2015
Pagpupunla ng Binhi sa Araw ng Linggo
September 2015


Pagpupunla ng Binhi sa Araw ng Linggo

Desire Koami Gbedjangni, Togo, West Africa

Illustration depicting a foot tripping over a clump of weeds.

Kaliwa: paglalarawan ni Richard Mia; kanan: paglalarawan ni Allen Garns

Ilang taon na ang nakalipas, bago sumapit ang Pasko ng Pagkabuhay, umulan nang buong linggo. Nagpunta ako sa Benin, West Africa, pero pauwi na ako noon para palipasin ang Pasko ng Pagkabuhay sa Togo. Hindi umulan sa araw ng Sabado, na araw ng dating ko, pero nang gabing iyon nagsimula na namang umulan.

Alam ko na alas-9:00 n.u. ang simula ng simba sa araw ng Linggo, pero dahil magdamag na umulan nang malakas at kadarating ko lang, inisip ko na napakaaga niyon para sa akin.

Naisip ko, “Magpapahuli na lang ako nang kaunti sa simbahan at darating ako nang alas-10:00 n.u.” Pagkatapos ay pinuntahan ko ang kapatid ko. “Sa halip na magsimba tayo nang alas-9:00,” sabi ko sa kanya, “puntahan na lang natin ang kapirasong lupa sa tabi ng bahay ko.”

Pagdating namin, napansin namin na maganda ang lupa at basa ng ulan. Naisip ko, “Linggo ngayon, at alas-10:00 pa naman kami magsisimba. Magtanim kaya kami ng ilang beans bago magsimba?”

Kaya nagtanim kami ng kapatid ko sa kapirasong lupang iyon na mga 65 square feet (6 m2) ang sukat. Pagkatapos ay nagsimba na kami, na huli nang isang oras. Kinabukasan nagpunta kami sa kalapit na bayan kung saan may isa pa akong kapirasong lupa. Nagtanim kami roon ng mais at mas marami pang beans.

Makalipas ang dalawang buwan nang umuwi ako ulit, tiningnan ko ang kapirasong lupang iyon sa tabi ng bahay ko. Walang tumubo roon maliban sa isang maliit na kumpol ng damo na natisuran ko habang naglalakad ako papunta sa bukid. “Oo nga pala,” sabi ko sa sarili ko, “nagtanim nga pala kami ng beans dito noong Linggo ng Pagkabuhay!”

Sa lahat ng binhing ipinunla namin, ang tumubo lang ay isang kumpol ng damo. Gayunman, ang beans at mais na itinanim namin sa ibang lupa noong Lunes pagkaraan ng Pasko ng Pagkabuhay ay lumago nang maayos. Simula noon lahat ng itinanim namin sa kapirasong lupang iyon sa tabi ng bahay ko ay nagsilago na nang normal.

Hindi ko napanatiling banal ang araw ng Sabbath nang Linggong iyon ng Pasko ng Pagkabuhay, at natisod ako sa isang kumpol ng damo para ipaalala sa akin iyon. Mula noon, natandaan ko nang hindi ko puwedeng gawin ang anumang gusto kong gawin sa araw ng Panginoon. Sa halip, lagi kong inaalala na panatilihing banal ang araw ng Sabbath.