa pagpapakita sa akin na kapag ginawa natin ang mga bagay sa paraang ipinahiwatig Niya sa atin, masisiyahan tayo sa ating gawain.
Erick A., El Salvador