2015
Kultura ng Pananampalataya sa Guatemala
September 2015


Mga Young Adult Profile

Kultura ng Pananampalataya sa Guatemala

Para kay Merci Arens ang manindigan sa kanyang mga pamantayan ay mas madali kapag sinusuportahan siya ng mga kaibigan na may gayunding mga pamantayan.

Composite of three images.   1) A lake in Guatemala   2) A Guatemalan textile 3) A young woman in Guatemala, Merci Arens.

Larawang inilaan ni Merci Arens; larawan ng tela na kuha ni Steve Burger/iStock/Thinkstock; larawan ng Lake Atitlán na kuha ni Simon Dannhauer/iStock/Thinkstock

Sa loob ng 68 taon mula nang unang ipakilala ang Simbahan sa Guatemala, mabilis na dumami ang mga miyembro. Ang Guatemala ay isang bansang mayaman sa kagubatan at puno ng iba’t ibang kulturang Mayan. Sa kabila ng kagandahan nito, ang Guatemala ay karaniwang kakikitaan ng kahirapan at sigalutan sa pulitika. Gayunman, hindi ibig sabihin ay isang bansa ito na salat sa espirituwalidad. Si Merci Arens, isang 25-taong-gulang na mula sa Guatemala City, ay personal na nadaramang pinagpala siyang mabuhay sa isang bansa kung saan pinahihintulutan at tinatanggap ng nakararami ang iba’t ibang relihiyon. “Ang isa sa mga pangunahing katangian ng kultura ng Guatemala ay ang likas na pagkarelihiyoso namin,” sabi niya. “Ang kultura at ang kapaligiran ay magiliw sa mga panauhin at puno ng sigla.” Gayunpaman, ang paghahanap ng mga kaibigan na kapareho niya ng paniniwala ay hindi madali.

“Ang mga pamantayan ko ay tila kakatwa para sa mga kasama ko sa trabaho at sa paaralan na wala pang alam tungkol sa Mormonismo,” sabi niya. Hindi ito nagpapahina ng loob ni Merci, na binibigyang-diin ang kahalagahan ng pagiging aktibo sa mga tungkulin sa Simbahan at mga aktibidad. “Kapag pumupunta ako sa mga aktibidad na ito, nakakahalubilo ko ang mga taong katulad ko ang mga mithiin at prinsipyo.” Natanto niya na ang pagkakaroon ng mga kaibigang mapagsasabihan ng mga espirituwal na karanasan ay nakatulong sa paglago ng kanyang patotoo. Dahil sa pagkakaibigang ito, nagkaroon din ng di-inaasahang pagpapala si Merci. “Mas naging madali sa akin ang makipagdeyt dahil mga kaibigan ang kadeyt ko. Nakita ko na sila sa iba’t ibang sitwasyon, kaya nakilala ko na sila sa mas natural na paraan.”

Inaamin ni Merci na kung minsan ay parang hirap siyang magdesisyon tungkol sa pag-aasawa, pero, panatag ang kalooban niya na magiging maayos ang lahat at magbubunga ng mabuti. “Umaasa ako na makakita ng mapapangasawa na matutulungan akong mas mapalapit sa Diyos at kasama kong bubuo ng walang hanggang pamilya.”

Sa lahat ng pagpapalang natanggap ni Merci, may isang namumukod-tangi sa kanya: “Namatay ang nanay ko noong 15 anyos ako. Marami akong tanong nang pumanaw siya. Gayunman, ang mga tanong na ito at ang mga sagot kalaunan ay lubusang nakaimpluwensya sa buhay ko.” Sa tapat na panalangin, nakatanggap siya ng kapanatagan na balang-araw ay mayayakap din niya ang kanyang ina tulad ng pagyakap nito sa kanya noong siya ay musmos pa. “Ang katotohanan ng ebanghelyo ang nagbibigay ng liwanag sa buhay ko at sa mga ginagawa ko araw-araw,” sabi niya. “Alam kong malapit ako sa banal na pag-ibig ng Diyos, at nakapagpapasaya iyan sa akin sa lahat ng bagay.”